Levitico 22
Ang Biblia, 2001
Ang Kabanalan ng mga Handog
22 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak na sila'y magsilayo sa mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, na kanilang itinalaga sa akin upang huwag nilang lapastanganin ang aking banal na pangalan: Ako ang Panginoon.
3 Sabihin mo sa kanila, ‘Sinuman sa lahat ng inyong binhi sa buong panahon ng inyong salinlahi na lumapit sa mga banal na bagay na itinalaga ng mga anak ni Israel sa Panginoon na nasa kalagayang marumi, ang taong iyon ay ititiwalag sa aking harapan: Ako ang Panginoon.
4 Sinuman sa binhi ni Aaron na may ketong o may tulo ay hindi kakain ng mga banal na bagay hanggang siya'y maging malinis. At ang humipo ng alinmang bagay na marumi dahil sa patay, o lalaking nilabasan ng binhi nito,
5 o sinumang humipo ng anumang gumagapang na makakapagparumi sa kanya o humipo sa lalaking makakapagparumi sa kanya, sa pamamagitan ng alinman sa kanyang karumihan,
6 ang tao na humipo sa gayon ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. Huwag siyang kakain ng mga banal na bagay, kundi paliliguan niya ang kanyang katawan sa tubig.
7 Pagkalubog ng araw, siya ay magiging malinis at pagkatapos ay makakakain na siya ng mga banal na bagay, sapagkat iyon ay kanyang pagkain.
8 Hindi niya kakainin ang anumang kusang namatay o nilapa ng hayop, sapagkat marurumihan niya ang kanyang sarili sa pamamagitan nito: Ako ang Panginoon.’
9 Kaya't tutuparin nila ang aking bilin, at hindi nila iyon ipagkakasala, upang sila ay huwag mamatay kapag kanilang nilapastangan ito: Ako ang Panginoon na nagpapabanal sa kanila.
10 “Ang isang taga-ibang bayan ay huwag kakain ng mga banal na bagay; sinumang manunuluyan sa pari, o aliping upahan niya ay huwag kakain ng banal na bagay.
11 Ngunit kung ang pari ay bumili ng isang tao sa pamamagitan ng kanyang salapi, siya ay makakakain din nito; gayundin ang ipinanganak sa kanyang bahay ay makakakain ng kanyang tinapay.
12 Kung ang isang anak na babae ng pari ay mag-asawa sa isang dayuhan, ang babae ay hindi makakakain ng handog ng mga banal na bagay.
13 Subalit kung ang anak na babae ng pari ay balo o hiwalay sa asawa at walang anak at bumalik sa bahay ng kanyang ama na gaya rin nang kanyang kabataan, siya ay makakakain ng tinapay ng kanyang ama, ngunit ang sinumang dayuhan ay hindi makakakain niyon.
14 At kung ang sinumang lalaki ay magkamaling kumain ng banal na bagay, iyon ay kanyang daragdagan ng ikalimang bahagi at ibibigay iyon sa pari kasama ng banal na bagay.
15 Huwag lalapastanganin ng mga pari ang mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, na kanilang inihahandog sa Panginoon;
16 sapagkat iyon ay magbubunga ng pagpasan nila ng kasamaan at pagkakasala sa pamamagitan ng pagkain ng kanilang mga banal na bagay; sapagkat ako ang Panginoon na nagpapabanal sa kanila.”
17 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
18 “Sabihin mo kay Aaron, sa kanyang mga anak, at sa lahat ng mga anak ni Israel: Sinuman sa sambahayan ni Israel o sa mga dayuhan sa Israel, na maghahandog ng kanyang alay, maging kabayaran sa isang panata o bilang inialay sa Panginoon bilang handog na sinusunog,
19 upang tanggapin, ang inyong ihahandog ay isang lalaki na walang kapintasan, mula sa mga toro, sa mga tupa, o sa mga kambing.
20 Huwag(A) ninyong ihahandog ang anumang may kapintasan, sapagkat ito ay hindi tatanggapin para sa inyo.
21 At kapag ang isang tao ay naghandog sa Panginoon ng handog pangkapayapaan, sa pagtupad ng isang panata o kaya'y kusang-loob na handog mula sa bakahan o sa kawan, ito ay kailangang sakdal upang matanggap; ito ay kailangang walang kapintasan.
22 Ang bulag, may bali, may kapansanan, may tulo, may pangangati, o may galis, ay huwag ninyong ihahandog sa Panginoon, ni gagawin ang mga ito bilang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy sa ibabaw ng dambana.
23 Ang toro o tupa na may bahaging napakahaba o napakaikli ay maaari mong ialay bilang kusang-loob na handog, subalit hindi matatanggap para sa isang panata.
24 Anumang hayop na nasira ang kasarian, nadurog, o naputol ay huwag ninyong ihahandog sa Panginoon, o iaalay sa loob ng inyong lupain.
25 Huwag ninyong ihahandog bilang pagkain ng inyong Diyos ang anumang gayong hayop na nakuha mula sa isang dayuhan, yamang ang mga ito ay may kapintasan dahil sa kanilang kapansanan; hindi iyon tatanggapin para sa inyo.”
26 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
27 “Kapag ipinanganak ang isang baka, tupa, o kambing, ito ay mananatili sa kanyang ina sa loob ng pitong araw; at mula sa ikawalong araw hanggang sa haharapin ito ay tatanggapin bilang alay, handog na pinaraan sa apoy para sa Panginoon;
28 subalit huwag ninyong papatayin sa gayon ding araw ang baka, o tupa at ang kanyang anak.
29 Kapag kayo'y maghahandog ng handog na pasasalamat sa Panginoon, iaalay ninyo ito upang kayo ay tanggapin;
30 at ito ay kakainin sa araw ding iyon, huwag kayong magtitira ng anuman hanggang sa umaga: Ako ang Panginoon.
31 “Kaya't inyong iingatan ang aking mga utos, at inyong tuparin ang mga iyon: Ako ang Panginoon.
32 Huwag ninyong lalapastanganin ang aking banal na pangalan; kundi ako'y pakakabanalin sa bayan ng Israel; ako ang Panginoon na nagpapabanal sa inyo,
33 na naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto, upang ako'y maging inyong Diyos: Ako ang Panginoon.”
Leviticus 22
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang mga Handog sa Panginoon
22 Inutusan ng Panginoon si Moises 2 na sabihin ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki:
Huwag ninyong lapastanganin ang banal kong pangalan. Igalang ninyo ang mga handog na inihahandog sa akin ng mga Israelita. Ako ang Panginoon.
3 Ang sinumang anak ni Aaron ngayon at sa susunod pang mga henerasyon na hihipo ng handog para sa akin ngunit siyaʼy itinuturing na marumi,[a] ay hindi na makapaglilingkod bilang pari. Ako ang Panginoon.
4-7 Walang sinuman sa inyo ang maaaring kumain ng handog kung siyaʼy may malubhang sakit sa balat,[b] o may sakit na tulo o nakahipo ng anumang bagay na marumi dahil nadikit ito sa patay, o nilabasan ng binhi, o nakahipo ng hayop o tao na itinuturing na marumi. Siyaʼy maaari lamang kumain ng mga handog kung siyaʼy nakapaligo na.[c] Pero maghihintay siya hanggang sa paglubog ng araw at saka pa lang siya makakakain ng mga handog na pagkain niya bilang pari.
8 Hindi kayo dapat kumain ng alin mang karne ng namatay na hayop o pinatay ng kapwa hayop, dahil kapag ginawa ninyo ito, kayoʼy ituturing na marumi. Ako ang Panginoon.
9 Kaya dapat ninyong sundin ang mga iniuutos kong ito sa inyo para hindi kayo magkasala sa akin o mamatay. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para sa akin.
10 Kayong mga pari at ang inyong sambahayan lang ang makakakain ng bahagi ng handog na para sa mga pari. Hindi maaaring kumain nito ang inyong mga panauhin o ang inyong mga upahang manggagawa. 11 Pero maaaring kumain ang inyong aliping binili, o ipinanganak sa tahanan ninyo. 12 Hindi rin maaaring kumain nito ang babaeng anak ng pari na nakapag-asawa ng hindi pari. 13 Pero kung siyaʼy nabiyuda o naghiwalay sila ng kanyang asawa at wala silang anak, at muling tumira sa kanyang ama, siyaʼy maaaring kumain ng pagkaing tinatanggap ng kanyang ama bilang pari.
Tandaan ninyong mabuti na kayong mga pari lang at ang inyong sambahayan ang maaaring kumain ng bahagi ng handog na para sa inyo. 14 Pero kung sa hindi inaasahang pangyayari ay may taong nakakain na hindi kabilang sa inyong sambahayan, dapat niyang palitan ang kanyang kinain at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ang halaga noon.
15 Kayong mga pari, pakaingatan ninyo ang mga handog na inihahandog sa akin ng mga Israelita, 16 para sa inyong pagkain nito ay hindi kayo magkasala at nang wala kayong pananagutan sa akin. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para sa akin.
Mga Tuntunin tungkol sa Pagpili ng Hayop na Ihahandog
17 Inutusan ng Panginoon si Moises 18 na sabihin ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki, sa lahat ng mga Israelita pati na sa mga dayuhang naninirahang kasama nila:
Kung ang iaalay ay handog na sinusunog bilang handog para tuparin ang isang panata o handog na kusang-loob, 19 ang kailangan ay lalaking baka o tupa, o kambing na walang kapintasan para tanggapin ko. 20 Huwag kayong maghahandog ng may kapansanan dahil hindi ko iyon tatanggapin. 21 Kung ang handog para sa mabuting relasyon sa akin ay inialay bilang handog para tuparin ang isang panata o handog na kusang-loob, itoʼy kailangang baka, tupa, o kambing na walang kapintasan upang itoʼy tanggapin ko. 22 Huwag kayong maghahandog sa akin ng bulag, may bali, may sugat, o may sakit sa balat. Huwag ninyo itong ialay sa altar bilang handog sa akin sa pamamagitan ng apoy. 23 Pero maaari kayong mag-alay ng handog na kusang-loob na baka o tupang bansot o may kapansanan ang isang bahagi ng katawan, pero hindi ito maaaring ialay bilang handog para tuparin ang isang panata. 24 Huwag kayong maghahandog sa akin ng hayop na kinapon o may kapansanan ang itlog. Huwag ninyong gagawin iyon sa inyong lupain. 25 Huwag din kayong bumili ng mga hayop na ganoong uri mula sa ibang lugar at ihandog sa akin, dahil hindi ko iyon tatanggapin.
26-27 Ang bagong ipinanganak na baka, tupa, o kambing ay dapat manatili sa kanyang ina sa loob ng pitong araw. Pero mula sa ikawalong araw, maaari na itong ialay sa akin bilang handog sa pamamagitan ng apoy. 28 Huwag ninyong ihahandog nang sabay sa isang araw ang baka o tupa at ang kanyang anak.
29 Kung kayoʼy maghahandog sa akin ng handog ng pasasalamat, sundin ninyo ang tamang paraan sa paghahandog nito para tanggapin ko ito. 30 At dapat ninyo itong kainin sa araw ding iyon ng paghahandog at huwag kayong magtitira hanggang sa kinabukasan. Ako ang Panginoon.
31 Sundin ninyo ang aking mga utos. Ako ang Panginoon. 32 Huwag ninyong lapastanganin ang banal kong pangalan, at akoʼy kilalanin ninyong banal. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para sa akin. 33 Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto para maging Dios ninyo. Ako ang Panginoon.
Footnotes
- 22:3 marumi: Ang ibig sabihin, hindi siya karapat-dapat na makisama sa kanilang mga seremonyang pangrelihiyon.
- 22:4-7 malubhang sakit sa balat: sa ibang salin, ketong. Ang salitang Hebreo nito ay ginamit sa ibaʼt ibang uri ng sakit sa balat na itinuturing na marumi ayon sa Lev. 13.
- 22:4-7 nakapaligo na: isa sa mga gawain na ginagawa ng mga Israelita para silaʼy maging malinis at karapat-dapat na makisama sa kanilang mga seremonyang pangrelihiyon.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
