Mangangaral 2:1-11
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Kasayahan ay Walang Kabuluhan
2 Sinubukan kong magpakasaya sa mga layaw ng buhay. Pero nakita kong wala rin itong kabuluhan. 2 Kamangmangan ang sobrang pagtawa at ang pagpapakasaya ay wala ring kabuluhan. 3 Sinubukan kong magpakasaya sa pag-inom ng alak. Kahit na marunong ako, sinubukan kong gumawa ng kamangmangan. Naisip ko lang na baka iyon ang pinakamabuting gawin ng tao sa maikling buhay niya dito sa mundo.
4 Gumawa ako ng mga dakilang bagay: Nagpagawa ako ng mga bahay at nagtanim ng mga ubas. 5 Nagpagawa ako ng mga taniman at pinataniman ko ito ng sari-saring puno na namumunga. 6 Nagpagawa ako ng mga imbakan ng tubig para patubigan ang mga pananim. 7 Bumili ako ng mga lalaki at babaeng alipin, at may mga alipin din ako na ipinanganak sa aking bahay. At ako ang may pinakamaraming kawan ng hayop sa lahat ng naging mamamayan ng Jerusalem. 8 Nakaipon ako ng napakaraming ginto, pilak at iba pang mga kayamanang galing sa mga hari at mga lugar na aking nasasakupan. Marami akong mang-aawit, lalaki man o babae at marami rin akong mga asawa[a] – ang kaligayahan ng isang lalaki. 9 Ako ang pinakamayaman at pinakamarunong na taong nabuhay sa buong Jerusalem.
10 Nakukuha ko ang lahat ng magustuhan ko. Ginawa ko ang lahat ng inakala kong makapagpapaligaya sa akin. Nasiyahan ako sa lahat ng pinaghirapan ko. Ito ang gantimpala sa lahat ng pagsusumikap ko. 11 Pero nang isipin kong mabuti ang lahat ng ginawa at pinaghirapan ko, naisip ko na walang kabuluhan ang lahat ng pinagsikapan ko rito sa mundo.
Read full chapterFootnotes
- 2:8 mga asawa: Hindi malinaw ang ibig sabihin nito sa Hebreo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®