Lucas 10:1-24
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Sinugo ni Jesus ang Kanyang 72 Tagasunod
10 Pagkatapos nito, pumili pa ang Panginoon ng 72[a] tagasunod, at sinugo ang mga ito nang dala-dalawa sa mga bayan at sa iba pang mga lugar na pupuntahan niya. 2 Sinabi niya sa kanila, “Marami ang aanihin ngunit kakaunti ang tagapag-ani. Kaya idalangin ninyo sa Panginoon, na siyang may-ari ng anihin, na magpadala siya ng mga tagapag-ani. 3 Sige, lumakad na kayo. Ngunit mag-ingat kayo, dahil tulad kayo ng mga tupang isinugo ko sa mga lobo. 4 Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o sandalyas. At huwag kayong mag-aksaya ng panahon sa pakikipagbatian sa daan. 5 Pagpasok nʼyo sa alin mang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa tahanang ito.’ 6 Kung ang nakatira roon ay maibigin sa kapayapaan, mapapasakanila ang kapayapaang idinalangin ninyo. Ngunit kung hindi, hindi rin nila makakamtan iyon. 7 Manatili kayo sa bahay na tinutuluyan ninyo. Huwag kayong magpalipat-lipat ng bahay. Kainin at inumin ninyo ang anumang ihain nila sa inyo dahil ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng sahod. 8 Kapag dumating kayo sa isang bayan at tinanggap kayo ng mga tao, kainin ninyo ang anumang ihain nila sa inyo. 9 Pagalingin ninyo ang mga may sakit doon, at sabihin ninyo sa kanila na malapit na[b] ang paghahari ng Dios sa kanila. 10 Ngunit kung ayaw kayong tanggapin sa isang bayan, umalis kayo, at habang naglalakad kayo sa lansangan nila ay sabihin ninyo, 11 ‘Kahit ang alikabok ng bayan ninyo na dumidikit sa mga paa namin ay ipinapagpag namin bilang babala sa inyo. Ngunit dapat ninyong malaman na malapit na ang paghahari ng Dios.’ ” 12 Sinabi pa ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Tinitiyak ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin nila kaysa sa mga taga-Sodom.”
Babala sa mga Bayang Hindi Nagsisisi(A)
13 Sinabi pa ni Jesus, “Nakakaawa kayong mga taga-Corazin! Nakakaawa rin kayong mga taga-Betsaida! Sapagkat kung sa Tyre at Sidon naganap ang mga himalang ginawa ko sa inyo, matagal na sana silang nagsuot ng sako at naglagay ng abo sa kanilang ulo[c] para ipakita ang pagsisisi nila. 14 Kaya sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin ninyo kaysa sa mga taga-Tyre at taga-Sidon. 15 At kayo namang mga taga-Capernaum, inaakala ninyong pupurihin kayo kahit sa langit. Pero ihuhulog kayo sa lugar ng mga patay!”
16 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga sinugo niya, “Ang nakikinig sa inyoʼy nakikinig sa akin, ang nagtatakwil sa inyoʼy nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin.”
Bumalik ang 72 Tagasunod ni Jesus
17 Masayang bumalik ang 72 tagasunod ni Jesus. Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, kahit po ang masasamang espiritu ay sumusunod sa amin kapag inutusan namin sila sa pangalan nʼyo!” 18 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Nakita kong nahulog si Satanas mula sa langit na parang kidlat. 19 Binigyan ko kayo ng kapangyarihang daigin ang masasamang espiritu at ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway nating si Satanas.[d] At walang anumang makapipinsala sa inyo. 20 Ganoon pa man, huwag kayong matuwa dahil napapasunod ninyo ang masasamang espiritu kundi matuwa kayo dahil nakasulat sa langit ang pangalan ninyo.”
Napuno si Jesus ng Kagalakang Mula sa Banal na Espiritu(B)
21 Nang oras ding iyon, napuno si Jesus ng kagalakang mula sa Banal na Espiritu. At sinabi niya, “Pinupuri kita Ama, Panginoon ng langit at ng lupa, dahil inilihim mo ang mga katotohanang ito sa mga taong ang akala sa sariliʼy mga marurunong at matatalino, at inihayag mo sa mga taong tulad ng bata na kaunti lang ang nalalaman. Oo, Ama, pinupuri kita dahil iyon ang kalooban mo.”
22 Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao, “Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga taong nais kong makakilala sa Ama.”
23 Humarap si Jesus sa mga tagasunod niya at sinabi sa kanila ng sarilinan, “Mapalad kayo dahil nakita mismo ninyo ang mga ginagawa ko. 24 Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at mga hari noon ang naghangad na makakita at makarinig ng nakikita at naririnig ninyo ngayon, pero hindi ito nangyari sa panahon nila.”
Read full chapterAng Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®