Levitico 21
Ang Biblia, 2001
Ang Kabanalan ng mga Pari
21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo ang ganito sa mga pari na mga anak ni Aaron: Hindi dapat dungisan ng sinuman ang kanyang sarili nang dahil sa patay na kasama ng kanyang bayan,
2 maliban sa kanyang malapit na kamag-anak: sa kanyang ina, ama, anak na lalaki at babae, kapatid na lalaki,
3 at sa kanyang kapatid na dalaga na malapit sa kanya, sapagkat siya ay walang asawa, ay maaaring madungisan niya ang kanyang sarili dahil sa dalaga.[a]
4 Hindi niya dapat dungisan ang kanyang sarili bilang isang asawang lalaki sa gitna ng kanyang bayan at malapastanganan ang sarili.
5 Huwag(A) silang gagawa ng kalbong bahagi sa kanilang ulo, o gugupitin man ang dulo ng kanilang balbas, o hihiwaan man ang kanilang laman.
6 Sila'y magiging banal sa kanilang Diyos, at huwag nilang lalapastanganin ang pangalan ng kanilang Diyos; sapagkat sila ang nag-aalay ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, na tinapay ng kanilang Diyos, kaya't sila'y magiging banal.
7 Huwag silang mag-aasawa ng isang babaing upahan[b] o babaing nadungisan, ni mag-aasawa sa isang babaing hiwalay na sa kanyang asawa, sapagkat ang pari[c] ay banal sa kanyang Diyos.
8 Siya ay iyong ituturing na banal, sapagkat siya ang naghahandog ng tinapay ng inyong Diyos. Siya'y magiging banal sa inyo; sapagkat akong Panginoon na nagpapabanal sa inyo ay banal.
9 Kapag dinungisan ng anak na babae ng isang pari ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagpapaupa[d] ay kanyang nilalapastangan ang kanyang ama; siya'y susunugin sa apoy.
10 “Ang pari na pangunahin sa kanilang magkakapatid, na binuhusan ng langis ang ulo at ang kamay, at itinalaga upang magsuot ng kasuotan ng pari, hindi dapat maglugay ng kanyang buhok, ni sirain ang kanyang damit.
11 Huwag siyang lalapit sa anumang bangkay, ni dungisan ang kanyang sarili, maging dahil sa kanyang ama, o dahil sa kanyang ina;
12 ni lalabas siya sa santuwaryo, ni lalapastanganin ang santuwaryo ng kanyang Diyos; sapagkat ang pagtalaga ng langis na pambuhos ng kanyang Diyos ay nasa kanya: Ako ang Panginoon.
13 Siya'y mag-aasawa sa isang dalagang birhen.
14 Hindi siya mag-aasawa sa isang balo, o sa hiniwalayan, o sa isang babaing nadungisan, o sa isang upahang babae; kundi kukuha siya ng isang dalagang malinis sa kanyang sariling bayan bilang asawa.
15 Upang hindi niya malapastangan ang kanyang mga anak sa gitna ng kanyang mga kamag-anak, sapagkat ako ang Panginoon na nagpapabanal sa kanya.”
Karapatan sa Pagkapari
16 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
17 “Sabihin mo kay Aaron: Sinuman sa iyong mga anak sa buong panahon ng kanilang salinlahi na may kapintasan ay hindi maaaring lumapit upang maghandog ng tinapay sa kanyang Diyos.
18 Sapagkat sinumang mayroong kapintasan ay huwag lalapit, ang taong bulag, pilay, nasira ang mukha, sobrang mahaba ang paa o kamay;
19 ang taong nabalian ng paa o nabalian ng kamay;
20 kuba, unano, ang taong may kapansanan sa kanyang mata, sakit ng pangangati, galisin, o nadurog ang itlog.
21 Walang tao mula sa binhi ni Aaron na pari na mayroong kapintasan ang lalapit upang mag-alay ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy yamang siya'y may kapintasan; siya'y huwag lalapit upang mag-alay ng tinapay sa kanyang Diyos.
22 Makakakain siya ng tinapay ng kanyang Diyos, ang kabanal-banalan at ang mga bagay na banal;
23 subalit hindi siya makakalapit sa tabing, o lalapit man sa dambana, sapagkat siya'y may kapintasan upang hindi niya malapastangan ang aking mga santuwaryo; sapagkat ako ang Panginoon na nagpapabanal sa kanila.”
24 Gayon ang sinabi ni Moises kay Aaron at sa kanyang mga anak, at sa lahat ng mga anak ni Israel.
Footnotes
- Levitico 21:3 Sa Hebreo ay kanya .
- Levitico 21:7 o nagbibili ng panandaliang aliw .
- Levitico 21:7 o siya .
- Levitico 21:9 o prostitusyon .
Leviticus 21
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Mga Tuntunin tungkol sa mga Pari
21 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa mga paring mula sa angkan ni Aaron:
Huwag ninyong dudungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng paglapit o paghipo sa bangkay ng tao, 2 maliban na lamang kung ang namatay ay malapit ninyong kamag-anak gaya ng inyong ina, ama, anak, kapatid na lalaki, 3 o dalagang kapatid at walang inaasahan kundi kayo. 4 Huwag din ninyong dungisan ang inyong sarili sa inyong pagpunta sa libing ng kamag-anak ng inyong asawa. 5 Kung kayoʼy magluluksa sa patay, huwag ninyong aahitin ang inyong buhok o puputulan ang inyong balbas o susugatan ang inyong katawan. 6 Italaga ninyo ang inyong sarili para sa akin na inyong Dios, at huwag ninyong lapastanganin ang aking pangalan. Itoʼy dapat ninyong gawin dahil kayo ang nag-aalay ng mga handog sa pamamagitan ng apoy,[a] para sa akin na siyang pagkain ko.
7 Huwag kayong mag-asawa ng babaeng marumi dahil nagbebenta siya ng panandaliang aliw, o ng babaeng hiwalay sa asawa, dahil kayoʼy hinirang ko para sa aking sarili. 8 Kinakailangang kayo ay ituring na banal ng inyong kapwa Israelita dahil kayo ang nag-aalay ng mga handog para sa akin.[b] Dapat nila kayong ituring na banal dahil ako ang Panginoon ay banal at ginawa kong banal ang aking mga tao.[c]
9 Kung kayoʼy may anak na babae na nagdudulot ng kahihiyan sa inyo dahil sa nagbebenta siya ng panandaliang-aliw, siyaʼy ituturing na marumi, dapat siyang sunugin.
10 Kung ang punong pari[d] ay namatayan ng kamag-anak, huwag niyang guguluhin ang kanyang buhok ni pupunitin ang kanyang damit bilang tanda ng pagluluksa. 11 Dapat din niyang iwasan ang paglapit sa patay kahit na iyon ay kanyang ama o ina. 12 At dahil siyaʼy itinalaga sa akin bilang punong pari sa pamamagitan ng pagpapahid sa kanya ng langis ng pagtatalaga, hindi siya dapat umalis sa Toldang Tipanan dahil kapag siyaʼy umalis doon at sumama sa libing, marurumihan ang Tolda. Ako ang Panginoon.
13-14 Kung ang punong pari ay mag-aasawa, dapat Israelitang katulad niya at tunay na dalaga. Huwag siyang mag-aasawa ng biyuda, o ng babaeng hiwalay sa asawa, o ng babaeng marumi na nagbebenta ng panandaliang-aliw, 15 upang sa ganoon ay walang maging kapintasan ang mga anak niya. Ako ang Panginoong humirang sa kanya para siyaʼy maging banal.
16 Inutusan ng Panginoon si Moises 17 na sabihin ito kay Aaron:
Walang sinuman sa angkan mo hanggang sa susunod pang mga henerasyon na may kapansanan ang katawan na makapaghahandog sa akin ng mga handog na pagkain. 18 Hindi maaari ang bulag, pilay, may kapansanan ang mukha, may kapansanan ang isang bahagi ng katawan, 19 bali ang paa o kamay, 20 kuba, unano, may sakit sa mata o sa balat, o baog. 21-23 Kaya kung ang angkan ni Aaron ay may kapansanan sa katawan, hindi siya maaaring maghandog sa akin ng mga handog sa pamamagitan ng apoy na siyang pagkain ko. Hindi rin siya maaaring pumasok sa Banal na Lugar o lumapit sa altar dahil madudungisan ang aking Tolda. Pero maaari siyang kumain ng mga pagkaing bahagi ng mga pari sa mga banal at pinakabanal na handog. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para maging akin.
24 Ang lahat ng ito ay sinabi ni Moises kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki at sa lahat ng mga Israelita.
Footnotes
- 21:6 handog sa pamamagitan ng apoy: Tingnan ang footnote sa 1:9.
- 21:8 mga handog para sa akin: sa literal, pagkain ng Dios. Tingnan ang “footnote” sa 21:6.
- 21:8 ginawa … tao: o, itinalaga ko sila para sa akin.
- 21:10 punong pari: sa tekstong Hebreo makikita ang buong katawagan sa kanya: ang punong pari sa kanyang mga kapwa Israelita na pinahiran ng langis sa ulo at itinalagang magsuot ng pamparing damit na para sa punong pari.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®