Levitico 11
Ang Biblia, 2001
Mga Hayop na Malinis at Marumi(A)
11 Ang Panginoon ay nagsalita kina Moises at Aaron, na sinasabi,
2 “Sabihin ninyo sa mga anak ni Israel: Ito ang mga bagay na may buhay na maaari ninyong kainin sa lahat ng mga hayop na nasa lupa.
3 Anumang hayop na may hati ang paa, biyak, at ngumunguya—ang mga gayon ay maaari ninyong kainin.
4 Gayunman, huwag ninyong kakainin ang mga ito sa mga ngumunguya o doon sa mga may hati ang paa: ang kamelyo, bagaman ngumunguya, ngunit walang hati ang paa, ito ay marumi para sa inyo,
5 at ang kuneho, bagaman ngumunguya, subalit walang hati ang paa, ito ay marumi para sa inyo,
6 at ang liebre, bagaman ngumunguya, subalit walang hati ang paa, ito ay marumi para sa inyo,
7 at ang baboy, bagaman may hati ang paa at biyak subalit hindi ngumunguya, ito ay marumi para sa inyo.
8 Huwag ninyong kakainin ang kanilang laman at huwag ninyong hihipuin ang kanilang mga bangkay; ang mga iyon ay marumi para sa inyo.
9 “Sa lahat ng mga nasa tubig ay maaari ninyong kainin ang mga ito: alinmang may mga palikpik at mga kaliskis na nasa tubig, nasa dagat, at sa mga nasa ilog, ay makakain ninyo.
10 Subalit alinmang walang mga palikpik at mga kaliskis sa mga nasa dagat, nasa ilog, at sa alinmang mga gumagalaw sa mga nasa tubig, at sa lahat ng may buhay sa tubig, ay marumi para sa inyo.
11 Ang mga iyon ay marumi para sa inyo; huwag ninyong kakainin ang laman ng mga iyan, at ang bangkay ng mga iyan ay inyong pandidirihan.
12 Anumang walang mga palikpik at mga kaliskis na nasa tubig ay magiging maruming bagay sa inyo.
13 “At sa mga ibon ay ituturing ninyong marumi ang mga ito. Ang mga ito ay hindi ninyo dapat kakainin; ang mga ito'y marumi: ang agila, buwitre, at buwitreng itim;
14 ang lawin, limbas, ayon sa kanyang uri;
15 bawat uwak ayon sa kanyang uri;
16 ang avestruz, panggabing lawin, at ang lawing dagat, ayon sa kanyang uri;
17 ang maliit na kuwago, somormuho, at ang malaking kuwago;
18 ang puting kuwago, pelikano, at ang buwitre;
19 ang lahat ng uri ng tagak, ang kabág, at ang paniki.
20 “Lahat ng kulisap na may pakpak na lumalakad sa apat na paa ay marumi para sa inyo.
21 Gayunman, ang mga ito'y maaari ninyong kainin sa lahat ng may pakpak na umuusad na may apat na paa, na may mga hita sa itaas ng mga paa, na ginagamit upang makalundag sa lupa.
22 Mula sa kanila ay makakain ninyo ang mga ito: ang balang ayon sa kanyang uri; ang lukton ayon sa kanyang uri, ang kuliglig ayon sa kanyang uri, at ang tipaklong ayon sa kanyang uri.
23 Subalit ang iba pang kulisap na may pakpak na may apat na paa ay marumi para sa inyo.
24 “At sa pamamagitan ng mga ito ay magiging marumi kayo: sinumang humipo ng kanilang mga bangkay ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
25 Sinumang bumuhat ng kanilang mga bangkay ay maglalaba ng kanyang mga damit, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
26 Bawat hayop na may hati ang kuko, subalit hindi biyak ang paa, o hindi ngumunguya ay marumi para sa inyo: bawat humipo sa mga iyan ay magiging marumi.
27 At anumang lumalakad sa pamamagitan ng kanyang mga kuko sa lahat ng hayop na lumalakad sa pamamagitan ng apat na paa, ay marumi para sa inyo; sinumang humipo ng bangkay ng mga iyan ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
28 At ang bumuhat ng bangkay ng mga iyan ay maglalaba ng kanyang mga damit, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; ang mga ito ay marumi para sa inyo.
29 “At ang mga ito'y marumi para sa inyo sa mga umuusad sa ibabaw ng lupa: ang bubuwit, ang daga, at ang bayawak ayon sa kanyang uri,
30 ang tuko, buwaya, butiki, bubuli, at ang hunyango.
31 Ang mga ito'y marumi sa inyo mula sa lahat ng umuusad; sinumang humipo sa mga iyan, kapag ang mga iyan ay patay, ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
32 At anumang malapatan ng mga iyan, kapag ang mga iyan ay patay, ay magiging marumi, maging alinmang kasangkapang yari sa kahoy, o kasuotan, o balat, o sako, alinmang sisidlang ginagamit sa anumang layunin. Dapat itong ilubog sa tubig at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; pagkatapos, ito ay magiging malinis.
33 Anumang sisidlang yari sa lupa na malapatan ng mga iyan, lahat ng laman niyon ay magiging marumi, at iyon ay inyong babasagin.
34 Sa lahat ng pagkain na maaaring kainin na mabuhusan ng tubig ay magiging marumi; at lahat ng inuming maaaring inumin sa alinman sa mga gayong sisidlan ay magiging marumi.
35 Anumang malapatan ng anumang bahagi ng kanilang bangkay ay magiging marumi; maging hurno o kalan ay babasagin; ang mga ito ay marumi sa inyo.
36 Subalit ang isang bukal o ang isang balon na imbakan ng tubig ay magiging malinis; ngunit ang masagi ng bangkay ng mga iyon ay magiging marumi.
37 At kapag malapatan ng kanilang bangkay ang alinmang binhing panghasik na ihahasik, ito ay malinis;
38 Ngunit kung nabasa ang binhi at malapatan ng bangkay ng mga iyon, ito ay magiging marumi para sa inyo.
39 “Kapag ang alinmang hayop na inyong makakain ay namatay, ang humipo ng bangkay nito ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw,
40 at ang kumain ng bangkay nito ay maglalaba ng kanyang damit, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; at ang bumuhat ng bangkay nito ay maglalaba ng kanyang damit, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
41 “Bawat umuusad sa ibabaw ng lupa ay marumi; hindi ito maaaring kainin.
42 Anumang lumalakad sa pamamagitan ng kanyang tiyan, at lahat ng lumalakad sa pamamagitan ng apat na paa, at anumang mayroong maraming paa, maging sa lahat ng bagay na umuusad sa ibabaw ng lupa, ay huwag ninyong kakainin; sapagkat ang mga ito ay marumi.
43 Huwag ninyong gawing karumaldumal ang inyong sarili sa pamamagitan ng anumang umuusad ni gawin ninyong marumi ang inyong sarili sa pamamagitan ng mga iyan, upang huwag kayong marumihan nila.
44 Sapagkat(B) ako ang Panginoon ninyong Diyos, kaya't pakabanalin ninyo ang inyong mga sarili, at kayo'y maging banal, sapagkat ako ay banal. Huwag ninyong durungisan ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng anumang umuusad sa ibabaw ng lupa.
45 Sapagkat ako ang Panginoon na naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto, upang maging inyong Diyos; kayo nga'y magpakabanal, sapagkat ako'y banal.”
46 Ito ang batas tungkol sa hayop, sa ibon, at sa lahat na may buhay na gumagalaw na nasa tubig, at sa lahat ng nilikha na umuusad sa ibabaw ng lupa,
47 upang bigyan ng pagkakaiba ang marumi at ang malinis, at ang may buhay na maaaring kainin at ang may buhay na hindi maaaring kainin.