Levitico 9
Ang Biblia, 2001
Si Aaron ay Nag-alay ng mga Handog
9 Nang ikawalong araw, ipinatawag ni Moises si Aaron, ang kanyang mga anak, at ang matatanda sa Israel.
2 Sinabi niya kay Aaron, “Kumuha ka ng isang batang toro bilang handog pangkasalanan, at isang tupang lalaki bilang handog na sinusunog na kapwa walang kapintasan at ihandog mo sa harapan ng Panginoon.
3 At sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Kumuha kayo ng isang kambing na lalaki bilang handog pangkasalanan, at ng isang batang baka, at isang kordero na kapwa na may gulang na isang taon at walang kapintasan, bilang handog na sinusunog,
4 ng isang bakang lalaki at isang tupang lalaki na mga handog pangkapayapaan, upang ialay sa harapan ng Panginoon, at ng isang butil na handog na hinaluan ng langis, sapagkat magpapakita sa inyo ngayon ang Panginoon.’”
5 Kanilang dinala sa harapan ng toldang tipanan ang iniutos ni Moises, at ang buong kapulungan ay lumapit at tumayo sa harap ng Panginoon.
6 At sinabi ni Moises, “Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon na gawin ninyo upang magpakita sa inyo ang kaluwalhatian ng Panginoon.”
7 Pagkatapos(A) ay sinabi ni Moises kay Aaron, “Lumapit ka sa dambana at mag-alay ka ng handog pangkasalanan at handog na sinusunog, at gumawa ka ng pagtubos para sa iyong sarili at sa bayan. Ialay mo ang handog ng bayan at gumawa ka ng pagtubos para sa kanila, gaya ng iniutos ng Panginoon.”
8 Lumapit naman si Aaron sa dambana at pinatay ang guyang handog pangkasalanan na para sa kanya.
9 At dinala sa kanya ng mga anak ni Aaron ang dugo, inilubog niya ang kanyang daliri sa dugo at ipinahid iyon sa ibabaw ng mga sungay ng dambana at ang nalabing dugo ay ibinuhos sa paanan ng dambana.
10 Subalit ang taba, ang mga bato, at ang lamad na nasa atay ng handog pangkasalanan ay sinunog niya sa ibabaw ng dambana, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
11 Ang laman at balat ay sinunog niya sa apoy sa labas ng kampo.
12 At pinatay niya ang handog na susunugin. Ibinigay sa kanya ng mga anak ni Aaron ang dugo, at kanyang iwinisik sa palibot ng dambana.
13 At kanilang ibinigay sa kanya ang handog na sinusunog, na isa-isang putol, at ang ulo at iyon ay sinunog niya sa ibabaw ng dambana.
14 Kanyang hinugasan ang lamang-loob at ang mga paa at sinunog ang mga ito para sa handog na sinusunog sa ibabaw ng dambana.
15 Kasunod niyon inialay niya ang handog ng bayan. Kinuha niya ang kambing na handog pangkasalanan na para sa bayan, at pinatay ito at inihandog bilang handog pangkasalanan, gaya ng una.
16 Dinala niya ang handog na sinusunog at inihandog ayon sa tuntunin.
17 At dinala niya ang butil na handog at pinuno nito ang kanyang palad at sinunog ito sa ibabaw ng dambana, bukod sa handog na sinusunog sa umaga.
18 Pinatay(B) niya ang bakang lalaki at ang tupang lalaki na alay na mga handog pangkapayapaan na para sa bayan. At ibinigay ng mga anak ni Aaron sa kanya ang dugo at kanyang iwinisik sa palibot ng dambana;
19 at ang taba ng toro at ng tupang lalaki, ang matabang buntot at ang tabang bumabalot, at ang mga bato, at ang lamad ng atay.
20 Kanilang inilagay ang mga taba sa ibabaw ng mga dibdib at kanyang sinunog ang taba sa ibabaw ng dambana.
21 At iwinagayway ni Aaron ang mga dibdib at ang kanang hita na handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon; gaya ng iniutos ni Moises.
22 Itinaas(C) ni Aaron ang kanyang mga kamay paharap sa taong-bayan at binasbasan sila. Bumaba siya pagkatapos ng paghahandog ng handog pangkasalanan, ng handog na sinusunog, at ng mga handog pangkapayapaan.
23 Pumasok sina Moises at Aaron sa toldang tipanan, at sila'y lumabas at binasbasan ang bayan; at lumitaw ang kaluwalhatian ng Panginoon sa taong-bayan.
24 Lumabas ang apoy mula sa harapan ng Panginoon at tinupok ang handog na sinusunog at ang taba sa ibabaw ng dambana. Nang makita iyon ng buong bayan, sila ay nagsigawan at nagpatirapa.
Levitico 9
Ang Biblia (1978)
Si Aaron ay nagbigay ng handog.
9 At (A)nangyari sa ikawalong araw, na tinawag ni Moises si Aaron at ang kaniyang mga anak, at ang mga matanda sa Israel;
2 At sinabi niya kay Aaron, (B)Magdala ka ng isang guyang toro, na handog dahil sa kasalanan (C)at isang tupang lalake na handog na susunugin, na kapuwa walang kapintasan, at ihandog mo sa harap ng Panginoon.
3 At sa mga anak ni Israel ay sasalitain mo, na sasabihin, (D)Kumuha kayo ng isang kambing na lalake na handog dahil sa kasalanan; at ng isang guyang baka, at ng isang kordero, na kapuwa na may gulang na isang taon, at walang kapintasan, na handog na susunugin;
4 (E)At ng isang toro at ng isang tupang lalake na mga handog tungkol sa kapayapaan, upang ihain sa harap ng Panginoon, (F)at ng isang handog na harina na hinaluan ng langis: (G)sapagka't napakikita sa inyo ngayon ang Panginoon.
5 At kanilang dinala sa harap ng tabernakulo ng kapisanan ang iniutos ni Moises: at lumapit doon ang buong kapisanan, at tumayo sa harap ng Panginoon.
6 At sinabi ni Moises, Ito ang iniutos ng Panginoon na gawin ninyo: at lilitaw sa inyo ang kaluwalhatian ng Panginoon.
7 At sinabi ni Moises kay Aaron, Lumapit ka sa dambana, (H)at ihandog mo ang iyong handog dahil sa kasalanan, at ang iyong handog na susunugin, at itubos mo sa iyong sarili at sa bayan: (I)at ihandog mo ang alay ng bayan, at itubos mo sa kanila; gaya ng iniutos ng Panginoon.
8 Lumapit nga si Aaron sa dambana at pinatay ang guyang handog dahil sa kasalanan, na yao'y para sa kaniya.
9 (J)At iniharap ng mga anak ni Aaron sa kaniya ang dugo: (K)at itinubog niya ang kaniyang daliri sa dugo, at ipinahid sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana at ang dugong labis ay ibinuhos sa tungtungan ng dambana:
10 (L)Datapuwa't ang taba at ang mga bato, at ang lamad na nasa atay ng handog dahil sa kasalanan, ay sinunog niya sa ibabaw ng dambana; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
11 (M)At ang laman at ang balat ay sinunog niya sa apoy sa labas ng kampamento.
12 At pinatay niya ang handog na susunugin; at ibinigay sa kaniya ng mga anak ni Aaron ang dugo, (N)at kaniyang iniwisik sa ibabaw ng palibot ng dambana.
13 (O)At kaniyang ibinigay sa kaniya ang handog na susunugin, na isaisang putol, at ang ulo: at sinunog niya sa ibabaw ng dambana.
14 At kaniyang hinugasan ang lamang loob at ang mga paa at sinunog sa ibabaw ng handog na susunugin sa ibabaw ng dambana.
15 (P)At iniharap niya ang alay ng bayan; at kinuha ang kambing na handog dahil sa kasalanan na para sa bayan, at pinatay at inihandog dahil sa kasalanan, na gaya ng una.
16 At iniharap niya ang handog na susunugin, (Q)at inihandog ayon sa palatuntunan.
17 (R)At iniharap niya ang handog na harina, at kumuha ng isang dakot, at sinunog sa ibabaw ng dambana, (S)bukod sa handog na susunugin sa umaga.
18 Kaniyang pinatay rin ang toro at ang tupang lalake na haing mga handog tungkol sa kapayapaan, na para sa bayan: (T)at ibinigay ng mga anak ni Aaron sa kaniya ang dugo, at kaniyang iniwisik sa ibabaw ng dambana hanggang sa palibot.
19 At ang taba ng toro at ng tupang lalake, ang matabang buntot at ang tabang nakatakip sa lamang loob, at ang mga bato, at ang lamad ng atay.
20 At kanilang inilagay ang mga taba sa ibabaw ng mga dibdib, at kaniyang sinunog ang taba sa ibabaw ng dambana:
21 At ang mga dibdib at ang kanang hita ay inalog ni Aaron (U)na pinaka handog na inalog sa harap ng Panginoon; gaya ng iniutos ni Moises.
22 At itinaas ni Aaron ang kaniyang mga kamay sa dakong bayan (V)at binasbasan niya; at bumaba siya na mula sa paghahandog ng handog dahil sa kasalanan, at ng handog na susunugin, at ng mga handog tungkol sa kapayapaan.
23 At pumasok si Moises at si Aaron sa tabernakulo ng kapisanan, at sila'y lumabas, at binasbasan ang bayan: (W)at lumitaw ang kaluwalhatian ng Panginoon sa buong bayan.
24 (X)At may lumabas na apoy sa harap ng Panginoon, at sinunog sa ibabaw ng dambana ang handog na susunugin at ang taba: at nang makita yaon ng buong bayan, (Y)ay nagsigawan at nangagpatirapa.
Leviticus 9
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Sinimulan ng mga Pari ang Kanilang Gawain
9 Nang ikawalong araw, pagkatapos ng pagtatalaga, ipinatawag ni Moises si Aaron at ang mga anak niyang lalaki at ang mga tagapamahala ng Israel. 2 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Kumuha ka ng isang batang toro, at isang lalaking tupa na parehong walang kapintasan, at ihandog sa Panginoon. Ang baka ay handog sa paglilinis, at ang tupa ay handog na sinusunog. 3 Sabihin mo sa mga taga-Israel na magdala sila ng lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. At kumuha rin sila ng baka at tupa na kapwa isang taon at walang kapintasan, at ihandog bilang handog na sinusunog. 4 Kumuha rin sila ng isang baka at lalaking tupa bilang handog para sa mabuting relasyon.[a] Ihahandog nila ito kasama ng handog na butil na may halong langis, dahil magpapakita ang Panginoon sa inyo sa araw na ito.”
5 Kaya dinala nila roon sa harap ng Toldang Tipanan ang lahat ng dadalhin ayon sa sinabi ni Moises sa kanila. At silang lahat ay nagtipon doon sa presensya ng Panginoon. 6 Sinabi ni Moises sa kanila, “Inuutusan kayo ng Panginoon na gawin ninyo ang paghahandog na ito para ipakita niya sa inyo ang kanyang kapangyarihan.” 7 Pagkatapos, sinabi niya kay Aaron, “Lumapit ka sa altar at ialay mo ang iyong handog sa paglilinis at handog na sinusunog para matubos ka at ang sambahayan mo[b] sa inyong mga kasalanan. At ialay mo rin ang handog ng mga tao para sila rin ay matubos sa kanilang mga kasalanan ayon sa iniutos ng Panginoon.”
8 Kaya lumapit si Aaron sa altar at pinatay niya ang handog na batang toro bilang handog sa paglilinis. 9 Ang dugo nitoʼy dinala sa kanya ng kanyang mga anak, at inilubog niya ang kanyang daliri sa dugo at iwinisik sa parang sungay sa mga sulok ng altar, at ang natirang dugo ay ibinuhos niya sa ilalim ng altar. 10 Sinunog niya sa altar ang mga taba at ang mga bato, pati na ang maliit na bahagi ng atay ayon sa utos ng Panginoon kay Moises. 11 Ang karne at ang balat ay sinunog niya sa labas ng kampo. 12 Pagkatapos, pinatay din ni Aaron ang mga hayop na para sa handog na sinusunog. Ang dugo ay dinala ng kanyang mga anak sa kanya at iwinisik niya sa palibot ng altar. 13 Dinala rin sa kanya ng mga anak niya ang hiniwa-hiwang mga karne ng handog na hayop, pati ang ulo, at sinunog niya ang mga ito sa altar. 14 Hinugasan niya ang lamang-loob, at mga paa, at sinunog niya ang mga ito sa altar pati na ang iba pang parte ng handog na hayop.
15 Pagkatapos, dinala niya sa gitna ang mga handog na para sa mga tao. Pinatay niya ang kambing na handog sa paglilinis ng mga tao katulad ng kanyang ginawa sa una niyang handog na inialay para maging malinis siya sa kanyang mga kasalanan. 16 Pagkatapos, dinala rin niya sa gitna ang hayop para sa handog na sinusunog, at inihandog niya ayon sa paraan ng paghahandog nito. 17 Dinala rin niya sa gitna ang handog na mga butil. Dumakot siya ng isang dakot na butil at sinunog sa altar kasama ng handog na sinusunog tuwing umaga.
18 Pinatay din ni Aaron ang baka at ang lalaking tupa para sa mga tao na kanilang handog para sa mabuting relasyon. Ang dugo ay dinala sa kanya ng kanyang mga anak at iwinisik niya sa palibot ng altar. 19 Ang taba ng mga ito – ang matabang buntot, ang mga taba sa lamang-loob, ang mga bato, pati na ang maliit na bahagi ng atay 20 ay ipinatong ng mga anak ni Aaron sa pitso ng mga handog na hayop. At sinunog ni Aaron ang mga taba sa altar. 21 Ayon din sa utos ni Moises, itinaas ni Aaron ang pitso at ang kanang hita ng hayop bilang handog na itinataas.
22 Pagkatapos maihandog ni Aaron ang lahat ng ito, itinaas niya ang kanyang mga kamay sa mga tao at binasbasan niya, at pagkatapos, bumaba siya mula sa altar. 23-24 At pumasok sina Moises at Aaron sa loob ng Toldang Tipanan. Paglabas nila, muli nilang binasbasan ang mga tao. At ipinakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan sa mga tao sa pamamagitan ng apoy na sumunog sa mga handog na nasa altar. Nang itoʼy makita ng mga tao, nagsigawan sila sa tuwa at nagpatirapa para sambahin ang Panginoon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®