Add parallel Print Page Options

Ang Babala Laban sa Pagkukunwari(A)

12 Samantala,(B) nang magkatipon ang libu-libong tao, na anupa't sila'y nagkakatapakan na sa isa't isa, nagpasimula siyang magsalita muna sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo, na ito'y pagkukunwari.

Walang(C) bagay na natatakpan na hindi mabubunyag, at walang bagay na natatago na hindi malalaman.

Kaya't ang anumang sinabi ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag at ang ibinulong ninyo sa mga lihim na silid ay ipagsisigawan sa mga bubungan.

Ang Dapat Katakutan(D)

“Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan ko, huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan, na pagkatapos ay wala na silang magagawa.

Subalit ipapakita ko sa inyo kung sino ang inyong dapat katakutan; katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may kapangyarihang magtapon sa impiyerno.[a] Oo, sinasabi ko sa inyo, siya ang inyong katakutan.

Hindi ba ipinagbibili ang limang maya sa halagang dalawang sentimos? Isa man sa kanila ay hindi nalilimutan ng Diyos.

Ngunit maging ang mga buhok ng inyong ulo ay bilang na lahat. Huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.

Ang Pagkilala at Pagkakaila kay Jesus(E)

“At sinasabi ko sa inyo, ang bawat kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin din siya ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos.

Subalit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ipagkakaila sa harap ng mga anghel ng Diyos.

10 At(F) ang bawat bumigkas ng salita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin; ngunit ang magsalita ng kalapastanganan laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin.

11 Kapag(G) kayo'y dinala nila sa harap ng mga sinagoga, at sa mga pinuno, at sa mga may kapangyarihan ay huwag kayong mag-alala kung paano o ano ang inyong isasagot, o kung ano ang inyong sasabihin,

12 sapagkat ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo sa oras ding iyon kung ano ang dapat ninyong sabihin.”

Ang Talinghaga ng Mayamang Hangal

13 Sinabi sa kanya ng isa sa maraming tao, “Guro, sabihin mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana.”

14 Subalit sinabi niya sa kanya, “Lalaki, sino ang nagtalaga sa akin upang maging hukom o tagapamahagi sa inyo?”

15 Sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo at magbantay laban sa lahat ng kasakiman, sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa kasaganaan ng kanyang mga ari-arian.”

16 Nagsalaysay siya sa kanila ng isang talinghaga: “Ang lupain ng taong mayaman ay namunga ng sagana.

17 Inisip niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko, sapagkat wala akong mapaglalagyan ng aking mga ani?’

18 Sinabi niya, ‘Ito ang aking gagawin. Gigibain ko ang aking mga kamalig at magtatayo ako ng mas malalaki at doon ko titipunin ang lahat ng aking mga butil at mga pag-aari.’

19 At sasabihin ko sa aking kaluluwa ‘Kaluluwa, marami ka nang pag-aaring nakaimbak para sa maraming taon; magpahinga ka, kumain ka, uminom ka, magsaya ka.’

20 Subalit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal, sa gabing ito ay kukunin ang iyong kaluluwa; at kanino kaya mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?’

21 Gayon nga ang nagtitipon ng kayamanan para sa kanyang sarili, subalit hindi mayaman sa Diyos.”

Pagtitiwala sa Diyos(H)

22 At sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin; o sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot.

23 Sapagkat ang buhay ay higit kaysa pagkain at ang katawan ay higit kaysa damit.

24 Pansinin ninyo ang mga uwak. Hindi sila naghahasik, ni gumagapas man. Sila'y walang imbakan ni kamalig man, subalit sila'y pinapakain ng Diyos. Gaano pang higit kayong mahalaga kaysa mga ibon!

25 At sino sa inyo na sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang oras sa haba ng kanyang buhay?[b]

26 Kung hindi nga ninyo magawa ang ganoong kaliit na bagay, bakit mag-aalala kayo tungkol sa mga ibang bagay?

27 Pansinin(I) ninyo ang mga liryo, kung paano silang tumutubo. Hindi sila nagpapagal o humahabi man, subalit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon, sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapagbihis na gaya ng isa sa mga ito.

28 Ngunit kung dinadamitan ng Diyos nang ganito ang damo sa parang na ngayon ay buháy, at sa kinabukasan ay itinatapon sa pugon, gaano pa kaya kayo na kanyang dadamitan, O kayong maliliit ang pananampalataya?

29 At huwag ninyong laging hanapin kung ano ang inyong kakainin, kung ano ang inyong iinumin, at huwag kayong mabalisa.

30 Sapagkat ang mga bagay na ito ang siyang hinahanap ng lahat ng mga bansa sa sanlibutan, at nalalaman ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga bagay na ito.

31 Subalit, hanapin ninyo ang kanyang kaharian at lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay din sa inyo.

Kayamanan sa Langit(J)

32 “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat nakakalugod sa inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.

33 Ipagbili ninyo ang inyong mga ari-arian at kayo'y magbigay ng limos. Gumawa kayo para sa inyong mga sarili ng mga supot na hindi naluluma, ng isang kayamanan sa langit na hindi nauubos, na doo'y hindi lumalapit ang magnanakaw, o naninira man ang bukbok.

34 Sapagkat kung saan naroroon ang inyong kayamanan ay naroroon din naman ang inyong puso.

Mga Lingkod na Handa

35 “Bigkisan(K) ninyo ang inyong mga baywang at paliwanagin ninyo ang inyong mga ilawan.

36 At(L) maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang panginoon na magbalik mula sa kasalan upang agad nilang mapagbuksan siya kapag siya ay dumating na at tumuktok.

37 Mapapalad ang mga aliping iyon na madatnan ng panginoon na nagbabantay kapag siya ay dumating. Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, bibigkisan niya ang kanyang baywang, sila'y papaupuin sa hapag-kainan at siya ay lalapit at paglilingkuran sila.

38 At kung siya'y dumating sa hatinggabi, o sa magmamadaling-araw na, at matagpuan silang gayon ay mapapalad ang mga aliping iyon.

39 Subalit(M) alamin ninyo ito, kung nalalaman ng may-ari ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, siya'y[c] hindi magpapabayang mapasok ang kanyang bahay.

40 Dapat din kayong maging handa, sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.”

Tapat at Di-tapat na Alipin(N)

41 Sinabi ni Pedro, “Panginoon, sinasabi mo ba ang talinghagang ito para sa amin, o para sa lahat?”

42 At sinabi ng Panginoon, “Sino nga ba ang tapat at matalinong katiwala na pagkakatiwalaan ng kanyang panginoon sa kanyang mga alipin, upang sila'y bigyan ng kanilang bahaging pagkain sa tamang panahon?

43 Mapalad ang aliping iyon, na maratnan ng kanyang panginoon na gayon ang ginagawa.

44 Tunay na sinasabi ko sa inyo, sa kanya ipagkakatiwala ang lahat niyang ari-arian.

45 Subalit kung sabihin ng alipin iyon sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pagdating ng aking panginoon;’ at pinasimulan niyang bugbugin ang mga aliping lalaki at mga aliping babae; at siya'y kumain, uminom, at naglasing,

46 ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan, at sa oras na hindi niya nalalaman. Siya'y pagpuputul-putulin at isasama sa mga hindi tapat.

47 At ang aliping iyon na nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, ngunit hindi naghanda at hindi ginawa ang ayon sa kalooban nito ay papaluin nang marami.

48 Subalit ang hindi nakakaalam at gumawa ng mga bagay na karapat-dapat sa mga palo ay papaluin ng kaunti. Ngunit sa bawat binigyan ng marami ay marami ang hihingin sa kanya, at sa kanya na pinagkatiwalaan ng marami ay higit na marami ang kanilang hihingin sa kanya.

Si Jesus ang Sanhi ng Pagkakabaha-bahagi(O)

49 “Ako'y naparito upang maghagis ng apoy sa lupa at nais ko sana na ito ay nagniningas na!

50 Ako'y(P) mayroong bautismo na ibabautismo sa akin, at ako'y nababagabag hanggang hindi ito nagaganap!

51 Sa palagay ba ninyo ay pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Hindi! Sinasabi ko sa inyo, sa halip ay pagkakabaha-bahagi.

52 Sapagkat mula ngayon ang lima sa isang bahay ay magkakabaha-bahagi; tatlo laban sa dalawa, at dalawa laban sa tatlo.

53 Sila'y(Q) magkakabaha-bahagi; ang ama laban sa anak na lalaki, at ang anak na lalaki laban sa ama; ang ina laban sa anak na babae, at ang anak na babae laban sa kanyang ina; ang biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at ang manugang na babae laban sa kanyang biyenang babae.”

Pagbibigay-kahulugan sa Panahon(R)

54 Sinabi rin niya sa napakaraming tao, “Kapag may nakita kayong ulap na tumataas sa kanluran ay agad ninyong sinasabi na may darating na malakas na ulan, at gayon nga ang nangyayari.

55 At kapag nakikita ninyong humihihip ang hanging habagat ay sinasabi ninyo, na magkakaroon ng matinding init, at ito'y nangyayari.

56 Kayong mga mapagkunwari! Marunong kayong magbigay ng kahulugan sa anyo ng lupa at ng langit, subalit bakit hindi kayo marunong magbigay ng kahulugan sa kasalukuyang panahon?

Makipag-ayos sa Iyong Kalaban(S)

57 At bakit hindi ninyo hatulan para sa inyong sarili kung ano ang matuwid?

58 Kaya habang patungo ka sa hukom na kasama ang sa iyo'y nagsakdal, sa daan ay sikapin mo nang makipag-ayos sa kanya, kung hindi ay kakaladkarin ka niya sa hukom, at ibibigay ka ng hukom sa punong-tanod, at ipapasok ka ng punong-tanod sa bilangguan.

59 Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makakalabas hanggang sa mabayaran mo ang kahuli-hulihang kusing.”

Footnotes

  1. Lucas 12:5 Sa Griyego ay Gehenna .
  2. Lucas 12:25 o makapagdaragdag ng isang siko sa kanyang taas .
  3. Lucas 12:39 Sa ibang mga kasulatan ay mananatiling gising .

Babala Laban sa mga Pakitang-tao(A)

12 Libu-libong tao ang dumagsa kay Jesus, kaya nagkakasiksikan na sila. Binalaan ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Mag-ingat kayo at baka mahawa kayo sa ugali[a] ng mga Pariseo na pakitang-tao. Walang natatago na hindi malalantad, at walang nalilihim na hindi mabubunyag. Kaya anumang sabihin ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag, at anumang ibulong ninyo sa loob ng kwarto ay malalaman ng lahat.”

Ang Dapat Katakutan(B)

“Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan, huwag kayong matakot sa mga gustong pumatay sa inyo. Ang kaya lang nilang patayin ay ang katawan ninyo, at pagkatapos ay wala na silang magagawa pa. Sasabihin ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan: katakutan ninyo ang Dios, dahil pagkatapos niyang patayin ang katawan nʼyo ay may kapangyarihan pa siyang itapon kayo sa impyerno. Oo, sinasabi ko sa inyo, siya ang dapat ninyong katakutan. Hindi baʼt napakamura ng halaga ng maya? Ngunit kahit isa sa kanila ay hindi nakakalimutan ng Dios. Higit kayong mahalaga kaysa sa maraming maya. Kahit ang bilang ng buhok nʼyo ay alam niya. Kaya huwag kayong matakot.”

Ang Pagkilala kay Cristo(C)

Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Tandaan ninyo: ang sinumang kumikilala sa akin na ako ang Panginoon niya sa harap ng mga tao, ako na Anak ng Tao, ay kikilalanin din siya sa harap ng mga anghel ng Dios. Ngunit ang hindi kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng mga anghel ng Dios. 10 Ang sinumang magsalita ng masama laban sa akin na Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang magsalita ng masama laban sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad.

11 “Kung dahil sa pananampalataya ninyo ay dadalhin kayo sa mga sambahan ng mga Judio o sa mga tagapamahala ng bayan upang imbestigahan, huwag kayong mag-alala kung paano kayo mangangatwiran o kung ano ang sasabihin ninyo. 12 Sapagkat ituturo sa inyo ng Banal na Espiritu sa oras ding iyon kung ano ang dapat ninyong sabihin.”

Ang Mayamang Hangal

13 Sinabi kay Jesus ng isa sa karamihan, “Guro, sabihin nga po ninyo sa kapatid ko na ibigay niya sa akin ang bahagi ko sa mana namin.” 14 Sumagot si Jesus, “Kaibigan, tagahatol ba ako o tagahati ng pag-aari ninyo?” 15 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman, dahil ang buhay ng tao ay hindi nasusukat sa dami ng kanyang pag-aari.” 16 At ikinuwento niya ang talinghaga na ito: “May isang mayamang may bukirin na umani nang sagana. 17 Sinabi niya sa kanyang sarili, ‘Ano kaya ang gagawin ko? Wala na akong mapaglagyan ng ani ko. 18 Alam ko na! Gigibain ko ang mga bodega ko at magpapagawa ako ng mas malaki, at doon ko ilalagay ang ani at mga ari-arian ko. 19 At dahil marami na akong naipon para sa maraming taon, magpapahinga na lang ako, kakain, iinom at magpapakaligaya!’ 20 Ngunit sinabi sa kanya ng Dios, ‘Hangal! Ngayong gabi ay babawiin ko sa iyo ang buhay mo. Kanino ngayon mapupunta ang lahat ng inipon mo para sa iyong sarili?’ 21 Ganyan ang mangyayari sa taong nagpapayaman sa sarili ngunit mahirap sa paningin ng Dios.”

Manalig sa Dios(D)

22 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Kaya huwag kayong mag-alala tungkol inyong buhay – kung ano ang inyong kakainin, o susuotin. 23 Dahil kung binigyan kayo ng Dios ng buhay, siguradong bibigyan din niya kayo ng pagkain at isusuot. 24 Tingnan ninyo ang mga uwak. Hindi sila nagtatanim, o nag-aani, o nag-iipon sa mga bodega, pero pinakakain sila ng Dios. Higit kayong mahalaga kaysa sa mga ibon! 25 Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit kaunti sa pamamagitan ng pag-aalala? 26 Kaya kung hindi ninyo kayang gawin ang ganyang kaliit na bagay, bakit kayo mag-aalala tungkol sa iba pang bagay? 27 Tingnan ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang. Hindi sila nagtatrabaho o gumagawa ng maisusuot nila. Ngunit sasabihin ko sa inyo, kahit si Solomon ay hindi nakapagsuot ng kasingganda ng mga bulaklak na iyon sa kabila ng kanyang karangyaan. 28 Kung dinadamitan ng Dios nang ganito ang mga damo sa parang, na buhay ngayon pero kinabukasan ay malalanta at susunugin, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya! 29 Kaya huwag kayong mag-alala kung ano ang kakainin o iinumin ninyo. 30 Ang mga bagay na ito ang pinapahalagahan ng mga tao sa mundo na hindi kumikilala sa Dios. Ngunit alam ng inyong Amang nasa langit na kailangan ninyo ang mga ito. 31 Sa halip, unahin ninyo ang mapabilang sa kaharian ng Dios at pati ang mga pangangailangan ninyo ay ibibigay niya.”

Kayamanan sa Langit(E)

32 “Kayong mga tagasunod ko ay kaunti lang.[b] Ngunit huwag kayong matakot, dahil ipinagkaloob ng inyong Ama na maghari kayong kasama niya. 33 Ipagbili ninyo ang mga ari-arian ninyo at ipamigay ang pera sa mga mahihirap, upang makaipon kayo ng kayamanan sa langit. Doon, ang maiipon ninyong kayamanan ay hindi maluluma o mauubos, sapagkat doon ay walang makakalapit na magnanakaw o makakapanirang insekto. 34 Sapagkat kung nasaan ang kayamanan ninyo, naroon din ang puso ninyo.”

Ang Mapagkakatiwalaang mga Utusan

35-36 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Maging handa kayo palagi sa pagbabalik ng inyong Panginoon, katulad ng mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang amo mula sa kasalan. Nakahanda sila at nakasindi ang mga ilawan nila, upang sa pagdating at pagkatok ng amo nila ay mabubuksan nila agad ang pinto. 37 Mapalad ang mga aliping madadatnan ng amo nila na gising at nagbabantay sa kanyang pag-uwi. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, maghahanda ang amo nila para pagsilbihan sila. Sila ay pauupuin niya sa kanyang mesa at pagsisilbihan habang kumakain sila. 38 Mapalad ang mga aliping iyon kung madadatnan sila ng amo nila na handa kahit anong oras – hatinggabi man o madaling-araw. 39 Tandaan ninyo ito: kung alam ng isang tao kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya hahayaang pasukin nito ang bahay niya. 40 Kayo man ay dapat maging handa, dahil ako, na Anak ng Tao, ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.”

Ang Tapat at Hindi Tapat na Alipin(F)

41 Nagtanong si Pedro, “Panginoon, para kanino po ba ang talinghaga na iyon, para sa amin o para sa lahat?” 42 Sumagot ang Panginoon, “Hindi baʼt ang tapat at matalinong utusan ang pamamahalain ng amo niya sa mga kapwa niya alipin? Siya ang magbibigay sa kanila ng pagkain nila sa tamang oras. 43 Mapalad ang aliping iyon kapag nadatnan siya ng amo niya na ginagawa ang kanyang tungkulin. 44 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, pamamahalain siya ng kanyang amo sa lahat ng mga ari-arian nito. 45 Ngunit kawawa ang alipin kung inaakala niyang matatagalan pa bago bumalik ang amo niya, at habang wala ito ay pagmamalupitan niya ang ibang mga alipin, lalaki man o babae, at magpapakabusog siya at maglalasing. 46 Darating ang amo niya sa araw o oras na hindi niya inaasahan, at parurusahan siya nang matindi[c] at isasama sa mga hindi mapagkakatiwalaan.

47 “Ang aliping nakakaalam ng kagustuhan ng amo niya ngunit hindi naghahanda at hindi gumagawa ng kanyang tungkulin ay tatanggap ng mabigat na parusa.[d] 48 At ang aliping hindi nakakaalam ng kagustuhan ng amo niya, at nakagawa ng kamalian ay parurusahan din, pero magaan lang. Ang binigyan ng marami ay hahanapan ng marami. Mas marami nga ang pananagutan ng pinagkatiwalaan ng mas marami.”

Ang Pagkakahati-hati ng Sambahayan Dahil kay Cristo(G)

49 “Naparito ako sa lupa upang magdala ng apoy[e] at gusto ko sanang magliyab na ito. 50 Ngunit bago ito mangyari, may mga paghihirap na kailangan kong pagdaanan. At hindi ako mapapalagay hanggaʼt hindi ito natutupad.

51 “Akala ba ninyo ay naparito ako sa lupa upang magkaroon ng maayos na relasyon ang mga tao? Ang totoo, naparito ako upang magkaroon sila ng hidwaan. 52 Mula ngayon, mahahati ang limang tao sa loob ng isang pamilya. Tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo. 53 Kokontrahin ng ama ang anak niyang lalaki, at kokontrahin din ng anak na lalaki ang kanyang ama. Ganoon din ang mangyayari sa ina at sa anak niyang babae, at sa biyenang babae at sa manugang niyang babae.”

Magmatyag sa mga Nangyayari Ngayon(H)

54 Sinabi ni Jesus sa mga tao, “Kapag nakita ninyo ang makapal na ulap sa kanluran, sinasabi ninyong uulan, at umuulan nga. 55 At kapag umihip naman ang hanging habagat ay sinasabi ninyong iinit, at umiinit nga. 56 Mga pakitang-tao! Alam ninyo ang kahulugan ng mga palatandaang nakikita ninyo sa lupa at sa langit, pero bakit hindi ninyo alam ang kahulugan ng mga nangyayari ngayon?

Makipagkasundo sa Kaaway(I)

57 “Bakit hindi ninyo mapagpasyahan kung ano ang matuwid? 58 Kapag may magdedemanda sa iyo, pagsikapan mong makipag-ayos sa kanya habang papunta pa lang kayo sa hukuman; dahil baka pilitin ka pa niyang humarap sa hukom, at pagkatapos ay ibigay ka ng hukom sa alagad ng batas upang ipabilanggo. 59 Tinitiyak ko sa iyo, hindi ka makakalabas ng bilangguan hanggaʼt hindi mo nababayaran ang lahat ng multa[f] mo.”

Footnotes

  1. 12:1 at baka … ugali: sa literal, sa pampaalsa.
  2. 12:32 Kayong mga tagasunod ko ay kaunti lang: sa literal, munting kawan.
  3. 12:46 parurusahan siya nang matindi: sa literal, kakatayin siya.
  4. 12:47 mabigat na parusa: sa literal, maraming hampas.
  5. 12:49 apoy: Ang ibig sabihin, kaparusahan.
  6. 12:59 multa: o, piyansa.

12 Samantalang nangagkakatipon ang libolibong tao, na ano pa't nagkakayapakan silasila, ay nagpasimula siyang magsalita muna sa kaniyang mga alagad, (A)Mangagingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo, na ito'y (B)pagpapaimbabaw nga.

Datapuwa't walang bagay na natatakpan, (C)na hindi mahahayag: at natatago, na hindi malalaman.

Kaya nga, ang anomang sinabi ninyo sa kadiliman ay maririnig sa kaliwanagan, at ang sinalita ninyo sa bulong sa mga silid, ay ipagsisigawan sa mga bubungan.

At sinasabi ko sa inyo (D)mga kaibigan ko, Huwag kayong mangatakot sa mga pumapatay ng katawan, na pagkatapos niyan ay wala na silang magagawa.

Datapuwa't ipinagpapauna ko sa inyo kung sino ang inyong katatakutan: Katakutan ninyo yaong pagkatapos na pumatay, ay may kapangyarihang magbulid sa impierno; tunay, sinasabi ko sa inyo, Siya ninyong katakutan.

Hindi baga ipinagbibili ang (E)limang maya sa dalawang beles? at isa man sa kanila ay hindi nalilimutan sa paningin ng Dios.

Datapuwa't maging ang mga buhok ng inyong ulo ay pawang bilang na lahat. Huwag kayong mangatakot: kayo'y lalong mahalaga kay sa maraming maya.

At sinasabi ko sa inyo, Ang bawa't kumikilala sa akin sa harap ng mga tao, ay kikilalanin naman siya ng Anak ng tao sa harap ng (F)mga anghel ng Dios:

Datapuwa't ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao, ay ikakaila sa harap ng mga anghel ng Dios.

10 Ang bawa't (G)magsalita ng salitang laban sa Anak ng tao ay patatawarin: nguni't ang magsalita ng kapusungan laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin.

11 At pagka kayo'y dadalhin (H)sa harap ng mga sinagoga, at sa mga pinuno, at sa mga may kapamahalaan, ay huwag kayong mangabalisa kung paano o ano ang inyong isasagot, o kung ano ang inyong sasabihin:

12 Sapagka't ituturo sa inyo ng Espiritu Santo sa oras ding yaon ang inyong dapat sabihin.

13 At sinabi sa kaniya ng isa sa karamihan, Guro, iutos mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana.

14 Datapuwa't sinabi niya sa kaniya, Lalake, sino ang gumawa sa aking hukom o tagapamahagi sa inyo?

15 At sinabi niya sa kanila, (I)Mangagmasid kayo, at kayo'y mangagingat sa lahat ng kasakiman: sapagka't ang buhay ng tao ay hindi sa kasaganaan ng mga bagay na tinatangkilik niya.

16 At nagsaysay siya sa kanila ng isang talinghaga, na sinasabi, Ang lupa ng isang taong mayaman ay namumunga ng sagana:

17 At iniisip niya sa sarili na sinasabi, Ano ang gagawin ko, sapagka't wala akong mapaglalagyan ng aking mga inaning bunga?

18 At sinabi niya, Ito ang gagawin ko: igigiba ko ang aking mga bangan, at gagawa ako ng lalong malalaki; at doon ko ilalagay ang lahat ng aking butil at aking mga pagaari.

19 At sasabihin ko sa aking kaluluwa, (J)Kaluluwa, marami ka nang pagaaring nakakamalig para sa maraming taon; magpahingalay ka, kumain ka, uminom ka, matuwa ka.

20 Datapuwa't sinabi sa kaniya ng Dios, Ikaw na haling, hihingin sa iyo sa gabing (K)ito ang iyong kaluluwa; at (L)ang mga bagay na inihanda mo, ay mapapa sa kanino kaya?

21 Gayon nga ang (M)nagpapakayaman sa ganang kaniyang sarili, at (N)hindi mayaman sa Dios.

22 At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Kaya nga sinasabi ko sa inyo, (O)Huwag kayong mangabalisa sa inyong pamumuhay, kung ano ang inyong kakanin; kahit sa inyong katawan, kung ano ang inyong daramtin.

23 Sapagka't ang buhay ay higit kay sa pagkain, at ang katawan kay sa damit.

24 Wariin ninyo ang mga uwak, na hindi sila nangaghahasik, ni nagsisigapas man; na walang bangan ni kamalig man; at sila'y pinakakain ng Dios: gaano ang kahigtan ng kahalagahan ninyo kay sa mga ibon!

25 At sino sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa sukat ng kaniyang buhay?

26 Kung hindi nga ninyo magawa kahit ang lalong maliit, bakit nangababalisa kayo tungkol sa mga ibang bagay?

27 Wariin ninyo ang mga lirio, kung paano silang nagsisilaki: hindi nangagpapagal, o nangagsusulid man; gayon ma'y sinasabi ko sa inyo, Kahit si Salomon man, sa buong kaluwalhatian niya, ay hindi nakapaggayak na gaya ng isa sa mga ito.

28 Nguni't kung pinararamtan ng Dios ng ganito ang damo sa parang, na ngayon ay buháy, at sa kinabukasan ay iginagatong sa kalan; gaano pa kaya kayo na di niya pararamtan, Oh kayong mga kakaunti ang pananampalataya?

29 At huwag ninyong pagsikapan kung ano ang inyong kakanin, at kung ano ang inyong iinumin, o huwag man kayo'y mapagalinlangang pagiisip.

30 Sapagka't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pinaghahanap ng mga bansa sa sanglibutan: datapuwa't talastas ng inyong Ama na inyong kinakailangan ang mga bagay na ito.

31 Gayon ma'y hanapin ninyo ang kaniyang kaharian, at idaragdag sa inyo ang mga bagay na ito.

32 Huwag kayong mangatakot, (P)munting kawan; sapagka't nakalulugod na mainam sa inyong Ama ang sa inyo'y ibigay (Q)ang kaharian.

33 Ipagbili ninyo ang inyong mga tinatangkilik, (R)at kayo'y mangaglimos; magsigawa kayo sa ganang inyo ng mga supot na hindi nangaluluma, isang (S)kayamanan sa langit na hindi nagkukulang, na doo'y hindi lumalapit ang magnanakaw, o naninira man ang tanga.

34 Sapagka't kung saan naroroon ang inyong kayamanan, ay doroon naman ang inyong puso.

35 Bigkisan ninyo ang inyong mga baywang, (T)at paningasan ang inyong mga ilawan;

36 At magsitulad kayo sa mga taong nangaghihintay sa kanilang panginoon kung siya'y bumalik na galing sa kasalan; upang kung siya'y dumating at tumuktok, pagdaka'y mabuksan nila siya.

37 Mapapalad (U)yaong mga alipin na kung dumating ang panginoon ay maratnang (V)nangagpupuyat: katotohanang sinasabi ko sa inyo na (W)siya'y magbibigkis sa sarili, at sila'y (X)pauupuin sa dulang, at lalapit at sila'y paglilingkuran niya.

38 At kung siya'y dumating sa (Y)ikalawang pagpupuyat, o sa ikatlo, at masumpungan sila sa gayon, ay mapapalad ang mga aliping yaon.

39 Datapuwa't talastasin ninyo ito (Z)na kung nalalaman lamang ng puno ng sangbahayan kung anong oras darating ang magnanakaw, siya'y magpupuyat, at hindi pababayaang sirain ang kaniyang bahay.

40 Kayo rin naman ay mangagsihanda: (AA)sapagka't sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.

41 At sinabi ni Pedro, Panginoon, sinasabi mo baga ang talinghagang ito sa amin, o sa lahat naman?

42 At sinabi ng Panginoon, Sino nga baga ang (AB)katiwalang tapat at matalino, na pagkakatiwalaan ng kaniyang panginoon ng kaniyang sangbahayan, upang sila'y bigyan ng kanilang bahagi na pagkain sa kapanahunan?

43 Mapalad ang aliping yaon, na kung dumating ang kaniyang panginoon ay maratnang gayon ang ginagawa niya.

44 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sa kaniya'y ipagkakatiwala ang lahat niyang pagaari.

45 Datapuwa't kung (AC)sabihin ng aliping yaon sa kaniyang puso, Maluluwatan ang pagdating ng aking panginoon; at magpasimulang bugbugin ang mga aliping lalake at ang mga aliping babae, at kumain at uminom, at maglasing;

46 Ang panginoon ng aliping yaon ay darating sa araw na di niya hinihintay, at sa oras na hindi niya nalalaman, at siya'y babaakin, at isasama ang kaniyang (AD)bahagi sa mga di tapat.

47 At yaong aliping nakaaalam ng kalooban ng kaniyang panginoon, at hindi naghanda, at hindi gumawa ng alinsunod sa kaniyang kalooban ay papaluin ng marami;

48 Datapuwa't ang hindi nakaaalam, at gumawa ng mga bagay na karapatdapat sa mga palo, ay papaluin ng kaunti. (AE)At sa sinomang binigyan ng marami ay marami ang hihingin sa kaniya: at sa sinomang pinagkatiwalaan ng marami ay lalo nang marami ang hihingin sa kaniya.

49 Ako'y naparito upang maglagay ng (AF)apoy sa lupa; at ano pa ang iibigin ko, kung magningas na?

50 Datapuwa't ako'y may isang (AG)bautismo upang ibautismo sa akin; at (AH)gaano ang aking (AI)kagipitan hanggang sa ito'y maganap?

51 Inaakala baga ninyo (AJ)na ako'y naparito upang magbigay ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, Hindi, kundi bagkus pagkakabahabahagi:

52 Sapagka't mula ngayon ay magkakabahabahagi ang lima sa isang bahay, tatlo laban sa dalawa, at dalawa laban sa tatlo.

53 Sila'y mangagkakabahabahagi, ang ama'y laban sa anak na lalake, at (AK)ang anak na lalake ay laban sa ama; ang ina'y laban sa anak na babae, at ang anak na babae ay laban sa kaniyang ina; ang biyanang babae ay laban sa kaniyang manugang na babae, at ang manugang na babae ay laban sa kaniyang biyanang babae.

54 At sinabi rin naman niya sa mga karamihan, (AL)Pagka nakikita ninyong bumangon sa kalunuran ang isang alapaap, ay agad ninyong sinasabi, Uulan; at gayon ang nangyayari.

55 At kung humihihip ang hanging timugan, ay sinasabi ninyo, Iinit na maigi; at ito'y nangyayari.

56 Kayong mga mapagpaimbabaw! marunong kayong mangagpaaninaw ng anyo ng lupa at ng langit; datapuwa't bakit di ninyo nalalamang ipaaninaw ang panahong ito?

57 At bakit naman hindi ninyo hatulan sa inyong sarili kung alin ang matuwid?

58 Sapagka't (AM)samantalang pumaparoon ka sa hukom na kasama mo ang iyong kaalit, ay sikapin mo sa daan na makaligtas ka sa kaniya; baka sakaling kaladkarin ka niya sa hukom, at ibigay ka ng hukom sa punong kawal at ipasok ka ng punong kawal sa bilangguan.

59 Sinasabi ko sa iyo, Hindi ka lalabas doon sa anomang paraan, hanggang sa mabayaran mo ang katapustapusang (AN)lepta.

Ang Babala Laban sa Pagkukunwari(A)

12 Nang magkatipun-tipon ang libu-libong tao na halos matapakan na ang isa't isa, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo. Ito ay ang kanilang pagkukunwari. Walang natatakpan na hindi malalantad, at walang natatago na hindi mabubunyag. Kaya nga anumang sabihin ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag at anumang ibulong ninyo sa lihim na silid ay ipapahayag mula sa bubungan.

Ang Dapat Katakutan(B)

“Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan ko, huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan at pagkatapos nito ay wala na silang magagawa. Ipapakita ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan. Katakutan ninyo ang may kapangyarihang magtapon sa inyo sa impiyerno matapos kayong patayin. Oo, sinasabi ko sa inyo, siya ang inyong katakutan. Hindi ba't ipinagbibili ang limang maya sa halagang dalawang sentimos? Ngunit isa man sa kanila ay hindi nalilimutan ng Diyos. Maging ang buhok sa inyong ulo ay bilang lahat. Huwag kayong mangamba. Higit kayong mahalaga kaysa mga maya.

Ang Pagkilala at Pagkakaila kay Jesus(C)

“Sinasabi ko sa inyo, ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin din ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos. Ngunit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ikakaila rin sa harap ng mga anghel ng Diyos. 10 Sinumang magsalita ng laban sa Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit hindi mapapatawad ang magsalita ng paglapastangan sa Banal na Espiritu. 11 Kapag iniharap nila kayo sa sinagoga at sa mga pinuno at mga may kapangyarihan upang litisin, huwag kayong mag-alala kung paano ninyo ipagtanggol ang inyong sarili, o kung ano ang inyong sasabihin, 12 sapagkat tuturuan kayo ng Banal na Espiritu sa oras ding iyon kung ano ang dapat ninyong sabihin.”

Ang Talinghaga ng Mayamang Hangal

13 Isa sa mga tao ang nagsabi kay Jesus, “Guro, sabihin mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana.” 14 Ngunit sumagot siya, “Lalaki, sino ang nagtalaga sa akin na maging hukom o tagahati ng mana ninyo?” 15 At sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo at bantayan ninyo ang inyong sarili sa lahat ng kasakiman. Sapagkat ang buhay ng tao ay hindi nakasalalay sa kasaganaan ng kanyang mga ari-arian.” 16 At isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga, “Namumunga nang sagana ang lupain ng isang taong mayaman. 17 Napag-isip-isip niya sa sarili, ‘Ano ngayon ang gagawin ko? Sapagkat wala na akong mapaglagyan ng aking mga inani.’ 18 Sabi niya, ‘Ito ang gagawin ko. Gigibain ko ang aking mga kamalig at magtatayo ako ng mas malalaki at doon ko iimbakin ang aking mga ani at ari-arian. 19 At sasabihin ko sa aking sarili, "Marami ka nang ari-ariang nakaimbak para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magpakasaya." 20 Subalit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabing ito ay babawiin sa iyo ang iyong buhay. Kanino ngayon mapupunta ang iyong mga inihanda?’ 21 Gayon nga ang nagtitipon ng kayamanan para sa kanyang sarili ngunit hindi mayaman sa harap ng Diyos.”

Pagtitiwala sa Diyos(D)

22 At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong ikabalisa ang inyong ikabubuhay, o kung ano ang inyong kakainin, o kung ano ang inyong isusuot. 23 Sapagkat mas mahalaga ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa pananamit. 24 Masdan ninyo ang mga uwak! Hindi sila nagtatanim o gumagapas o nagtitipon sa kamalig, gayunma'y pinakakain sila ng Diyos. Mas mahalaga kayo kaysa mga ibon. 25 Sino sa inyo na dahil sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang oras[a] sa kanyang buhay? 26 Kung hindi ninyo magawa ang ganito kaliit, bakit aalalahanin ninyo ang ibang bagay? 27 Masdan ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang! Hindi sila nagpapagod ni naghahabi. Ngunit sinasabi ko sa inyo na kahit si Solomon sa kanyang karingalan ay hindi nakapagbihis nang tulad sa isa sa mga ito. 28 At kung gayon binibihisan ng Diyos ang damo sa parang, na narito ngayon ngunit itatapon sa pugon bukas, kayo pa kaya? O kayong maliit ang pananampalataya! 29 Kaya huwag kayong mabalisa sa paghahanap ng kung ano ang makakain o maiinom. Huwag kayong mangamba, 30 sapagkat ang mga ito ang pinagsisikapang makamtan ng mga Hentil, at nalalaman ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga ito. 31 Ngunit pagtuunan ninyo ng pansin ang kanyang paghahari at idaragdag sa inyo ang lahat ng mga ito. 32 Huwag kang matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. 33 Ipagbili ninyo ang inyong mga ari-arian at ang napagbilhan ay ipamigay sa mga dukha. Igawa ninyo ang inyong sarili ng mga sisidlang hindi naluluma, isang di-maubos na kayamanan sa langit, doo'y hindi makalalapit ang magnanakaw at makapaninira ang mga bukbok. 34 Sapagkat kung saan nakalagak ang inyong kayamanan, doon din naman malalagak ang inyong puso.”

Mga Lingkod na Handa(E)

35 “Humanda kayo sa paglilingkod[b] at paliwanagin ang inyong mga ilawan. 36 Tumulad kayo sa mga taong naghihintay sa pagbabalik ng kanilang panginoon mula sa kasalan upang sa pagbabalik nito at pagkatok ay agad nila siyang mapagbuksan. 37 Pinagpala ang mga lingkod na madaratnang nagbabantay hanggang sa pagdating ng kanilang panginoon. Tandaan ninyo: magbibihis siya upang maglingkod, sila ay pauupuin niya sa hapag-kainan at sila'y kanyang paglilingkuran. 38 Pinagpala ang mga lingkod na matagpuan ng panginoon na handa sa kanyang pagdating, hatinggabi man o madaling-araw. 39 Unawain ninyo ito: kung alam ng panginoon ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya hahayaang pasukin ang kanyang bahay. 40 Kaya dapat din kayong maging handa! Sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”

41 Sinabi ni Pedro, “Panginoon, sinasabi ba ninyo ang talinghagang ito para sa amin o para sa lahat?” 42 At sinabi ng Panginoon, “Sino nga ba ang tapat at matalinong katiwala? Sino ang pamamahalain ng panginoon sa mga lingkod upang bigyan sila ng pagkain sa takdang panahon? 43 Pinagpala ang lingkod na sa pagbabalik ng kanyang panginoon ay madaratnang gumaganap ng tungkulin. 44 Tunay na sinasabi ko sa inyong sa kanya ipagkakatiwala ang lahat ng kanyang ari-arian. 45 Ngunit kung sabihin ng lingkod na iyon sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa bago makabalik ang aking panginoon,’ at sinimulan niyang pahirapan ang iba pang mga lingkod na lalaki at mga lingkod na babae at siya'y kumain, uminom at maglasing, 46 darating ang panginoon ng lingkod na iyon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Ang lingkod na iyon ay pagpuputul-putulin at isasama sa mga hindi tapat. 47 Ang lingkod na nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ngunit hindi nakahanda o kumilos ayon sa kalooban nito ay maraming ulit hahagupitin. 48 Ngunit ang hindi nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ay hahagupitin ng kaunti sa nagawa nitong pagkakamali. Ang binigyan ng marami ay pananagutin ng marami at ang pinagkatiwalaan ng marami ay papanagutin sa higit na marami.”

Si Jesus ang Sanhi ng Pagkakabaha-bahagi(F)

49 “Naparito ako upang maghagis ng apoy sa lupa at nais ko sanang ito'y nagniningas na. 50 Kailangan kong magdaan sa isang bautismo at nababagabag ako hangga't hindi ito nagaganap! 51 Akala ba ninyo'y pumarito ako upang magbigay ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, hindi, sa halip ay pagkakabaha-bahagi. 52 Sapagkat mula ngayon, ang limang tao sa isang bahay ay magkakabaha-bahagi—tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo. 53 Sila ay magkakabaha-bahagi; ang ama laban sa anak na lalaki at ang anak na lalaki laban sa ama, ang ina laban sa anak na babae, at ang anak na babae laban sa ina, ang biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at ang manugang na babae laban sa kanyang biyenang babae.”

Pagbibigay-kahulugan sa Panahon(G)

54 Sinabi rin niya sa mga tao, “Kapag nakakita kayo ng ulap na tumataas sa kanluran, agad ninyong sinasabi, ‘Paparating na ang ulan,’ at gayon nga ang nangyayari. 55 At kapag nakikita ninyong umiihip ang hanging habagat sinasabi ninyong, ‘Magiging mainit,’ at nagkakaganoon nga. 56 Mga mapagkunwari! Marunong kayong magtaya ng panahon sa anyo ng lupa at langit, subalit bakit hindi ninyo mabasa ang tanda ng kasalukuyang panahon?”

Makipag-ayos sa Iyong Kalaban(H)

57 “Bakit hindi ninyo mapagpasyahan para sa inyong sarili kung ano ang matuwid? 58 Makipag-ayos ka sa nagsakdal sa iyo bago pa kayo makarating sa hukom. Kung hindi, baka kaladkarin ka niya sa hukom at ibigay ka ng hukom sa tanod at itapon ka ng tanod sa bilangguan. 59 Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makalalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing.”

Footnotes

  1. Lucas 12:25 Sa Griyego, makakapagdagdag ng isang siko.
  2. Lucas 12:35 Sa Griyego, Bigkisin ang baywang.