Add parallel Print Page Options

Ang Ikapitong Taon(A)

25 At(B) nagsalita ang Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai, na sinasabi,

“Magsalita ka sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Pagdating ninyo sa lupaing ibinibigay ko sa inyo, ang lupain ay mangingilin ng isang Sabbath sa Panginoon.

Anim na taong hahasikan mo ang iyong bukid, at anim na taong pupungusan mo ang iyong ubasan, at titipunin mo ang kanyang bunga.

Subalit ang ikapitong taon ay magiging ganap na kapahingahan sa lupain, isang Sabbath sa Panginoon; huwag mong hahasikan ang iyong bukid, ni pupungusan ang iyong ubasan.

Huwag mong aanihin ang kusang tumubo sa iyong inanihan, at huwag mong titipunin ang mga ubas ng iyong ubasan na hindi mo inalagaan; iyon ay magiging taon ng ganap na kapahingahan sa lupain.

At ang bunga sa Sabbath ng lupain ay magiging pagkain mo, at ng iyong aliping lalaki at aliping babae, ng iyong upahang lingkod, ng mga dayuhang naninirahang kasama mo;

ng iyong hayupan at ng mababangis na hayop na nasa iyong lupain. Lahat ng bunga niyon ay magiging inyong pagkain.

Ang Taon ng Pagpapabalik

“Bibilang ka ng pitong Sabbath ng taon, makapitong pitong taon; at lahat ng mga araw ng pitong Sabbath ng mga taon ay magiging apatnapu't siyam na taon sa inyo.

At iyong patutunugin nang malakas ang trumpeta sa ikasampung araw ng ikapitong buwan; sa araw ng pagtubos ay patutunugin mo ang tambuli sa inyong buong lupain.

10 Ipangingilin ninyo ang ikalimampung taon, at ipahahayag ninyo ang kalayaan sa buong lupain sa lahat ng mga mamamayan; at ito'y magiging jubileo sa inyo; at ang bawat isa sa inyo ay babalik sa kanyang sariling ari-arian, at ang bawat isa sa inyo ay babalik sa kanyang sariling sambahayan.

11 Ang ikalimampung taon ay taon ng pagdiriwang para sa inyo, huwag kayong maghahasik ni aanihin ang tumubo sa kanyang sarili, ni titipunin ang mula sa ubasang hindi inalagaan;

12 sapagkat ito ay kapistahan ng pagdiriwang; ito ay banal sa inyo. Kakainin ninyo ang bunga niyan sa bukid.

13 “Sa taóng ito ng pagdiriwang, ang bawat isa sa inyo ay babalik sa kanyang ari-arian.

14 Kung ikaw ay magbili ng anuman sa iyong kapwa o bumili ng anuman sa kamay ng iyong kapwa, ang bawat isa sa inyo ay huwag manlamang sa kanyang kapatid.

15 Ayon sa bilang ng mga taon pagkaraan ng pagdiriwang, ay bibili ka sa iyong kapwa, ayon sa bilang ng taon ng mga pananim, ay magbibili siya sa iyo.

16 Ayon sa dami ng mga taon ay daragdagan mo ang halaga niyan, at ayon sa kakauntian ng mga taon ay babawasan mo ang halaga niyan; sapagkat ipinagbibili niya sa iyo ang bilang ng mga pananim.

17 Huwag aapihin ng sinuman ang kanyang kapwa, kundi matatakot kayo sa inyong Diyos, sapagkat ako ang Panginoon ninyong Diyos.

Ang Suliranin ng Ikapitong Taon

18 “Kaya't inyong tutuparin ang aking mga batas, at inyong iingatan ang aking mga tuntunin at inyong isasagawa ang mga iyon; at maninirahan kayong tiwasay sa lupain.

19 Ang lupain ay magbubunga, at kakain kayo hanggang sa mabusog at maninirahan kayong tiwasay doon.

20 At kapag sinabi ninyo, ‘Anong aming kakainin sa ikapitong taon kung hindi kami maghahasik ni magtitipon ng aming mga bunga?’

21 Aking iuutos ang aking pagpapala sa inyo sa ikaanim na taon, at magkakaroon ng bunga para sa tatlong taon.

Pagpapabalik ng Ari-arian

22 “Kapag naghasik kayo sa ikawalong taon, kakainin ninyo ang mula sa dating inani hanggang sa ikasiyam na taon, hanggang sa pagdating ng kanyang bunga ay kakainin ninyo ang dating inani.

23 Ang lupain ay hindi maipagbibili magpakailanman, sapagkat akin ang lupain. Kayo'y mga dayuhan at nakikipamayang kasama ko.

24 Kayo ay magkakaloob ng pantubos sa lupain sa buong lupain na inyong pag-aari.

25 “Kung ang iyong kapatid ay naghirap, at ipinagbili ang bahagi ng kanyang mga pag-aari, ang kanyang pinakamalapit na kamag-anak ay darating at tutubusin ang ipinagbili ng kanyang kapatid.

26 Subalit kung ang isang tao ay walang manunubos, at siya'y masagana at nagkaroon ng kakayahang tubusin ito,

27 kanyang bibilangin ang mga taon simula nang ito'y ipagbili, at isasauli ang labis sa taong kanyang pinagbilhan; at babalik siya sa kanyang pag-aari.

28 Ngunit kung siya'y walang sapat upang maibalik sa kanya, kung gayon ang ipinagbili niya ay mapapasa-kamay ng bumili nito hanggang sa taon ng pagdiriwang; at sa pagdiriwang, ito ay bibitiwan at siya ay babalik sa kanyang pag-aari.

29 “At kapag ang isang tao ay nagbili ng kanyang tirahang bahay sa isang napapaderang lunsod, maaari niya itong tubusin sa loob ng isang taon pagkatapos na ito'y maipagbili sapagkat sa buong taon ay magkakaroon siya ng karapatang tumubos.

30 Kung hindi matubos hanggang sa ang isang buong taon ay matapos, kung gayon ang bahay na nasa napapaderang lunsod ay mananatili magpakailanman sa bumili, sa buong panahon ng kanyang lahi; hindi ito mababawi sa panahon ng pagdiriwang.

31 Ngunit ang mga bahay sa mga nayon na walang pader sa palibot ay ibibilang na mga bukirin sa lupain. Ito ay matutubos at ito ay mababawi sa panahon ng pagdiriwang.

32 Tungkol naman sa lunsod ng mga Levita, sa mga bahay sa mga lunsod na kanilang pag-aari, ang mga Levita ay makakatubos sa anumang panahon.

33 Ang gayong ari-arian na maaaring tubusin mula sa mga Levita, mga bahay na ipinagbili na nasa kanilang pag-aari, ay bibitiwan sa panahon ng pagdiriwang, sapagkat ang mga bahay sa mga lunsod ng mga Levita ay kanilang pag-aari sa gitna ng mga anak ni Israel.

34 At ang bukid, ang mga bukas na lupain sa kanilang mga lunsod, ay hindi maipagbibili sapagkat ito ay isang walang hanggang pag-aari.

Pautang para sa mga Dukha

35 “Kung(C) naghirap ang iyong kapatid at hindi kayang buhayin ang sarili, ay iyo siyang aalalayan. Mamumuhay siyang kasama mo bilang isang dayuhan at nakikipanuluyan.

36 Huwag kang kukuha sa kanya ng patubo o pakinabang, kundi matakot ka sa iyong Diyos; hayaan mo siyang mabuhay na kasama mo.

37 Huwag(D) kang magbibigay sa kanya ng salapi na may patubo, at huwag mong ibibigay ang iyong pagkain na may pakinabang.

38 Ako ang Panginoon ninyong Diyos, na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto, upang ibigay sa inyo ang lupain ng Canaan at maging inyong Diyos.

Pagpapalaya sa mga Alipin

39 “At(E) kung ang iyong kapatid na kasama mo ay naghirap at ipinagbili sa iyo, huwag mong iaatang sa kanya ang paglilingkod ng isang alipin.

40 Siya'y makakasama mo bilang isang upahang lingkod at bilang isang nakikipanirahan; siya'y maglilingkod sa iyo hanggang sa taon ng pagdiriwang.

41 Pagkatapos ay aalis siya sa iyo, siya at ang kanyang mga anak, at babalik siya sa kanyang sariling sambahayan, at babalik sa pag-aari ng kanyang mga magulang.

42 Sapagkat sila'y aking mga lingkod na inilabas ko mula sa lupain ng Ehipto; sila'y hindi maipagbibili bilang mga alipin.

43 Huwag kang mamumuno sa kanya na may kabagsikan, at ikaw ay matakot sa iyong Diyos.

44 Tungkol sa iyong mga aliping lalaki at aliping babae na maaaring mayroon ka mula sa mga bansang nasa palibot ninyo, sila'y bibilhin ninyo bilang mga aliping lalaki at aliping babae.

45 Maaari din kayong bumili mula sa mga anak ng mga dayuhan na nakikipanirahan sa inyo, at sa kanilang mga sambahayan na kasama ninyo, na kanilang ipinanganak sa inyong lupain, at sila'y magiging inyong pag-aari.

46 At sila'y inyong kukunin bilang pamana sa inyong mga anak pagkamatay ninyo upang maging pag-aari; maiaatang ninyo sa kanila ang paglilingkod magpakailanman. Ngunit sa inyong mga kamag-anak na mga anak ni Israel ay huwag kayong mamumuno na may kabagsikan.

Pagtubos sa mga Alipin

47 “Kung ang dayuhan o ang nakikipanirahang kasama mo ay yumaman, at ang iyong kamag-anak ay naghirap, at ipinagbili ang sarili sa dayuhan o sa nakikipanirahan sa iyo o sa sinumang kasambahay na dayuhan;

48 pagkatapos na siya'y maipagbili ay maaari siyang tubusin. Isa sa kanyang mga kapatid ang makakatubos sa kanya,

49 o ang kanyang amain o ang anak ng kanyang amain ay makakatubos sa kanya; o sinumang malapit na kamag-anak sa kanyang sambahayan ay makakatubos sa kanya. Kung magkaroon siyang kakayahan ay matutubos niya ang kanyang sarili.

50 At kanyang bibilangang kasama ng bumili sa kanya ang mga taon, mula sa taóng bilhin siya hanggang sa taon ng pagdiriwang. Ang halaga ng pagkabili sa kanya ay magiging ayon sa bilang ng mga taon, ayon sa panahon ng isang upahan ay gayon ang sa kanya.

51 Kung maraming taon pa ang kulang niya, ayon sa dami ng mga iyan, ay isasauli niya ang halaga ng pagkatubos sa kanya sa salaping sa kanya'y ibinili.

52 At kung kakaunti na lamang ang mga taong nalalabi hanggang sa taon ng pagdiriwang, bibilangin niya ang mga taong nalalabi at isasauli niya ang halaga ng kanyang pagkatubos.

53 Kung paano ang upahan sa taun-taon ay gayon siya maninirahan sa kanya; siya'y huwag maghahari sa kanya na may kabagsikan sa iyong paningin.

54 Kung hindi siya tubusin sa mga ganitong paraan, siya ay aalis sa taon ng pagdiriwang, siya at ang kanyang mga anak.

55 Sapagkat ang mga anak ni Israel ay mga lingkod ko. Sila'y aking mga lingkod na inilabas ko sa lupain ng Ehipto: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.

Ang Taon ng Pamamahinga ng Lupa

25 Noong si Moises ay nasa bundok ng Sinai, inutusan siya ng Panginoon na sabihin ito sa mga Israelita:

Kapag naroon na kayo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, huwag ninyong tataniman ang inyong mga bukid tuwing ikapitong taon para akoʼy inyong maparangalan. 3-4 Sa loob ng anim na taon ay makakapagtanim kayo at makakapag-ani, pero sa ikapitong taon ay dapat ninyong pagpahingahin ang lupa. Huwag ninyong tataniman ang inyong mga bukid at puputulan ng mga sanga ang inyong mga ubas. At huwag din ninyong aanihin ang mga butil o pipitasin ang mga bunga ng mga tanim na kusang tumubo. Pero maaari kayong kumuha nito para may makain kayo, ang inyong mga alipin mga manggagawa, mga dayuhang naninirahang kasama ninyo, mga alaga nʼyong hayop, at mga hayop sa gubat na nasa inyong lupain.

Ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli

8-9 Tuwing ika-49 na taon,[a] sa ikasampung araw ng ikapitong buwan, ang Araw ng Pagtubos, patunugin ninyo ang mga trumpeta sa buong lupain. 10 Ang ika-50 taon ay ituring ninyong natatanging taon dahil iyon ay panahon ng pagpapalaya ng mga alipin para silaʼy makabalik na sa sarili nilang sambahayan. Panahon din ito ng pagsasauli sa may-ari ng mga lupain na ipinagbili niya. 11-12 Sa taong ito, na Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, huwag kayong magtatanim sa inyong mga bukirin at huwag din kayong mag-aani o mamimitas ng mga bunga ng mga tanim na kusang tumubo, pero pwede kayong kumuha para may makain kayo. Itoʼy banal na taon para sa inyo.

13 Sa taong ito, lahat ng mga ari-ariang ipinagbili sa inyo ay ibalik ninyo sa may-ari. 14 Kaya kung kayoʼy magbebenta o bibili ng lupain sa inyong kapwa Israelita, huwag kayong magdadayaan. 15 Ang halaga ng lupa ay ibabatay ayon sa dami ng taon ng pamumunga nito bago dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. 16 Kung mahaba pa ang mga taon bago dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, taasan ninyo ang halaga ng lupa, pero kung maigsi na lang, babaan ninyo. Sapagkat ang binibili ninyo ay hindi ang lupang iyon kundi ang dami ng magiging ani nito. 17 Huwag kayong magdadayaan, sa halip ay matakot kayo sa akin, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios. 18-19 Sundin ninyo ang mga tuntunin at utos ko para kayoʼy mamuhay ng mapayapa sa lupaing inyong titirhan at hindi kayo mawawalan ng pagkain dahil sa masaganang ani ng lupain. 20 Huwag kayong mababahala sa kung ano ang inyong kakainin sa ikapitong taon na hindi kayo makakapagtanim o makakapag-ani. 21 Pagpapalain ko ang inyong mga bukid tuwing ikaanim na taon upang maging masagana ang ani para maging sapat para sa tatlong taon. 22 Kaya sa tuwing magtatanim kayo sa ikawalong taon, ang kakainin ninyo ay ang inyong ani pa rin noong ikaanim na taon, at magiging marami pa ang pagkain ninyo hanggang sa dumating ang tag-ani sa ikasiyam na taon.

23 Huwag ninyong ipagbibili ang inyong lupain na hindi na ninyo matutubos pa, dahil ang lupaing ito ay akin. Pinatitirhan at pinasasakahan ko lang ito sa inyo. 24 Kaya payagan ninyong matubos pa ng may-ari ang kanyang lupain na ipinagbili sa inyo. Ganyan ang gawin ninyo sa lahat ng lupaing binili ninyo.

25 Kung maghirap ang inyong kapwa Israelita at napilitan siyang ipagbili ang kanyang lupain, ang pinakamalapit niyang kamag-anak ang tutubos ng lupaing kanyang ipinagbili. 26 Pero kung wala siyang kamag-anak na tutubos nito para sa kanya, maaari pa rin niya itong tubusin kapag kaya na niya. 27 Kapag nangyari ito, babayaran niya ang bumili ng kanyang lupain ng halagang ayon sa maaani sa lupain hanggang sa dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, at saka pa lang niya maaaring bawiin ang kanyang lupain. 28 Pero kung kulang ang perang pantubos niya, mananatili ang lupain sa bumili hanggang sa dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. At sa taong iyon, ibabalik na sa kanya ang lupain niya nang walang bayad.

29 Kung may taong magbenta ng kanyang bahay na nasa napapaderang lungsod, maaari pa rin niya itong tubusin sa loob ng isang taon pagkatapos niyang ipagbili. 30 Pero kung hindi niya ito matubos sa loob ng isang taon, ang bahay na iyon ay lubusan nang magiging pag-aari ng bumili at ng mga angkan nito magpakailanman. Hindi na ito maaaring bawiin ng may-ari sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. 31 Ngunit ang mga bahay sa mga baryo na walang pader ay ituturing na katulad ng bukid na maaaring matubos o mabawi sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli.

32 Maaaring tubusin ng mga Levita kahit kailan ang kanilang mga bahay na nasa kanilang bayan. 33 Kung hindi nila iyon matubos, ibabalik iyon sa kanila sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. Sapagkat ang mga bahay sa kanilang bayan ay para sa kanila dahil bahagi nila ito na ibinigay ng kapwa nila Israelita. 34 Pati ang mga pastulang nasa palibot ng kanilang bayan ay hindi dapat ipagbili, dahil iyon ay pag-aari nila magpakailanman.

35 Kung maghirap ang kapwa ninyo Israelita at hindi na niya kayang buhayin ang kanyang sarili, tulungan nʼyo siya katulad ng inyong pagtulong sa isang dayuhan o bisita para patuloy siyang makapamuhay kasama ninyo. 36-37 Pahiramin ninyo siya ng pera na walang tubo, at pagbilhan ninyo siya ng pagkain na walang tubo para patuloy siyang naninirahang kasama ninyo. Gawin ninyo ito para ipakita na may takot kayo sa akin na inyong Dios. 38 Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto para maibigay ko sa inyo ang lupain ng Canaan upang akoʼy maging Dios ninyo.

39 Kung sa labis na kahirapan ng inyong kapwa Israelita ay napilitang ipagbili ang sarili upang maging alipin, huwag ninyo siyang pagtrabahuhin katulad ng pangkaraniwang alipin. 40 Ituring ninyo siyang isang upahang manggagawa o isang panauhing nakatira sa inyo. Magtatrabaho siya sa inyo hanggang sa sumapit ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. 41 Sa taong iyon, malaya na siya at ang mga anak niya, at makakabalik na sila sa kanilang mga kamang-anak at mapapasakanilang muli ang mga pag-aari ng kanilang mga ninuno. 42 Kayoʼy mga alipin ko, kayoʼy mga Israelitang inilabas ko sa Egipto. Kaya huwag ninyong ipagbibili ang inyong sarili para maging alipin. 43 Huwag ninyong pagmamalupitan ang inyong kapwa Israelita na alipin ninyo. Ipakita ninyong kayoʼy may takot sa akin na inyong Dios.

44 Kung gusto ninyong kayoʼy may alipin, bumili kayo sa mga bansa sa palibot ninyo. 45 Maaari rin kayong bumili ng mga dayuhang naninirahang kasama ninyo, o ng kanilang mga anak na ipinanganak sa inyong lugar. At ang mga aliping nabili ninyo sa kanila ay magiging pag-aari na ninyo. 46 At maaari nʼyo silang ipamana sa inyong mga anak upang maglingkod sa kanila habang silaʼy nabubuhay. Pero huwag ninyong pagmalupitan ang inyong kapwa Israelita na alipin ninyo.

47 Kung sa labis na kahirapan ay ipinagbili ng isang Israelita ang kanyang sarili bilang alipin sa isang dayuhang naninirahang kasama ninyo, o sa kamag-anak ng dayuhang iyon, 48 ang Israelitang iyon ay maaari pang tubusin. Maaari siyang tubusin ng kanyang kapatid, 49 tiyuhin, pinsan, o sinumang malapit niyang kamag-anak. Maaari ring siya mismo ang tumubos ng kanyang sarili kung kaya na niya. 50-52 Kukuwentahin niya at ng bumili sa kanya kung ilang taon siyang naglingkod at kung magkano ang katumbas na halaga nito kung babayaran siya katulad ng isang upahang manggagawa. At ang halaga nito ay ibabawas niya sa halagang ibinayad sa kanya noong siya ay binili bilang isang alipin. (Ang halagang iyon ay batay sa dami ng taon mula nang siyaʼy binili hanggang sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli.) At kung magkano ang natira, iyon ang babayaran niya para matubos ang kanyang sarili. 53 Kinakailangang ituring siya ng dayuhang bumili sa kanya na parang isang upahang manggagawa at huwag siyang pagmamalupitan. 54 Kung hindi siya makakalaya at ang mga anak niya sa ganoong paraan, maaari pa rin silang lumaya sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. 55 Kaya hindi kayo magiging alipin ng inyong mga kababayan magpakailanman, dahil alipin ko kayo, ako ang naglabas sa inyo mula sa Egipto. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

Footnotes

  1. 25:8-9 Tuwing ika-49 na taon: sa literal, pitong taon na Pamamahinga.