Levitico 12
Ang Biblia (1978)
Ang paglilinis ng mga babae.
12 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, na iyong sabihin, (A)Kung ang babae ay maglihi, at manganak ng isang lalake, ay magiging karumaldumal na pitong araw; ayon sa mga araw ng karumihan ng kaniyang sakit, ay magiging karumaldumal.
3 (B)At sa ikawalong araw ay tutuliin ang bata sa laman ng kaniyang balat ng masama.
4 At siya'y mananatiling tatlong pu't tatlong araw na maglilinis ng kaniyang dugo; huwag siyang hihipo ng anomang bagay na banal, o papasok man sa santuario, hanggang sa matupad ang mga araw ng kaniyang paglilinis.
5 Nguni't kung manganak siya ng babae, ay magiging karumaldumal nga siya na dalawang linggo, ayon sa kaniyang karumihan: at mananatiling anim na pu't anim na araw na maglilinis ng kaniyang dugo.
6 (C)At pagkaganap niya ng mga araw ng kaniyang paglilinis, maging sa anak na lalake o sa anak na babae, ay magdadala siya ng isang kordero ng unang taon, na pinaka handog na susunugin, at isang inakay ng kalapati o isang batobato na pinakahandog dahil sa kasalanan, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, sa saserdote;
7 At kaniyang ihahandog sa harap ng Panginoon, at itutubos sa kaniya; at siya'y malilinis sa agas ng kaniyang dugo. Ito ang kautusan tungkol sa nanganak ng lalake o ng babae.
8 At kung ang kaniyang kaya ay hindi sapat upang magdala ng kordero, ay kukuha nga siya ng (D)dalawang batobato o ng dalawang inakay ng kalapati; ang isa'y pinaka handog na susunugin at ang isa'y pinakahandog dahil sa kasalanan: (E)at itutubos sa kaniya ng saserdote, at siya'y magiging malinis.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978