Add parallel Print Page Options

At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

Kung ang sinoman ay magkasala, at sumuway sa Panginoon, na magbulaan sa kaniyang kapuwa tungkol sa isang habilin, o sa isang sanla, o sa nakaw, o pumighati sa kaniyang kapuwa,

O nakasumpong ng nawala, at ipagkaila at sumumpa ng kasinungalingan; sa alin man sa lahat ng ito na ginawa ng tao ng pinagkakasalahan:

Ay mangyayari nga, na kung siya'y nagkasala at naging salarin, na isasauli niya ang ninakaw, o ang nakuha sa pagpighati, o ang habiling inihabilin sa kaniya, o ang bagay na nawala sa kaniyang nasumpungan,

O anomang bagay na kaniyang sinumpaan ng kabulaanan; na isasauli niyang buo, at daragdagan pa niya ng ikalimang bahagi niyaon: sa may-ari ibibigay niya sa araw na pagkasumpong sa kaniya na siya'y may kasalanan.

At dadalhin niya sa Panginoon ang kaniyang handog dahil sa pagkakasala, isang tupang lalake na walang kapintasan na kinuha sa kawan, ayon sa iyong pagkahalaga, at ibibigay sa saserdote na pinakahandog dahil sa pagkakasala:

At itutubos sa kaniya ng saserdote sa harap ng Panginoon; at siya'y patatawarin tungkol sa alin mang kaniyang nagawa, na kaniyang pinagkasalahan.

At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

Iutos mo kay Aaron at sa kaniyang mga anak, na iyong sabihin, Ito ang kautusan tungkol sa handog na susunugin: ang handog na susunugin ay malalagay sa ibabaw ng pinagsusunugan sa ibabaw ng dambana, buong gabi hanggang umaga; at ang apoy sa dambana ay papananatilihing nagniningas doon.

10 At isusuot ng saserdote ang kaniyang kasuutang lino, at ang kaniyang mga salawal na kayong lino at itatakip niya sa kaniyang katawan; at dadamputin niya ang mga abo ng handog na susunugin na sinunog sa apoy sa ibabaw ng dambana, at ilalagay niya sa tabi ng dambana.

11 At maghuhubad siya ng kaniyang mga suot, at magbibihis ng ibang mga kasuutan, at ilalabas ang mga abo sa labas ng kampamento sa isang dakong malinis.

12 At ang apoy sa ibabaw ng dambana ay papananatilihing nagniningas doon, hindi papatayin; at ang saserdote ay magsusunog ng kahoy sa ibabaw niyaon tuwing umaga: at aayusin niya sa ibabaw niyaon ang handog na susunugin, at susunugin sa ibabaw niyaon ang taba ng mga handog tungkol sa kapayapaan.

13 Ang apoy ay papananatilihing nagniningas sa ibabaw ng dambana; hindi papatayin.

14 At ito ang kautusan tungkol sa handog na harina: ihahandog ng mga anak ni Aaron sa harap ng Panginoon, sa harap ng dambana.

15 At kukuha siya niyaon ng kaniyang dakot, ng mainam na harina sa handog na harina, at ng langis niyaon, at ng lahat na kamangyan, na nasa ibabaw ng handog na harina, at kaniyang susunugin sa ibabaw ng dambana, na pinakamasarap na amoy, na alaala niyaon sa Panginoon.

16 At ang labis sa handog ay kakanin ni Aaron at ng kaniyang mga anak: walang lebadurang kakanin sa dakong banal; sa looban ng tabernakulo ng kapisanan kakanin nila.

17 Hindi lulutuing may lebadura. Aking ibinigay sa kanilang pinakabahagi nila, sa mga handog sa akin na pinaraan sa apoy; kabanalbanalang bagay nga, na gaya ng handog dahil sa kasalanan, at gaya ng handog dahil sa pagkakasala.

18 Bawa't lalake sa mga anak ni Aaron ay kakain niyaon na pinakabahagi nila magpakailan man, sa buong panahon ng inyong lahi, sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy; sinomang humipo ng mga iyan ay magiging banal.

19 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

20 Ito ang alay ni Aaron at ng kaniyang mga anak na kanilang ihahandog sa Panginoon sa araw na siya'y pahiran ng langis; ang ikasangpung bahagi ng isang epa ng mainam na harina, na pinakahandog na harina magpakailan man, ang kalahati ay sa umaga at ang kalahati ay sa hapon.

21 Sa kawali ihahandang may langis; pagkatigmak niyaon dadalhin mo: lutong putolputol na ihaharap mo ang handog na harina na pinaka masarap na amoy sa Panginoon.

22 At ang saserdoteng pinahiran ng langis na mahahalili sa kaniya, na mula sa gitna ng kaniyang mga anak ay maghahandog niyaon: ayon sa palatuntunang walang hanggan ay susunuging lahat sa Panginoon.

23 At bawa't handog na harina ng saserdote ay susunuging lahat: hindi kakanin.

24 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

25 Salitain mo kay Aaron at sa kaniyang mga anak, na sabihin, Ito ang kautusan tungkol sa handog dahil sa kasalanan: sa dakong pinagpapatayan ng handog na susunugin ay doon papatayin ang handog dahil sa kasalanan, sa harap ng Panginoon; kabanalbanalang bagay nga.

26 Ang saserdoteng maghandog niyaon dahil sa kasalanan ay kakain niyaon: sa dakong banal kakanin, sa looban ng tabernakulo ng kapisanan.

27 Anomang humipo ng laman niyaon ay magiging banal: at pagka pumilansik ang dugo sa alin mang damit, ay lalabhan mo yaong napilansikan sa dakong banal.

28 Datapuwa't ang sisidlang lupa na pinaglutuan ay babasagin: at kung niluto sa sisidlang tanso ay lilinisin at babanlawan ng tubig.

29 Bawa't lalake sa mga saserdote ay kakain niyaon: bagay ngang kabanalbanalan.

30 At hindi kakanin ang anomang handog dahil sa kasalanan, kung may dugo niyao'y ipinasok sa tabernakulo ng kapisanan upang ipangtubos sa dakong banal: sa apoy nga susunugin.

Ito pa ang sinabi ng Panginoon kay Moises tungkol sa taong lumabag sa nais ng Panginoon sa pamamagitan ng pandaraya sa kanyang kapwa tungkol sa bagay na ipinatago o iniwan sa kanya, o pagnanakaw ng mga bagay na iyon, o pagsasamantala, o pagsisinungaling tungkol sa isang bagay na nawala na hindi raw niya nakita, o pagsumpa ng kasinungalingan na hindi niya nagawa ang alinman sa mga kasalanang nabanggit. Kapag napatunayan na talagang nagkasala siya, kinakailangang ibalik niya ang kanyang ninakaw, o ang anumang nakuha niya sa pandaraya, o ang mga bagay na iniwan o ipinatago sa kanya, o ang mga bagay na nawala na nakita niya, o anumang bagay na ayon sa kanyang panunumpa ay wala sa kanya, pero ang totoo ay nasa kanya. Kinakailangan niya itong ibalik sa may-ari na walang kulang at dadagdagan pa ng 20 porsiyento ng halaga nito. Ibibigay niya ito sa may-ari sa araw na maghahandog siya bilang pambayad sa kanyang kasalanan. Magdadala siya sa pari ng isang tupang walang kapintasan, at ihahandog niya ito sa Panginoon bilang kabayaran sa kanyang kasalanan. At kinakailangang ang halaga nito ay ayon sa bigat ng pilak sa timbangan na ginagamit ng mga pari. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang kasalanan, at siyaʼy patatawarin ng Panginoon sa alin mang kasalanang nabanggit na kanyang nagawa.

Karagdagang mga Tuntunin tungkol sa Handog na Sinusunog

8-9 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki ang tungkol sa mga tuntuning ito, tungkol sa handog na sinusunog.

Ang handog na ito ay kinakailangang iwanan sa altar hanggang umaga, at kinakailangang patuloy ang pagningas ng apoy sa altar; huwag itong pabayaang mamatay. 10 Kinaumagahan, isusuot ng pari ang mga kasuotan niyang gawa sa telang linen: ang damit pang-ilalim na tatakip sa kanyang kahubaran at ang damit-panlabas. Kukunin niya ang abo ng handog na iyon at ilalagay sa tabi ng altar. 11 Pagkatapos, magpapalit siya ng damit at dadalhin niya ang abo sa labas ng kampo sa itinuturing na malinis na lugar. 12 Kinakailangang ang apoy sa altar ay patuloy na nagniningas. Huwag itong papatayin. Tuwing umagaʼy gagatungan ito ng pari, at aayusin nang mabuti ang mga handog na sinusunog sa itaas ng mga panggatong pati na ang mga taba ng hayop mula sa inialay na handog para sa mabuting relasyon. 13 Patuloy na paniningasin ang apoy sa altar, at huwag itong pabayaang mamatay.

Karagdagang mga Tuntunin tungkol sa Handog na Pagpaparangal sa Panginoon

14 Ito ang mga tuntunin tungkol sa handog na pagpaparangal:

Ang mga paring mula sa angkan ni Aaron ang magdadala nito sa Panginoon sa harap ng altar. 15 Dadakot ang pari sa handog na harinang may halong langis at dadalhin niya sa altar pati ang mga insensong inilagay sa harina. Susunugin niya ito bilang alaala sa Panginoon. Ang mabangong samyo ng handog na itoʼy makalulugod sa Panginoon. 16-17 Ang natitirang harina ay lulutuin at kakainin ni Aaron at ng kanyang mga angkan. Pero itoʼy lulutuin nilang walang pampaalsa, at doon nila kakainin sa banal na lugar sa bakuran ng Toldang Tipanan. Inilaan iyon ng Panginoon para sa kanila bilang bahagi ng pagkaing inihandog sa kanya. Ang handog na pagpaparangal sa Panginoon ay napakabanal, katulad ng handog sa paglilinis, at handog na pambayad ng kasalanan. 18 Ang lahat ng lalaking mula sa angkan ni Aaron hanggang sa kahuli-hulihang angkan ay maaaring kumain nito, dahil ito palagi ang kanilang bahagi sa handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Ang mga humahawak ng mga handog na ito ay dapat banal.

19 Ito ang sinabi ng Panginoon kay Moises 20 tungkol sa handog para sa Panginoon na iaalay ni Aaron sa araw nang ordinahan siya bilang punong pari, at siya ring gagawin ng angkan niyang papalit sa kanya.

Maghahandog siya ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina. Ito ay handog na pagpaparangal sa Panginoon na dapat gawin magpakailanman. Ang kalahati nitoʼy ihahandog niya sa umaga at ang kalahati naman ay sa hapon. 21 Ang harinang ito ay hahaluan ng mantika at lulutuin sa kawali, pagpipira-pirasuhin at ihahandog sa Panginoon bilang handog na pagpaparangal. Ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa kanya. 22 Kinakailangang sunugin itong lahat, dahil itoʼy handog para sa Panginoon. Dapat itong sundin magpakailanman. Kailangang gawin ito ng angkan ni Aaron na papalit sa kanya bilang punong pari. 23 Ang lahat ng handog ng pagpaparangal ng mga pari ay kinakailangang sunugin, hindi ito maaaring kainin.

Karagdagang Tuntunin Tungkol sa Handog na Paglilinis sa Kasalanan

24 Inutusan din ng Panginoon si Moises 25 na sabihin kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki ang tungkol sa ganitong mga tuntunin.

Ang handog sa paglilinis ay kinakailangang patayin sa presensya ng Panginoon doon sa patayan ng handog na sinusunog. Ang handog sa paglilinis ay napakabanal. 26 Ang paring maghahandog nitoʼy dapat kumain nito roon sa bakuran ng Toldang Tipanan, na isang banal na lugar. 27 Ang sinumang makahipo nito ay mahahawaan ng pagkabanal nito. Ang damit na matatalsikan ng dugo ng handog na itoʼy dapat labhan doon sa banal na lugar sa Tolda. 28 Ang palayok na pinaglutuan ng handog na ito ay dapat basagin. Pero kung kaldero, itoʼy dapat kuskusin at hugasang mabuti ng tubig. 29 Ang lahat ng lalaki sa sambahayan ng pari ay maaaring kumain. Itoʼy napakabanal na handog. 30 Pero kung ang dugo ng handog na itoʼy dinala roon sa Banal na Lugar sa loob ng Tolda para gawing pantubos sa kasalanan ng tao, hindi maaaring kainin ang natirang karne na inihandog. Susunugin na lang ito.

'Levitico 6 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.