Marcos 14:27-31
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Sinabi ang Pagkakaila ni Pedro(A)
27 Sinabi (B) ni Jesus sa kanila, “Tatalikod kayong lahat, sapagkat nasusulat, ‘Hahampasin ko ang pastol at pagwawatak-watakin ang mga tupa.’ 28 Ngunit (C) matapos na ako'y maibangon, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” 29 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Talikuran man kayo ng lahat, hindi ko kayo tatalikuran.” 30 Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, “Tinitiyak ko sa iyo na sa gabi ring ito, bago ang ikalawang pagtilaok ng tandang ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.” 31 Ngunit ipinagdiinan ni Pedro, “Mamatay man akong kasama mo, hinding-hindi ko kayo ipagkakaila.” At ganoon din ang sinabi ng lahat.
Read full chapter
Lucas 22:31-34
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Sinabi ni Jesus ang Pagkakaila ni Pedro(A)
31 “Simon, Simon, makinig ka! Hiningi ni Satanas na ligligin kayo gaya ng sa trigo. 32 Ngunit idinalangin kita upang huwag manghina ang iyong pananampalataya; at kapag nagbalik-loob ka na, dapat mong palakasin ang iyong mga kapatid.” 33 Sumagot si Pedro, “Panginoon, handa po akong sumama sa inyo hanggang sa bilangguan o sa kamatayan.” 34 Ngunit sinabi ni Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, Pedro, sa araw na ito, bago pa tumilaok ang tandang, tatlong ulit mo na akong naipagkaila.”
Read full chapter
Juan 13:36-38
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
36 Sinabi ni Simon Pedro sa kanya, “Panginoon, saan kayo pupunta?” Sumagot si Jesus, “Kung saan ako pupunta, hindi ka makasusunod sa ngayon; subalit makasusunod ka pagkatapos.” 37 Sinabi ni Pedro sa kanya, “Panginoon, bakit hindi ako makasusunod sa inyo ngayon? Ibibigay ko ang buhay ko para sa iyo.” 38 Sumagot si Jesus, “Ibibigay mo nga ba ang buhay mo para sa akin? Tinitiyak ko sa iyo, titilaok lamang ang tandang pagkatapos mo akong ipagkaila ng tatlong beses.
Read full chapterAng Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.