Malakias 3
Ang Biblia, 2001
Ang Pagdating ng Sugo ng Panginoon
3 “Narito,(A) sinusugo ko ang aking sugo upang ihanda ang daan sa unahan ko; at ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo! Ang sugo ng tipan na inyong kinalulugdan ay narito, dumarating,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
2 Ngunit(B) sino ang makakatagal sa araw ng kanyang pagdating, at sino ang makakatayo kapag siya'y nagpakita? Sapagkat siya'y tulad sa apoy ng tagapagdalisay at tulad sa sabon ng mga tagapagpaputi.
3 Siya'y uupong gaya ng nagpapakintab at nagpapadalisay ng pilak, at kanyang dadalisayin ang mga anak ni Levi, at kanyang lilinising tulad sa ginto at pilak hanggang sila'y maghandog ng matutuwid na handog sa Panginoon.
4 Kung magkagayo'y ang handog ng Juda at ng Jerusalem ay magiging kalugud-lugod sa Panginoon, gaya ng mga unang araw, at gaya ng mga taong nakalipas.
5 “Aking lalapitan kayo sa kahatulan; ako'y magiging mabilis sa pagsaksi laban sa mga mangkukulam, laban sa mga nakikiapid, laban sa mga nanunumpa ng kasinungalingan, at laban sa mga umaapi sa upahang manggagawa sa kanyang sahod, sa babaing balo at sa ulila, at laban sa nagtataboy sa dayuhan, at hindi natatakot sa akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
Ang Hindi Pagbibigay ng Ikasampung Bahagi
6 “Sapagkat akong Panginoon ay hindi nagbabago, kaya't kayo, O mga anak ni Jacob ay hindi napapahamak.
7 Mula sa mga araw ng inyong mga ninuno, kayo'y lumihis sa aking mga tuntunin, at hindi ninyo tinupad ang mga iyon. Manumbalik kayo sa akin, at ako'y manunumbalik sa inyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Ngunit inyong sinasabi, ‘Paano kami manunumbalik?’
8 Nanakawan ba ng tao ang Diyos? Gayunma'y ninanakawan ninyo ako. Ngunit inyong sinasabi, ‘Paano ka namin ninanakawan?’ Sa mga ikasampung bahagi at sa mga handog.
9 Kayo'y isinumpa ng isang sumpa, sapagkat ninanakawan ninyo ako—ng inyong buong bansa!
10 Dalhin(C) ninyo ang buong ikasampung bahagi sa kamalig upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay, at sa gayo'y subukin ninyo ako ngayon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Tingnan ninyo kung hindi ko bubuksan para sa inyo ang mga bintana ng langit, at ibubuhos ko sa inyo ang isang pagpapala na walang sapat na kalalagyan.
11 Aking sasawayin ang mananakmal alang-alang sa inyo, kaya't hindi nito sisirain ang mga bunga ng inyong lupa; at ang inyong puno ng ubas sa parang ay hindi mawawalan ng bunga, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
12 Tatawagin kayong mapapalad ng lahat ng mga bansa, sapagkat kayo'y magiging lupain ng katuwaan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
Ang Pangako
13 “Ang inyong mga salita ay naging marahas laban sa akin, sabi ng Panginoon. Gayunma'y inyong sinasabi, ‘Paano kami nagsalita nang laban sa iyo?’
14 Inyong sinabi, ‘Walang kabuluhan ang maglingkod sa Diyos. Ano ang aming pakinabang sa pagtupad namin sa kanyang utos o sa paglakad nang tulad sa may pananangis sa harap ng Panginoon ng mga hukbo?
15 Ngayo'y ating tinatawag na mapalad ang palalo; hindi lamang umuunlad ang mga gumagawa ng masama, kundi kapag kanilang tinutukso ang Diyos, sila'y nakakatakas.’”
16 Nang magkagayo'y nag-usap silang mga natatakot sa Panginoon. Binigyang-pansin sila ng Panginoon at pinakinggan, at ang isang aklat ng alaala ay isinulat sa harap niya, para sa kanila na natakot sa Panginoon at nagpahalaga sa kanyang pangalan.
17 “Sila'y magiging akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, isang natatanging kayamanan sa araw na ako'y kumilos. Kaaawaan ko sila na gaya ng isang tao na naaawa sa kanyang anak na naglilingkod sa kanya.
18 At minsan pa ay makikilala ninyo ang pagkakaiba ng taong matuwid at ng masama, ng taong naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa kanya.