Add parallel Print Page Options

Pinagaling ni Jesus ang Bulag na si Bartimeus(A)

46 Dumating sina Jesus sa Jerico. At nang paalis na siya roon kasama ang mga tagasunod niya at marami pang iba, nadaanan nila ang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siyaʼy si Bartimeus na anak ni Timeus. 47 Nang marinig niyang dumadaan si Jesus na taga-Nazaret, sumigaw siya, “Jesus, Anak ni David,[a] maawa po kayo sa akin!” 48 Pinagsabihan siya ng marami na tumahimik. Pero lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, “Anak ni David, maawa po kayo sa akin!” 49 Tumigil si Jesus at sinabi, “Tawagin ninyo siya.” Kaya tinawag nila si Bartimeus at sinabi, “Lakasan mo ang loob mo. Tumayo ka, dahil ipinapatawag ka ni Jesus.” 50 Itinapon ni Bartimeus ang balabal niya at dali-daling lumapit kay Jesus. 51 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang gusto mong gawin ko sa iyo?” Sumagot ang bulag, “Guro, gusto ko pong makakita.” 52 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Umuwi ka na; pinagaling[b] ka ng iyong pananampalataya.” Nakakita siya agad, at sumunod siya kay Jesus sa daan.

Read full chapter

Footnotes

  1. 10:47 Anak ni David: Ito ang tawag ng mga Judio sa Mesias o Cristo dahil sa paniniwalang siyaʼy mula sa angkan ni David.
  2. 10:52 pinagaling: o, iniligtas.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Bulag(A)

35 Nang malapit na sina Jesus sa Jerico, may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. 36 Nang marinig niya ang maraming taong nagdaraan, nagtanong siya kung ano ang nangyayari. 37 Sinabi sa kanya ng mga tao, “Dumadaan si Jesus na taga-Nazaret.” 38 Sumigaw ang bulag, “Jesus, Anak ni David,[a] maawa po kayo sa akin!” 39 Sinaway siya ng mga taong nasa unahan, pero lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, “Anak ni David, maawa po kayo sa akin!” 40 Tumigil si Jesus at iniutos na dalhin sa kanya ang bulag. Nang makalapit ang bulag, tinanong niya ito, 41 “Ano ang gusto mong gawin ko sa iyo?” Sumagot ang bulag, “Panginoon, gusto ko pong makakita!” 42 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Makakita ka na! Pinagaling[b] ka ng iyong pananampalataya.” 43 Nakakita siya agad, at sumunod siya kay Jesus nang nagpupuri sa Dios. Nang makita ng mga tao ang nangyari, nagpuri rin sila sa Dios.

Read full chapter

Footnotes

  1. 18:38 Anak ni David: Ito ang tawag ng mga Judio sa Mesias o Cristo dahil sa paniniwalang mula siya sa angkan ni David.
  2. 18:42 Pinagaling: o, Iniligtas.