Marcos 14:27-31
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Sinabi ni Jesus na Ikakaila Siya ni Pedro(A)
27 Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Iiwan ninyo akong lahat, dahil sinabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magsisipangalat ang mga tupa.’[a] 28 Ngunit pagkatapos na ako ay muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” 29 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Kahit iwanan po kayo ng lahat, hindi ko kayo iiwan.” 30 Sinagot siya ni Jesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, bago tumilaok ang manok nang pangalawang beses ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” 31 Pero iginiit pa rin ni Pedro, “Hinding-hindi ko kayo ikakaila, kahit na patayin pa akong kasama ninyo.” At ganoon din ang sinabi ng iba pa niyang kasamahan.
Read full chapterFootnotes
- 14:27 Zac. 13:7.
Lucas 22:31-34
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Sinabi ni Jesus na Ikakaila Siya ni Pedro(A)
31 Sinabi ni Jesus kay Pedro. “Simon, makinig kang mabuti! Humingi ng pahintulot si Satanas sa Dios na subukin niya kayong lahat tulad ng pag-aalis ng ipa sa mga trigo. 32 Ngunit nanalangin ako para sa iyo, na huwag manghina ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, palalakasin mo ang pananampalataya ng iyong mga kapatid.” 33 Sumagot si Simon, “Panginoon, handa po akong mabilanggo o mamatay na kasama ninyo.” 34 Pero sinabi sa kanya ni Jesus, “Pedro, tandaan mo, bago tumilaok ang manok ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.”
Read full chapter
Juan 13:36-38
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Sinabi ni Jesus na Ikakaila Siya ni Pedro(A)
36 Nagtanong si Simon Pedro kay Jesus, “Panginoon, saan po kayo pupunta?” Sumagot si Jesus, “Sa ngayon ay hindi ka makakasama sa pupuntahan ko, pero susunod ka rin doon balang araw.” 37 Nagtanong pa si Pedro, “Panginoon, bakit hindi ako maaaring sumama sa inyo ngayon? Handa naman akong mamatay para sa inyo.” 38 Sumagot si Jesus, “Talaga bang handa kang mamatay para sa akin? Sinasabi ko sa iyo ang totoo, bago tumilaok ang manok, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.”
Read full chapterAng Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®