Levitico 23
Ang Biblia (1978)
Batas tungkol sa kapistahan ng relihion; Sabbath; Pista ng Panginoon; Pista ng mga sanglinggo; Araw ng pagsisisi; Pista ng tabernakulo.
23 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 Salitain mo sa mga anak ni Israel at sabihin mo sa kanila, (A)ang mga takdang kapistahan sa Panginoon, na inyong (B)itatanyag na (C)mga banal na pagpupulong, ay mga ito nga ang aking mga takdang kapistahan.
3 (D)Anim na araw na gagawa: datapuwa't sa ikapitong araw ay sabbath na takdang kapahingahan, siyang banal na pagpupulong; anomang gawa ay huwag ninyong gagawin: isang sabbath sa Panginoon sa lahat ng inyong tahanan.
4 Ito ang mga takdang kapistahan sa Panginoon ng mga (E)banal na pagpupulong na inyong itatanyag sa takdang panahon.
5 (F)Sa unang buwan, nang ikalabing apat na araw ng buwan, sa paglubog ng araw, ay paskua sa Panginoon.
6 At nang ikalabing limang araw ng buwang iyan, ay kapistahan ng tinapay na walang lebadura sa Panginoon: pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang lebadura.
7 (G)Sa unang araw ay magkakaroon ng banal na pagpupulong: anomang gawang paglilingkod ay huwag ninyong gagawin.
8 Kundi maghahandog kayo sa Panginoon na pitong araw ng handog na pinaraan sa apoy; sa ikapitong araw ay magkakaroon ng banal na pagpupulong anomang gawang paglilingkod ay huwag ninyong gagawin.
9 At sinalita ng Panginoon kay Moises na sinasabi,
10 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, (H)Pagka kayo'y nakapasok sa lupain na ibibigay ko sa inyo, at inyong nagapas na ang ani niyaon, ay magdadala nga kayo sa saserdote ng bigkis na pinaka pangunang bunga ng inyong paggapas:
11 At (I)aalugin niya ang bigkis sa harap ng Panginoon upang tanggapin sa ganang inyo: sa kinabukasan pagkatapos ng sabbath aalugin ng saserdote.
12 At sa araw na inyong alugin ang bigkis, ay maghahandog kayo ng isang korderong lalake ng unang taon, na walang kapintasan, na pinaka handog na susunugin sa Panginoon.
13 (J)At ang handog na harina niyaon ay magiging dalawang ikasangpung bahagi ng isang epa[a] ng mainam na harina na hinaluan ng langis, handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy: at ang pinakahandog na inumin niyaon ay alak, na ikaapat na bahagi ng isang hin.[b]
14 At huwag kayong kakain ng tinapay, ni trigong sinangag, ni uhay na bago, hanggang sa araw na ito, hanggang sa inyong madala ang alay sa inyong Dios: siyang palatuntunan magpakailan man sa buong panahon ng inyong lahi, sa lahat ng inyong mga tahanan.
15 (K)At kayo'y bibilang sa inyo mula sa kinabukasan ng sabbath mula sa araw na inyong dalhin ang bigkis na handog na inalog: magiging pitong sabbath na ganap.
16 Sa makatuwid baga'y hanggang sa kinabukasan ng ikapitong sabbath, bibilang kayo ng (L)limang pung araw; at maghahandog kayo ng bagong handog (M)na harina sa Panginoon.
17 Sa inyong mga tahanan ay magdadala kayo ng dalawang tinapay na aalugin na may dalawang ikasangpung bahagi ng isang epa[c] ng mainam na harina, at lulutuin na may levadura na (N)pinaka pangunang bunga sa Panginoon.
18 At ihaharap ninyo ang tinapay na kalakip ng pitong kordero ng unang taon na walang kapintasan, at ng isang guyang toro at ng dalawang tupang lalake: mga handog sa Panginoon na susunugin, na kalakip ng kanilang handog na harina, at ng kanilang mga handog na inumin, handog nga na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.
19 (O)At maghahandog kayo ng isang lalaking kambing na pinaka handog dahil sa kasalanan, (P)at ng dalawang korderong lalake ng unang taon na haing mga handog tungkol sa kapayapaan.
20 At aalugin ng saserdote pati ng tinapay ng mga unang bunga, na (Q)pinaka handog na inalog sa harap ng Panginoon, na kalakip ng dalawang kordero: (R)ang mga tinapay ay magiging itinalaga sa Panginoon na ukol sa saserdote.
21 At inyong ihahayag sa araw ding iyan; magiging banal na pagpupulong nga sa inyo; kayo'y huwag gagawa ng anomang gawang paglilingkod: siyang palatuntunan sa lahat ng inyong mga tahanan, sa buong panahon ng inyong lahi.
22 (S)At pagka inyong aanihin ang ani sa inyong lupain, ay huwag ninyong pakakaanihin ang mga sulok ng inyong bukid, ni pamulutan ang inyong naanihan: sa dukha at sa taga ibang lupa inyong ititira: ako ang Panginoon ninyong Dios.
23 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
24 Salitain mo sa mga anak ni Israel, na iyong sabihin, (T)Sa ikapitong buwan, sa unang araw ng buwan, ay magkakaroon kayo ng takdang kapahingahan, (U)na pinakaalaalang may tunog ng mga pakakak banal na pagpupulong nga.
25 Kayo'y huwag gagawa ng anomang gawang paglilingkod: at kayo'y maghahandog ng handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
26 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
27 (V)Gayon ma'y sa ikasangpung araw nitong ikapitong buwan ay araw ng pagtubos: magiging sa inyo'y banal na pagpupulong, at papagdadalamhatiin ninyo ang inyong mga kaluluwa; at maghahandog kayo ng handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
28 At huwag kayong gagawa ng anomang gawa sa araw ding iyan: sapagka't araw ng pagtubos, upang itubos sa inyo sa harap ng Panginoon ninyong Dios.
29 Sapagka't sinomang tao na hindi magdalamhati sa araw ding iyan ay ihihiwalay sa kaniyang bayan.
30 At sinomang tao na gumawa ng anomang gawa sa (W)araw ding iyan ay pupuksain ko ang taong yaon sa kaniyang bayan.
31 Kayo'y huwag gagawa ng anomang gawa: siyang palatuntunan magpakailan man sa buong panahon ng inyong lahi sa lahat ng inyong mga tahanan.
32 Magiging sabbath na takdang kapahingahan sa inyo, at inyong pagdadalamhatiin ang inyong mga kaluluwa sa ikasiyam na araw ng buwan sa hapon, mula sa pagkalubog ng araw hanggang sa muling pagkalubog ng araw ay ipangingilin ninyo ang inyong sabbath.
33 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
34 Iyong salitain sa mga anak ni Israel, na sabihin, (X)Sa ikalabing limang araw ng ikapitong buwang ito ay kapistahan ng mga balag na pitong araw sa Panginoon.
35 Sa unang araw ay magkakaroon ng banal na pagpupulong; kayo'y huwag gagawa ng anomang gawang paglilingkod.
36 Pitong araw na maghahandog kayo sa Panginoon ng handog na pinaraan sa apoy; (Y)sa ikawalong araw ay magkakaroon kayo ng banal na pagpupulong; at kayo'y maghahandog sa Panginoon ng handog na pinaraan sa apoy; (Z)siyang pinaka dakilang kapulungan; huwag kayong gagawa ng anomang gawang paglilingkod.
37 (AA)Ito ang mga takdang kapistahan sa Panginoon, na inyong itatanyag na mga banal na pagpupulong, upang maghandog sa Panginoon ng handog na pinaraan sa apoy, ng handog na susunugin, at ng handog na harina, ng hain, at ng mga handog na inumin na bawa't isa ay sa kaniyang sariling kaarawan:
38 (AB)Bukod sa mga sabbath sa Panginoon, at bukod sa inyong mga kaloob, at bukod sa lahat ng inyong mga panata, at bukod sa lahat ng inyong mga handog na kusa na inyong ibinibigay sa Panginoon.
39 Gayon ma'y sa ikalabing limang araw ng ikapitong buwan, (AC)pagka inyong natipon ang bunga ng lupain, ay magdidiwang kayo sa Panginoon ng kapistahang pitong araw: ang unang araw ay magiging takdang kapahingahan, at ang ikawalong araw ay magiging takdang kapahingahan.
40 (AD)At magdadala kayo sa unang araw ng bunga ng magagandang punong kahoy, ng mga sanga ng mga palma, at ng mga sanga ng mayayabong na punong kahoy, at ng mga sause ng batis; at (AE)kayo'y magpapakagalak sa harap ng Panginoon ninyong Dios, na pitong araw.
41 At (AF)inyong ipangingiling isang kapistahan sa Panginoon na pitong araw sa bawa't taon: siyang palatuntunan magpakailan man sa buong panahon ng inyong lahi: sa ikapitong buwan ay ipagdidiwang ninyo ang kapistahang ito.
42 (AG)Kayo'y tatahan sa mga balag na pitong araw; yaong lahat ng tubo sa Israel ay tatahan sa mga balag:
43 (AH)Upang maalaman ng inyong mga lahi na sa mga balag pinatahan ko ang mga anak ni Israel, nang aking ilabas sa lupain ng Egipto: ako ang Panginoon ninyong Dios.
44 At (AI)ipinakilala ni Moises sa mga anak ni Israel ang mga takdang kapistahan sa Panginoon.
Footnotes
- Levitico 23:13 Ang isang epa ay katimbang ng 30 litro.
- Levitico 23:13 Ang isang hin ay katimbang ng 6 na litro.
- Levitico 23:17 Ang isang epa ay katimbang ng 30 litro.
Levitico 23
Ang Biblia, 2001
Batas tungkol sa mga Kapistahan
23 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Magsalita ka sa mga anak ni Israel at sabihin mo sa kanila: Ito ang mga takdang kapistahan sa Panginoon na inyong ipahahayag bilang mga banal na pagpupulong.
3 Anim(A) na araw na gagawin ang mga gawain, subalit ang ikapitong araw ay Sabbath na ganap na kapahingahan, isang banal na pagpupulong. Huwag kayong gagawa ng anumang gawain; ito ay Sabbath sa Panginoon sa lahat ng inyong mga paninirahan.
4 “Ito ang mga takdang kapistahan sa Panginoon, mga banal na pagpupulong na inyong ipagdiriwang sa takdang panahon.
Ang Paskuwa at Tinapay na Walang Pampaalsa(B)
5 “Sa(C) ikalabing-apat na araw ng unang buwan, sa paglubog ng araw, ay ang Paskuwa ng Panginoon.
6 Ang(D) ikalabinlimang araw ng buwang ito ay Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa Panginoon. Kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw.
7 Sa unang araw ay magkakaroon kayo ng banal na pagpupulong; huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain.
8 Kayo ay maghahandog sa Panginoon sa loob ng pitong araw ng handog na pinaraan sa apoy; at ang ikapitong araw ay magiging banal na pagpupulong. Huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain.”
9 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
10 “Magsalita ka sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Kapag kayo'y dumating sa lupain na aking ibinibigay sa inyo, at inyong nagapas na ang ani niyon, ay dalhin ninyo sa pari ang unang bunga ng inyong inani.
11 Iwawagayway niya ang bigkis sa harapan ng Panginoon upang kayo'y tanggapin; sa kinabukasan pagkatapos ng Sabbath, ito ay iwawagayway ng pari.
12 At ikaw ay maghahandog ng isang taong gulang na kordero na walang kapintasan, sa araw na iyong iwagayway ang bigkis bilang handog na sinusunog sa Panginoon.
13 Ang handog na butil ay magiging dalawang ikasampung bahagi ng isang efa ng pinong harina na hinaluan ng langis, isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy na may mabangong samyo. Ang handog na inumin na kasama nito ay alak na ikaapat na bahagi ng isang hin.[a]
Kapistahan ng Pag-aani(E)
14 Huwag kayong kakain ng tinapay at trigong sinangag, ni uhay na bago, hanggang sa araw na ito, hanggang sa inyong madala ang handog sa inyong Diyos. Ito ay tuntunin magpakailanman sa buong panahon ng inyong salinlahi, sa lahat ng inyong mga tirahan.
15 “Mula(F) sa kinabukasan, pagkalipas ng Sabbath mula sa araw na inyong dalhin ang bigkis na handog na iwinawagayway, ay bibilang kayo ng pitong buong linggo.
16 Hanggang sa kinabukasan pagkalipas ng ikapitong Sabbath, bibilang kayo ng limampung araw; pagkatapos ay mag-aalay kayo ng handog na bagong butil sa Panginoon.
17 Mula sa inyong mga tahanan ay magdadala kayo ng dalawang tinapay upang iwagayway, na ang bawat isa ay dalawang ikasampung bahagi ng isang efa na mula sa piling harina, at lulutuin na may pampaalsa bilang unang bunga sa Panginoon.
18 Bukod sa tinapay, maghahandog kayo ng pitong kordero na isang taong gulang na walang kapintasan, at ng isang guyang toro at ng dalawang tupang lalaki. Ang mga ito ay magiging handog na sinusunog sa Panginoon, kasama ng kanilang butil na handog, at ng kanilang mga handog na inumin, isang handog na pinaraan sa apoy na mabangong samyo sa Panginoon.
19 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki bilang handog pangkasalanan, at ng dalawang korderong lalaki na isang taong gulang bilang alay na mga handog pangkapayapaan.
20 Ang mga iyon ay iwawagayway ng pari kasama ng tinapay ng mga unang bunga, bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon, kasama ng dalawang kordero; ang mga iyon ay magiging banal sa Panginoon para sa pari.
21 Ikaw ay magpapahayag sa araw ding iyon; ito ay banal na pagtitipon sa inyo; huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain. Ito ay walang hanggang tuntunin sa lahat ng inyong mga tahanan sa buong panahon ng inyong salinlahi.
22 “Kapag(G) inyong ginapas ang ani sa inyong lupain, ay huwag ninyong gagapasan hanggang sa mga sulok ng inyong bukid; huwag ninyong titipunin ang mga nalaglag sa inyong pag-aani. Iiwan ninyo ang mga iyon para sa dukha at sa dayuhan: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.”
Pista ng mga Trumpeta(H)
23 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
24 “Magsalita ka sa mga anak ni Israel: Sa unang araw ng ikapitong buwan, ay magkakaroon kayo ng unang araw ng ganap na kapahingahan, isang banal na pagpupulong na ipinagdiriwang sa pamamagitan ng tunog ng mga trumpeta.
25 Kayo'y huwag gagawa ng anumang mabigat na gawain at kayo'y mag-aalay ng handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.”
Ang Araw ng Pagtubos(I)
26 At(J) nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
27 “Gayundin, ang ikasampung araw ng ikapitong buwan ay araw ng pagtubos. Magkakaroon kayo ng banal na pagpupulong, magpakumbaba kayo,[b] at mag-alay kayo ng handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
28 Huwag kayong gagawa ng anumang gawa sa araw ding ito, sapagkat ito ay araw ng pagtubos, upang gumawa ng pagtubos para sa inyo sa harapan ng Panginoon ninyong Diyos.
29 Sapagkat sinumang tao na hindi magpakumbaba[c] sa araw ding ito ay ititiwalag sa kanyang bayan.
30 At sinumang tao na gumawa ng anumang gawa sa araw ding ito ay pupuksain ko sa kalagitnaan ng kanyang bayan.
31 Kayo'y huwag gagawa ng anumang gawa; ito ay isang walang hanggang tuntunin sa buong panahon ng inyong salinlahi sa lahat ng inyong tirahan.
32 Ito ay magiging ganap na kapahingahan sa inyo, at kayo'y magpapakumbaba; sa ikasiyam na araw ng buwan sa hapon, mula sa paglubog ng araw hanggang sa paglubog ng araw ay ipapangilin ninyo ang inyong Sabbath.”
Kapistahan ng mga Kubol(K)
33 At(L) nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
34 “Iyong sabihin ang ganito sa mga anak ni Israel: Sa ikalabinlimang araw ng ikapitong buwang ito ay pitong araw na Kapistahan ng mga Kubol[d] sa Panginoon.
35 Ang unang araw ay isang banal na pagpupulong; kayo'y huwag gagawa ng anumang mabigat na gawain.
36 Pitong araw na maghahandog kayo sa Panginoon ng handog na pinaraan sa apoy. Sa ikawalong araw ay magkakaroon kayo ng banal na pagpupulong; at kayo'y maghahandog sa Panginoon ng handog na pinaraan sa apoy. Ito ay isang taimtim na pagtitipon; huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain.
37 “Ito ang mga takdang kapistahan sa Panginoon na inyong ipahahayag bilang mga banal na pagpupulong, upang maghandog sa Panginoon ng handog na pinaraan sa apoy, ng handog na sinusunog, ng butil na handog, at ng mga inuming handog, na bawat isa ay sa nararapat na araw;
38 bukod sa mga Sabbath sa Panginoon, at bukod sa inyong mga kaloob, bukod sa lahat ng inyong panata, bukod sa lahat ng inyong mga kusang-loob na handog na inyong ibibigay sa Panginoon.
39 “Gayundin, sa ikalabinlimang araw ng ikapitong buwan, kapag inyong tinipon ang bunga ng lupain, ipagdiriwang ninyo ang mga kapistahan ng Panginoon sa loob ng pitong araw; ang una at ikawalong araw ay Sabbath.
40 Sa unang araw ay magdadala kayo ng bunga ng magagandang punungkahoy, ng mga sanga ng mga palma, mga sanga ng mayayabong na punungkahoy, at ng maliliit na halaman sa batis; at kayo'y magdiriwang sa harapan ng Panginoon ninyong Diyos sa loob ng pitong araw.
41 Inyong tutuparin ito bilang isang kapistahan sa Panginoon sa loob ng pitong araw sa bawat taon. Ito ay isang tuntunin magpakailanman sa buong panahon ng inyong salinlahi; sa ikapitong buwan ay ipagdiriwang ninyo ang kapistahang ito.
42 Kayo'y maninirahan sa mga kubol sa loob ng pitong araw; ang lahat ng katutubo sa Israel ay maninirahan sa mga kubol,
43 upang malaman ng inyong salinlahi na pinatira ko sa mga kubol ang mga anak ni Israel nang sila'y aking ilabas sa lupain ng Ehipto: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.”
44 Gayon ipinahayag ni Moises ang mga takdang kapistahan ng Panginoon sa bayan ng Israel.
Footnotes
- Levitico 23:13 Ang isang hin ay katimbang ng halos 6 na litro.
- Levitico 23:27 o mag-ayuno kayo .
- Levitico 23:29 o mag-ayuno .
- Levitico 23:34 o tabernakulo .
Leviticus 23
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Mga Espesyal na Araw ng Pagsamba
23 Inutusan ng Panginoon si Moises 2 na sabihin sa mga Israelita ang mga tuntuning ito tungkol sa mga espesyal na araw na magtitipon sila para sumamba sa Panginoon.
Ang Araw ng Pamamahinga
3 May anim na araw kayo para magtrabaho, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo, dahil ito ang Araw ng Pamamahinga. Huwag kayong magtrabaho sa araw na ito, sa halip ay magtipon kayo para sumamba dahil ito ang araw para purihin ang Panginoon.
Ang Pista ng Paglampas ng Anghel at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa(A)
4 Ang Pista ng Paglampas ng Anghel at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa ay mga natatanging upang magtipon ang mga Israelita para sumamba sa Panginoon. 5 Ang Pista ng Paglampas ng Anghel ay ginaganap sa gabi nang ika-14 na araw ng unang buwan. 6 At sa ika-15 araw ng buwan ding iyon, magsisimula naman ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Pitong araw ang pistang ito at sa mga araw na iyon, ang tinapay na kakainin ninyo ay dapat walang pampaalsa. 7 Sa unang araw ng pistang ito, huwag kayong magtatrabaho, sa halip ay magtipon kayo at sumamba sa Panginoon. 8 Sa loob ng pitong araw, mag-aalay kayo sa Panginoon ng handog sa pamamagitan ng apoy. At sa ikapitong araw, huwag kayong magtatrabaho sa halip ay magtipon nga kayo at sumamba sa Panginoon.
Ang Pista ng Pag-aani(B)
9-11 Kapag naroon na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ng Panginoon, ihandog ninyo sa kanya ang unang bigkis ng bawat ani. Dalhin ninyo ito sa pari sa susunod na araw pagkatapos ng Araw ng Pamamahinga. Itataas ito ng pari sa Panginoon para tanggapin kayo ng Panginoon sa pamamagitan nito. 12 Sa araw ding iyon, maghahandog din kayo sa Panginoon ng tupa na isang taong gulang na walang kapintasan bilang handog na sinusunog. 13 Kasama nito, maghandog din kayo ng apat na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang handog ng pagpaparangal sa Panginoon, at isang litrong katas ng ubas bilang handog na inumin. Mga handog ito sa pamamagitan ng apoy, at ang mabangong samyo nitoʼy makalulugod sa Panginoon. 14 Kung hindi pa kayo nakapaghahandog nito, huwag kayong kakain ng kahit anong klase ng pagkain mula sa inyong bagong ani, ito may sariwa o binusa o nilutong tinapay. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito kahit saan kayo tumira, kayo at ng susunod pang mga henerasyon.
15-17 Pagkatapos ng pitong linggo mula sa araw na kayoʼy naghandog ng mga ibinigkis na ani, muli kayong magtipon at mag-alay ng handog ng pagpaparangal mula sa mga ibinigkis ng unang ani ninyo. Itoʼy sa ika-50 araw, ang araw pagkatapos ng ikapitong Araw ng Pamamahinga. Ang inyong ihahandog ay dalawang tinapay na bawat isa ay gawa sa apat na kilo ng magandang klaseng harina na may pampaalsa. Ihandog ninyo ito bilang handog na itinataas, mula sa inyong unang ani. 18 Kasama nito, magdala rin kayo ng pitong lalaking tupa na isang taong gulang na walang kapansanan, isang batang toro, at dalawang lalaking tupa na walang kapintasan. Ihahandog ninyo ang mga ito bilang handog na sinusunog kasama ng handog ng pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. Mga handog ito para sa Panginoon. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. 19 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. At dalawang tupa na tig-isang taong gulang bilang handog para sa mabuting relasyon. 20 Itataas ng pari sa presensya ng Panginoon ang dalawang tupa at ang handog na mula sa unang ani. Itoʼy banal na mga handog sa Panginoon dahil itoʼy bahagi ng mga pari. 21 Huwag kayong magtatrabaho sa araw ding iyon, kundi magtipon kayo at sumamba sa Panginoon. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito kahit saan kayo tumira, kayo at ng susunod pang mga henerasyon.
22 Kung aani kayo, huwag ninyong uubusin ang mga nasa gilid ng inyong mga bukid, at huwag na ninyong balikan para ipunin ang mga naiwan. Ipaubaya na lang ninyo iyon sa mga dukha at sa mga dayuhan. Ito ang utos ng Panginoon na inyong Dios.
Ang Pista ng Pagpapatunog ng mga Trumpeta(C)
23-24 Sa unang araw ng ikapitong buwan, magpahinga kayo para alalahanin ang Panginoon. Kung marinig ninyo ang tunog ng trumpeta, magtipon kayo para sumamba sa kanya. 25 Huwag kayong magtrabaho sa araw na iyon, sa halip mag-alay kayo ng handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon.
Ang Araw ng Pagtubos(D)
26-28 Ang ikasampung araw ng ikapitong buwan ding iyon ay Araw ng Pagtubos.[a] Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon kundi magtipon kayo sa pagsamba sa Panginoon na may pag-aayuno at pag-aalay ng handog sa pamamagitan ng apoy. Sapagkat sa araw na iyon gagawin ang seremonya ng pagtubos sa inyong mga kasalanan sa Panginoon na inyong Dios. 29 Ang ayaw mag-ayuno sa araw na iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan. 30 Papatayin ng Panginoon ang sinumang magtatrabaho sa araw na iyon. 31-32 Kaya magpahinga kayo at mag-ayuno mula sa paglubog ng araw nang ikasiyam na araw ng buwang iyon hanggang sa susunod na paglubog ng araw. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito kahit saan kayo tumira, kayo at ng susunod pang mga henerasyon.
Ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol(E)
33-34 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa mga Israelita: Sa ika-15 araw ng ikapitong buwan, magsisimula ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol at itoʼy ipagdiriwang ninyo sa loob ng pitong araw. 35 Sa unang araw, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo at sumamba sa Panginoon. 36 Sa loob ng pitong araw, mag-aalay kayo ng handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Sa ikawalong araw,[b] hindi rin kayo magtatrabaho kundi muli kayong magtipon sa pagsamba sa Panginoon, at maghandog sa kanya. Iyan ang panghuling araw ng inyong pagtitipon.
37 Iyon ang itinakdang espesyal na mga araw na magtitipon kayo para sumamba sa Panginoon at para mag-alay ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Dapat magdala kayo ng mga handog na sinusunog, handog ng pagpaparangal sa Panginoon, at mga handog na inumin. Ang mga handog na ito ay kinakailangang ihandog ninyo sa itinakdang araw ng paghahandog nito. 38 Ipagdiwang ninyo ang itinakdang mga araw na ito bukod pa sa lingguhang Araw ng Pamamahinga na ginagawa ninyo. At ang mga handog na ito ay dapat ninyong ialay dagdag sa inyong mga kaloob, mga handog para tuparin ang isang panata, at handog na kusang-loob na iniaalay ninyo sa Panginoon. 39 Tungkol naman sa Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol, ipagdiriwang ninyo ito para parangalan ang Panginoon mula sa ika-15 araw ng ikapitong buwan, pagkatapos ng anihan. Ipagdiwang nʼyo ito sa loob ng pitong araw. Huwag kayong magtatrabaho sa una at sa ikawalong araw. 40 Sa unang araw, kumuha kayo ng pinakamagandang bunga ng mga punongkahoy, mga dahon ng palma, mga mayayabong na sanga ng puno sa lambak, at kayoʼy masayang magdiwang sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa loob ng pitong araw. 41-43 Ipagdiwang ninyo ang pistang ito sa ikapitong buwan bawat taon para parangalan ang Panginoon. Sa loob ng pitong araw, lahat kayong mga Israelita ay dapat tumira sa mga kubol para malaman ng inyong mga anak na pinatira ng Panginoon na inyong Dios ang inyong mga ninuno sa mga kubol nang sila ay inilabas sa Egipto. Dapat ninyong sundin ang mga tuntuning ito hanggang sa susunod pang mga henerasyon.
44 Ito ang tungkol sa mga itinakdang pagdiriwang sa pagsamba sa Panginoon na sinabi ni Moises sa mga Israelita.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®