Add parallel Print Page Options

Ang Talinghaga tungkol sa Masasamang Magsasaka(A)

12 Nangaral si Jesus sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Pinabakuran niya iyon at nagpagawa siya ng pisaan ng ubas. Nagtayo rin siya ng isang bantayang tore. At pagkatapos ay pinaupahan niya ang kanyang ubasan sa mga magsasaka at pumunta siya sa malayong lugar. Nang panahon na ng pamimitas ng ubas, pinapunta niya ang isang alipin sa mga magsasakang umuupa ng kanyang ubasan para kunin ang parte niya. Pero sinunggaban ng mga magsasaka ang alipin at binugbog, at pinaalis nang walang dala. Nagsugo ulit ang may-ari ng isa pang alipin, pero ipinahiya nila ito at hinampas sa ulo. Muli pang nagsugo ang may-ari ng isa pang alipin, pero pinatay nila ito. Marami pang isinugo ang may-ari, pero ang ibaʼy binugbog din at ang ibaʼy pinatay. Sa bandang huli, wala na siyang maisugo. Kaya isinugo niya ang pinakamamahal niyang anak. Sapagkat iniisip niyang igagalang nila ang kanyang anak. Pero nang makita ng mga magsasaka ang kanyang anak, sinabi nila, ‘Narito na ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya para mapasaatin na ang lupang mamanahin niya.’ Kaya sinunggaban nila ang anak, pinatay at itinapon sa labas ng ubasan.”

Pagkatapos, nagtanong si Jesus, “Ano kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Tiyak na pupuntahan niya ang mga magsasaka at papatayin. Pagkatapos, pauupahan niya sa iba ang kanyang ubasan. 10 Hindi nʼyo ba nabasa ang talatang ito sa Kasulatan?

‘Ang batong tinanggihan ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong pundasyon.[a]
11 Gawa ito ng Panginoon
    at kahanga-hanga ito sa atin!’ ”[b]

12 Alam ng mga pinuno ng mga Judio na sila ang pinatatamaan ni Jesus sa talinghaga na iyon. Kaya gusto nilang dakpin si Jesus, pero natatakot sila sa mga tao. Kaya pinabayaan na lang nila si Jesus, at umalis sila.

Ang Tanong tungkol sa Pagbabayad ng Buwis(B)

13 Pinapunta ng mga pinuno ng mga Judio kay Jesus ang ilang Pariseo at ilang tauhan ni Herodes upang subaybayan ang mga sinasabi niya para may maiparatang sila laban sa kanya. 14 Kaya lumapit sila kay Jesus at nagtanong, “Guro, alam po naming totoo ang mga sinasabi nʼyo, at wala kayong pinapaboran. Sapagkat hindi kayo tumitingin sa katayuan ng tao, kundi kung ano ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Dios ang siyang itinuturo ninyo. Ngayon, tama po ba na tayong mga Judio ay magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma?[c] Dapat po ba tayong magbayad o hindi?” 15 Pero alam ni Jesus na nagkukunwari sila, kaya sinabi niya, “Bakit ninyo ako sinusubukang hulihin sa tanong na iyan? Magdala nga kayo rito ng pera[d] at titingnan ko.” 16 Dinalhan nga nila ng pera si Jesus. Nagtanong si Jesus, “Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit sa pera?” Sumagot sila, “Sa Emperador.” 17 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Dios ang para sa Dios.” Namangha sila sa kanyang sagot.

Ang Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(C)

18 May mga Saduceo na lumapit kay Jesus at nagtanong. (Ang mga taong ito ay hindi naniniwala sa muling pagkabuhay.) 19 Sinabi nila, “Guro, ayon po sa batas na isinulat ni Moises, kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa kanyang asawa, dapat ay pakasalan ng kapatid niyang lalaki ang naiwan niyang asawa, para magkaanak sila para sa kanya.[e] 20 Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. 21 Kaya ang biyuda ay napangasawa ng ikalawang kapatid. Pero namatay din siya nang wala silang anak. Ganoon din ang nangyari sa ikatlo 22 hanggang sa ikapitong kapatid. Namatay silang lahat nang walang anak sa babae. At sa huli, namatay din ang babae. 23 Ngayon, sa araw ng muling pagkabuhay ng mga patay, sino po sa pito ang magiging asawa ng babaeng iyon dahil napangasawa niya silang lahat?”

24 Sumagot si Jesus, “Maling-mali kayo, dahil hindi ninyo nauunawaan ang Kasulatan at ang kapangyarihan ng Dios. 25 Sapagkat sa muling pagkabuhay ay wala nang pag-aasawa. Magiging tulad sila ng mga anghel sa langit. 26 Tungkol naman sa muling pagkabuhay, hindi nʼyo ba nabasa ang isinulat ni Moises? Noong naroon siya sa may nagliliyab na mababang punongkahoy, sinabi sa kanya ng Dios, ‘Ako ang Dios nila Abraham, Isaac, at Jacob.’ 27 Hindi siya Dios ng mga patay kundi ng mga buhay. Kaya maling-mali kayo!”

Ang Pinakamahalagang Utos(D)

28 May isang tagapagturo ng Kautusan doon na nakikinig ng pagtatalo nila. Napakinggan niyang mahusay ang sagot ni Jesus, kaya lumapit siya at nagtanong din, “Ano po ba ang pinakamahalagang utos?” 29 Sumagot si Jesus, “Ito ang pinakamahalagang utos: ‘Pakinggan ninyo mga taga-Israel! Ang Panginoon na ating Dios ang natatanging Panginoon. 30 Kaya mahalin mo ang Panginoon mong Dios nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas!’[f] 31 At ang pangalawa ay ito: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.’[g] Wala nang ibang utos na higit pang mahalaga kaysa sa dalawang ito.” 32 Sinabi ng tagapagturo ng Kautusan, “Tama po kayo, Guro! Totoo ang sinabi ninyo na iisa lang ang Dios at wala nang iba. 33 At kailangang mahalin siya nang buong puso, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas. At kailangan ding mahalin ang kapwa tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili. Higit na mahalaga ito kaysa sa lahat ng uri ng handog na sinusunog at iba pang mga handog.” 34 Nang marinig ni Jesus na may katuturan ang mga sagot nito, sinabi niya rito, “Malapit ka nang mapabilang sa kaharian ng Dios.” Mula noon, wala nang nangahas na magtanong kay Jesus.

Ang Tanong tungkol sa Cristo(E)

35 Nang minsang nangangaral si Jesus sa templo, tinanong niya ang mga tao, “Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na ang Cristo raw ay lahi lang ni David? 36 Samantalang si David na mismo na pinatnubayan ng Banal na Espiritu ang nagsabing,

    ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
    Maupo ka sa kanan ko
    hanggang sa mapasuko ko sa iyo ang iyong mga kaaway!’[h]

37 Ngayon, kung tinawag siya ni David na Panginoon, paano siyang naging lahi lang ni David?” Wiling-wili sa pakikinig ang mga tao kay Jesus.

Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(F)

38 Sinabi pa ni Jesus sa kanyang pagtuturo, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan. Mahilig silang mamasyal na nakasuot ng espesyal na damit.[i] At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa mga mataong lugar.[j] 39 Mahilig silang maupo sa mga upuang pandangal sa mga sambahan at mga handaan. 40 Dinadaya nila ang mga biyuda para makuha ang mga ari-arian ng mga ito, at pinagtatakpan nila ang mga ginagawa nila sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal! Ang mga taong itoʼy tatanggap ng mas mabigat na parusa.”

Ang Kaloob ng Biyuda(G)

41 Umupo si Jesus malapit sa pinaglalagyan ng mga kaloob doon sa templo at pinagmamasdan ang mga taong naghuhulog ng pera. Maraming mayayamang naghulog ng malalaking halaga. 42 May lumapit doon na isang mahirap na biyuda at naghulog ng dalawang pirasong barya. 43 Tinawag ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, mas malaki ang ibinigay ng biyudang iyon kaysa sa lahat ng nagbigay. 44 Sapagkat silang lahat ay nagbigay lang ng sumobrang pera nila. Pero ang biyuda ay nagbigay sa kabila ng kanyang kahirapan. Ibinigay niya ang lahat ng kanyang ikinabubuhay.”

Footnotes

  1. 12:10 batong pundasyon: sa literal, batong panulukan.
  2. 12:11 Salmo 118:22-23.
  3. 12:14 Emperador ng Roma: sa literal, Cesar.
  4. 12:15 pera: sa literal, denarius, na pera ng mga Romano.
  5. 12:19 Deu. 25:5.
  6. 12:30 Deu. 6:4-5.
  7. 12:31 Lev. 19:18.
  8. 12:36 Salmo 110:1.
  9. 12:38 espesyal na damit: sa literal, mahabang damit.
  10. 12:38 mga mataong lugar: sa literal, mga palengke.