Add parallel Print Page Options

Kautusan tungkol sa mga Handog na Sinusunog

Tinawag ni Yahweh si Moises, at mula sa Toldang Tipanan ay sinabi sa kanya, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: ‘Kung may maghahandog kay Yahweh, ang dapat niyang ihandog ay baka, tupa o kambing.’

“Kung baka ang kanyang handog na susunugin, kailangang ito'y lalaki at walang kapintasan. Dadalhin niya ito sa may pintuan ng Toldang Tipanan upang maging kalugud-lugod sa akin. Ipapatong niya sa ulo ng hayop ang kanyang kamay at iyo'y tatanggapin bilang pantubos sa kanyang kasalanan. Pagkatapos, papatayin niya ito sa harapan ko at ang dugo'y ibubuhos ng mga paring mula sa angkan ni Aaron sa palibot ng altar, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Babalatan niya ang hayop saka kakatayin. Ang mga pari nama'y maglalagay ng baga sa altar at iaayos sa ibabaw nito ang kahoy na panggatong. Ihahanay nila nang maayos sa ibabaw ng apoy ang mga pira-pirasong karne, kasama ang ulo at taba. Ngunit dapat muna nilang hugasan ang laman-loob at ang mga paa bago ilagay sa altar. Pagkatapos, ang lahat ng ito'y sama-samang susunugin bilang handog, upang ang usok nito'y maging mabangong samyo sa akin.

10 “Kung tupa o kambing ang ihahandog, kailangang ito'y lalaki rin at walang kapintasan. 11 Papatayin ito ng naghahandog sa harapan ni Yahweh sa gawing hilaga ng altar at ang dugo'y ibubuhos ng mga pari sa paligid ng altar. 12 Kakatayin niya ito at ihahanay ng pari sa ibabaw ng apoy sa altar ang mga piraso ng karne kasama ang ulo at taba. 13 Ang laman-loob at mga paa ay dapat munang hugasan bago ilagay sa altar. Pagkatapos, ang lahat ay susunugin upang ang usok nito'y maging mabangong samyo sa akin.

14 “Kung ibon ang handog na susunugin, ang dadalhin niya'y batu-bato o kalapati. 15 Ibibigay niya ito sa pari upang dalhin sa altar. Pipilipitin ng pari ang leeg ng ibon at ang dugo'y patutuluin sa paligid ng altar. 16 Aalisin niya ang balahibo't bituka ng ibon at ihahagis sa tapunan ng abo, sa gawing silangan ng altar. 17 Bibiyakin niya ang katawan nito ngunit hindi paghihiwalayin. Pagkatapos, susunugin niya ito sa altar bilang handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo sa akin.”

'Levitico 1 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Mga Handog na Sinusunog

Ipinatawag ng Panginoon si Moises at nagsalita sa kanya mula sa toldang tipanan, na sinasabi,

“Magsalita ka sa mga anak ni Israel at sabihin mo sa kanila: Kapag ang sinuman sa inyo ay nagdadala ng alay sa Panginoon, ang dadalhin ninyong alay ay galing sa mga hayop, mga bakahan, at sa kawan.

“Kung ang kanyang alay ay isang handog na sinusunog mula sa bakahan, mag-aalay siya ng isang lalaking walang kapintasan. Ito ay kanyang dadalhin sa pintuan ng toldang tipanan, upang siya ay tanggapin sa harapan ng Panginoon.

Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng handog na sinusunog at ito ay tatanggapin para sa ikatutubos niya.

At kanyang papatayin ang toro sa harapan ng Panginoon; ang dugo ay ihahandog ng mga anak ni Aaron, na mga pari, at iwiwisik ito sa palibot ng dambana na nasa pintuan ng toldang tipanan.

Kanyang babalatan at pagpuputul-putulin ang handog na sinusunog.

Maglalagay ang mga anak ng paring si Aaron ng apoy sa ibabaw ng dambana, at aayusin ang kahoy sa apoy.

Aayusin ng mga paring anak ni Aaron ang mga bahagi, ang ulo, at ang taba sa kahoy na nakapatong sa apoy na nasa ibabaw ng dambana;

ngunit ang mga lamang-loob at mga paa ay huhugasan niya ng tubig. Susunugin ng pari ang kabuuan nito sa ibabaw ng dambana bilang handog na sinusunog, isang handog na pinaraan sa apoy na isang mabangong samyo sa Panginoon.

10 “Kung ang kanyang kaloob para sa handog na sinusunog ay mula sa kawan, sa mga tupa, o sa mga kambing, siya ay maghahandog ng isang lalaking walang kapintasan.

11 Ito ay kanyang kakatayin sa hilagang bahagi ng dambana sa harapan ng Panginoon. Iwiwisik ng mga anak ni Aaron, na mga pari, ang dugo niyon sa palibot ng dambana.

12 At ito ay kanyang pagpuputul-putulin, kasama ang ulo at ang kanyang taba, at iaayos ng pari sa ibabaw ng kahoy na nasa apoy sa ibabaw ng dambana;

13 ngunit ang mga lamang-loob at ang mga paa ay huhugasan ng tubig. At ihahandog ng pari ang kabuuan at susunugin sa dambana; ito ay isang handog na sinusunog, isang handog na pinaraan sa apoy, na isang mabangong samyo sa Panginoon.

14 “Kung ang kanyang alay sa Panginoon ay handog na sinusunog na mula sa mga ibon, ang ihahandog niya ay mga batu-bato o mga batang kalapati.

15 Ito ay dadalhin ng pari sa dambana, puputulan ng ulo, susunugin sa ibabaw ng dambana, at ang dugo'y patutuluin sa tabi ng dambana.

16 Aalisin niya ang butsi pati ang mga laman nito, at ihahagis sa silangang bahagi ng dambana, sa kinalalagyan ng mga abo.

17 Bibiyakin niya ito sa mga pakpak, ngunit hindi hahatiin. Ito'y susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana, sa ibabaw ng kahoy na nasa apoy, bilang isang handog na sinusunog. Ito ay isang handog na pinaraan sa apoy, na isang mabangong samyo sa Panginoon.