Add parallel Print Page Options

Iba't Ibang Karumihan mula sa Katawan

15 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron,

“Magsalita kayo sa mga anak ni Israel, at inyong sabihin sa kanila: Kapag ang isang lalaki ay mayroong tulo mula sa kanyang katawan,[a] siya ay marumi dahil sa kanyang tulo.

At ito ang batas tungkol sa kanyang pagiging marumi dahil sa kanyang tulo. Maging ang kanyang katawan ay may tulo, o huminto na ang tulo sa kanyang katawan, ito ay karumihan sa kanya.

Bawat higaang mahigaan ng may tulo ay magiging marumi; at bawat bagay na kanyang maupuan ay magiging marumi.

At sinumang humipo ng kanyang higaan ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

Ang umupo sa anumang bagay na inupuan ng may tulo ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

Ang humipo ng katawan ng may tulo ay maglalaba ng kanyang mga damit at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

Kung ang may tulo ay lumura sa taong malinis, maglalaba siya ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, magiging marumi siya hanggang sa paglubog ng araw.

Ang bawat upuang sapin na sakyan ng may tulo ay magiging marumi.

10 Sinumang taong humipo ng alinmang bagay na nasa ilalim niya, ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; at ang magdala ng mga bagay na iyon ay maglalaba ng kanyang mga damit at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

11 Sinumang mahipo ng may tulo na hindi nakapaghugas ng kanyang mga kamay sa tubig, maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

12 Ang sisidlang-lupa na mahipo ng may tulo ay babasagin, at ang lahat ng sisidlang-kahoy ay babanlawan ng tubig.

13 “At kapag ang may tulo ay luminis na sa kanyang tulo ay bibilang siya ng pitong araw sa kanyang paglilinis, at maglalaba ng kanyang mga damit. Paliliguan din niya ang kanyang katawan sa tubig na umaagos, at magiging malinis.

14 Sa ikawalong araw ay magdadala siya ng dalawang batu-bato, o ng dalawang batang kalapati, at haharap siya sa Panginoon sa pasukan ng toldang tipanan, at ibibigay niya ang mga ito sa pari.

15 Ihahandog ng pari ang mga ito, ang isa'y handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog at ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya sa harapan ng Panginoon, dahil sa kanyang tulo.

16 “Kung ang isang lalaki ay nilalabasan ng binhi, paliliguan niya ng tubig ang kanyang buong katawan, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

17 At lahat ng damit at balat na kinaroroonan ng binhi ay lalabhan sa tubig, at magiging marumi hanggang paglubog ng araw.

18 Kung ang lalaking nilalabasan ng binhi ay sumiping sa isang babae, silang dalawa ay maliligo sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

19 “Kapag ang isang babae ay nilalabasan ng dugo na kanyang buwanang pagdurugo mula sa kanyang katawan, siya ay marumi sa loob ng pitong araw; at sinumang humipo sa kanya ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

20 Anumang kanyang mahigaan sa panahon ng kanyang karumihan ay magiging marumi; at anumang maupuan niya ay magiging marumi.

21 Sinumang humipo ng kanyang higaan ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

22 At ang sinumang humipo ng alinmang bagay na kanyang maupuan ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

23 Maging ito ay nasa ibabaw ng higaan o nasa anumang bagay na inupuan niya, kapag kanyang hinipo, siya ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

24 Kung ang sinumang lalaki ay sumiping sa kanya, at mapasa lalaki ang karumihan niya, ang lalaki ay magiging marumi sa loob ng pitong araw; at bawat higaan na kanyang higaan ay magiging marumi.

25 “Kung ang isang babae ay labasan ng dugo sa loob ng maraming araw sa hindi kapanahunan ng kanyang karumihan, o kung labasan ng dugo na lampas sa panahon ng kanyang karumihan; siya ay marumi sa buong panahon ng kanyang karumihan.

26 Bawat higaan na kanyang hinihigan sa buong panahon ng kanyang pagdurugo, ay magiging sa kanya'y gaya ng higaan ng kanyang karumihan; at bawat bagay na kanyang maupuan ay magiging marumi, na gaya ng pagiging marumi ng kanyang karumihan.

27 Sinumang humipo ng mga bagay na iyon ay magiging marumi, at maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

28 Subalit kapag siya'y gumaling sa kanyang pagdurugo, bibilang siya ng pitong araw, at pagkatapos niyon ay magiging malinis siya.

29 Sa ikawalong araw ay kukuha siya ng dalawang batu-bato o ng dalawang batang kalapati, at dadalhin niya sa pari sa pintuan ng toldang tipanan.

30 Ihahandog ng pari ang isa bilang handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog; at itutubos sa kanya ng pari sa harap ng Panginoon, dahil sa kanyang maruming pagdurugo.

31 “Ganito ninyo ihihiwalay ang mga anak ni Israel sa kanilang pagiging marumi, upang huwag silang mamatay sa kanilang karumihan, kapag dinungisan ang aking tabernakulo na nasa kanilang kalagitnaan.

32 Ito ang batas tungkol sa may tulo at sa nilalabasan ng binhi, kaya't naging marumi;

33 gayundin sa babaing may sakit ng kanyang karumihan, sa sinuman, babae o lalaki, na dinudugo o may tulo, at lalaki na sumisiping sa babaing marumi.

Footnotes

  1. Levitico 15:2 Sa Hebreo ay laman .