Marcos 2:13-17
Magandang Balita Biblia
Ang Pagtawag kay Levi(A)
13 Muling pumunta si Jesus sa baybayin ng Lawa ng Galilea. Sinundan siya roon ng napakaraming tao at sila'y kanyang tinuruan. 14 Habang naglalakad si Jesus ay nakita niyang nakaupo sa tanggapan ng buwis si Levi na anak ni Alfeo. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman si Levi at sumunod nga sa kanya.
15 Nang si Jesus at ang kanyang mga alagad ay kumakain sa bahay ni Levi, kasalo nilang kumakain ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanang sumunod sa kanya. 16 Nang makita ito ng ilang tagapagturo ng Kautusan na kabilang sa pangkat ng mga Pariseo,[a] tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit siya kumakaing kasama ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?”
17 Narinig ito ni Jesus kaya't siya ang sumagot, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. Naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga matuwid.”
Read full chapterFootnotes
- Marcos 2:16 tagapagturo…pangkat ng mga Pariseo: Sa ibang manuskrito'y tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo .
Lucas 5:27-32
Magandang Balita Biblia
Ang Pagtawag kay Levi(A)
27 Pagkatapos nito'y lumabas si Jesus at nakita niya si Levi, isang maniningil ng buwis, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” 28 Tumayo nga si Levi, iniwan ang lahat, at sumunod kay Jesus.
29 Si Jesus ay hinandugan ni Levi ng isang malaking handaan sa kanyang bahay. Kasalo niya roon ang maraming maniningil ng buwis at iba pang mga tao. 30 Kaya't(B) nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga kasamahan nilang tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila sa mga alagad ni Jesus, “Bakit kayo kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?”
31 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. 32 Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan upang sila'y magsisi.”
Read full chapterMagandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.