Lucas 4
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Pagtukso kay Jesus(A)
4 Mula sa Jordan, bumalik si Jesus na puspos ng Espiritu Santo. Dinala siya ng Espiritu sa ilang 2 at sa loob ng apatnapung araw ay tinukso siya ng diyablo. Hindi siya kumain ng anuman sa buong panahong iyon, kaya't siya'y nagutom.
3 Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, iutos mong maging tinapay ang batong ito.”
4 Ngunit(B) sinagot ito ni Jesus, “Nasusulat, ‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao [kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos].[a]’”
5 Dinala siya ng diyablo sa isang mataas na lugar, at sa isang saglit ay ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa daigdig. 6 Sinabi ng diyablo, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihan at kadakilaan ng mga ito. Ipinagkaloob ang lahat ng ito sa akin, at maaari kong ibigay kung kanino ko gusto. 7 Kaya't kung ako'y sasambahin mo, magiging iyo na ang lahat ng ito.”
8 Sumagot(C) si Jesus, “Nasusulat,
‘Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin,
at siya lamang ang dapat mong paglingkuran.’”
9 Dinala siya ng diyablo sa taluktok ng Templo sa Jerusalem at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka 10 dahil(D) nasusulat,
‘Sa kanyang mga anghel, ika'y ipagbibilin,
sila'y uutusan upang ikaw ay ingatan,’
11 at
‘Aalalayan ka ng kanilang mga kamay,
nang sa mga bato, paa mo'y hindi masaktan.’”
12 Subalit(E) sinagot siya ni Jesus, “Nasusulat, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos!’”
13 Pagkatapos tuksuhin si Jesus sa lahat ng paraan, umalis na ang diyablo at naghintay ng ibang pagkakataon.
Ang Pasimula ng Gawain ni Jesus sa Galilea(F)
14 Bumalik sa Galilea si Jesus taglay ang kapangyarihan ng Espiritu Santo. Napabalita sa mga karatig-bayan ang tungkol sa kanya. 15 Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga at hinangaan siya ng lahat.
Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(G)
16 Pumunta si Jesus sa Nazaret, ang bayan kung saan siya lumaki. Gaya ng kanyang nakaugalian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa ng kasulatan, 17 at ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito sa dakong kinasusulatan ng ganito:
18 “Ang(H) Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin,
sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita.
Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya,
at sa mga bulag na sila'y makakakita.
Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi,
19 at upang ipahayag ang panahon
ng pagliligtas ng Panginoon.”
20 Inirolyo niya ang kasulatan, isinauli sa tagapag-ingat at siya'y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga, 21 at sinabi niya sa kanila, “Ang kasulatang ito na inyong narinig ay natupad ngayon.”
22 Pinuri siya ng lahat, at humanga sila sa kanyang napakahusay na pananalita. “Hindi ba ito ang anak ni Jose?” tanong nila.
23 Kaya't sinabi ni Jesus, “Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang kasabihang ito, ‘Manggagamot, gamutin mo muna ang iyong sarili!’ Marahil, sasabihin pa ninyo, ‘Gawin mo rin dito sa iyong sariling bayan ang mga nabalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.’ 24 Tandaan(I) ninyo, walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan. 25 Ngunit(J) sinasabi ko sa inyo, maraming biyuda sa Israel noong panahon ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlo't kalahating taon at nagkaroon ng taggutom sa buong lupain. 26 Subalit(K) hindi pinapunta si Elias sa kaninuman sa kanila, kundi sa isang biyuda sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. 27 Sa(L) dinami-dami ng mga may ketong[b] sa Israel noong panahon ni Eliseo, wala ni isa mang pinagaling at nilinis maliban kay Naaman, na isang taga-Siria.”
28 Nagalit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. 29 Nagsitayo sila at itinaboy siyang palabas papunta sa gilid ng bundok na kinatatayuan ng bayan upang ihulog siya sa bangin. 30 Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis.
Ang Lalaking Sinasaniban ng Masamang Espiritu(M)
31 Mula roon, si Jesus ay nagpunta sa Capernaum sa Galilea at nagturo sa mga tao nang Araw ng Pamamahinga. 32 Namangha(N) sila sa kanyang pagtuturo sapagkat may kapangyarihan ang kanyang pananalita. 33 May isang lalaki noon sa sinagoga na sinasapian ng masamang espiritu. Sumigaw ito nang malakas, 34 “Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita. Ikaw ang Banal na mula sa Diyos.”
35 Subalit sinaway siya ni Jesus, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa taong iyan!” At nang mailugmok ang lalaki sa kanilang kalagitnaan, lumabas ang demonyo sa kanya nang hindi siya sinasaktan.
36 Namangha ang lahat ng nakasaksi kaya't nasabi nila sa isa't isa, “Ano ito? Makapangyarihan at mabisa ang kanyang salita! Nauutusan niyang lumayas ang masasamang espiritu, at lumalayas naman sila!” 37 At kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong lupaing iyon.
Pinagaling ni Jesus ang Maraming Tao(O)
38 Si Jesus ay umalis sa sinagoga at nagpunta sa bahay ni Simon. Nagkataong ang biyenan ni Simon ay may mataas na lagnat kaya't nakiusap sila kay Jesus na ito'y pagalingin. 39 Tumayo si Jesus sa tabi ng higaan ng babae at iniutos na mawala ang lagnat, at ito'y nawala nga. Kaagad namang tumayo ang babae at naglingkod sa kanila.
40 Pagkalubog ng araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng mga kasamahan nilang maysakit, anuman ang karamdaman ng mga ito. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa bawat isa, at silang lahat ay gumaling. 41 Lumabas sa marami ang mga demonyo, na sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit sinaway sila ni Jesus at hindi pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila na siya ang Cristo.
Nangaral si Jesus sa Judea(P)
42 Nang mag-uumaga na, umalis si Jesus at nagpunta sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao, at nang matagpuan ay pinakiusapang huwag muna siyang umalis. 43 Subalit sinabi niya, “Dapat ko ring ipangaral sa ibang mga bayan ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos, sapagkat ito ang dahilan kaya ako isinugo.” 44 At nagpatuloy siya ng pangangaral sa mga sinagoga sa buong Judea.
Lucas 4
Ang Biblia, 2001
Tinukso si Jesus(A)
4 Si Jesus, na punô ng Espiritu Santo, ay bumalik mula sa Jordan at dinala ng Espiritu sa ilang,
2 na doon ay tinukso siya ng diyablo sa loob ng apatnapung araw. Hindi siya kumain ng anuman sa mga araw na iyon, at nang makalipas ang mga araw na iyon ay nagutom siya.
3 Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, ipag-utos mo na ang batong ito ay maging tinapay.”
4 At(B) sumagot sa kanya si Jesus, “Nasusulat, ‘Ang tao ay hindi nabubuhay sa tinapay lamang.’”
5 Pagkatapos ay dinala siya ng diyablo[a] sa isang mataas na lugar at ipinakita sa kanya sa isang saglit ang lahat ng mga kaharian sa sanlibutan.
6 At sinabi sa kanya ng diyablo, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihang ito, at ang kaluwalhatian nila, sapagkat ito'y naibigay na sa akin, at ibinibigay ko kung kanino ko ibig.
7 Kaya't kung sasamba ka sa akin, ang lahat ng ito ay magiging iyo.”
8 At(C) sumagot si Jesus sa kanya, “Nasusulat, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos, at siya lamang ang iyong paglingkuran.’”
9 Pagkatapos ay kanyang dinala siya sa Jerusalem at inilagay siya sa tuktok ng templo, at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka mula rito,
10 sapagkat(D) nasusulat,
‘Ipagbibilin ka niya sa mga anghel
na ikaw ay ingatan,’
11 at,
‘Aalalayan ka nila ng kanilang mga kamay,
baka masaktan mo ang iyong paa sa isang bato.’
12 At(E) sumagot si Jesus sa kanya, “Sinasabi, ‘Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.’”
13 Nang matapos na ng diyablo ang lahat ng panunukso, lumayo siya sa kanya hanggang sa isa pang pagkakataon.
Ang Pasimula ng Gawain sa Galilea(F)
14 Bumalik si Jesus sa Galilea na nasa kapangyarihan ng Espiritu at kumalat ang balita tungkol sa kanya sa palibot ng buong lupain.
15 Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga at pinuri ng lahat.
Si Jesus ay Tinanggihan sa Nazaret(G)
16 Dumating siya sa Nazaret na kanyang nilakhan. Siya'y pumasok sa sinagoga nang araw ng Sabbath, tulad ng kanyang nakaugalian at tumindig siya upang bumasa,
17 at ibinigay sa kanya ang aklat ni propeta Isaias. Binuksan niya ang aklat,[b] at natagpuan ang dako na kung saan ay nasusulat:
18 “Ang(H) Espiritu ng Panginoon ay nasa akin,
sapagkat ako'y hinirang[c] niya upang ipangaral ang magandang balita sa mga dukha.
Ako'y sinugo niya upang ipahayag ang paglaya sa mga bihag,
at ang muling pagkakaroon ng paningin sa mga bulag, upang palayain ang mga naaapi,
19 upang ipahayag ang taon ng biyaya[d] mula sa Panginoon.”
20 Isinara niya ang aklat, isinauli ito sa tagapaglingkod at naupo. At ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga ay nakatutok sa kanya.
21 At siya'y nagsimulang magsabi sa kanila, “Ngayo'y naganap ang kasulatang ito sa inyong pandinig.”
22 Lahat ay nagsalita ng mabuti tungkol sa kanya at namangha sa mga mapagpalang salita na lumabas sa kanyang bibig. At sinabi nila, “Hindi ba ito ay anak ni Jose?”
23 Sinabi niya sa kanila, “Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang kawikaang ito, ‘Manggagamot, pagalingin mo ang iyong sarili.’ Ang anumang aming narinig na ginawa mo sa Capernaum ay gawin mo rin sa iyong lupain.”
24 Sinabi(I) niya, “Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, walang propetang tinatanggap sa kanyang sariling bayan.
25 Ngunit(J) ang totoo, maraming babaing balo sa Israel noong panahon ni Elias, nang sarhan ang langit sa loob ng tatlong taon at anim na buwan at nagkaroon ng malubhang taggutom sa buong lupain.
26 Ngunit(K) si Elias ay hindi sinugo sa kaninuman sa kanila, kundi sa isang babaing balo sa Zarefta, sa lupain ng Sidon.
27 Maraming(L) ketongin sa Israel nang panahon ni propeta Eliseo, at walang sinumang nilinis sa kanila, maliban kay Naaman na taga-Siria.”
28 Nang marinig nila ang mga bagay na ito, napuno ng galit ang lahat ng nasa sinagoga.
29 Sila'y tumindig, ipinagtabuyan siya sa labas ng bayan at dinala siya hanggang sa taluktok ng burol na kinatatayuan ng kanilang bayan, upang siya'y ihulog nila nang patiwarik.
30 Ngunit dumaan siya sa gitna nila at siya'y umalis.
Isang Taong may Masamang Espiritu(M)
31 Siya'y bumaba sa Capernaum, na isang bayan ng Galilea. At siya'y nagturo sa kanila sa araw ng Sabbath.
32 Sila'y(N) namangha sa kanyang pagtuturo, sapagkat ang kanyang salita ay may kapangyarihan.[e]
33 Sa sinagoga ay may isang lalaki na may espiritu ng karumaldumal na demonyo, at siya'y sumigaw nang malakas na tinig,
34 “Ah! anong pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Pumarito ka ba upang kami'y puksain? Kilala kita kung sino ka, ang Banal ng Diyos.”
35 Subalit sinaway siya ni Jesus, at sinabi, “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” At nang ang lalaki ay nailugmok ng demonyo sa gitna nila, ay lumabas siya sa lalaki na hindi ito sinaktan.
36 Namangha silang lahat at sinabi sa isa't isa, “Anong salita ito? Sapagkat may awtoridad at kapangyarihang inuutusan niya ang masasamang espiritu at lumalabas sila.”
37 Kumalat ang balita tungkol sa kanya sa lahat ng dako sa palibot ng lupaing iyon.
Pinapagaling ni Jesus ang Maraming Tao(O)
38 Umalis siya sa sinagoga at pumasok sa bahay ni Simon. Noon ay mataas ang lagnat ng biyenang babae ni Simon at pinakiusapan nila si Jesus[f] para sa kanya.
39 Tumayo si Jesus sa tabi niya at kanyang sinaway ang lagnat at umalis ito sa kanya. Kaagad siyang tumayo at naglingkod sa kanila.
40 Nang lumulubog na ang araw, dinala ng lahat sa kanya ang kanilang mga maysakit na sari-sari ang karamdaman at ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at sila'y pinagaling.
41 Lumabas din sa marami ang mga demonyo na nagsisisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Subalit kanyang sinaway sila, at hindi sila pinahintulutang magsalita, sapagkat alam nilang siya ang Cristo.
Nangaral si Jesus sa mga Sinagoga(P)
42 Kinaumagahan, umalis siya at nagtungo sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng napakaraming tao, at lumapit sa kanya. Nais nilang pigilin siya upang huwag niyang iwan sila.
43 Subalit sinabi niya sa kanila, “Kailangan ko ring ipangaral sa ibang bayan ang magandang balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat ako ay sinugo para sa layuning ito.”
44 Kaya't siya'y patuloy na nangaral sa mga sinagoga ng Judea.[g]
Footnotes
- Lucas 4:5 Sa Griyego ay niya .
- Lucas 4:17 o balumbon .
- Lucas 4:18 o binuhusan ng langis .
- Lucas 4:19 Sa Griyego ay katanggap-tanggap na taon .
- Lucas 4:32 o awtoridad .
- Lucas 4:38 Sa Griyego ay siya .
- Lucas 4:44 Sa ibang mga kasulatan ay Galilea .