Add parallel Print Page Options

21 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Salitain mo sa mga saserdote na mga anak ni Aaron, at sabihin mo sa kanila, Sinoman ay huwag magpakahawa ng dahil sa patay, sa gitna ng kaniyang bayan,

Maliban sa kamaganak na malapit, sa kaniyang ina at sa kaniyang ama at sa kaniyang anak na lalake at babae, at sa kaniyang kapatid na lalake,

At sa kaniyang kapatid na dalaga, na malapit sa kaniya, na walang asawa, ay maaring magpakahawa siya.

Yamang puno sa kaniyang bayan, ay huwag siyang magpapakahawa na magpapakarumi.

Huwag nilang kakalbuhin ang kanilang ulo, o gugupitin man ang dulo ng kanilang balbas, o kukudlitan man ang kanilang laman.

Sila'y magpakabanal sa kanilang Dios, at huwag nilang lalapastanganin ang pangalan ng kanilang Dios: sapagka't sila ang naghahandog ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, na tinapay ng kanilang Dios, kaya't sila'y magpapakabanal.

Huwag silang makikisama sa patutot o lapastangan, ni makikisama sa babaing inihiwalay ng kaniyang asawa: sapagka't ang saserdote ay banal sa kaniyang Dios.

Papagbabanalin mo nga siya; sapagka't siya ang naghahandog ng tinapay ng inyong Dios: siya'y magiging banal sa inyo; sapagka't akong Panginoon nagpapaging banal sa inyo ay banal.

At kung ang anak na babae ng isang saserdote ay magpakarumi sa pagpapatutot, ay kaniyang binigyan ng kahihiyan ang kaniyang ama: siya'y susunugin sa apoy.

10 At ang pangulong saserdote sa kanilang magkakapatid, na binuhusan ang ulo ng langis na pang-pahid, at itinalaga, upang makapagbihis ng mga banal na bihisan ay huwag maglulugay ng buhok ng kaniyang ulo ni huwag hahapakin ang kaniyang mga suot;

11 Ni papasok sa kinaroroonan ng bangkay nino man, ni magpapakahawa dahil sa kaniyang ama, o dahil sa kaniyang ina;

12 Ni lalabas sa santuario, ni lalapastanganin ang santuario ng kaniyang Dios; sapagka't ang talaga na langis na pang-pahid ng kaniyang Dios ay nasa ulo niya: ako ang Panginoon.

13 At siya'y magaasawa sa isang dalagang malinis.

14 Sa bao o inihiwalay, sa lamas o patutot ay huwag siyang magaasawa; kundi sa isang dalagang malinis sa kaniyang sariling bayan magaasawa siya.

15 At huwag niyang dudumhan ang kaniyang mga binhi sa gitna ng kaniyang bayan: sapagka't ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kaniya.

16 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

17 Iyong salitain kay Aaron, na iyong sasabihin, Sinoman sa iyong mga binhi, sa buong panahon ng kaniyang lahi, na magkaroon ng anomang kapintasan, ay huwag lumapit na maghandog ng tinapay ng kaniyang Dios.

18 Sapagka't sinomang magkaroon ng kapintasan ay huwag lalapit; maging ang taong bulag, o pilay, o magkaroon ng ilong na ungod, o ang mayroong kuntil,

19 O ang taong magkaroon ng paang bali o kamay na bali,

20 O taong kuba, o unano, o magkaroon ng kapintasan sa kaniyang mata, o galisin, o langibin, o luslusin:

21 Walang tao sa binhi ni Aaron na saserdote, na magkaroon ng kapintasan, na lalapit upang magharap ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy: siya'y may kapintasan; siya'y huwag lalapit na magharap ng tinapay ng kaniyang Dios.

22 Kaniyang kakanin ang tinapay ng kaniyang Dios, ang pinakabanal at ang mga bagay na banal:

23 Hindi lamang siya papasok sa loob ng tabing, o lalapit man sa dambana, sapagka't may kapintasan siya; upang huwag niyang lapastanganin ang aking mga santuario: sapagka't ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kanila.

24 Gayon sinalita ni Moises kay Aaron at sa kaniyang mga anak, at sa lahat ng mga anak ni Israel.

Mga Tuntunin tungkol sa mga Pari

21 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa mga paring mula sa angkan ni Aaron:

Huwag ninyong dudungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng paglapit o paghipo sa bangkay ng tao, maliban na lamang kung ang namatay ay malapit ninyong kamag-anak gaya ng inyong ina, ama, anak, kapatid na lalaki, o dalagang kapatid at walang inaasahan kundi kayo. Huwag din ninyong dungisan ang inyong sarili sa inyong pagpunta sa libing ng kamag-anak ng inyong asawa. Kung kayoʼy magluluksa sa patay, huwag ninyong aahitin ang inyong buhok o puputulan ang inyong balbas o susugatan ang inyong katawan. Italaga ninyo ang inyong sarili para sa akin na inyong Dios, at huwag ninyong lapastanganin ang aking pangalan. Itoʼy dapat ninyong gawin dahil kayo ang nag-aalay ng mga handog sa pamamagitan ng apoy,[a] para sa akin na siyang pagkain ko.

Huwag kayong mag-asawa ng babaeng marumi dahil nagbebenta siya ng panandaliang aliw, o ng babaeng hiwalay sa asawa, dahil kayoʼy hinirang ko para sa aking sarili. Kinakailangang kayo ay ituring na banal ng inyong kapwa Israelita dahil kayo ang nag-aalay ng mga handog para sa akin.[b] Dapat nila kayong ituring na banal dahil ako ang Panginoon ay banal at ginawa kong banal ang aking mga tao.[c]

Kung kayoʼy may anak na babae na nagdudulot ng kahihiyan sa inyo dahil sa nagbebenta siya ng panandaliang-aliw, siyaʼy ituturing na marumi, dapat siyang sunugin.

10 Kung ang punong pari[d] ay namatayan ng kamag-anak, huwag niyang guguluhin ang kanyang buhok ni pupunitin ang kanyang damit bilang tanda ng pagluluksa. 11 Dapat din niyang iwasan ang paglapit sa patay kahit na iyon ay kanyang ama o ina. 12 At dahil siyaʼy itinalaga sa akin bilang punong pari sa pamamagitan ng pagpapahid sa kanya ng langis ng pagtatalaga, hindi siya dapat umalis sa Toldang Tipanan dahil kapag siyaʼy umalis doon at sumama sa libing, marurumihan ang Tolda. Ako ang Panginoon.

13-14 Kung ang punong pari ay mag-aasawa, dapat Israelitang katulad niya at tunay na dalaga. Huwag siyang mag-aasawa ng biyuda, o ng babaeng hiwalay sa asawa, o ng babaeng marumi na nagbebenta ng panandaliang-aliw, 15 upang sa ganoon ay walang maging kapintasan ang mga anak niya. Ako ang Panginoong humirang sa kanya para siyaʼy maging banal.

16 Inutusan ng Panginoon si Moises 17 na sabihin ito kay Aaron:

Walang sinuman sa angkan mo hanggang sa susunod pang mga henerasyon na may kapansanan ang katawan na makapaghahandog sa akin ng mga handog na pagkain. 18 Hindi maaari ang bulag, pilay, may kapansanan ang mukha, may kapansanan ang isang bahagi ng katawan, 19 bali ang paa o kamay, 20 kuba, unano, may sakit sa mata o sa balat, o baog. 21-23 Kaya kung ang angkan ni Aaron ay may kapansanan sa katawan, hindi siya maaaring maghandog sa akin ng mga handog sa pamamagitan ng apoy na siyang pagkain ko. Hindi rin siya maaaring pumasok sa Banal na Lugar o lumapit sa altar dahil madudungisan ang aking Tolda. Pero maaari siyang kumain ng mga pagkaing bahagi ng mga pari sa mga banal at pinakabanal na handog. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para maging akin.

24 Ang lahat ng ito ay sinabi ni Moises kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki at sa lahat ng mga Israelita.

Footnotes

  1. 21:6 handog sa pamamagitan ng apoy: Tingnan ang footnote sa 1:9.
  2. 21:8 mga handog para sa akin: sa literal, pagkain ng Dios. Tingnan ang “footnote” sa 21:6.
  3. 21:8 ginawa … tao: o, itinalaga ko sila para sa akin.
  4. 21:10 punong pari: sa tekstong Hebreo makikita ang buong katawagan sa kanya: ang punong pari sa kanyang mga kapwa Israelita na pinahiran ng langis sa ulo at itinalagang magsuot ng pamparing damit na para sa punong pari.