Micas 6-7
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Paratang ng Panginoon Laban sa mga Israelita
6 Sinabi ni Micas: Pakinggan ninyo ang sasabihin ng Panginoon sa inyo:
“Sige na, ilahad ninyo ang inyong kaso; iparinig ninyo sa mga bundok at mga burol[a] ang inyong sasabihin. 2 At kayong mga bundok na matitibay na pundasyon ng mundo, pakinggan ninyo ang paratang ng Panginoon laban sa mga Israelita na kanyang mga mamamayan.”
3 Sinabi ng Panginoon, “Mga mamamayan ko, ano ang nagawa kong kasalanan sa inyo? Pinahirapan ko ba kayo? Sagutin ninyo ako. 4 Inilabas ko pa nga kayo sa Egipto kung saan inalipin kayo. At pinili ko sina Moises, Aaron at Miriam para pangunahan kayo. 5 Mga mamamayan ko, alalahanin din ninyong sinugo ni Haring Balak ng Moab si Balaam na anak ni Beor para sumpain kayo. Pero pinagsalita ko si Balaam ng mga pagpapala sa inyo. Alalahanin din ninyo kung paano ko kayo tinulungan nang maglakbay kayo mula sa Shitim hanggang sa Gilgal. Alalahanin ninyo ang mga pangyayaring ito para malaman ninyo na iniligtas[b] ko kayo.”
6 Sumagot ang isang Israelita, “Ano ang ihahandog ko sa Panginoon, ang Dios sa langit, kapag sasamba ako sa kanya? Mag-aalay ba ako ng guya[c] bilang handog na sinusunog? 7 Matutuwa kaya ang Panginoon kung hahandugan ko siya ng libu-libong tupa at nag-uumapaw na langis? Ihahandog ko ba sa kanya ang panganay kong anak bilang kabayaran sa aking mga kasalanan?”
8 Sumagot si Micas: Tinuruan tayo ng Panginoon kung ano ang mabuti. At ito ang nais niyang gawin natin: Gawin natin ang matuwid, pairalin natin ang pagkamaawain sa iba at buong pagpapakumbabang sumunod sa Dios.
Parurusahan ng Panginoon ang mga Israelita
9 Pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon sa lungsod ng Jerusalem, dahil ang taong may takot sa kanya ang siyang may tunay na karunungan:
“Kayong mga kabilang sa lahi ni Juda, magtipon-tipon kayo sa lungsod ng Jerusalem at makinig. 10 Masasama kayong mamamayan! Hindi ko makakalimutan ang mga kayamanang natipon ninyo sa masamang paraan. Gumagamit kayo ng madayang takalan. Itoʼy gawaing aking kinasusuklaman. 11 Hindi maaaring pabayaan ko na lang kayo sa mga pandaraya ninyo sa inyong timbangan. 12 Malulupit ang mayayaman sa inyo, at mga sinungaling kayo. 13 Kaya sinimulan kong lipulin kayo bilang parusa sa inyong mga kasalanan. 14 Kakain kayo, pero hindi kayo mabubusog; patuloy kayong magugutom. Mag-iimpok kayo ng inyong mga ani, pero hindi ninyo ito mapapakinabangan, sapagkat ipapasamsam ko iyon sa inyong mga kaaway. 15 Magtatanim kayo, pero hindi kayo ang aani. Magpipisa kayo ng mga olibo pero hindi kayo ang makikinabang sa langis nito. Magpipisa rin kayo ng bunga ng inyong mga ubas, pero hindi rin kayo ang iinom ng katas nito. 16 Mangyayari ito sa inyo dahil sinunod ninyo ang masasamang gawa, mga tuntunin, at mga payo ni Haring Omri at ng anak niyang si Haring Ahab. Kaya wawasakin ko kayo; hahamakin kayo at lalaitin ng ibang mga bansa.”
Ang Kasamaan ng mga Israelita
7 Sinabi ni Micas: Kawawa ako! Para akong isang gutom na naghahanap ng mga natirang bunga[d] ng ubas o igos pero walang makita ni isa man. 2 Ang ibig kong sabihin, wala na akong nakitang tao sa Israel na tapat sa Dios. Wala nang natirang taong matuwid. Ang bawat isa ay naghahanap ng pagkakataon para patayin ang kanyang kababayan, tulad ng taong naghahanda ng bitag sa hayop na kanyang huhulihin. 3 Bihasa silang gumawa ng kasamaan. Ang mga pinuno at mga hukom ay tumatanggap ng suhol. Sumusunod lamang sila sa gusto ng mga taong tanyag at makapangyarihan. Nagkakaisa sila upang baluktutin ang katarungan. 4 Ang pinakamabuti sa kanila ay parang dawag na walang silbi. Dumating na ang panahon ng pagpaparusa ng Dios sa mga taong ito, gaya ng kanyang babala sa kanila sa pamamagitan ng mga propeta na parang mga guwardya sa tore. Dumating na ang panahon ng kanilang pagkalito.
5 Dahil sa laganap na ang kasamaan, huwag na kayong magtiwala sa inyong kapwa o sa inyong mga kaibigan. At mag-ingat kayo sa inyong sinasabi kahit na sa inyong mahal na asawa. 6 Sapagkat sa mga panahong ito, ang anak na lalaki ay hindi na gumagalang sa kanyang ama, ang anak na babae ay nagrerebelde sa kanyang ina, at ang manugang na babae ay nagrerebelde rin sa kanyang biyenang babae. Ang kaaway ng isang tao ay ang kanya mismong kapamilya.
7 Pero para sa akin, magtitiwala ako sa Panginoon na aking Dios. Maghihintay ako sa kanya na magliligtas sa akin, at tiyak na ako ay kanyang diringgin.
Ililigtas ng Panginoon ang mga Israelita
8 Sinabi ng mga Israelita, “Hindi tayo dapat kutyain ng ating mga kaaway. Kahit na nadapa tayo, muli tayong babangon. At kahit na nasa kadiliman tayo, ang Panginoon ang ating ilaw. 9 Dahil sa nagkasala tayo sa Panginoon, dapat nating tiisin ang kanyang parusa sa atin hanggang sa ipagtanggol niya tayo at bigyan ng katarungan. Makikita natin ang pagliligtas niya sa atin sa pamamagitan ng pagdala niya sa atin sa kaliwanagan. 10 Makikita ito ng ating mga kaaway at mapapahiya sila. Sapagkat kinukutya nila tayo noon na nagsasabi, ‘Nasaan na ang Panginoon na inyong Dios?’ Hindi magtatagal at makikita natin ang kapahamakan nila. Magiging tulad sila ng putik na tinatapak-tapakan sa lansangan.”
11 Sinabi ni Micas sa mga taga-Jerusalem: Darating ang araw na muli ninyong itatayo ang mga pader ninyo at sa panahong iyon lalong lalawak ang inyong teritoryo. 12 Sa panahon ding iyon, pupunta sa inyo ang mga tao mula sa Asiria at sa mga lungsod ng Egipto, at mula sa Egipto hanggang sa Ilog ng Eufrates, at mula sa malalayong lugar.[e] 13 Magiging mapanglaw na lugar ang mga bansa sa mundo dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.
Nanalangin ang mga Israelita na Kaawaan Sila ng Dios
14 Nanalangin ang mga Israelita, “Panginoon, bantayan nʼyo po kami na iyong mga mamamayan katulad ng pagbabantay ng pastol sa kanyang mga tupa. Ang mga lupain sa aming paligid ay may masaganang pastulan, pero kami ay namumuhay sa kaparangan na kami-kami lang. Palawakin nʼyong muli ang aming teritoryo hanggang sa Bashan at sa Gilead katulad noon. 15 Magpakita po kayo sa amin ng mga himala katulad ng inyong ginawa nang ilabas nʼyo kami sa Egipto. 16 Makikita ito ng mga bansa at mapapahiya sila sa kabila ng kanilang kapangyarihan. At hindi na sila makikinig o magsasabi ng mga panlalait sa amin. 17 Gagapang sila sa lupa na parang ahas dahil sa sobrang hiya. Lalabas sila sa kanilang lungga na nanginginig sa takot sa inyo, Panginoon naming Dios. 18 Wala na pong ibang Dios na tulad ninyo. Pinatawad nʼyo ang kasalanan ng mga natitirang mamamayan na pag-aari ninyo. Hindi kayo nananatiling galit magpakailanman dahil ikinagagalak nʼyong mahalin kami. 19 Muli nʼyo kaming kaawaan at alisin nʼyo po ang lahat naming mga kasalanan. Yurakan nʼyo ito at itapon sa kailaliman ng dagat. 20 Ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig at katapatan sa amin na mga lahi ni Abraham at ni Jacob, gaya ng iyong ipinangako sa kanila noong unang panahon.”
Footnotes
- 6:1 iparinig … burol: Ang mga bundok ay nagsisilbing mga saksi sa kaso.
- 6:5 iniligtas: o, ginawang matuwid.
- 6:6 guya: sa Ingles, “calf.”
- 7:1 natirang bunga: Kaugalian ng mga Israelita ang pagtitira ng mga bunga para sa mga dukha, biyuda, o mga dayuhan.
- 7:12 mula sa malalayong lugar: sa literal, mula sa isang dagat patungo sa isang dagat at mula sa isang bundok patungo sa isa pang bundok.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®