Lucas 20
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Tinanong ang Karapatan ni Jesus(A)
20 Isang araw, habang nagtuturo si Jesus sa mga tao sa templo at nangangaral ng ebanghelyo, lumapit sa kanya ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan kasama ang matatandang pinuno ng bayan. 2 Sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo sa amin kung ano ang karapatan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang ito?” 3 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mayroon din akong itatanong sa inyo. Sagutin ninyo ako: 4 Saan nagmula ang karapatan ni Juan na magbautismo, sa langit ba o sa tao?” 5 Kaya't sila'y nag-usap-usap. “Kung sasabihin nating, ‘Mula sa langit,’ sasabihin niyang, ‘Bakit hindi ninyo siya pinaniniwalaan?’ 6 Ngunit kung sasabihin naman nating, ‘Mula sa tao,’ babatuhin tayo ng taong-bayan, sapagkat naniniwala silang si Juan ay propeta.” 7 Kaya't isinagot nilang hindi nila alam kung saan nagmula. 8 At sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang karapatan kong gumawa ng mga ito.”
Ang Talinghaga ng mga Magsasaka sa Ubasan(B)
9 At sinimulan niyang isalaysay ang talinghagang ito sa mga taong-bayan: “Isang tao ang nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Ipinagkatiwala niya iyon sa mga magsasaka at siya ay nangibang-bayan nang mahabang panahon. 10 Nang panahon na ng anihan, nagsugo siya ng alipin sa mga katiwala upang mabigyan siya ng parte niya mula sa ubasan. Ngunit binugbog ng mga katiwala ang kanyang sugo at pinauwing walang dala. 11 Muli siyang nagsugo ng isang alipin; ngunit ito man ay binugbog, hinamak, at pinauwing walang dala. 12 Ipinadala niya ang ikatlong sugo, ngunit kahit ito'y kanilang sinugatan at ipinagtabuyan. 13 Kaya't sinabi ng may-ari ng ubasan, ‘Ano ang gagawin ko? Isusugo ko ang aking mahal na anak. Baka naman siya'y igalang na nila.’ 14 Ngunit nang makita na ng mga katiwala ang anak ng may-ari, nag-usap-usap sila, at sinabi, ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya upang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ 15 At inilabas nila sa ubasan ang anak at doon pinatay. Ano kaya ang gagawin sa kanila ng may-ari ng ubasan? 16 Pupunta siya doon at papatayin ang mga katiwalang ito, at ibibigay ang ubasan sa iba.” Nang marinig ito ng mga tao, sinabi nila, “Huwag nawang loobin iyan ng Diyos!” 17 Tinitigan sila ni Jesus at tinanong, “Kung gayon, ano ang kahulugan nito na nasusulat:
‘Ang batong tinanggihan ng mga tagapagtayo
ang siyang naging batong-panulukan’?
18 Ang bawat mahulog sa batong ito ay magkakadurug-durog, at dudurugin nito ang sinumang kanyang mabagsakan.” 19 Nang mahalata ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga punong pari na sila ang pinatatamaan ng talinghagang iyon, tinangka nilang dakpin si Jesus, ngunit hindi nila nagawa dahil takót sila sa mga tao.
Pagbabayad ng Buwis sa Emperador(C)
20 Kaya minatyagan nila si Jesus at sila'y nagsugo ng mga espiya upang magkunwaring matatapat, nang sa gayo'y mahuli siya sa kanyang sasabihin at madala siya sa pamamahala at kapangyarihan ng gobernador. 21 Nagtanong ang mga espiya kay Jesus, “Guro, alam naming ikaw ay nagsasabi at nagtuturo nang tama at wala kang pinapanigang tao, sa halip ay itinuturo mo ang daan ng Diyos ayon sa katotohanan. 22 Nararapat po bang magbayad ng buwis sa Emperador o hindi?” 23 Ngunit batid niya ang kanilang katusuhan kaya't sinabi niya sa kanila, 24 “Ipakita ninyo sa akin ang isang denaryo. Kaninong larawan at pangalan ang narito?” At sinabi nila, “Sa Emperador.” 25 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kung gayon, ibigay sa Emperador ang sa Emperador at sa Diyos ang sa Diyos.” 26 At hindi nila nagawang hulihin siya sa kanyang sinabi sa harap ng mga tao. Namangha sila sa kanyang mga sagot at sila'y tumahimik.
Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay(D)
27 Lumapit kay Jesus ang ilang Saduceo, ang mga hindi naniniwala sa muling pagkabuhay. Siya'y kanilang tinanong, 28 na nagsasabi, “Guro, isinulat sa atin ni Moises na kung namatay ang lalaking kapatid ng isang lalaki, at ang asawa nito'y naiwang walang anak, dapat na pakasalan ng lalaking naiwan ang asawa nito upang mabigyan ng anak ang kanyang namatay na kapatid. 29 Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. 30 Ang ikalawa 31 at ang ikatlo hanggang ikapito ay pinakasalan ang balo ngunit lahat ay namatay na walang iniwang anak. 32 Sa huli ay namatay na rin ang babae. 33 Sa muling pagkabuhay, sino sa kanila ang magiging asawa ng babae? Sapagkat ang pito ay naging asawa niya.” 34 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang mga tao sa kapanahunang ito ay nag-aasawa o pinag-aasawa. 35 Subalit ang mga karapat-dapat makabahagi sa kapanahunang iyon at sa muling pagkabuhay ay hindi mag-aasawa at pag-aasawahin. 36 Hindi na sila mamamatay, sapagkat para na silang mga anghel. Sila ay mga anak na ng Diyos at mga bunga ng muling pagkabuhay. 37 Ang muling pagkabuhay ng mga patay ay pinatunayan mismo ni Moises, sa kwento tungkol sa nagliliyab na mababang puno, nang tawagin niya ang Panginoon na ‘Diyos ni Abraham, at Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.’ 38 Siya ay Diyos hindi ng mga patay kundi ng mga buháy sapagkat nabubuhay ang lahat sa kanya.” 39 Ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan ang nagsabi, “Guro, magaling ang iyong isinagot.” 40 Kaya, hindi na sila nangahas magtanong pa sa kanya ng kahit ano.
Ang Tanong tungkol sa Anak ni David(E)
41 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Paano nila nasasabing ang Cristo ay anak ni David? 42 Gayong si David mismo ang nagsabi sa Aklat ng mga Awit,
‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon;
“Maupo ka sa aking kanan,
43 hanggang sa magawa kong tuntungan ng iyong mga paa ang iyong mga kaaway.” ’
44 Tinawag siya ni David na Panginoon. Paano siya naging anak ni David?”
Ang Babala tungkol sa mga Tagapagturo ng Kautusan(F)
45 Habang nakikinig ang lahat ay sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, 46 “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig maglakad na suot ang mahabang damit at gustung-gusto nilang pagpugayan sila sa mga pamilihan. Gustung-gusto rin nila ang mga pangunahing upuan sa sinagoga at mga upuang pandangal sa mga piging. 47 Kinakamkam nila ang mga tahanan ng mga babaing balo at kunwari'y nananalangin nang mahahaba. Mas matinding parusa ang tatanggapin ng mga taong iyan.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.