Marcos 16
Ang Biblia (1978)
16 At (A)nang makaraan ang sabbath, (B)si Maria Magdalena, at si Mariang ina ni Santiago, at (C)si Salome, (D)ay nagsibili ng mga pabango, upang sila'y magsiparoon at siya'y pahiran.
2 At pagkaumagang-umaga nang unang araw ng sanglinggo, ay nagsiparoon sila sa libingan nang sikat na ang araw.
3 At kanilang pinaguusapan, Sino kaya ang ating mapagpapagulong ng bato mula sa pintuan ng libingan?
4 At pagkatingin, ay nakita nilang naigulong na (E)ang bato: sapagka't yao'y totoong malaki.
5 At pagkapasok sa libingan, ay (F)kanilang nakita ang isang binata na nakaupo sa dakong kanan, na nararamtan ng isang damit na maputi; at sila'y nangagitla.
6 At sinabi niya sa kanila, Huwag kayong mangagitla: hinahanap ninyo si Jesus, ang Nazareno, na ipinako sa krus: siya'y nagbangon; wala siya rito: tingnan ninyo ang dakong pinaglagyan nila sa kaniya!
7 Datapuwa't magsiyaon kayo, sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad at kay (G)Pedro, Siya'y nangunguna sa inyo sa Galilea: doon siya makikita, (H)ayon sa sinabi niya sa inyo.
8 At sila'y nagsilabas, at nagsitakas mula sa libingan; sapagka't sila'y nagsipangilabot at nangagitla: (I)at hindi sila nangagsasabi ng anoman sa kanino man; sapagka't sila'y nangatatakot.
9 Nang siya nga'y magbangon nang unang araw ng sanglinggo, ay napakita muna siya kay Maria Magdalena, na sa kaniya'y pitong demonio (J)ang pinalabas niya.
10 Siya'y yumaon at (K)ipinagbigay alam sa mga naging kasamahan ni Jesus, samantalang sila'y nangahahapis at nagsisitangis.
11 At sila, nang kanilang mabalitaan na siya'y nabuhay, at nakita ni Magdalena, ay (L)hindi sila nagsipaniwala.
12 At pagkatapos ng mga bagay na ito ay napakita siya sa ibang anyo (M)sa dalawa sa kanila, nang sila'y nangaglalakad na patungo sa bukid.
13 At sila'y nagsiyaon at ipinagbigay-alam ito sa mga iba: at (N)kahit sa kanila'y hindi rin sila nagsipaniwala.
14 At pagkatapos (O)siya'y napakita sa labingisa samantalang sila'y nangakaupong nagsisikain; at pinagwikaan sila sa kawalan nila ng pananampalataya at katigasan ng puso, (P)sapagka't hindi sila nagsipaniwala sa nangakakita sa kaniya pagkatapos na siya'y magbangon.
15 At sinabi niya sa kanila, (Q)Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal.
16 (R)Ang sumasampalataya at (S)mabautismuhan ay maliligtas; (T)datapuwa't ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.
17 At lalakip ang mga tandang ito sa magsisisampalataya: mangagpapalabas sila ng mga demonio (U)sa aking pangalan; (V)mangagsasalita sila ng mga bagong wika;
18 (W)Sila'y magsisihawak ng mga ahas, at kung magsiinom sila ng bagay na makamamatay, sa anomang paraan ay hindi makasasama sa kanila; (X)ipapatong nila ang kanilang mga kamay (Y)sa mga may-sakit, at sila'y magsisigaling.
19 Ang Panginoong Jesus nga, pagkatapos na sila'y mangakausap niya, ay (Z)tinanggap sa itaas ng langit, at (AA)lumuklok sa kanan ng Dios.
20 At nagsialis sila, at nagsipangaral sa lahat ng dako, na gumagawang kasama nila ang Panginoon, at pinatototohanan ang salita sa pamamagitan ng mga (AB)tandang kalakip. Siya nawa.
Marcos 16
Ang Salita ng Diyos
Si Jesus ay Muling Nabuhay sa mga Patay
16 Pagkalipas ng Sabat, bumili ng pamahid na pabango si Maria na taga-Magdala at si Maria, na ina ni Santiago at si Salome upang pahiran siya.
2 Maagang-maaga sa unang araw ng sanlinggo, pumunta sila sa libingan sa pagsikat ng araw. 3 Sinabi nila sa isa’t isa: Sino ang magpapagulong para sa atin ng bato sa bukana ng libingan?
4 Nang tumingin sila pataas, nakita nila na naigulong na ang bato sapagkat ito ay napakalaki. 5 Nang pumasok sila sa loob ng libingan, nakita nila ang isang binatang nakaupo sa gawing kanan na nakasuot ng puting kasuotan. Dahil dito sila ay lubhang nanggilalas.
6 Sinabi niya sa kanila: Huwag kayong manggilalas. Hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Nagbangon siya! Wala siya rito! Tingnan ninyo ang dakong pinaglagyan sa kaniya. 7 Ngunit humayo kayo at sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad at kay Pedro na mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ay makikita ninyo siya gaya ng sinabi niya sa inyo.
8 Pagkalabas nila sa libingan, nagmamadali silang tumakbo na nanginginig at nanggigilalas at dahil sa takot, wala silang sinabing anuman sa kaninumang tao.
9 Nang si Jesus ay bumangon sa unang araw ng sanlinggo, siya ay unang nagpakita kay Maria na taga-Magdala. Siya ang babaeng na may pitong demonyo na pinalabas ni Jesus. 10 Umalis si Maria at isinalaysay ito sa mga naging kasama ni Jesus na namimighati at tumatangis. 11 Isinalaysay niya na si Jesus ay buhay at kaniyang nakita. Ngunit nang marinig nila ito, hindi nila ito pinaniwalaan.
12 Pagkatapos ng mga bagay na ito, nagpakita si Jesus sa dalawang alagad sa ibang kaanyuan. Siya ay nagpakita habang ang mga ito ay naglalakad patungo sa kanilang bukid. 13 Nang bumalik sila ay isinalaysay nila ito sa mga iba nilang kasama. Hindi rin sila naniwala sa kanila.
Nagpakita si Jesus sa mga Alagad
14 Pagkatapos nito, nagpakita siya sa labing-isang alagad habang sila ay nakadulog sa hapag kainan. Pinagwikaan niya sila sa kanilang kawalan ng pananampalataya at katigasan ng puso. Ito ay sapagkat hindi nila pinaniwalaan ang mga salita ng mga nakakita sa kaniya na muling nabuhay.
15 Sinabi niya sa kanila: Humayo kayo sa buong sanlibutan. Ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha. 16 Ang sinumang sumampalataya at mabawtismuhan ay maliligtas. Ang sinumang hindi sumampalataya ay hahatulan. 17 Sa mga sumasampalataya ay susunod ang mga tandang ito: Palalabasin nila ang mga demonyo sa aking pangalan. Makakapagsalita sila ng mga bagong wika. 18 Makakadampot sila ng mga ahas. Kapag uminom sila ng anumang bagay na nakakamatay, hindi sila mapipinsala niyaon sa anumang paraan. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa may mga karamdaman at bubuti sila.
19 Kaya nga, pagkatapos magsalita ng Panginoon sa kanila, siya ay dinalang paitaas sa langit at umupo sa kanang tabi ng Diyos. 20 Ang mga alagad ay umalis at nangaral kahit saang dako. Ang Panginoon ay kasama nilang gumagawa. Pinagtitibay niya ang kaniyang salita sa pamamagitan ng mga tandang sumusunod dito. Siya nawa!
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Copyright © 1998 by Bibles International
