Levitico 19
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Mga Tuntunin tungkol sa Kabanalan at Katarungan
19 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Sabihin(A) mo sa buong sambayanan ng Israel, ‘Magpakabanal kayo, sapagkat akong si Yahweh na inyong Diyos ay banal. 3 Igalang(B) ninyo ang inyong ama at ina. Ipangilin ninyo ang Araw ng Pamamahinga. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.
4 “Huwag(C) kayong maglilingkod sa mga diyus-diyosan ni gagawa ng mga imahen upang sambahin. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.’
5 “Kung maghahandog kayo sa akin ng handog pangkapayapaan, gawin ninyo iyon ayon sa mga tuntuning ibinigay ko upang maging kalugud-lugod sa akin. 6 Dapat ninyong kainin iyon sa mismong araw na iyo'y inihandog o sa kinabukasan. Kung may matira ay sunugin ninyo. 7 Kung iyon ay kakainin sa ikatlong araw hindi magiging karapat-dapat ang inyong handog. 8 Magkakasala at dapat parusahan ang kakain niyon sapagkat iyon ay paglapastangan sa isang bagay na banal; dapat siyang itiwalag sa sambayanan.
9 “Kung(D) mag-aani kayo sa inyong bukirin, itira ninyo ang nasa gilid, at huwag na ninyong balikan ang inyong naanihan. 10 Huwag ninyong pipitasing lahat ang bunga ng ubasan ni pupulutin man ang mga nalaglag, bayaan na ninyo iyon para sa mahihirap at sa mga dayuhan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.
11 “Huwag(E) kayong magnanakaw, mandaraya, o magsisinungaling. 12 Huwag(F) kayong manunumpa sa aking pangalan kung ito ay walang katotohanan. Iyon ay paglapastangan sa pangalan ng inyong Diyos. Ako si Yahweh.
13 “Huwag(G) ninyong dadayain o pagnanakawan ang inyong kapwa. Huwag ninyong ipagpapabukas ang pagpapasweldo sa inyong mga manggagawa. 14 Huwag(H) ninyong mumurahin ang mga bingi at lalagyan ng katitisuran ang daraanan ng mga bulag. Matakot kayo sa Diyos. Ako si Yahweh.
15 “Huwag(I) kayong hahatol nang hindi makatarungan. Huwag ninyong kikilingan ang mahihirap o kaya'y katatakutan ang mayayaman. Humatol kayo batay sa katuwiran. 16 Huwag kayong magkakalat ng anumang nakakasira ng puri ng inyong kapwa, ni sasaksi laban sa inyong kapwa upang ipahamak lamang siya. Ako si Yahweh.
17 “Huwag(J) kayong magtatanim ng galit sa iyong kapwa. Sa halip, makipagkasundo ka sa kanya. Sa gayon, hindi ka magkakasala dahil sa kanya. 18 Huwag(K) kang maghihiganti o magtatanim ng galit sa iyong mga kababayan. Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Ako si Yahweh.
19 “Sundin(L) ninyo ang aking mga tuntunin. Huwag ninyong palalahian ang hayop na inyong alaga sa hayop na di nito kauri. Huwag din kayong maghahasik ng dalawang uri ng binhi sa isang bukid. Huwag kayong magsusuot ng damit na yari sa dalawang uri ng sinulid.
20 “Kung ang isang lalaki'y sumiping sa kanyang aliping babae na nakatakdang pakasal sa iba ngunit di pa natutubos o napapalaya, dapat itong siyasatin. Hindi sila dapat patayin, sapagkat di pa napapalaya ang aliping babae, 21 ngunit ang lalaki'y magdadala ng isang tupang lalaki bilang handog na pambayad sa kanyang kasalanan. Dadalhin niya ito sa pintuan ng Toldang Tipanan 22 at ihahandog ng pari. Sa gayon, siya'y patatawarin.
23 “Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, tatlong taon kayong hindi kakain ng bunga ng mga punong tanim ninyo roon. 24 Sa ikaapat na taon, ang mga bunga nito'y ihahandog ninyo sa akin bilang pasasalamat. 25 Sa ikalimang taon, makakain na ninyo ang mga bunga nito, at ang mga ito'y mamumunga nang sagana. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.
26 “Huwag(M) kayong kakain ng anumang karneng may dugo. Huwag kayong manghuhula o mangkukulam. 27 Huwag(N) kayong pagugupit nang pabilog at huwag magpapaahit o magpapaputol ng balbas. 28 Huwag kayong maghihiwa sa katawan dahil sa isang namatay ni maglalagay ng tatú. Ako si Yahweh.
29 “Huwag(O) ninyong itutulak ang inyong mga anak na babae sa pagbebenta ng panandaliang-aliw sa templo sapagkat iyon ang magiging dahilan ng paglaganap ng kahalayan sa buong lupain. 30 Igalang(P) ninyo ang Araw ng Pamamahinga at ang aking santuwaryo. Ako si Yahweh.
31 “Huwag(Q) kayong sasangguni sa mga kumakausap sa mga espiritu ng mga namatay o sa mga manghuhula. Kayo'y ituturing na marumi kapag sumangguni kayo sa kanila. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.
32 “Tatayo kayo kapag may kaharap na matanda. Igalang ninyo sila at matakot kayo sa Diyos. Ako si Yahweh.
33 “Huwag(R) ninyong aapihin ang mga dayuhang kasama ninyo. 34 Ibigin ninyo sila at ituring na kapatid. Alalahanin ninyong naging mga dayuhan din kayo sa Egipto. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.
35 “Huwag(S) kayong mandaraya sa pagsukat, pagtitimbang o pagbilang ng anuman. 36 Ang inyong timbangan, kiluhan, sukatan ng harina, at sukatan ng langis ay kailangang walang daya. Ako ang nag-alis sa inyo sa Egipto. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos. 37 Sundin ninyo ang lahat kong tuntunin at kautusan. Ako si Yahweh.”