Marcos 13:3-13
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Mga Paghihirap at Pag-uusig na Darating(A)
3 Habang nakaupo si Jesus sa isang lugar sa Bundok ng mga Olibo na nakaharap sa templo, tinanong siya nang sarilinan nina Pedro, Santiago, Juan at Andres, 4 “Sabihin ninyo sa amin kung kailan mangyayari ang sinabi ninyo? At ano ang mga palatandaan kung malapit nang mangyari ang lahat ng ito?”
5 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo at huwag palilinlang kaninuman. 6 Sapagkat marami ang darating at magsasabi na sila ang Cristo,[a] at marami ang ililigaw nila. 7 Kapag nakarinig kayo ng mga digmaan malapit sa inyo, at nakabalitang may digmaan din sa malayo, huwag kayong matakot. Kinakailangang mangyari ang mga iyan, ngunit hindi pa ito ang katapusan. 8 Sapagkat magdidigmaan ang mga bansa at mga kaharian. Lilindol sa ibaʼt ibang lugar at magkakaroon ng taggutom. Ang mga itoʼy pasimula pa lang ng mga paghihirap na darating.
9 “Mag-ingat kayo dahil dadakpin kayo at dadalhin sa hukuman, at hahagupitin kayo sa sambahan ng mga Judio. Iimbestigahan kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Magiging pagkakataon nʼyo ito upang magpatotoo sa kanila tungkol sa akin. 10 Dapat munang maipangaral ang Magandang Balita sa lahat ng bansa, bago dumating ang katapusan. 11 Kapag dinakip kayo at iniharap sa hukuman, huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo. Bastaʼt sabihin ninyo ang ipinapasabi ng Banal na Espiritu sa oras na iyon. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ninyo. 12 Sa panahong iyon, may mga taong ipagkakanulo ang kanilang kapatid para patayin. Ganoon din ang mga ama sa kanilang mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga magulang. 13 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ay maliligtas.”
Read full chapterFootnotes
- 13:6 at magsasabi na sila ang Cristo: sa literal, sa pangalan ko na nagsasabi, “Ako nga.”
Lucas 21:7-19
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Mga Paghihirap at Pag-uusig na Darating(A)
7 Tinanong nila si Jesus, “Guro, kailan po mangyayari ang sinabi ninyo? At ano ang mga palatandaan kung malapit nang mangyari iyon?”
8 Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo na hindi kayo malinlang ninuman. Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan at sasabihin nilang sila ang Cristo, at sasabihin din nilang dumating na ang panahon. Huwag kayong maniniwala sa kanila. 9 At kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga himagsikan, huwag kayong matakot. Kinakailangang mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa kaagad darating ang katapusan.”
10 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Magdidigmaan ang mga bansa at mga kaharian. 11 Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa ibaʼt ibang lugar. At makakakita kayo ng mga nakakatakot at nakakamanghang palatandaan mula sa langit.
12 “Ngunit bago mangyari ang lahat ng iyan ay uusigin muna kayo at dadakpin ng mga tao. Dadalhin nila kayo sa mga sambahan ng mga Judio upang akusahan at ipabilanggo. Iimbestigahan kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador dahil sa pagsunod ninyo sa akin. 13 Magiging pagkakataon nʼyo ito upang magpatotoo sa kanila tungkol sa akin. 14 Kaya itanim ninyo sa inyong isip na hindi kayo dapat mabalisa kung ano ang inyong isasagot. 15 Sapagkat bibigyan ko kayo ng karunungan sa pagsagot para hindi makaimik ang inyong mga kalaban. 16 Ibibigay kayo sa inyong mga kaaway ng sarili ninyong mga magulang, kapatid, kamag-anak at mga kaibigan, at ipapapatay nila ang ilan sa inyo. 17 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod ninyo sa akin. 18 Ngunit hindi kayo mapapahamak.[a] 19 At kung magpapakatatag kayo, magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan.
Read full chapterFootnotes
- 21:18 sa literal, Hindi malalagas kahit isang buhok ng inyong ulo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®