Leviticus 7
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Mga Karagdagang Tuntunin Tungkol sa Handog na Pambayad ng Kasalanan
7 Ito ang mga tuntunin tungkol sa handog na pambayad ng kasalanan. Napakabanal ng handog na ito.
2 Ang handog na pambayad ng kasalanan ay doon papatayin sa pinagpapatayan ng mga handog na sinusunog. At ang dugo nitoʼy iwiwisik sa paligid ng altar. 3 Ang lahat ng taba nito ay ihahandog – ang matabang buntot, ang tabang bumabalot sa lamang-loob, 4 ang mga bato at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay. 5 Lahat ng itoʼy susunugin ng pari sa altar bilang handog sa Panginoon sa pamamagitan ng apoy. Itoʼy handog na pambayad ng kasalanan. 6 Ang matitira ay maaaring kainin ng mga anak na lalaki ng mga pari, pero dapat nila itong kainin doon sa banal na lugar dahil napakabanal nito. 7 Iisa ang tuntunin sa handog sa paglilinis at sa handog na pambayad ng kasalanan. Ang karne sa mga handog na ito ay para sa paring naghandog nito. 8 Ang balat naman ng hayop na inialay bilang handog na sinusunog ay para rin sa paring nag-alay nito. 9 Ganoon din sa lahat ng handog na butil na inialay bilang handog na pagpaparangal sa Panginoon, na niluto sa hurno o sa kawali. 10 At ang lahat ng handog na pagpaparangal, may halo man itong langis o wala ay para na sa mga paring mula sa angkan ni Aaron at paghahati-hatian nila ito ng pantay-pantay.
Mga Karagdagang Tuntunin para sa Handog para sa Mabuting Relasyon
11 Ito ang mga tuntunin tungkol sa handog para sa mabuting relasyon[a] na iniaalay sa Panginoon.
12 Kung ang hayop na handog para sa mabuting relasyon ay inialay bilang handog ng pagpapasalamat sa Panginoon, sasamahan niya ito ng tinapay. Magdadala siya ng tinapay na walang pampaalsa katulad ng makapal na tinapay na hinaluan ng langis, manipis na tinapay na pinahiran ng langis, at tinapay na mula sa magandang klaseng harina na hinaluan ng langis. 13 Maliban dito, magdadala rin siya ng tinapay na may pampaalsa. 14 Siyaʼy maghahandog mula sa bawat uri ng tinapay na ito bilang kaloob sa Panginoon. At ang mga tinapay na ito na inihandog ay para na sa paring nagwiwisik ng dugo ng hayop na handog para sa mabuting relasyon. 15 Ang karne ng hayop na inihandog bilang pagpapasalamat sa Panginoon ay dapat kainin ng taong naghandog nito at ng sambahayan niya at ng mga pari sa araw ding iyon, at dapat walang matira kinaumagahan.
16 Pero kung ang kanyang handog para sa mabuting relasyon ay inialay niya bilang handog para tuparin ang isang panata o handog na kusang-loob, ang karne ay makakain sa araw ng paghahandog at ang matitira ay maaari pa ring kainin kinabukasan. 17 At kung mayroon pa ring matira hanggang sa pangatlong araw, dapat na itong sunugin. 18 Kapag may kumain pa nito sa pangatlong araw, hindi na tatanggapin ng Panginoon ang handog na ito at magiging walang kabuluhan ang handog niya. Ang handog na ito ay ituturing na kasuklam-suklam at magiging pananagutan pa ng sinumang kumain nito. 19 Kapag ang karne ay hindi sinasadyang nadikit sa anumang bagay na itinuturing na marumi, hindi na iyon dapat kainin, kundi susunugin na lang. Tungkol sa mga karneng maaaring kainin, itoʼy maaaring kainin ng sinumang itinuturing na malinis ayon sa batas. 20 Pero ang sinumang itinuturing na marumi[b] at kakain ng karneng handog para sa mabuting relasyon ay huwag ninyong ituring na kababayan. 21 Ang sinumang nakahipo ng mga bagay na itinuturing na marumi, katulad ng dumi o sakit ng taong nakakahawa, hayop na itinuturing na marumi, o anumang bagay na kasuklam-suklam at pagkatapos ay kumain ng karne na inihandog sa Panginoon ay huwag na ninyong ituring na kababayan.
Pagbabawal ng Pagkain ng Dugo at Taba
22 Nag-utos ang Panginoon kay Moises 23 na sabihin ito sa mga taga-Israel:
Huwag kayong kakain ng taba ng baka, tupa o kambing. 24 Ang taba ng hayop na namatay o pinatay ng ibang hayop ay maaari ninyong gamitin sa anumang nais ninyo, pero huwag ninyong kakainin. 25 Ang sinumang kakain ng taba ng hayop na maaaring ihandog[c] sa Panginoon ay huwag na ninyong ituring na kababayan. 26 At saan man kayo tumira, huwag kayong kakain ng dugo ng hayop o ibon. 27 Ang sinumang kakain ng dugo ay huwag na ninyong ituring na kababayan.
Ang Bahagi ng mga Pari sa mga Handog
28 Nag-utos din ang Panginoon kay Moises 29 na sabihin ito sa mga taga-Israel:
Ang sinumang mag-aalay ng handog para sa mabuting relasyon ay dapat magbukod ng bahagi ng handog na iyon para sa Panginoon na ibibigay sa mga pari. 30 At ang bahaging iyon ng handog ay dadalhin mismo ng maghahandog sa altar upang ialay sa Panginoon bilang handog sa pamamagitan ng apoy. Dadalhin niya ang taba at pitso ng hayop, at itataas niya ang pitso sa presensya ng Panginoon bilang handog na itinataas. 31 Pagkatapos, susunugin ng paring namumuno ng seremonya ang taba sa altar, pero ang pitso ay para kay Aaron at sa kanyang angkan. 32-33 Ang kanang hita ng hayop na inihandog ay ibibigay sa paring naghahandog ng dugo at taba nito. 34 Sapagkat ibinibigay ng Panginoon ang pitso at paa ng inyong handog kay Aaron at sa kanyang mga angkan. Ito ang bahaging para sa kanila magpakailanman.
35 Iyon ang bahagi ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon na ibinigay kay Aaron at sa kanyang mga angkan mula sa araw na silaʼy itinalagang maglingkod sa Panginoon bilang mga pari. 36 Nang araw na inordinahan sila, nag-utos ang Panginoon sa mga taga-Israel na dapat nilang ibigay ang bahaging iyon ng mga pari na para sa kanila magpakailanman, at dapat nila itong sundin hanggang sa susunod pang mga henerasyon.
37 Iyon ang tuntunin tungkol sa handog na sinusunog, handog sa paglilinis, handog na pambayad ng kasalanan, handog sa pagtatalaga at handog para sa mabuting relasyon. 38 Ang mga tuntuning ito ay ibinigay ng Panginoon kay Moises doon sa ilang sa Bundok ng Sinai, noong nag-utos ang Panginoon sa mga taga-Israel na maghandog sa kanya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®