Add parallel Print Page Options

Ang Talinghaga ng Balo at ng Hukom

18 At isinalaysay ni Jesus[a] sa kanila ang isang talinghaga kung paanong sila'y dapat laging manalangin at huwag manlupaypay.

Sinabi niya, “Sa isang lunsod ay may hukom na hindi natatakot sa Diyos at walang taong iginagalang.

At sa lunsod na iyon ay may isang babaing balo na laging pumupunta sa kanya, na nagsasabi, ‘Bigyan mo ako ng katarungan laban sa aking kaaway.’

May ilang panahon na siya'y tumatanggi, subalit pagkatapos ay sinabi sa kanyang sarili, ‘Bagaman ako'y hindi natatakot sa Diyos, at hindi gumagalang sa tao,

subalit dahil ginagambala ako ng balong ito, bibigyan ko siya ng katarungan. Kung hindi ay magsasawa ako sa kanyang patuloy na pagpunta rito.’”

At sinabi ng Panginoon, “Pakinggan ninyo ang sinabi ng masamang hukom.

At hindi ba bibigyan ng Diyos ng katarungan ang kanyang mga pinili na sumisigaw sa kanya araw at gabi. Kanya bang matitiis sila?

Sinasabi ko sa inyo, mabilis niyang bibigyan sila ng katarungan. Gayunman, pagparito ng Anak ng Tao, makakatagpo kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”

Talinghaga ng Fariseo at ang Maniningil ng Buwis

Isinalaysay rin niya ang talinghagang ito sa ilan na nagtitiwala sa kanilang sarili, na sila'y matutuwid at hinahamak ang iba.

10 “Dalawang lalaki ang pumunta sa templo upang manalangin. Ang isa'y Fariseo, at ang isa'y maniningil ng buwis.

11 Ang Fariseo ay nakatayo at nanalangin sa kanyang sarili ng ganito, ‘Diyos, pinasasalamatan kita na hindi ako gaya ng ibang mga tao, na mga mangingikil, mga di makatarungan, mga mangangalunya, o gaya man ng maniningil ng buwis na ito.

12 Dalawang ulit akong nag-aayuno sa isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat ng aking kinikita!’

13 Subalit ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa malayo ay ayaw itingin man lamang ang kanyang mga mata sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, na nagsasabi, ‘Diyos, mahabag ka sa akin na isang makasalanan.’

14 Sinasabi(A) ko sa inyo, nanaog patungo sa kanyang bahay ang taong ito na inaring-ganap sa halip na ang isa. Sapagkat ang bawat nagmamataas sa kanyang sarili ay ibababa, ngunit ang nagpapakababa sa kanyang sarili ay itataas.”

Binasbasan ni Jesus ang mga Sanggol(B)

15 Noon ay dinadala sa kanya maging ang mga sanggol, upang kanyang hawakan sila. Subalit nang makita ito ng mga alagad, sila'y sinaway nila.

16 Subalit pinalapit sila ni Jesus na sinasabi, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang hadlangan, sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos.

17 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos na gaya ng isang maliit na bata ay hindi makakapasok doon.”

Ang Mayamang Lalaki(C)

18 Tinanong siya ng isang pinuno, “Mabuting Guro, anong gagawin ko upang magmana ng buhay na walang hanggan?”

19 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang.

20 Nalalaman(D) mo ang mga utos: ‘Huwag kang mangalunya; Huwag kang pumatay; Huwag kang magnakaw; Huwag kang tumayong saksi sa kasinungalingan; Igalang mo ang iyong ama at ina.’”

21 At sinabi niya, “Tinupad ko ang lahat ng mga bagay na ito buhat pa sa aking pagkabata.”

22 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Anumang mayroon ka ay ipagbili mo, ipamahagi mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. At pumarito ka, sumunod ka sa akin.

23 Subalit nang marinig niya ang mga bagay na ito, siya'y nalungkot, sapagkat siya'y napakayaman.

24 Tumingin sa kanya si Jesus at sinabi, “Napakahirap sa mga may kayamanan ang pumasok sa kaharian ng Diyos!

25 Sapagkat madali pa sa isang kamelyo ang pumasok sa butas ng isang karayom, kaysa sa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.”

26 At sinabi ng mga nakarinig nito, “Sino kaya ang maliligtas?”

27 Subalit sinabi niya, “Ang mga bagay na hindi magagawa ng mga tao ay magagawa ng Diyos.”

28 Sinabi ni Pedro, “Tingnan mo, iniwan namin ang aming mga tahanan at sumunod sa iyo.”

29 At sinabi niya sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman na nag-iwan ng bahay, o asawang babae, o mga kapatid, o mga magulang o mga anak, dahil sa kaharian ng Diyos,

30 na di tatanggap ng lalong higit pa sa panahong ito, at sa panahong darating ng buhay na walang hanggan.”

Ikatlong Pagsasalita ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(E)

31 Isinama niya ang labindalawa at sinabi sa kanila, “Tingnan ninyo, umaahon tayo tungo sa Jerusalem, at ang lahat ng mga bagay na isinulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao ay matutupad.

32 Sapagkat siya'y ibibigay sa mga Hentil at siya'y lilibakin, hahamakin, at luluraan,

33 kanilang hahagupitin siya at papatayin at sa ikatlong araw siya ay muling mabubuhay.”

34 Ngunit wala silang naunawaan sa mga bagay na ito. Ang salitang ito ay naikubli sa kanila, at hindi nila naunawaan ang sinabi.

Pinagaling ni Jesus ang Bulag na Pulubi(F)

35 Nang malapit na siya sa Jerico, isang bulag ang nakaupo sa tabi ng daan na namamalimos.

36 At nang marinig niya ang maraming tao na dumaraan, nagtanong siya kung ano ang ibig sabihin nito.

37 Sinabi nila sa kanya na dumaraan si Jesus na taga-Nazaret.

38 At siya'y sumigaw, “Jesus! Anak ni David, maawa ka sa akin.”

39 Siya'y sinaway ng mga nasa unahan at sinabihan siyang tumahimik. Subalit siya'y lalong nagsisigaw, “Anak ni David, maawa ka sa akin.”

40 At si Jesus ay tumigil at ipinag-utos na dalhin ang tao[b] sa kanya. Nang lumapit ito ay kanyang tinanong,

41 “Anong ibig mong gawin ko sa iyo?” At sinabi niya, “Panginoon, ako sana'y muling makakita.”

42 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tanggapin mo ang iyong paningin; pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”

43 At kaagad na tinanggap niya ang kanyang paningin at sumunod sa kanya, na niluluwalhati ang Diyos. Nang makita ito ng buong bayan ay nagbigay puri sila sa Diyos.

Footnotes

  1. Lucas 18:1 Sa Griyego ay niya .
  2. Lucas 18:40 Sa Griyego ay siya .

18 At sinalita niya sa kanila ang isang talinghaga, na sila'y dapat magsipanalanging lagi, at huwag manganglupaypay;

Na sinasabi, May isang hukom sa isang bayan, na hindi natatakot sa Dios, at walang taong pinagpipitaganan:

At sa bayang yaon ay may isang babaing bao; at siya'y naparoroong madalas sa kaniya, na sinasabi, Iganti mo ako sa aking kaalit.

At may ilang panahon na siya'y tumatanggi: datapuwa't pagkatapos ay sinabi sa kaniyang sarili, Bagaman di ako natatakot sa Dios, at di nagpipitagan sa tao:

Gayon man, sapagka't nililigalig ako ng baong ito, ay igaganti ko siya, baka niya ako bagabagin ng kapaparito.

At sinabi ng Panginoon, Pakinggan ninyo ang sinabi ng likong hukom.

At hindi baga, igaganti ng Dios ang kaniyang mga hirang, na sumisigaw sa kaniya sa araw at gabi, at siya'y may pagpapahinuhod sa kanila?

Sinasabi ko sa inyo, na sila'y madaling igaganti niya. Gayon ma'y pagparito ng Anak ng tao, makakasumpong kaya siya ng pananampalataya sa lupa?

At kaniyang sinalita naman ang talinghagang ito sa nagsisiasa sa kanilang sarili, na nangagpapanggap na sila'y matutuwid, at pinawawalang halaga ang lahat ng mga iba:

10 May dalawang lalaking nagsipanhik sa templo upang magsipanalangin; ang isa'y Fariseo, at ang isa'y maniningil ng buwis.

11 Ang Fariseo ay nakatayo at nanalangin sa kaniyang sarili ng ganito, Dios, pinasasalamatan kita, na hindi ako gaya ng ibang mga tao, na mga manglulupig, mga liko, mga mapangalunya, o hindi man lamang gaya ng maniningil ng buwis na ito.

12 Makalawa akong nagaayuno sa isang linggo; nagbibigay ako ng ikapu ng lahat kong kinakamtan.

13 Datapuwa't ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa malayo, ay ayaw na itingin man lamang ang kaniyang mga mata sa langit, kundi dinadagukan ang kaniyang dibdib, na sinasabi, Dios, ikaw ay mahabag sa akin, na isang makasalanan.

14 Sinasabi ko sa inyo, Nanaog at umuwi sa kaniyang bahay ang taong ito na inaaaringganap kay sa isa: sapagka't ang bawa't nagmamataas sa kaniyang sarili ay mabababa; datapuwa't ang nagpapakababa sa kaniyang sarili ay matataas.

15 At dinala naman nila sa kaniya ang kanilang mga sanggol, upang kaniyang hipuin sila; datapuwa't nang mangakita ito ng mga alagad, ay sila'y sinaway nila.

16 Datapuwa't pinalapit sila ni Jesus sa kaniya, na sinasabi, Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang pagbawalan: sapagka't sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Dios.

17 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sinomang hindi tumanggap ng kaharian ng Dios na gaya ng isang maliit na bata, ay hindi siya papasok doon sa anomang paraan.

18 At tinanong siya ng isang pinuno, na sinasabi, Mabuting Guro, anong gagawin ko upang magmana ng walang hanggang buhay?

19 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Bakit mo ako tinatawag na mabuti? walang mabuti, kundi isa, ang Dios lamang.

20 Talastas mo ang mga utos, Huwag kang mangalunya, Huwag kang pumatay, Huwag kang magnakaw, Huwag kang sumaksi sa di katotohanan, Igalang mo ang iyong ama at ina.

21 At sinabi niya, Ginanap ko ang lahat ng mga bagay na ito buhat pa sa aking pagkabata.

22 At nang marinig ito ni Jesus, ay sinabi niya sa kaniya, Isang bagay pa ang kulang sa iyo: ipagbili mo ang lahat mong tinatangkilik, at ipamahagi mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin.

23 Datapuwa't nang marinig niya ang mga bagay na ito, siya'y namanglaw na lubha; sapagka't siya'y totoong mayaman.

24 At sa pagmamasid sa kaniya ni Jesus ay sinabi, Pagkahiraphirap na makapasok sa kaharian ng Dios ang mga may kayamanan!

25 Sapagka't magaan pa sa isang kamelyo ang pumasok sa butas ng isang karayom, kay sa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Dios.

26 At sinabi ng mga nakarinig nito, Sino nga kaya ang makaliligtas?

27 Datapuwa't sinabi niya, Ang mga bagay na di mangyayari sa mga tao ay may pangyayari sa Dios.

28 At sinabi ni Pedro, Narito, iniwan namin ang aming sarili, at nagsisunod sa iyo.

29 At sinabi niya sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang taong nagiwan ng bahay, o asawang babae, o mga kapatid, o mga magulang o mga anak, dahil sa kaharian ng Dios,

30 Na di tatanggap ng makapupung higit sa panahong ito, at sa sanglibutang darating, ng walang hanggang buhay.

31 At isinama niya ng bukod ang labingdalawa, at sa kanila'y sinabi, Narito, nagsisiahon tayo sa Jerusalem, at ang lahat ng mga bagay na isinulat ng mga propeta ay mangagaganap sa Anak ng tao.

32 Sapagka't siya'y ibibigay sa mga Gentil, at siya'y aalimurahin, at duduwahaginin, at luluraan.

33 At kanilang papaluin at papatayin siya: at sa ikatlong araw ay muling magbabangon siya.

34 At wala silang napagunawa sa mga bagay na ito; at ang sabing ito ay nalingid sa kanila, at hindi nila napagtalastas ang sinabi.

35 At nangyari, na nang nalalapit na sila sa Jerico, isang bulag ay nakaupo sa tabi ng daan na nagpapalimos:

36 At pagkarinig na nagdaraan ang maraming tao, ay itinanong niya kung ano ang ibig sabihin noon.

37 At sinabi nila sa kaniya, na nagdaraan si Jesus na taga Nazaret.

38 At siya'y nagsisigaw, na sinasabi, Jesus, ikaw na anak ni David, mahabag ka sa akin.

39 At siya'y sinaway ng nangasa unahan, upang siya'y tumahimik: datapuwa't siya'y lalong nagsisigaw, Ikaw na anak ni David, mahabag ka sa akin.

40 At si Jesus ay tumigil, at ipinagutos na dalhin siya sa kaniya: at nang mailapit siya, ay itinanong niya sa kaniya,

41 Anong ibig mo na sa iyo'y gawin ko? At sinabi niya, Panginoon, na tanggapin ko ang aking paningin.

42 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Tanggapin mo ang iyong paningin: pinagaling ka ng pananampalataya mo.

43 At pagdaka'y tinanggap niya ang kaniyang paningin, at sumunod sa kaniya, na niluluwalhati ang Dios: at pagkakita nito ng buong bayan, ay nangagpuri sa Dios.

Ang Talinghaga Patungkol sa Matiyagang Balo

18 Nagsabi si Jesus ng isang talinghaga sa kanila upang ipabatid sa kanila na kinakailangang manalangin lagi at huwag manghina.

Sinabi niya: Sa isang lungsod ay may isang hukom. Hindi siya natatakot sa Diyos at hindi niya iginagalang ang tao. Sa lungsod na iyon ay may isang balo na laging nagpu­punta sa kaniya. Sinasabi nito: Ipaghiganti mo ako sa aking kalaban.

Sa ilang panahon, ang hukom ay umayaw. Sa bandang huli, sinabi niya sa kaniyang sarili: Hindi ko kinatatakutan ang Diyos at wala akong iginagalang na tao. Ngunit ipaghihiganti ko ang balong ito, kung hindi, papagurin niya ako sa kaniyang patuloy na pagparito.

Sinabi ng Panginoon: Dinggin ninyo kung ano ang sinasabi ng di-makatarungang hukom. Hindi ba ipaghihiganti ng Diyos ang kaniyang mga pinili na dumaraing sa kaniya araw at gabi? Hindi ba siya mapagpasensiya ng lubos sa kanila? Sinasabi ko sa inyo: Agad niya silang ipaghihiganti. Magkagayunman, pagdating ng Anak ng Tao, makasumpong kaya siya ng pananampalataya sa lupa?

Ang Talinghaga Patungkol sa Fariseo at Maniningil ng Buwis

May ilang mga nagtiwala sa kanilang mga sarili na sila ay matuwid at hinamak nila ang iba. Sa kanila ay sinabi rin ni Jesus ang talinghagang ito.

10 Dalawang lalaki ang umahon sa templo upang manalangin. Ang isa ay Fariseo at ang isa ay maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Fariseo at nanalangin siya sa kaniyang sarili ng ganito: Diyos, pinasasalamatan kita na hindi ako katulad ng ibang tao. Hindi ako katulad nila na mga mangingikil, mga hindi matuwid at mga mangangalunya. Hindi rin ako katulad ng maniningil ng buwis na ito. 12 Dalawang ulit akong nag-aayuno saloob ng isang linggo. Nagbibigay ako ng ikapu sa lahat ng bagay na aking tinatangkilik.

13 Ngunit ang maniningil ng buwis na nakatayo sa malayo ay hindi man lamang niya itinataas ang kaniyang paningin sa langit, sa halip ay kaniyang binabayo ang kaniyang dibdib. Sinabi niya: Diyos, pagkalooban mo ako ng iyong habag, ako na isang makasalanan.

14 Sinasabi ko sa inyo: Ang taong ito ay umuwi sa kaniyang bahay na pinaging-matuwid at ang isa ay hindi. Ito ay sapagkat ang bawat isang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, at ang bawat isang nagpapakumbaba ay itataas.

Si Jesus at ang Maliliit na Bata

15 Dinala rin nila sa kaniya ang mga sanggol upang mahipo niya. Ngunit ng makita ito ng mga alagad, sinaway nila sila.

16 Ngunit tinawag sila ni Jesus sa kaniya at sinabi: Pahintulutan ninyong lumapit sa akin ang mga maliliit na bata sapagkat ang paghahari ng Diyos ay para sa mga katulad nila. 17 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang sinumang hindi tumanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng isang maliit na bata ay hindi kailanman makakapasok doon.

Ang Mayamang Pinuno

18 Isang pinuno ang nagtanong sa kaniya na sinasabi: Mabuting guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ako ng buhay na walang hanggan?

19 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang sinumang mabuti maliban sa isa, ang Diyos. 20 Alam mo ang mga utos. Huwag kang mangangalunya, huwag kang papatay. Huwag kang magnanakaw, huwag kang magbibigay ng maling patotoo. Igalang mo ang iyong ama at ina.

21 Sinabi niya: Ang lahat ng mga bagay na ito ay sinunod ko mula pa sa aking kabataan.

22 Pagkarinig ni Jesus sa mga bagay na ito, sinabi niya sa kaniya: Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat mong pag-aari gaano man karami ito. Ipamahagi mo sa mga dukha at ikaw ay magkakaroon ng kayamanan sa langit. Halika, sumunod ka sa akin.

23 Pagkarinig niya ng mga bagay na ito, lubha siyang nagdalamhati sapagkat napakayaman niya. 24 Nakita ni Jesus na siya ay lubhang nagdalamhati. Sa pagkakita niya, kaniyang sinabi: Napakahirap para sa kanilang may kayamanan ang makapasok sa paghahari ng Diyos. 25 Ang dumaan sa butas ng isang karayom ay higit na madali para sa isang kamelyo kaysa sa isang lalaking mayaman na makapasok sa paghahari ng Diyos.

26 Ang mga nakarinig ay nagsabi: Sino nga ang maaaring maligtas?

27 Sinabi ni Jesus: Ang mga bagay na hindi maaaring gawin ng tao ay maaaring gawin ng Diyos.

28 Sinabi ni Pedro: Narito, iniwan namin ang lahat at sumunod sa iyo.

29 Sinabi niya sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: May mga taong nag-iwan ng tahanan, o magulang, o mga kapatid, o asawang babae, o mga anak para sa paghahari ng Diyos. 30 Ang sinumang nag-iwan ng mga ito ay tatanggap ng lalong higit sa kapanahunang ito. Tatanggap din siya ng buhay na walang hanggan sa darating na kapanahunan.

Binanggit Muli ni Jesus ang Kaniyang Kamatayan

31 Pagkatipon ni Jesus sa kaniyang labindalawang alagad, sinabi niya sa kanila: Narito, aahon tayo sa Jerusalem. Magaganap ang lahat ng mga bagay na isinulat ng mga propeta patungkol sa Anak ng Tao.

32 Ito ay sapagkat ibibigay siya sa mga Gentil at siya ay kukutyain, aalimurain at duduraan. 33 Siya ay kanilang hahagupitin at papatayin at sa ikatlong araw, siya ay muling babangon.

34 Wala silang naunawaan sa mga bagay na ito. Ang pananalitang ito ay naitago mula sa kanila at hindi nila alam kung ano ang kahulugan ng sinabi.

Ang Pulubing Bulag ay Nakakita

35 Papalapit na siya sa Jerico. Nangyari, na may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan na namamalimos.

36 Nang marinig niya ang maraming taong nagdadaan, tinanong niya kung ano ito. 37 Sinabi nila sa kaniya: Si Jesus na taga-Nazaret ay dumadaan. 38 Ang bulag ay sumigaw. Sinabi niya: Jesus, anak ni David, kahabagan mo ako.

39 Sinaway siya ng mga nauuna at pinatahimik ngunit lalo pa siyang sumigaw: Anak ni David, kahabagan mo ako.

40 Tumigil si Jesus at iniutos na dalhin siya sa kaniya. Sa paglapit ng bulag, tinanong siya ni Jesus: 41 Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo.

Sinabi niya: Panginoon, ibig kong makakita.

42 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Makakita ka. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya. 43 Kaagad-agad, nakakita siya at sumunod sa kaniya na nagluluwalhati sa Diyos. Ang lahat ng mga taong nakakita ay nagpuri sa Diyos.