Levitico 2
Magandang Balita Biblia
Handog na Pagkaing Butil
2 “Kung may maghahandog ng pagkaing butil kay Yahweh, ang ihahandog niya'y ang mabuting uri ng harina. Bubuhusan niya ito ng langis ng olibo at bubudburan ng insenso 2 bago dalhin sa mga pari. Ang paring namumuno sa paghahandog ay dadakot ng harina, kasama ang langis at lahat ng insenso para sunugin sa altar bilang tanda na ang lahat ng ito'y inihandog kay Yahweh. Ang usok nito'y magiging mabangong samyo kay Yahweh. 3 Ang matitira sa handog na pagkaing butil ay para kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ito ay ganap na sagrado sapagkat ito'y bahagi ng pagkaing handog sa akin.
4 “Kung luto sa pugon ang handog na pagkaing butil, kailangang ito'y yari sa mabuting uri ng harina at walang pampaalsa. Maaari itong masahin sa langis at lutuin nang makapal o kaya'y lutuin nang maninipis at pahiran ng langis.
5 “Kung luto naman sa palapad na kawali ang handog na pagkaing butil, kailangang mabuti ring uri ng harina ang gamitin, walang pampaalsa at minasa rin sa langis. 6 Pagpipira-pirasuhin ito at bubuhusan ng langis; ito ay isang handog na pagkaing butil.
7 “Kung luto naman sa kawali ang handog na pagkaing butil, kailangang ito'y gawa din sa mabuting uri ng harina at langis ng olibo. 8 Ang mga pagkaing butil na handog kay Yahweh ay dadalhin sa pari; dadalhin naman niya ito sa altar. 9 Kukunin ng pari mula sa handog ang bahaging pang-alaala at susunugin sa ibabaw ng altar bilang handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh. 10 Ang matitira ay para kay Aaron at sa kanyang mga anak; ito'y ganap na sagrado sapagkat kinuha sa pagkaing handog kay Yahweh.
11 “Huwag kayong maghahandog kay Yahweh ng anumang handog na pagkaing butil na may pampaalsa, sapagkat hindi kayo dapat magsunog ng pampaalsa o pulot kung ito'y ihahandog sa akin. 12 Kung unang bunga naman ng halaman ang inyong ihahandog, huwag ninyo itong susunugin sa altar. 13 Titimplahan ninyo ng asin ang lahat ng handog na pagkaing butil. Huwag ninyong kakalimutang lagyan ng asin ang inyong handog na pagkaing butil sapagkat ang asin ay tanda ng inyong kasunduan kay Yahweh. Kaya lalagyan ninyo ng asin ang lahat ng handog. 14 Kung ang handog na pagkaing butil ay trigong mula sa unang ani, kailangang gilingin ito o isangag. 15 Bubuhusan ninyo ng langis at bubudburan ng insenso. 16 Kukuha ang pari ng bahaging susunugin kasama ang langis at insenso bilang alaala. Ito ay isang handog na pagkaing butil na susunugin para kay Yahweh.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.