Marcos 14:3-9
Magandang Balita Biblia
Binuhusan ng Pabango si Jesus(A)
3 Nasa(B) Bethania noon si Jesus, sa bahay ni Simon na may ketong.[a] Habang siya'y kumakain, dumating ang isang babaing may dalang isang sisidlang alabastro na puno ng napakamahal na pabango mula sa katas ng purong nardo. Binasag niya ang sisidlan at ibinuhos ang pabango sa ulo ni Jesus. 4 Nagalit ang ilang naroroon at sila'y nag-usap-usap, “Bakit niya inaksaya ang pabango? 5 Maaaring ipagbili iyon nang mahigit sa tatlong daang salaping pilak at maibigay sa mga dukha ang pinagbilhan!” At pinagalitan nila ang babae.
6 Ngunit sinabi naman ni Jesus, “Bakit ninyo siya ginugulo? Pabayaan ninyo siya! Isang mabuting bagay ang ginawa niyang ito sa akin. 7 Sapagkat(C) habang panaho'y kasama ninyo ang mga dukha, at anumang oras ninyong naisin ay makakagawa kayo sa kanila ng mabuti. Ngunit ako'y hindi ninyo kasama habang panahon. 8 Ginawa niya ang kanyang makakaya; hindi pa ma'y binuhusan na niya ng pabango ang aking katawan bilang paghahanda sa paglilibing sa akin. 9 Tandaan ninyo, saanman sa buong mundo ipangaral ang Magandang Balita, ang ginawa ng babaing ito ay ipahahayag bilang pag-alaala sa kanya.”
Read full chapterFootnotes
- Marcos 14:3 KETONG: Ito'y tumutukoy sa iba't ibang uri ng sakit sa balat.
Juan 12:1-8
Magandang Balita Biblia
Binuhusan ng Pabango ang mga Paa ni Jesus(A)
12 Anim na araw bago sumapit ang Pista ng Paskwa, si Jesus ay nagpunta sa Bethania, kung saan nakatira si Lazaro na kanyang muling binuhay. 2 Isang hapunan ang inihanda roon para sa kanya. Si Lazaro ay isa sa mga kasalo ni Jesus samantalang si Martha naman ay tumutulong sa paglilingkod sa kanila. 3 Kumuha(B) naman si Maria ng isang bote ng mamahaling pabangong galing sa katas ng dalisay na nardo, at ibinuhos sa mga paa ni Jesus. Pagkatapos, pinunasan niya ang mga ito ng kanyang buhok. At napuno ang buong bahay ng halimuyak ng pabango. 4 Ito'y pinuna ni Judas Iscariote, ang alagad na magkakanulo sa kanya. Sinabi niya, 5 “Bakit hindi na lamang ipinagbili ang pabango at ibinigay sa mga dukha ang pinagbilhan? Maaaring umabot sa tatlong daang salaping pilak ang halaga ng pabangong iyan!” 6 Sinabi iyon ni Judas, hindi dahil sa siya'y may malasakit sa mga dukha, kundi dahil sa siya'y magnanakaw. Siya ang tagapagdala ng kanilang salapi, at madalas niyang kinukupitan ito.
7 Ngunit sinabi ni Jesus, “Pabayaan ninyo siya! Hayaan ninyong ilaan niya ito para sa araw ng aking libing. 8 Habang(C) panaho'y kasama ninyo ang mga dukha, ngunit ako'y hindi ninyo kasama habang panahon.”
Read full chapterMagandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.