Lucas 2
Magandang Balita Biblia
Ang Pagsilang ni Jesus(A)
2 Nang panahong iyon, iniutos ni Emperador Augusto na magkaroon ng sensus sa lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. 2 Ang unang sensus na ito ay ginawa noong si Cirenio ang gobernador ng Siria. 3 Kaya't umuwi ang mga tao sa sarili nilang bayan upang magpatala.
4 Mula sa Nazaret, isang lungsod sa Galilea, si Jose ay pumunta sa Judea, sa Bethlehem na bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya'y mula sa angkan ni David. 5 Kasama rin niyang umuwi upang magpatala si Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay nagdadalang-tao. 6 Habang sila'y nasa Bethlehem, sumapit ang oras ng panganganak ni Maria. 7 Isinilang niya ang kanyang panganay, na isang lalaki. Binalot niya sa lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.
Ang mga Pastol at ang mga Anghel
8 Doon ay may mga pastol na nasa parang at nagbabantay ng kanilang mga tupa nang gabing iyon. 9 At tumayo(B) sa harapan nila ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag sa kapaligiran nila ang kaluwalhatian ng Panginoon. Ganoon na lamang ang kanilang pagkatakot. 10 Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot! Ako'y may dalang magandang balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. 11 Isinilang sa inyo ngayon sa bayan ni David ang Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon. 12 Ito ang inyong palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.”
13 Biglang lumitaw kasama ng anghel ang isang malaking hukbo ng mga anghel sa kalangitan. Sila'y nagpupuri sa Diyos at umaawit,
14 “Papuri sa Diyos sa kaitaasan,
at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!”
15 Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, ang mga pastol ay nag-usap-usap, “Tayo na sa Bethlehem! Tingnan natin ang pangyayaring ito na ibinalita sa atin ng Panginoon.” 16 Nagmamadali silang pumunta roon at natagpuan nila sina Maria at Jose, at naroon ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17 Nang makita ng mga pastol ang sanggol, isinalaysay nila ang sinabi ng anghel tungkol dito. 18 Namangha ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. 19 Tinandaan ni Maria ang mga bagay na ito, at ito'y kanyang pinagbulay-bulayan.
20 Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita, ayon sa sinabi sa kanila ng anghel.
Pinangalanan si Jesus
21 Pagsapit(C) ng ikawalong araw, tinuli ang bata at pinangalanang Jesus. Ito ang pangalang sinabi ng anghel bago pa siya ipaglihi.
Dinala si Jesus sa Templo
22 Nang(D) sumapit ang araw ng kanilang pagtupad sa seremonya ng paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises, pumunta sila sa Jerusalem. Dinala nila ang sanggol upang iharap sa Panginoon, 23 sapagkat(E) ganito ang nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, “Bawat panganay na lalaki ay itatalaga sa Panginoon.” 24 Nag-alay din sila ng handog ayon sa nakasaad sa Kautusan ng Panginoon: magkapares na ibong batu-bato, o kaya'y dalawang inakay na kalapati.
25 May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangala'y Simeon, isang lalaking matuwid, may takot sa Diyos at naghihintay sa katubusan ng Israel. Nasa kanya ang Espiritu Santo. 26 Ipinahayag ng Espiritu Santo sa kanya na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakikita ang Cristo na ipinangako ng Panginoon. 27 Sa patnubay ng Espiritu, si Simeon ay pumasok sa Templo. At nang dalhin doon nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus upang tuparin ang ayon sa itinatakda ng Kautusan, 28 kinarga ni Simeon ang sanggol. Pagkatapos, nagpuri siya sa Diyos,
29 “Ngayon, Panginoon, maaari na pong yumaong mapayapa
ang inyong abang alipin ayon sa inyong pangako.
30 Yamang nakita na po ng aking mga mata ang inyong pagliligtas,
31 na inyong inihanda sa harapan ng lahat ng bansa.
32 Ito(F) po ay liwanag na tatanglaw sa mga Hentil
at magbibigay-dangal sa inyong bansang Israel.”
33 Namangha ang mga magulang ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa bata. 34 Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami, 35 kaya't mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil dito, magdaranas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso.”
36 Naroon(G) din sa Templo ang isang propetang babae na ang pangalan ay Ana, anak ni Fanuel at mula sa lipi ni Asher. Siya'y napakatanda na. Pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, 37 at ngayo'y walumpu't apat na taon na siyang biyuda. Lagi siya sa Templo at araw-gabi'y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. 38 Nang oras na iyon, lumapit siya kina Jose at Maria at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol sa sanggol sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.
Ang Pagbalik sa Nazaret
39 Nang(H) maisagawa na nila ang lahat ng ayon sa itinatakda ng kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa bayan ng Nazaret sa Galilea. 40 Ang bata'y lumaking malusog, puspos ng karunungan, at kalugud-lugod sa Diyos.
Ang Batang si Jesus sa Loob ng Templo
41 Taun-taon,(I) tuwing Pista ng Paskwa, ang mga magulang ni Jesus ay pumupunta sa Jerusalem. 42 Nang siya'y labindalawang taon na, dumalo sila sa pista, ayon sa kanilang kaugalian. 43 Sila'y umuwi na pagkatapos ng pista. Ang batang si Jesus ay nagpaiwan sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. 44 Sa pag-aakalang siya ay kasama ng pangkat, nagpatuloy sila sa maghapong paglalakbay. Pagkatapos, siya ay hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at mga kakilala, ngunit 45 hindi nila natagpuan si Jesus. Kaya't bumalik sila sa Jerusalem upang doon maghanap. 46 Pagkalipas ng tatlong araw, si Jesus ay natagpuan nila sa loob ng Templo. Siya'y nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya at nagtatanong sa kanila, 47 at ang lahat ng nakakarinig sa kanya ay hangang-hanga sa kanyang pang-unawa at mga sagot. 48 Namangha rin ang kanyang mga magulang nang siya'y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit mo naman ginawa ito sa amin? Lubha ang aming pag-aalala ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.”
49 Sumagot si Jesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi po ba ninyo alam na ako'y dapat mamalagi sa bahay ng aking Ama?”[a] 50 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabi niyang ito.
51 Siya'y sumama sa kanila pauwi sa Nazaret, at siya'y naging masunurin sa kanila. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. 52 Patuloy(J) na lumaki si Jesus sa pangangatawan, lumawak ang kanyang karunungan at lalong naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.
Footnotes
- Lucas 2:49 ako'y dapat mamalagi sa bahay ng aking Ama?: o kaya'y dapat kong iukol ang aking panahon sa gawain ng aking Ama?
Lucas 2
Ang Biblia (1978)
2 Nangyari nga nang mga araw na yaon na lumabas ang isang (A)utos mula kay Augusto Cesar, na magpatala ang buong sanglibutan.
2 Ito ang (B)unang talaang-mamamayan na ginawa nang si Quirinio ay (C)gobernador sa Siria.
3 At nagsisiparoon ang lahat upang sila'y mangatala, bawa't isa sa kaniyang sariling bayan.
4 At si Jose naman ay umahon mula sa (D)Galilea, mula sa bayan ng Nazaret, hanggang sa Judea, (E)sa bayan ni David, na kung tawagi'y Bet-lehem, (F)sapagka't siya'y sa angkan at sa lahi ni David;
5 Upang patala siya pati ni Maria, (G)na magaasawa sa kaniya, na kasalukuyang kagampan.
6 At nangyari, samantalang sila'y (H)nangaroroon, at naganap ang mga kaarawang dapat siyang manganak.
7 At kaniyang ipinanganak ang panganay niyang anak na lalake; at ito'y binalot niya ng mga lampin, at inihiga sa isang pasabsaban, sapagka't wala nang lugar para kanila sa tuluyan.
8 At may mga pastor ng tupa sa lupain ding yaon na nangasa parang, na pinagpupuyatan sa gabi ang kanilang kawan.
9 At tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila: (I)at sila'y totoong nangatakot.
10 At sinabi sa kanila ng anghel, Huwag kayong mangatakot; sapagka't narito, dinadalhan ko kayo ng mabubuting balita ng malaking kagalakan, na siyang sasa buong bayan:
11 Sapagka't ipinanganak (J)sa inyo ngayon (K)sa bayan ni David (L)ang isang Tagapagligtas, (M)na siya ang Cristo (N)ang Panginoon.
12 At ito ang sa inyo'y magiging pinakatanda: Masusumpungan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin, at nakahiga sa isang pasabsaban.
13 At biglang nakisama sa anghel (O)ang isang karamihang hukbo ng langit, (P)na nangagpupuri sa Dios, at nangagsasabi:
14 Luwalhati sa Dios sa kataastaasan,
(Q)At sa lupa'y (R)kapayapaan sa mga taong (S)kinalulugdan niya.
15 At nangyari nang lisanin sila ng mga anghel at nangapasa langit, ang mga pastor ay nangagsangusapan. Magsiparoon nga tayo ngayon hanggang sa (T)Bet-lehem, at tingnan natin itong nangyari, na ipinagbigay-alam sa atin ng Panginoon.
16 At sila'y dalidaling nagsiparoon at nasumpungan kapuwa si Maria at si Jose, at ang sanggol na nakahiga sa pasabsaban.
17 At nang makita nila yaon, ay inihayag nila ang mga sinabi sa kanila tungkol sa sanggol na ito.
18 At lahat ng nangakarinig nito ay nangagtaka sa mga bagay na sinabi sa kanila ng mga pastor.
19 Datapuwa't iningatan ni (U)Maria ang lahat ng mga pananalitang ito, na pinagbulaybulay sa kaniyang puso.
20 At nangagbalik ang mga pastor, na niluluwalhati at pinupuri ang Dios dahil sa lahat ng mga bagay na kanilang nangarinig at nangakita, ayon sa sinabi sa kanila.
21 At nang makaraan ang (V)walong araw upang tuliin siya, ay tinawag na (W)JESUS ang kaniyang pangalan, na siyang itinawag ng anghel bago siya ipinaglihi sa tiyan.
22 At nang maganap na (X)ang mga araw na kanilang paglilinis alinsunod sa kautusan ni Moises, ay kanilang dinala (Y)siya sa Jerusalem, upang iharap siya sa Panginoon
23 (ayon sa nasusulat sa kautusan ng Panginoon, (Z)Ang bawa't lalaking nagbubukas ng bahay-bata ay tatawaging banal sa Panginoon),
24 At upang maghandog ng hain alinsunod sa sinasabi sa kautusan ng Panginoon, (AA)Dalawang batobato, o dalawang inakay ng kalapati.
25 At narito, may isang lalake sa Jerusalem, na nagngangalang Simeon; at ang lalaking ito'y matuwid at masipag sa kabanalan, (AB)na nag-aantay ng kaaliwan ng Israel: at sumasa kaniya ang Espiritu Santo.
26 At ipinahayag sa kaniya ng Espiritu Santo, (AC)na di niya makikita ang kamatayan, hanggang sa makita muna niya ang Cristo ng Panginoon.
27 At siya'y napasa templo (AD)sa Espiritu: at nang ipasok sa templo ang sanggol na si Jesus ng kaniyang mga magulang, (AE)upang sa kaniya'y magawa nila ang nauukol alinsunod sa kaugalian ng kautusan,
28 Ay tinanggap nga niya siya sa kaniyang mga bisig, at pinuri ang Dios, at nagsabi,
29 (AF)Ngayo'y papanawin mo,
Panginoon, ang iyong alipin,
(AG)Ayon sa iyong salita, sa kapayapaan,
30 Sapagka't (AH)nakita ng aking mga mata ang iyong pagliligtas,
31 (AI)Na iyong inihanda sa unahan ng mukha ng lahat ng mga tao;
32 Isang ilaw upang ipahayag sa (AJ)mga Gentil,
At ang kaluwalhatian ng iyong bayang Israel.
33 At ang kaniyang ama at ang kaniyang ina ay nagsisipanggilalas sa mga bagay na sinasabi tungkol sa kaniya;
34 At sila'y pinagpala ni Simeon, at sinabi sa kaniyang inang si Maria, Narito, ito (AK)ay itinalaga sa (AL)ikararapa at sa ikatitindig ng marami sa Israel; at pinakatandang tudlaan (AM)ng pagsalangsang:
35 Oo at paglalampasanan ng (AN)isang tabak ang iyong sariling kaluluwa; upang mangahayag ang mga pagiisip ng maraming puso.
36 At naroroon din naman si Ana, na isang propetisa, anak na babae ni Fanuel, sa angkan ni (AO)Aser, (siya'y lubhang matanda na, at may pitong taong nakisama sa kaniyang asawa mula sa kaniyang kadalagahan,
37 At siya'y bao nang walongpu't apat na taon), na hindi humihiwalay sa templo, (AP)at sumasamba sa gabi at araw sa pamamagitan ng mga (AQ)pagaayuno at mga pagdaing.
38 At pagdating niya sa oras ding yaon, siya'y nagpasalamat sa Dios, at nagsalita ng tungkol sa sanggol sa lahat ng (AR)nagsisipaghintay ng (AS)katubusan sa Jerusalem.
39 At nang maganap na nila ang lahat ng mga bagay na alinsunod sa kautusan ng Panginoon, ay nangagbalik sila sa (AT)Galilea, sa (AU)kanilang sariling bayang Nazaret.
40 At lumalaki ang bata, at lumalakas, at napupuspos ng karunungan: at sumasa kaniya ang biyaya ng Dios.
41 At nagsisiparoon (AV)taon-taon ang kaniyang mga magulang sa Jerusalem (AW)sa kapistahan ng paskua.
42 At nang siya'y may labindalawang taon na, ay nagsiahon sila ayon sa kaugalian ng kapistahan;
43 At nang kanilang maganap na (AX)ang mga araw, sa pagbalik nila, ay naiwan ang batang si Jesus sa Jerusalem; at di nalalaman ng kaniyang mga magulang;
44 Ngunit sa pagaakala nilang siya'y nasa kasamahan, ay nagsiyaon sila nang isang araw na paglalakbay; at hinahanap nila siya sa mga kamaganak at mga kakilala;
45 At nang di nila siya matagpuan, ay nagsipagbalik sila sa Jerusalem, na hinahanap siya.
46 At nangyari, na nang makaraan ang tatlong araw, ay nangatagpuan nila siya sa templo, na nakaupo sa gitna ng mga (AY)guro, na sila'y pinakikinggan, at sila'y tinatanong:
47 At ang lahat ng sa kaniya'y nangakakarinig ay nagsisipanggilalas sa kaniyang katalinuhan at sa kaniyang mga sagot.
48 At nang siya'y mangakita nila, ay nangagtaka sila; at sinabi sa kaniya ng kaniyang ina, Anak, bakit ginawa mo sa amin ang ganyan? narito, ang iyong ama at ako na hinahanap kang may hapis.
49 At sinabi niya sa kanila, Bakit ninyo ako hinahanap? di baga talastas ninyo na dapat akong maglumagak sa bahay ng (AZ)aking Ama.
50 At di nila naunawa ang pananalitang sa kanila'y sinabi.
51 At lumusong siyang kasama nila, at napasa (BA)Nazaret; at napasakop sa kanila: at (BB)iniingatan ng kaniyang ina sa kaniyang puso ang lahat ng mga pananalitang ito.
52 At lumalaki si Jesus sa karunungan at sa pangangatawan, at (BC)sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978