Add parallel Print Page Options

Ang Nawala at Natagpuang Tupa(A)

15 Isang(B) araw, ang mga maniningil ng buwis at ang mga makasalanan ay lumapit kay Jesus upang makinig. Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila, “Ang taong ito'y nakikisama at nakikisalo sa mga makasalanan.” Dahil dito, sinabi sa kanila ni Jesus ang talinghagang ito.

“Kung ang sinuman sa inyo ay may isandaang tupa at mawalan ng isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't iiwan niya ang siyamnapu't siyam sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa ito'y matagpuan? Kapag nakita na niya ang tupa ay masaya niya itong papasanin. Pagdating sa bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin dahil nakita ko na ang tupa kong nawawala!’ Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan kaysa sa siyamnapu't siyam na matuwid na di nangangailangang magsisi.”

Ang Nawala at Natagpuang Salaping Pilak

“O kaya, kung ang isang babae ay may sampung salaping pilak at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't magsisindi siya ng ilawan, wawalisan ang buong bahay at hahanaping mabuti ang nawawalang salapi hanggang sa ito'y kanyang makita? Kapag nakita na niya ito, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nakita ko na ang nawawala kong salaping pilak!’ 10 Sinasabi ko sa inyo, gayundin ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan.”

Ang Dalawang Anak

11 Sinabi pa ni Jesus, “May isang tao na may dalawang anak na lalaki. 12 Sinabi sa kanya ng bunso, ‘Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.’ At hinati nga ng ama ang kanyang ari-arian. 13 Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili[a] ng bunso ang kanyang bahagi at nagpunta sa malayong lupain. Nilustay niya roon sa mga bisyo ang lahat niyang kayamanan. 14 Nang maubos na ito, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, kaya't siya'y nagsimulang maghirap. 15 Namasukan siya sa isang tagaroon, at siya'y pinagtrabaho nito sa isang babuyan. 16 Sa tindi ng kanyang gutom, at dahil sa wala namang nagbibigay sa kanya ng pagkain, halos kainin na niya ang mga pinagbalatan ng mga bungangkahoy na pinapakain sa mga baboy. 17 Ngunit napag-isip-isip niya ang kanyang ginawa at nasabi niya sa sarili, ‘Labis-labis ang pagkain ng mga alila ng aking ama, samantalang ako'y namamatay dito sa gutom! 18 Babalik ako sa aking ama at sasabihin ko sa kanya, “Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. 19 Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila.”’ 20 At siya'y nagpasyang umuwi sa kanila.

“Malayo pa'y natanaw na siya ng kanyang ama, at dahil sa matinding awa ay patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinalikan. 21 Sinabi ng anak, ‘Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo.’ 22 Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, ‘Dali! Kunin ninyo ang pinakamagandang damit at bihisan ninyo siya! Suotan ninyo siya ng singsing at ng sandalyas. 23 Katayin ninyo ang pinatabang guya at tayo'y kumain at magdiwang. 24 Sapagkat ang anak kong ito ay namatay na, ngunit siya ay nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.’ At sila nga'y nagdiwang.

25 “Nasa bukid noon ang anak na panganay. Nang umuwi siya at malapit na sa bahay, narinig niya ang tugtugan at sayawan. 26 Tinawag niya ang isang utusan at tinanong, ‘Bakit? Ano'ng mayroon sa atin?’ 27 ‘Dumating po ang inyong kapatid!’ sagot ng alila. ‘Ipinapatay po ng inyong ama ang pinatabang guya dahil ang inyong kapatid ay nakabalik nang buháy at walang sakit.’ 28 Nagalit ang panganay at ayaw niyang pumasok sa bahay. Pinuntahan siya ng kanyang ama at pinakiusapan. 29 Ngunit sumagot siya, ‘Pinaglingkuran ko kayo sa loob ng maraming taon at kailanma'y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsa'y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang maliit na kambing para magkasayahan kami ng aking mga kaibigan. 30 Subalit nang dumating ang anak ninyong ito, na lumustay ng inyong kayamanan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo siya ng pinatabang guya!’ 31 Sumagot ang ama, ‘Anak, lagi kitang kapiling at ang lahat ng aking ari-arian ay sa iyo. 32 Nararapat lang na tayo'y magsaya at magdiwang, sapagkat namatay na ang kapatid mo, ngunit nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.’”

Footnotes

  1. Lucas 15:13 ipinagbili: Sa Griego ay tinipon .