Levitico 10
Ang Biblia (1978)
Ang kasalanan ni Nadab at ni Abiu.
10 At si (A)Nadab at si Abiu, na mga anak ni Aaron, ay (B)kumuha ang bawa't isa sa kanila ng kanikaniyang suuban, at sinidlan nila ng apoy, at pinatungan ng kamangyan, at sila'y naghandog sa harap ng Panginoon ng ibang (C)apoy na hindi iniutos niya sa kanila.
2 At (D)sa harap ng Panginoon ay may lumabas na apoy, at sinupok sila; at namatay sila sa harap ng Panginoon.
3 Nang magkagayo'y sinabi ni Moises kay Aaron, Ito ang sinalita ng Panginoon, na sinasabi, (E)Ako'y babanalin ng mga lumalapit sa akin, at sa harap ng buong bayan (F)ay luluwalhatiin ako. (G)At si Aaron ay hindi umimik.
4 At tinawag ni Moises si Misael at si Elzaphan, na mga anak ni (H)Uziel na amain ni Aaron, at sa kanila'y sinabi, Magsilapit kayo, (I)ilabas ninyo ang inyong mga kapatid sa kampamento mula sa harap ng santuario.
5 Sa gayo'y lumapit sila, at kanilang binuhat sa kanilang mga kasuutan na inilabas sa kampamento, gaya ng sinabi ni Moises.
6 At sinabi ni Moises kay Aaron, at kay Eleazar at kay Itamar na kaniyang mga anak, (J)Huwag ninyong ilugay ang buhok ng inyong ulo, o hapakin man ninyo ang inyong bihisan; upang huwag kayong mamatay (K)at ng siya'y huwag magalit laban sa buong kapisanan: kundi ang inyong mga kapatid, ang buong sangbahayan ni Israel ay tumaghoy sa apoy na pinapagalab ng Panginoon.
7 (L)At huwag kayong lalabas sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, baka kayo'y mamatay: (M)sapagka't ang langis na pang-pahid ng Panginoon ay nasa ulo ninyo. At kanilang ginawa ayon sa salita ni Moises.
8 At sinalita ng Panginoon kay Aaron, na sinasabi,
9 (N)Huwag iinom ng alak o ng matapang na inumin man, ikaw o ang iyong mga anak man, pagka kayo'y papasok sa tabernakulo ng kapisanan, upang kayo'y huwag mamatay: magiging palatuntunang walang hanggan sa buong panahon ng inyong mga lahi:
10 At (O)upang inyong malagyan ng pagkakaiba ang banal at ang karaniwan, at ang karumaldumal at ang malinis:
11 (P)At upang inyong maituro sa mga anak ni Israel ang lahat ng palatuntunang sa kanila'y sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
Ang tungkulin at bahagi ng mga saserdote.
12 At sinalita ni Moises kay Aaron, at kay Eleazar at kay Ithamar, na mga natitira niyang anak, (Q)Kunin ninyo ang handog na harina na lumabis sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, at inyong kaning walang lebadura (R)sa tabi ng dambana; sapagka't kabanalbanalan;
13 At inyong kakanin sa dakong banal, sapagka't karampatang bahagi ninyo, at karampatang bahagi ng inyong mga anak, sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy: (S)sapagka't gayon iniutos sa akin.
14 (T)At ang dibdib na inalog at ang hita na itinaas, ay kakanin ninyo sa dakong malinis, kakanin mo at ng iyong mga anak na lalake at babae na kasama mo: sapagka't yamang karampatang bahagi mo at karampatang bahagi ng iyong mga anak na ibinigay sa inyo sa mga hain ng mga anak ni Israel.
15 Ang hita na itinaas, at ang dibdib na inalog ay kanilang dadalhin na kalakip ng mga handog na pinaraan sa apoy, na mga taba upang alugin na pinaka handog na inalog sa harap ng Panginoon: at mapapasa iyo, at sa iyong mga anak na kasama mo, na karampatang bahagi ninyo magpakailan man; gaya ng iniutos ng Panginoon.
16 At hinanap ni Moises ng buong sikap (U)ang kambing na handog dahil sa kasalanan, at, narito, sinunog: at nagalit kay Eleazer at kay Ithamar na mga anak ni Aaron na natira na sinasabi,
17 (V)Bakit hindi ninyo kinain ang handog dahil sa kasalanan sa dakong santuario, yamang kabanalbanalang bagay at sa inyo'y ibinigay upang dalhin ang kasamaan ng kapisanan na itubos sa kanila sa harap ng Panginoon?
18 (W)Narito, hindi ipinasok ang dugo niyaon sa loob ng santuario; (X)nararapat sana ninyong kanin sa santuario, gaya ng iniutos ko.
19 At sinalita ni Aaron kay Moises, Narito, (Y)kanilang inihandog ng araw na ito ang kanilang handog dahil sa kasalanan, at ang kanilang handog na susunugin sa harap ng Panginoon; at sa akin ay nangyari ang mga ganyang bagay na gaya ng mga ito: at kung ako nga'y nakakain ng handog dahil sa kasalanan ngayon, kalulugdan ba kaya ako ng Panginoon?
20 At nang marinig ni Moises, ay nakalugod sa kaniyang paningin.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978