Mangangaral 10
Magandang Balita Biblia
10 Ang isang boteng pabango ay mapababaho ng isang patay na langaw. Ang bahagyang kamangmangan ay nakakasira sa karunungan at karangalan.
2 Ang matalino'y inaakay ng kanyang isipan tungo sa kabutihan. Ngunit ang mangmang ay hinihila ng kanyang damdamin tungo sa kasamaan. 3 Maging sa paglalakad ng mangmang ay nahahalata ang kanyang kahangalan. Nakikilala ng lahat na siya ay mangmang.
4 Kung ang pinuno mo'y magalit sa iyo, huwag kang magbibitiw sa iyong tungkulin, sapagkat maging ang malaking pagkakamali ay mapapatawad kung ikaw ay magiging mahinahon.
5 Ito pa ang isang di-makatuwirang nangyayari sa buong mundo, na may kinalaman sa pamumuno: 6 Ang mga mangmang ay inilalagay sa matataas na tungkulin ngunit ang mayaman ay sa mababang uri ng gawain. 7 Nakakita ako ng mga aliping nakasakay sa kabayo samantalang ang mga pinuno ay naglalakad.
8 Ang(A) nag-uumang ng bitag ay siya ring mahuhuli roon; ang lumulusot sa mga pader ay matutuklaw ng ahas. 9 Ang nagtitibag ng bato ay malamang na mabagsakan nito. Ang nagpuputol ng troso ay nanganganib na madaganan niyon. 10 Ang palakol ay pumupurol kapag hindi hinahasa. Ang mahusay na plano ay nakakatulong nang malaki sa pagtatagumpay. 11 Walang kabuluhan ang kapangyarihan ng nagpapaamo ng ahas kung hindi gagamitin sa pagsaway nito. 12 Ang mga salita ng matalino ay nag-aani ng karangalan, ngunit napapahamak ang mangmang dahil sa kanyang mga salita. 13 Ang pangungusap ng mangmang ay nag-uumpisa sa kamangmangan, hanggang matapos, ito pa ri'y kamangmangan. 14 Ang mangmang ay walang tigil sa pagyayabang. Ngunit sinong makakapagsabi ng susunod na pangyayari at ng magaganap kapag siya ay patay na?
15 Ang pagpapagod ng mangmang ang nagpapahina sa kanya, at hindi man lamang niya alam ang daan papunta sa bayan niya.
16 Kawawa ang lupain na ang hari'y isip bata, at ang mga pinuno'y mahilig sa handaan. 17 Ngunit mapalad ang lupain na may haring matino at may mga pinunong nakakaalam kung kailan dapat magdiwang.
18 Kung pabaya ang may-ari, ang bubong ay masisira; kung siya ay tamad, mawawasak ang buong bahay.
19 Ang pagkain ay nagdudulot ng kasiyahan, at nagpapasaya sa buhay ang inumin. Ito'y mabibiling lahat ng salapi.
20 Ni sa isip ay huwag susumpain ang inyong hari, ni sa pag-iisa'y huwag hamakin ang mayayaman pagkat may pakpak ang balita at may tainga ang lupa.
Eclesiastes 10
Ang Biblia, 2001
Sari-saring Kasabihan
10 Ang mga patay na langaw ay nagpapabaho sa pamahid ng manggagawa ng pabango;
gayon ang munting kahangalan ay sumisira ng karunungan at karangalan.
2 Ang puso ng taong matalino ay humihila sa kanya tungo sa kanan,
ngunit ang puso ng hangal ay tungo sa kaliwa.
3 Maging kapag ang hangal ay lumalakad sa daan, sa katinuan siya ay kulang,
at kanyang sinasabi sa bawat isa, na siya'y isang hangal.
4 Kung ang galit ng pinuno ay bumangon laban sa iyo, huwag kang umalis sa iyong kinalalagyan,
sapagkat ang pagiging mahinahon ay makapagtutuwid sa malalaking kamalian.
5 May isang kasamaan na nakita ko sa ilalim ng araw na tila kamalian na nanggagaling sa pinuno:
6 ang kahangalan ay nakaupo sa maraming matataas na lugar, at ang mayaman ay umuupo sa mababang dako.
7 Nakakita ako ng mga alipin na nakasakay sa mga kabayo, at ng mga pinuno na lumalakad sa lupa na gaya ng mga alipin.
8 Siyang(A) humuhukay ng balon ay mahuhulog doon;
at ang lumulusot sa pader ay kakagatin ng ulupong.
9 Ang tumatabas ng mga bato ay masasaktan niyon;
at ang nagsisibak ng kahoy ay nanganganib doon.
10 Kung ang bakal ay pumurol, at hindi ihasa ninuman ang talim,
dapat nga siyang gumamit ng higit na lakas;
ngunit ang karunungan ay tumutulong upang ang isang tao'y magtagumpay.
11 Kung ang ahas ay kumagat bago mapaamo,
wala ngang kapakinabangan sa nagpapaamo.
12 Ang mga salita ng bibig ng matalino ay magbibigay sa kanya ng pakinabang;
ngunit ang mga labi ng hangal ang uubos sa sarili niya.
13 Ang pasimula ng mga salita ng kanyang bibig ay kahangalan,
at ang wakas ng kanyang salita ay makamandag na kaululan.
14 Sa mga salita, ang hangal ay nagpaparami,
bagaman walang taong nakakaalam kung ano ang mangyayari;
at pagkamatay niya ay sinong makapagsasabi sa kanya ng mangyayari?
15 Ang gawa ng hangal ay nagpapahirap sa kanya,
kaya't hindi niya nalalaman ang daan patungo sa lunsod.
16 Kahabag-habag ka, O lupain, kapag ang iyong hari ay isang bata,
at ang iyong mga pinuno ay nagpipista sa umaga!
17 Mapalad ka, O lupain, kung ang iyong hari ay anak ng mga malalayang tao,
at ang iyong mga pinuno ay nagpipista sa kaukulang panahon
para sa ikalalakas, at hindi sa paglalasing!
18 Sa katamaran ay bumabagsak ang bubungan;
at sa di pagkilos ay tumutulo ang bahay.
19 Ang tinapay ay ginagawa sa paghalakhak,
at ang alak ay nagpapasaya sa buhay:
at ang salapi ay sumasagot sa lahat ng mga bagay.
20 Huwag mong sumpain ang hari kahit sa iyong isipan;
at huwag mong sumpain ang mayaman kahit sa iyong silid tulugan;
sapagkat isang ibon sa himpapawid ang magdadala ng iyong tinig,
at ilang nilalang na may pakpak ang magsasabi ng bagay.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.