Add parallel Print Page Options

25 At sinalita ng Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai, na sinasabi,

Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagpasok ninyo sa lupain na ibibigay ko sa inyo, ay mangingilin ng isang sabbath sa Panginoon ang lupain.

Anim na taong hahasikan mo ang iyong bukid, at anim na taong kakapunin mo ang iyong ubasan, at titipunin mo ang bunga ng mga iyan;

Datapuwa't sa ikapitong taon ay magiging sabbath na takdang kapahingahan sa lupain, sabbath sa Panginoon: huwag mong hahasikan ang iyong bukid, ni kakapunin ang iyong ubasan.

Yaong tumubo sa sarili sa iyong inaanihan ay huwag mong aanihin, at ang mga ubas ng iyong ubasan na hindi nakapon ay huwag mong titipunin: magiging taong takdang kapahingahan sa lupain.

At ang bunga sa sabbath ng lupain ay magiging pagkain sa inyo; sa iyo, at sa iyong aliping lalake at babae, at sa iyong aliping upahan, at sa taga ibang bayan na nakikipamayan sa iyo;

At sa iyong mga baka at sa mga hayop na nasa iyong lupain ay magiging pagkain ang lahat ng bunga ng mga iyan.

At bibilang ka ng pitong sabbath ng taon, makapitong pitong taon; at magiging sa iyo'y mga araw ng pitong sabbath ng mga taon, sa makatuwid baga'y apat na pu't siyam na taon.

Kung magkagayo'y maguutos ka na lumibot sa bayan ang pakakak na matunog sa ikasangpung araw ng ika pitong buwan; sa araw ng pagtubos patutunugin ninyo ang pakakak sa buong lupain ninyo.

10 At ipangingilin ninyo ang ikalimang pung taon, at ihahayag ninyo sa buong lupain ang kalayaan sa lahat na tumatahan sa lupain: iya'y magiging kapistahan ng jubileo sa inyo; at bawa't isa sa inyo ay babalik sa kaniyang pag-aari, at bawa't isa'y babalik sa kaniyang sangbahayan.

11 Magiging kapistahan ng jubileo nga sa inyo ang ikalimang pung taon: huwag ninyong hahasikan ni aanihin ang tumubo sa kaniyang sarili, ni titipunin ang mga ubas ng ubasan na hindi nakapon.

12 Sapagka't kapistahan ng jubileo; magiging banal sa inyo: kakanin ninyo ang bunga niyan sa bukid.

13 Sa taong ito ng jubileo, ay babalik kayo, bawa't isa sa kaniyang pag-aari.

14 At kung ikaw ay magbili ng anoman sa iyong kapuwa o bumili ng anoman sa kamay ng iyong kapuwa, ay huwag kayong magdadayaan.

15 Ayon sa bilang ng taon pagkatapos ng jubileo, ay bibilhin mo sa iyong kapuwa, ayon sa bilang ng taon ng pagaani, ay kaniyang ipagbibili sa iyo.

16 Ayon sa dami ng mga taon, ay daragdagan mo ang halaga niyan, at ayon sa kakauntian ng mga taon, ay babawasan mo ang halaga niyan; sapagka't ganyang bilang ng ani ang kaniyang ipagbibili sa iyo.

17 At huwag kayong magdadayaan; kundi matatakot kayo sa inyong Dios: sapagka't ako ang Panginoon ninyong Dios.

18 Kaya't inyong tutuparin ang aking mga palatuntunan, at inyong iingatan ang aking mga kahatulan at inyong isasagawa at tatahan kayong tiwasay sa lupain.

19 At ang lupain ay magbubunga, at kakain kayo hanggang sa mabusog at tatahan kayong tiwasay doon.

20 At kung sasabihin ninyo, Anong aming kakanin sa ikapitong taon? narito, hindi kami maghahasik ni magtitipon ng aming mga bunga:

21 At aking igagawad ang aking pagpapala sa inyo sa ikaanim na taon, at magbubunga ng kasya sa tatlong taon.

22 At maghahasik kayo sa ikawalong taon, at kakain kayo ng dating kinamalig na mga bunga hanggang sa ikasiyam na taon, hanggang sa dumating ang pagbubunga ng ikawalo ay kakain kayo ng dating kinamalig.

23 At ang lupain ay hindi maipagbibili ng magpakailan man; sapagka't akin ang lupain: sapagka't kayo'y taga ibang bayan at makikipamayang kasama ko.

24 At sa buong lupain na iyong pag-aari ay magkakaloob kayo ng pangtubos sa lupain.

25 Kung ang iyong kapatid ay maghirap, at ipagbili ang anoman sa kaniyang pag-aari, ay paroroon ang kaniyang kamaganak na pinakamalapit sa kaniya, at tutubusin ang ipinagbili ng kaniyang kapatid.

26 At kung ang taong yaon ay walang manunubos, at siya'y yumaman at nakasumpong ng kasapatan upang matubos yaon;

27 Ay kaniyang bilangin ang mga taon pagkatapos na kaniyang naipagbili, at isasauli ang labis sa taong kaniyang pinagbilhan; at babalik siya sa kaniyang pag-aari.

28 Nguni't kung siya'y walang kasapatan, upang maibalik niya sa kaniya, ang ipinagbili ay matitira nga sa kapangyarihan ng bumili hanggang sa taon ng jubileo; at sa jubileo ay maaalis sa kapangyarihan niyaon, at ang may-ari ay babalik sa kaniyang pag-aari.

29 At kung ang isang tao ay magbili ng bahay na tahanan sa nakukutaang bayan ay matutubos niya sa loob ng isang buong taon pagkatapos na maipagbili; sapagka't isang buong taon ang kaniyang matuwid ng pagtubos.

30 At kung hindi matubos sa loob ng isang buong taon, ang bahay na nasa nakukutaang bayan ay lalagi magpakailan man, na pag-aari niyaong bumili, sa buong panahon ng kaniyang lahi: hindi maaalis sa kaniya sa jubileo.

31 Nguni't ang mga bahay sa mga nayon na walang kuta sa palibot, ay aariing para ng sa mga bukirin sa lupain: kanilang matutubos; at sa jubileo ay magsisialis.

32 Gayon ma'y sa mga bayan ng mga Levita, kailan ma'y maaaring matubos ng mga Levita ang mga bahay sa mga bayan ng kanilang pag-aari.

33 At kung ang isa sa mga Levita ay tumubos, ang bahay na ipinagbili at ang bayang kaniyang pag-aari, ay maaalis sa jubileo, sapagka't ang mga bahay sa mga bayan ng mga Levita ay kanilang pag-aari sa gitna ng mga anak ni Israel.

34 Datapuwa't ang mga bukid sa palibot ng mga bayan nila, ay hindi maipagbibili, sapagka't pag-aari nila magpakailan man.

35 At kung maghirap ang iyong kapatid at manglupaypay sa iyong siping, ay iyo siyang aalalayan na patutuluyin mo, na manunuluyan sa iyong parang taga ibang bayan at nakikipamayan.

36 Huwag kang kukuha sa kaniya ng patubo o pakinabang, kundi matakot ka sa iyong Dios: patuluyin mo ang iyong kapatid.

37 Ang iyong salapi ay huwag mong ibibigay sa kaniya na may patubo, ni ibibigay mo sa kaniya na may pakinabang ang iyong pagkain.

38 Ako ang Panginoon ninyong Dios, na inilabas ko kayo sa lupain ng Egipto, upang ibigay ko sa inyo ang lupain ng Canaan, at ako'y maging inyong Dios.

39 At kung ang iyong kapatid na kasama mo ay maghirap at pabili siya sa iyo: ay huwag mo siyang papaglilingkuring parang alipin;

40 Ipalalagay mo siyang parang lingkod na upahan at parang nakikipamayan; hanggang sa taon ng jubileo ay maglilingkod siya sa iyo:

41 Kung magkagayo'y aalis siya sa iyo, siya at ang kaniyang mga anak na kasama niya, at babalik sa kaniyang sariling sangbahayan, at babalik sa pag-aari ng kaniyang mga magulang.

42 Sapagka't sila'y aking mga lingkod, na aking inilabas sa lupain ng Egipto; sila'y hindi maipagbibiling parang mga alipin.

43 Huwag kang papapanginoon sa kaniya na may kabagsikan; kundi ikaw ay matatakot sa iyong Dios.

44 At tungkol sa iyong mga aliping lalake at babae na magkakaroon ka; sa mga bansang nasa palibot ninyo, ay makabibili kayo sa kanila ng mga aliping lalake at babae.

45 Saka sa mga anak ng mga taga ibang lupa na nakikipamayan sa inyo, sa mga ito'y makabibili kayo, at sa kanilang mga sangbahayan na nasa inyo, na mga ipinanganak nila sa inyong lupain: at magiging inyong pag-aari.

46 At inyong iiwang pinakapamana sa inyong mga anak pagkamatay ninyo, na pinakapag-aari; sa mga iyan kukuha kayo ng inyong mga alipin magpakailan man: nguni't sa inyong mga kapatid na mga anak ni Israel ay huwag kayong magpapanginoonan na may kabagsikan.

47 At kung ang taga ibang lupa o ang nakikipamayan na kasama mo ay yumaman, at ang iyong kapatid ay maghirap sa siping niya, at pabili sa taga ibang bayan o nakikipamayan sa iyo o sa sinomang kasangbahay ng taga ibang lupa;

48 Pagkatapos na siya'y maipagbili ay kaniyang matutubos: isa sa kaniyang mga kapatid ay makatutubos sa kaniya:

49 O ang kaniyang amain o ang anak ng kaniyang amain ay makatutubos sa kaniya; o sinomang kamaganak na malapit niya sa kaniyang sangbahayan ay makatutubos sa kaniya; o kung yumaman siya ay makatutubos siya sa kaniyang sarili.

50 At kaniyang bibilangan yaong bumili sa kaniya, mula sa taong bilhin siya hanggang sa taon ng jubileo: at ang halaga ng pagkabili sa kaniya ay magiging ayon sa bilang ng mga taon; at gagawin sa kaniya ay ayon sa panahon ng isang lingkod na upahan.

51 Kung maraming taon pa ang kulang niya, ayon sa dami ng mga iyan, ay isasauli ang halaga ng kaniyang pagkatubos sa kaniya na salaping sa kaniya'y ibinili.

52 At kung kaunti ang mga taong nagkukulang hanggang sa taon ng jubileo ay ibibilang sa kaniya; ayon sa kaniyang mga taon na nagkukulang ay isasauli ang halaga ng kaniyang katubusan.

53 Kung paano ang alilang may bayad sa taon-taon, ay gayon matitira sa kaniya: siya'y huwag papapanginoon sa kaniya na may kabagsikan sa iyong paningin.

54 At kung hindi siya tubusin sa mga paraang ito, ay aalis siya sa taon ng jubileo, siya at ang kaniyang mga anak na kasama niya.

55 Sapagka't sa akin ang mga anak ni Israel ay mga lingkod; sila'y aking mga lingkod na aking inilabas sa lupain ng Egipto: ako ang Panginoon ninyong Dios.

Ang Taon ng Pamamahinga ng Lupa

25 Noong si Moises ay nasa bundok ng Sinai, inutusan siya ng Panginoon na sabihin ito sa mga Israelita:

Kapag naroon na kayo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, huwag ninyong tataniman ang inyong mga bukid tuwing ikapitong taon para akoʼy inyong maparangalan. 3-4 Sa loob ng anim na taon ay makakapagtanim kayo at makakapag-ani, pero sa ikapitong taon ay dapat ninyong pagpahingahin ang lupa. Huwag ninyong tataniman ang inyong mga bukid at puputulan ng mga sanga ang inyong mga ubas. At huwag din ninyong aanihin ang mga butil o pipitasin ang mga bunga ng mga tanim na kusang tumubo. Pero maaari kayong kumuha nito para may makain kayo, ang inyong mga alipin mga manggagawa, mga dayuhang naninirahang kasama ninyo, mga alaga nʼyong hayop, at mga hayop sa gubat na nasa inyong lupain.

Ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli

8-9 Tuwing ika-49 na taon,[a] sa ikasampung araw ng ikapitong buwan, ang Araw ng Pagtubos, patunugin ninyo ang mga trumpeta sa buong lupain. 10 Ang ika-50 taon ay ituring ninyong natatanging taon dahil iyon ay panahon ng pagpapalaya ng mga alipin para silaʼy makabalik na sa sarili nilang sambahayan. Panahon din ito ng pagsasauli sa may-ari ng mga lupain na ipinagbili niya. 11-12 Sa taong ito, na Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, huwag kayong magtatanim sa inyong mga bukirin at huwag din kayong mag-aani o mamimitas ng mga bunga ng mga tanim na kusang tumubo, pero pwede kayong kumuha para may makain kayo. Itoʼy banal na taon para sa inyo.

13 Sa taong ito, lahat ng mga ari-ariang ipinagbili sa inyo ay ibalik ninyo sa may-ari. 14 Kaya kung kayoʼy magbebenta o bibili ng lupain sa inyong kapwa Israelita, huwag kayong magdadayaan. 15 Ang halaga ng lupa ay ibabatay ayon sa dami ng taon ng pamumunga nito bago dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. 16 Kung mahaba pa ang mga taon bago dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, taasan ninyo ang halaga ng lupa, pero kung maigsi na lang, babaan ninyo. Sapagkat ang binibili ninyo ay hindi ang lupang iyon kundi ang dami ng magiging ani nito. 17 Huwag kayong magdadayaan, sa halip ay matakot kayo sa akin, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios. 18-19 Sundin ninyo ang mga tuntunin at utos ko para kayoʼy mamuhay ng mapayapa sa lupaing inyong titirhan at hindi kayo mawawalan ng pagkain dahil sa masaganang ani ng lupain. 20 Huwag kayong mababahala sa kung ano ang inyong kakainin sa ikapitong taon na hindi kayo makakapagtanim o makakapag-ani. 21 Pagpapalain ko ang inyong mga bukid tuwing ikaanim na taon upang maging masagana ang ani para maging sapat para sa tatlong taon. 22 Kaya sa tuwing magtatanim kayo sa ikawalong taon, ang kakainin ninyo ay ang inyong ani pa rin noong ikaanim na taon, at magiging marami pa ang pagkain ninyo hanggang sa dumating ang tag-ani sa ikasiyam na taon.

23 Huwag ninyong ipagbibili ang inyong lupain na hindi na ninyo matutubos pa, dahil ang lupaing ito ay akin. Pinatitirhan at pinasasakahan ko lang ito sa inyo. 24 Kaya payagan ninyong matubos pa ng may-ari ang kanyang lupain na ipinagbili sa inyo. Ganyan ang gawin ninyo sa lahat ng lupaing binili ninyo.

25 Kung maghirap ang inyong kapwa Israelita at napilitan siyang ipagbili ang kanyang lupain, ang pinakamalapit niyang kamag-anak ang tutubos ng lupaing kanyang ipinagbili. 26 Pero kung wala siyang kamag-anak na tutubos nito para sa kanya, maaari pa rin niya itong tubusin kapag kaya na niya. 27 Kapag nangyari ito, babayaran niya ang bumili ng kanyang lupain ng halagang ayon sa maaani sa lupain hanggang sa dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, at saka pa lang niya maaaring bawiin ang kanyang lupain. 28 Pero kung kulang ang perang pantubos niya, mananatili ang lupain sa bumili hanggang sa dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. At sa taong iyon, ibabalik na sa kanya ang lupain niya nang walang bayad.

29 Kung may taong magbenta ng kanyang bahay na nasa napapaderang lungsod, maaari pa rin niya itong tubusin sa loob ng isang taon pagkatapos niyang ipagbili. 30 Pero kung hindi niya ito matubos sa loob ng isang taon, ang bahay na iyon ay lubusan nang magiging pag-aari ng bumili at ng mga angkan nito magpakailanman. Hindi na ito maaaring bawiin ng may-ari sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. 31 Ngunit ang mga bahay sa mga baryo na walang pader ay ituturing na katulad ng bukid na maaaring matubos o mabawi sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli.

32 Maaaring tubusin ng mga Levita kahit kailan ang kanilang mga bahay na nasa kanilang bayan. 33 Kung hindi nila iyon matubos, ibabalik iyon sa kanila sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. Sapagkat ang mga bahay sa kanilang bayan ay para sa kanila dahil bahagi nila ito na ibinigay ng kapwa nila Israelita. 34 Pati ang mga pastulang nasa palibot ng kanilang bayan ay hindi dapat ipagbili, dahil iyon ay pag-aari nila magpakailanman.

35 Kung maghirap ang kapwa ninyo Israelita at hindi na niya kayang buhayin ang kanyang sarili, tulungan nʼyo siya katulad ng inyong pagtulong sa isang dayuhan o bisita para patuloy siyang makapamuhay kasama ninyo. 36-37 Pahiramin ninyo siya ng pera na walang tubo, at pagbilhan ninyo siya ng pagkain na walang tubo para patuloy siyang naninirahang kasama ninyo. Gawin ninyo ito para ipakita na may takot kayo sa akin na inyong Dios. 38 Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto para maibigay ko sa inyo ang lupain ng Canaan upang akoʼy maging Dios ninyo.

39 Kung sa labis na kahirapan ng inyong kapwa Israelita ay napilitang ipagbili ang sarili upang maging alipin, huwag ninyo siyang pagtrabahuhin katulad ng pangkaraniwang alipin. 40 Ituring ninyo siyang isang upahang manggagawa o isang panauhing nakatira sa inyo. Magtatrabaho siya sa inyo hanggang sa sumapit ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. 41 Sa taong iyon, malaya na siya at ang mga anak niya, at makakabalik na sila sa kanilang mga kamang-anak at mapapasakanilang muli ang mga pag-aari ng kanilang mga ninuno. 42 Kayoʼy mga alipin ko, kayoʼy mga Israelitang inilabas ko sa Egipto. Kaya huwag ninyong ipagbibili ang inyong sarili para maging alipin. 43 Huwag ninyong pagmamalupitan ang inyong kapwa Israelita na alipin ninyo. Ipakita ninyong kayoʼy may takot sa akin na inyong Dios.

44 Kung gusto ninyong kayoʼy may alipin, bumili kayo sa mga bansa sa palibot ninyo. 45 Maaari rin kayong bumili ng mga dayuhang naninirahang kasama ninyo, o ng kanilang mga anak na ipinanganak sa inyong lugar. At ang mga aliping nabili ninyo sa kanila ay magiging pag-aari na ninyo. 46 At maaari nʼyo silang ipamana sa inyong mga anak upang maglingkod sa kanila habang silaʼy nabubuhay. Pero huwag ninyong pagmalupitan ang inyong kapwa Israelita na alipin ninyo.

47 Kung sa labis na kahirapan ay ipinagbili ng isang Israelita ang kanyang sarili bilang alipin sa isang dayuhang naninirahang kasama ninyo, o sa kamag-anak ng dayuhang iyon, 48 ang Israelitang iyon ay maaari pang tubusin. Maaari siyang tubusin ng kanyang kapatid, 49 tiyuhin, pinsan, o sinumang malapit niyang kamag-anak. Maaari ring siya mismo ang tumubos ng kanyang sarili kung kaya na niya. 50-52 Kukuwentahin niya at ng bumili sa kanya kung ilang taon siyang naglingkod at kung magkano ang katumbas na halaga nito kung babayaran siya katulad ng isang upahang manggagawa. At ang halaga nito ay ibabawas niya sa halagang ibinayad sa kanya noong siya ay binili bilang isang alipin. (Ang halagang iyon ay batay sa dami ng taon mula nang siyaʼy binili hanggang sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli.) At kung magkano ang natira, iyon ang babayaran niya para matubos ang kanyang sarili. 53 Kinakailangang ituring siya ng dayuhang bumili sa kanya na parang isang upahang manggagawa at huwag siyang pagmamalupitan. 54 Kung hindi siya makakalaya at ang mga anak niya sa ganoong paraan, maaari pa rin silang lumaya sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. 55 Kaya hindi kayo magiging alipin ng inyong mga kababayan magpakailanman, dahil alipin ko kayo, ako ang naglabas sa inyo mula sa Egipto. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

Footnotes

  1. 25:8-9 Tuwing ika-49 na taon: sa literal, pitong taon na Pamamahinga.