Levitico 8
Ang Biblia (1978)
Pagtatalaga ng mga saserdote.
8 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 (A)Dalhin mo si Aaron at pati ng kaniyang mga anak, (B)at ang mga kasuutan, (C)at ang langis na pangpahid, at ang torong handog dahil sa kasalanan, at ang dalawang tupang lalake, at ang bakol ng mga tinapay na walang lebadura:
3 At pulungin mo ang buong kapisanan sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
4 At ginawa ni Moises ayon sa iniutos sa kaniya ng Panginoon; at nagpupulong ang kapisanan sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
5 At sinabi ni Moises sa kapisanan, (D)Ito ang ipinagawa ng Panginoon.
6 (E)At dinala ni Moises si Aaron at ang kaniyang mga anak, at hinugasan ng tubig.
7 (F)At isinuot sa kaniya ang (G)kasuutan, at binigkisan ng pamigkis, at ibinalabal sa kaniya ang balabal, at sa kaniya'y ipinatong ang epod, at ibinigkis sa kaniya ang pamigkis ng epod na mainam ang pagkayari, at tinalian nito.
8 At ipinatong sa kaniya ang pektoral: (H)at inilagay sa loob ng pektoral ang Urim at ang Thummim.
9 (I)At ipinatong ang mitra sa kaniyang ulo; at ipinatong sa mitra sa harap, ang laminang ginto, ang banal na putong; (J)gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
10 (K)At kinuha ni Moises ang langis na pang-pahid, at pinahiran ang tabernakulo, at ang lahat ng nandoon, ay pinapaging banal.
11 At winisikan niya niyaon ang ibabaw ng dambana na makapito, at pinahiran ng langis ang dambana at ang lahat ng kasangkapan niyaon, at ang hugasan at ang tungtungan niyaon, upang ariing banal.
12 (L)At binuhusan ng langis na pangpahid ang ulo ni Aaron, at pinahiran niya ng langis siya upang papagbanalin.
13 (M)At pinalapit ni Moises ang mga anak ni Aaron, at sila'y sinuutan ng mga kasuutan, at binigkisan ng mga pamigkis, at itinali sa kanilang ulo ang mga tiara; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
Ang pagtatalaga kay Aaron at sa kaniyang mga anak.
14 (N)At kaniyang inilapit ang torong handog dahil sa kasalanan: at ipinatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang mga kamay nila sa ulo ng torong handog dahil sa kasalanan.
15 At pinatay niya; at (O)kumuha si Moises ng dugo at ipinahid ng kaniyang daliri sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana sa palibot, at nilinis ang dambana, at ang dugo'y ibinuhos sa tungtungan ng dambana, at inaring banal upang pagtubusan.
16 (P)At kinuha niya ang lahat ng taba na nasa ibabaw ng mga lamang loob, at ang lamad ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba ng mga yaon, at sinunog ni Moises sa ibabaw ng dambana.
17 Datapuwa't ang toro, at ang balat, at ang laman, at ang dumi, ay sinunog niya sa apoy sa labas ng kampamento; (Q)gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
18 (R)At iniharap niya ang tupang lalake na handog na susunugin: at ipinatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang mga kamay nila sa ulo ng tupa.
19 At kaniyang pinatay yaon: at iniwisik ni Moises ang dugo sa ibabaw ng dambana sa palibot.
20 At kinatay niya ang tupa; at sinunog ni Moises ang ulo, at ang mga putolputol, at ang taba.
21 At kaniyang hinugasan sa tubig ang lamang loob at ang mga paa; at sinunog ni Moises ang buong tupa sa ibabaw ng dambana; handog na susunugin nga na pinakamasarap na amoy: handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
22 (S)At iniharap niya ang ikalawang tupa, ang tupa na itinatalaga: at ipinatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng tupa.
23 At kaniyang pinatay yaon; at kumuha si Moises ng dugo niyaon, at inilagay sa pingol ng kanang tainga ni Aaron, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang kamay, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang paa.
24 At pinaharap niya ang mga anak ni Aaron, at nilagyan ni Moises ng dugong yaon sa pingol ng kanilang kanang tainga, at sa daliring hinlalaki ng kanang kamay nila, at sa daliring hinlalaki ng kanang paa nila: at iniwisik ni Moises ang dugo sa ibabaw ng dambana sa palibot.
25 (T)At kinuha niya ang taba, at ang matabang buntot, at ang lahat ng tabang nasa ibabaw ng lamang loob, at ang lamad ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba ng mga yaon, at ang kanang hita:
26 (U)At sa bakol ng tinapay na walang lebadura na inilagay sa harap ng Panginoon, ay kumuha siya ng isang munting tinapay na walang lebadura, at ng isang munting tinapay na nilangisan at ng isang manipis na tinapay, at ipinaglalagay sa ibabaw ng taba at sa ibabaw ng kanang hita:
27 (V)At inilagay na lahat sa mga kamay ni Aaron at sa mga kamay ng kaniyang mga anak, at pinagaalog na pinaka-handog na inalog sa harap ng Panginoon.
28 (W)At kinuha ni Moises sa kanilang mga kamay, at sinunog sa dambana sa ibabaw ng handog na susunugin: mga talagang pinakamasarap na amoy: handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
29 At kinuha ni Moises ang dibdib at inalog na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon: (X)ito ang bahagi ni Moises sa tupang itinalaga; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
30 (Y)At kumuha si Moises ng langis na pangpahid, at ng dugong nasa ibabaw ng dambana, at iniwisik kay Aaron, sa kaniyang mga suot, at sa kaniyang mga anak, at sa mga suot ng kaniyang mga anak na kasama niya; at pinapaging banal si Aaron at ang kaniyang mga suot, at ang kaniyang mga anak at ang mga suot ng kaniyang mga anak na kasama niya.
31 At sinabi ni Moises kay Aaron at sa kaniyang mga anak, (Z)Pakuluan ninyo ang laman sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan: at doon ninyo kanin, at ang tinapay na nasa bakol ng itinatalaga, ayon sa iniutos ko, na sinasabi, Kakanin ni Aaron at ng kaniyang mga anak.
32 (AA)At ang labis sa laman at sa tinapay ay susunugin ninyo sa apoy.
33 At sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan ay huwag kayong lalabas na pitong araw, hanggang sa maganap ang mga kaarawan ng inyong pagtalaga: (AB)sapagka't pitong araw na kayo'y matatalaga.
34 Kung paano ang ginawa sa araw na ito, ay gayon ang iniutos ng Panginoon na gawin upang itubos sa inyo.
35 At sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan ay matitira kayo gabi't araw na pitong araw, (AC)at inyong tutuparin ang kautusan ng Panginoon, upang huwag kayong mamatay: sapagka't gayon ang iniutos ko.
36 At ginawa ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang lahat na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
Leviticus 8
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Pagtatalaga kay Aaron at sa mga Anak Niyang Lalaki(A)
8 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2-3 “Papuntahin mo si Aaron at ang mga anak niyang lalaki roon sa pintuan ng Toldang Tipanan, at tipunin mo ang lahat ng taga-Israel doon. Sabihin mo sa mga pari na dalhin nila ang kanilang mga damit pampari, ang langis na pamahid, ang toro na handog sa paglilinis, ang dalawang lalaking tupa, at ang basket na may tinapay na walang pampaalsa.”
4 Sinunod ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon, at nagtipon ang mga taga-Israel sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 5 Sinabi sa kanila ni Moises na ang gagawin niya ay iniutos sa kanya ng Panginoon. 6 Dinala niya sa gitna si Aaron at ang mga anak niyang lalaki at silaʼy pinaliguan. 7 Ipinasuot niya kay Aaron ang damit bilang punong pari: ang damit-panloob, ang sinturon, ang damit-panlabas, at ang espesyal na damit[a] at binigkisang mabuti ng hinabing sinturon na maganda ang pagkakagawa. 8 Ipinalagay din ni Moises ang isang lalagyan sa dibdib at doon inilagay ang “Urim” at “Thummim”.[b] 9 At ipinasuot din niya ang turban sa ulo ni Aaron at sa harap ng turban ay ikinabit ang gintong sagisag ng pagtatalaga kay Aaron para sa Panginoon. Ginawang lahat ito ni Moises ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
10 Pagkatapos, kinuha ni Moises ang langis at winisikan ang Tolda at ang lahat ng nasa loob bilang pagtatalaga ng lahat ng ito para sa Panginoon. 11 Winisikan din niya ng langis ang altar ng pitong beses at ang lahat ng kagamitan na naroon, pati ang planggana at ang patungan nito. Ginawa ito para ihandog sa Panginoon. 12 Pagkatapos, binuhusan niya ng langis ang ulo ni Aaron bilang pagtatalaga sa kanya sa Panginoon. 13 At pinalapit niya sa gitna ang mga anak na lalaki ni Aaron at ipinasuot sa kanila ang kasuotan nila na pampari at nilagyan ng sinturon. Ipinasuot din sa kanila ang kanilang mga turban. Ginawa ito ni Moises ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon. 14 Pagkatapos nitoʼy ipinakuha ni Moises ang baka na handog sa paglilinis. At ipinatong ni Aaron at ng mga anak niya ang mga kamay nila sa ulo ng baka. 15 Pagkatapos, pinatay ni Moises ang baka at kumuha siya ng dugo. Inilubog niya ang kanyang daliri sa dugo at pinahiran niya ang parang sungay sa mga sulok ng altar para luminis ito. At ang natirang dugo ay ibinuhos niya sa ilalim ng altar. Sa ganitong paraan niya itinalaga ang altar para sa Panginoon upang maging karapat-dapat na lugar na pinaghahandugan ng mga pantubos sa kasalanan. 16 Kinuha rin ni Moises ang lahat ng taba ng lamang-loob ng baka, ang maliit na bahagi ng atay, ang mga bato pati ang taba nito, at sinunog niya ang lahat ng ito roon sa altar. 17 Ang mga natirang bahagi ng baka, katulad ng laman, balat at lamang-loob ay sinunog niya sa labas ng kampo. Ginawa ito ni Moises ayon sa iniutos ng Panginoon. 18 Pagkatapos, ipinakuha ni Moises ang lalaking tupa bilang handog na sinusunog. Ipinatong ni Aaron at ng mga anak niyang lalaki ang kanilang mga kamay sa ulo ng tupa. 19 At pinatay ni Moises ang tupa at iwinisik ang dugo sa paligid ng altar. 20-21 Kinatay niya ang tupa at hinugasan ang mga lamang-loob at paa, at saka sinunog lahat doon sa altar pati na ang ulo at taba bilang handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. Ginawa ito ni Moises ayon sa utos sa kanya ng Panginoon. 22 Ipinakuha rin ni Moises ang pangalawang lalaking tupa. Ito ang handog para sa pagtatalaga. Ipinatong ni Aaron at ng mga anak niyang lalaki ang mga kamay nila sa ulo ng tupa. 23 At pinatay ni Moises ang tupa, kumuha siya ng dugo nito at ipinahid sa ibabang bahagi ng kanang tainga ni Aaron at sa kanang hinlalaki ng kamay at paa niya. 24 Pinapunta rin ni Moises sa gitna ang mga lalaking anak ni Aaron at pinahiran din niya ng dugo sa ibabang bahagi ng kanang tainga nila, at ang kanang hinlalaki ng kanilang kamay at paa. Pagkatapos, iwinisik niya ang natirang dugo sa palibot ng altar. 25 Kinuha rin niya ang mga taba, ang matabang buntot, ang lahat ng taba sa lamang-loob, ang maliit na bahagi ng atay, ang mga bato pati ang taba nito, at ang kanang hita. 26-27 Pagkatapos, kumuha rin si Moises ng tinapay mula sa basket na inihandog sa Panginoon – isang makapal na tinapay na walang pampaalsa, isang tinapay na may halong langis at isang tinapay na manipis. Pinahawakan niya ang lahat ng ito kay Aaron at sa mga anak nito pati na ang lahat ng taba at ang kanang hita ng tupa. At itinaas nila ito sa Panginoon bilang handog na itinataas. 28 Pagkatapos, kinuha iyon ni Moises sa kanila at sinunog sa altar kasama ng handog na sinusunog. Iyon ang handog bilang pagtatalaga sa kanila. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. 29 Kinuha rin ni Moises ang pitso ng tupa at itinaas sa Panginoon bilang handog na itinataas. Ito ang bahagi niya sa tupang handog ng pagtatalaga. Ang lahat ng itoʼy ginawa ni Moises ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
30 Pagkatapos, kumuha si Moises ng banal na langis[c] at ng dugo roon sa altar at winisikan niya si Aaron at ang mga anak niya pati na ang kanilang mga damit. Sa ganitong paraan niya sila inihandog pati ang kanilang mga damit sa Panginoon. 31 At sinabi ni Moises kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki, “Lutuin ninyo ang karne malapit sa pintuan ng Toldang Tipanan, at ayon sa iniutos ko sa inyo kainin ninyo ito kasama ang mga tinapay na nasa basket na handog para sa pagtatalaga. 32 Ang matitirang karne at tinapay ay susunugin ninyo. 33 Huwag kayong aalis dito sa loob ng pitong araw hanggaʼt hindi natatapos ang pagtatalaga sa inyo. 34 Ang Panginoon ang nag-utos sa atin na gawin natin ang ating ginagawa ngayon, para matubos kayo sa inyong mga kasalanan. 35 Kinakailangang manatili kayo rito araw at gabi sa loob ng pitong araw, at gawin ninyo ang ipinapagawa sa inyo ng Panginoon para hindi kayo mamatay, dahil ito ang iniutos sa akin ng Panginoon na dapat ninyong gawin.” 36 Kaya sinunod ni Aaron at ng mga anak niya ang lahat ng iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®