Add parallel Print Page Options

Ang Pinakamahalagang Utos(A)

28 May isang tagapagturo ng Kautusan doon na nakikinig ng pagtatalo nila. Napakinggan niyang mahusay ang sagot ni Jesus, kaya lumapit siya at nagtanong din, “Ano po ba ang pinakamahalagang utos?” 29 Sumagot si Jesus, “Ito ang pinakamahalagang utos: ‘Pakinggan ninyo mga taga-Israel! Ang Panginoon na ating Dios ang natatanging Panginoon. 30 Kaya mahalin mo ang Panginoon mong Dios nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas!’[a] 31 At ang pangalawa ay ito: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.’[b] Wala nang ibang utos na higit pang mahalaga kaysa sa dalawang ito.” 32 Sinabi ng tagapagturo ng Kautusan, “Tama po kayo, Guro! Totoo ang sinabi ninyo na iisa lang ang Dios at wala nang iba. 33 At kailangang mahalin siya nang buong puso, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas. At kailangan ding mahalin ang kapwa tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili. Higit na mahalaga ito kaysa sa lahat ng uri ng handog na sinusunog at iba pang mga handog.” 34 Nang marinig ni Jesus na may katuturan ang mga sagot nito, sinabi niya rito, “Malapit ka nang mapabilang sa kaharian ng Dios.” Mula noon, wala nang nangahas na magtanong kay Jesus.

Ang Tanong tungkol sa Cristo(B)

35 Nang minsang nangangaral si Jesus sa templo, tinanong niya ang mga tao, “Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na ang Cristo raw ay lahi lang ni David? 36 Samantalang si David na mismo na pinatnubayan ng Banal na Espiritu ang nagsabing,

    ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
    Maupo ka sa kanan ko
    hanggang sa mapasuko ko sa iyo ang iyong mga kaaway!’[c]

37 Ngayon, kung tinawag siya ni David na Panginoon, paano siyang naging lahi lang ni David?” Wiling-wili sa pakikinig ang mga tao kay Jesus.

Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(C)

38 Sinabi pa ni Jesus sa kanyang pagtuturo, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan. Mahilig silang mamasyal na nakasuot ng espesyal na damit.[d] At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa mga mataong lugar.[e] 39 Mahilig silang maupo sa mga upuang pandangal sa mga sambahan at mga handaan. 40 Dinadaya nila ang mga biyuda para makuha ang mga ari-arian ng mga ito, at pinagtatakpan nila ang mga ginagawa nila sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal! Ang mga taong itoʼy tatanggap ng mas mabigat na parusa.”

Ang Kaloob ng Biyuda(D)

41 Umupo si Jesus malapit sa pinaglalagyan ng mga kaloob doon sa templo at pinagmamasdan ang mga taong naghuhulog ng pera. Maraming mayayamang naghulog ng malalaking halaga. 42 May lumapit doon na isang mahirap na biyuda at naghulog ng dalawang pirasong barya. 43 Tinawag ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, mas malaki ang ibinigay ng biyudang iyon kaysa sa lahat ng nagbigay. 44 Sapagkat silang lahat ay nagbigay lang ng sumobrang pera nila. Pero ang biyuda ay nagbigay sa kabila ng kanyang kahirapan. Ibinigay niya ang lahat ng kanyang ikinabubuhay.”

Read full chapter

Footnotes

  1. 12:30 Deu. 6:4-5.
  2. 12:31 Lev. 19:18.
  3. 12:36 Salmo 110:1.
  4. 12:38 espesyal na damit: sa literal, mahabang damit.
  5. 12:38 mga mataong lugar: sa literal, mga palengke.