Add parallel Print Page Options

Darating ang Araw ng Panginoon

“Sapagkat narito, ang araw ay dumarating na gaya ng nagniningas na pugon, na ang lahat ng palalo at lahat ng gumagawa ng masama ay magiging parang ipa, at ang araw na dumarating ang susunog sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, anupa't hindi mag-iiwan sa kanila ng ugat ni sanga man.

Ngunit sa inyo na natatakot sa aking pangalan ay sisikat ang araw ng katuwiran, na may pagpapagaling sa kanyang mga pakpak. Kayo'y lalabas at luluksong parang mga guya mula sa silungan.

Inyong yayapakan ang masasama sapagkat sila'y magiging abo sa ilalim ng mga talampakan ng inyong mga paa sa araw na aking inihahanda, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

“Alalahanin ninyo ang kautusan ni Moises na aking lingkod, ang mga tuntunin at batas na aking iniutos sa kanya sa Horeb para sa buong Israel.

“Narito,(A) susuguin ko sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakilakilabot na araw ng Panginoon.

Kanyang ibabaling ang puso ng mga magulang sa kanilang mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang; upang hindi ako dumating at saktan ang lupain ng isang sumpa.”[a]

Footnotes

  1. Malakias 4:6 o isang sumpa ng lubusang pagkawasak .

Ang Araw ng Pagpaparusa ng Panginoon

Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Tiyak na darating ang araw ng aking pagpaparusa. Magiging tulad ito ng nagliliyab na pugon. Parurusahan kong gaya ng pagsunog sa dayami ang lahat ng mayayabang at ang gumagawa ng masama. Magiging tulad sila ng sinunog na kahoy na walang natirang sanga o ugat. Pero kayong may paggalang sa akin ay ililigtas ko gaya ng pagsikat ng araw[a] na ang sinag nito ay nagbibigay ng kabutihan. At lulundag kayo sa tuwa, na parang mga guyang pinakawalan sa kulungan. Pagdating ng araw na isakatuparan ko na ang mga bagay na ito, lilipulin ninyo ang masasama na parang alikabok na tinatapakan.

“Sundin ninyo[b] ang Kautusang ibinigay ng aking lingkod na si Moises. Ang mga utos at mga tuntuning iyan ay ibinigay ko sa kanya doon sa Bundok ng Sinai[c] upang sundin ng lahat ng mamamayan ng Israel.

“Makinig kayo! Bago dumating ang nakakapangilabot na araw ng aking pagpaparusa, isusugo ko sa inyo si Propeta Elias. Ibabalik niya ang magandang relasyon ng mga magulang at mga anak, upang pagdating ko ay hindi ko na isusumpa ang inyong bayan.”

Footnotes

  1. 4:2 ililigtas … araw: sa literal, sisikatan ng araw ng katuwiran.
  2. 4:4 Sundin ninyo: sa literal, Alalahanin ninyo.
  3. 4:4 Bundok ng Sinai: sa Hebreo, Horeb.
'Malakias 4 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.