Add parallel Print Page Options

Ang Handog sa Paglilinis

1-2 Nag-utos din ang Panginoon kay Moises na sabihin sa mga taga-Israel na ang sinumang makalabag sa kanyang utos nang hindi sinasadya ay kinakailangang gawin ito:

Kung ang punong pari ang nagkasala ng hindi sinasadya at dahil dito ay nadamay ang mga tao, maghahandog siya sa Panginoon ng isang batang toro na walang kapintasan bilang handog sa paglilinis. Dadalhin niya ang toro sa presensya ng Panginoon doon sa pintuan ng Toldang Tipanan. At ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng toro at saka niya ito papatayin. Kukuha ng dugo ng toro ang punong pari at dadalhin niya sa loob ng Tolda. Ilulubog niya ang kanyang daliri sa dugo at iwiwisik ng pitong beses sa harap ng tabing na tumatabing sa Pinakabanal na Lugar, sa presensya ng Panginoon. Pagkatapos, papahiran niya ng dugo ang parang sungay sa mga sulok ng altar na pagsusunugan ng insenso sa loob ng Tolda sa presensya ng Panginoon. At ang natitirang dugo ng toro ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar na pagsusunugan ng handog na sinusunog. Ang altar na itoʼy malapit sa pintuan ng Tolda. Pagkatapos, kukunin niya ang lahat ng taba sa lamang-loob ng toro, ang mga bato at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay. 10 (Ganito rin ang gagawin sa hayop na handog para sa mabuting relasyon.) Pagkatapos, ang mga itoʼy susunugin ng pari sa altar na pinagsusunugan ng handog na sinusunog. 11-12 Pero ang natitirang bahagi ng hayop, katulad ng balat, laman, ulo, mga paa at nasa loob ng tiyan, pati na ang lamang-loob,[a] ay dadalhin sa labas ng kampo at susunugin sa lumalagablab na siga ng mga kahoy, doon sa itinuturing na malinis na lugar na pinagtatapunan ng abo.

13 Kung ang buong mamamayan ng Israel ay makalabag sa utos ng Panginoon nang hindi sinasadya, sila ay nagkasala pa rin kahit hindi nila ito nalalaman. 14 Kapag alam na nila na silaʼy nagkasala nga, ang lahat ng mamamayan ay maghahandog ng batang toro bilang handog sa paglilinis. Dadalhin nila ang toro sa Toldang Tipanan. 15 Pagkatapos, ipapatong ng mga tagapamahala ng Israel ang kanilang kamay sa ulo ng toro at saka papatayin sa presensya ng Panginoon. 16 Kukuha ng dugo ng toro ang punong pari at dadalhin niya sa loob ng Tolda. 17 At ilulubog niya ang kanyang daliri sa dugo at iwiwisik ng pitong beses sa tabing na tumatabing sa Pinakabanal na Lugar, sa presensya ng Panginoon. 18 Pagkatapos, papahiran niya ng dugo ang parang sungay sa mga sulok ng altar na nasa loob ng Tolda sa presensya ng Panginoon. At ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar na pinagsusunugan ng handog na sinusunog. Ang altar na itoʼy malapit sa pintuan ng Tolda. 19-21 At ang gagawin niya sa toro na itoʼy katulad din ng ginawa niya sa torong handog sa paglilinis. Kukunin niya ang lahat ng taba ng toro at susunugin sa altar, at susunugin ang toro sa labas ng kampo. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng punong pari, ang mga taga-Israel ay matutubos sa kanilang mga kasalanan at patatawarin ng Panginoon ang mga kasalanan nila. Ito ang handog sa paglilinis para sa buong sambayanan ng Israel.

22 Kung ang isang pinuno ay nakalabag sa utos ng Panginoon na kanyang Dios nang hindi sinasadya, nagkasala pa rin siya. 23 At kapag nalaman niya na siya pala ay nagkasala, maghahandog siya ng isang lalaking kambing na walang kapintasan. 24 Ito ay handog para sa paglilinis ng kanyang kasalanan. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing at papatayin ito sa presensya ng Panginoon sa dakong pinagpapatayan ng mga hayop na inihahandog bilang handog na sinusunog. 25 Ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo ng kambing at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar na pinagsusunugan ng mga handog na sinusunog. At ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar. 26 Susunugin niya ang lahat ng taba sa altar katulad ng kanyang ginawa sa mga taba ng hayop na handog para sa mabuting relasyon. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang mga kasalanan at patatawarin siya ng Panginoon.

27 Kung ang isang pangkaraniwang tao ay makalabag sa alin mang utos ng Panginoon nang hindi sinasadya, nagkasala pa rin siya. 28 At kapag nalaman niyang siyaʼy nagkasala, maghahandog siya ng babaeng kambing na walang kapintasan para sa nagawa niyang kasalanan. 29 Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing na handog sa paglilinis, at papatayin niya ito sa may Tolda, sa dakong pinagpapatayan ng mga hayop na handog na sinusunog. 30 Ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo ng kambing at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar na pinagsusunugan ng mga handog na sinusunog. At ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar. 31 Pagkatapos, kukunin niya ang lahat ng taba ng kambing katulad ng ginawa niya sa hayop na handog para sa mabuting relasyon. At susunugin niya sa altar ang taba at magiging mabangong samyo na handog at makalulugod sa Panginoon. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, ang taoʼy matutubos at patatawarin siya ng Panginoon.

32 Kung tupa naman ang ihahandog ng tao para maging malinis siya sa kanyang kasalanan, kinakailangang itoʼy babaeng tupa na walang kapintasan. 33 Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng tupa at papatayin sa Tolda sa patayan ng mga hayop na handog na sinusunog. 34 Ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo ng tupa at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar na pinagsusunugan ng handog na sinusunog. Ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar. 35 Pagkatapos, kukunin niya ang lahat ng taba ng tupa katulad ng ginawa niya sa tupang handog para sa mabuting relasyon. At susunugin niya ang taba sa altar pati na ang iba pang mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang mga kasalanan at patatawarin siya ng Panginoon.

Kung ang isang taoʼy ipinatawag sa hukuman para sumaksi sa pangyayaring kanyang nakita o nalalaman, at siyaʼy tumanggi, may pananagutan siya. Kung may nakahipo ng anumang bagay na itinuturing na marumi, katulad ng mga patay na hayop na marumi,[b] siyaʼy nagkasala at naging marumi[c] kahit hindi niya alam na nakahipo siya. Kung siyaʼy nakahipo ng mga maruming bagay ng tao,[d] kahit hindi niya alam na siyaʼy naging marumi, ituturing pa ring nagkasala siya kapag nalaman niya. Kung ang isang tao ay nanumpa nang pabigla-bigla, mabuti man o masama ang isinumpa niya, siyaʼy nagkasala kapag nalaman niya ang kanyang ginawa. Kapag nalaman ng isang tao na nagkasala siya ng alinman sa mga nabanggit, kinakailangang ipahayag niya ang kanyang kasalanan. At bilang kabayaran sa kasalanang nagawa niya, maghahandog siya sa Panginoon ng babaeng tupa o kambing bilang handog sa paglilinis. Ihahandog ito ng pari para matubos siya sa kanyang kasalanan.

Pero kung hindi niya kayang maghandog ng tupa, maghahandog siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato bilang kabayaran sa kanyang kasalanan. Ang isaʼy bilang handog sa paglilinis at ang isaʼy bilang handog na sinusunog. Dadalhin niya ito sa pari at ang unang ihahandog ng pari ay ang handog sa paglilinis. Pipilipitin ng pari ang leeg ng ibon pero hindi ito puputulin. At ang dugo nitoʼy iwiwisik niya sa paligid ng altar, at ang natitirang dugo ay ibubuhos sa ilalim ng altar. Ito ang handog sa paglilinis. 10 Ihahandog din ng pari ang isa pang handog na sinusunog ayon sa paraan ng paghahandog nito. Ganito ang paraan na gagawin ng pari para matubos ang tao sa kanyang kasalanan at patatawarin siya ng Panginoon.

11 Pero kung hindi niya kayang maghandog ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato, maghahandog na lang siya ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina. Huwag niyang lalagyan ng langis at insenso dahil itoʼy handog sa paglilinis at hindi handog ng pagpaparangal. 12 Dadalhin niya ito sa pari at babawasan ng pari ng isang dakot bilang pag-alaala sa Panginoon. Ang isang dakot na iyon ay susunugin niya sa altar pati ang iba pang mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Ito ang handog sa paglilinis. 13 Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matubos ang tao sa anumang kasalanang nagawa niya at patatawarin siya ng Panginoon. Ang natirang handog na harina ay sa pari na, gaya ng ginagawa sa handog ng pagpaparangal.

Ang Handog na Pambayad ng Kasalanan

14 Ibinigay din ng Panginoon ang utos na ito kay Moises:

15 Kapag ang taoʼy lumabag sa utos ng Panginoon dahil sa hindi niya ibinigay ang anumang nauukol para sa Panginoon, kahit hindi niya sinasadya, kailangang maghandog siya ng lalaking tupa na walang kapintasan bilang kabayaran sa kanyang kasalanan. Maaari rin niyang bayaran ng pilak na katumbas ng halaga ng lalaking tupa ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. Itoʼy handog na pambayad ng kasalanan.[e] 16 Kinakailangan niyang bayaran ang hindi niya naibigay na nauukol sa Panginoon, at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halagang hindi niya naibigay. Ibibigay niyang lahat ito sa paring maghahandog ng tupa bilang handog na pambayad ng kanyang kasalanan at patatawarin siya ng Panginoon.

17 Kung may tao namang lumabag sa utos ng Panginoon nang hindi niya alam, siyaʼy nagkasala pa rin at may pananagutan sa Panginoon. 18-19 Kung alam na niyang nagkasala siya, kinakailangang magdala siya sa pari ng lalaking tupa na walang kapintasan na ihahandog niya bilang pambayad sa kanyang kasalanan. Maaari rin niyang bayaran ng pilak na katumbas ng halaga ng lalaking tupa ayon sa bigat ng pilak sa timbangan na ginagamit ng mga pari. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang kasalanang hindi sinasadya at patatawarin siya ng Panginoon.

Footnotes

  1. 4:11-12 lamang-loob: o, dumi.
  2. 5:2 hayop na marumi: Ang ibig sabihin, hayop na ipinagbabawal kainin o ihandog sa Panginoon. Tingnan ang kabanata 11.
  3. 5:2 naging marumi: Ang ibig sabihin, hindi siya maaaring makilahok sa kanilang seremonyang pangrelihiyon.
  4. 5:3 maruming … tao: Tingnan ang kabanata 12-15.
  5. 5:15 handog na … kasalanan: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.

Ang Pagbabalik ni Jesus sa Mundo(A)

29 “Pagkatapos ng mga araw na iyon ng matinding kahirapan, magdidilim ang araw, hindi na magliliwanag ang buwan, at mahuhulog ang mga bituin mula sa langit. Ang mga bagay[a] sa kalawakan ay mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas. 30 Pagkatapos, makikita sa langit ang tanda ng aking pagbabalik, at maghihinagpis ang lahat ng tao sa mundo dahil dito. At makikita nila ako na Anak ng Tao na dumarating na mula sa ulap na taglay ang kapangyarihan at kaluwalhatian.[b] 31 Sa malakas na tunog ng trumpeta ay ipapadala ko ang aking mga anghel sa lahat ng lugar sa mundo upang tipunin ang aking mga pinili.”

Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(B)

32 “Unawain ninyo ang aral na ito mula sa puno ng igos: Kapag nagkakadahon na ang mga sanga nito, alam ninyong malapit na ang tag-init. 33 Ganoon din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang lahat ng sinasabi kong ito sa inyo, malalaman ninyong malapit na akong dumating. 34 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, matutupad ang lahat ng ito bago mawala ang henerasyong ito. 35 Ang langit at ang lupa ay maglalaho, ngunit ang mga salita ko ay mananatili magpakailanman.”[c]

Walang Taong Nakakaalam Kung Kailan Babalik si Jesus(C)

36 “Tungkol sa araw o oras ng aking pagbabalik, walang nakakaalam nito, kahit ang mga anghel sa langit o ako mismo na Anak ng Dios. Ang Ama lang ang nakakaalam nito. 37 Kung ano ang mga ginawa ng mga tao noong kapanahunan ni Noe ay ganoon din ang gagawin ng mga tao sa pagdating ko na Anak ng Tao. 38 Nang mga araw na iyon, bago bumaha, ang mga taoʼy nagsisikain, nag-iinuman, at nagsisipag-asawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko. 39 Wala silang kaalam-alam sa mangyayari hanggang sa dumating ang baha at nalunod silang lahat. Ganyan din ang mangyayari sa pagdating ko na Anak ng Tao. 40 Sa araw na iyon, kung may dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid; maaaring kukunin ang isa at iiwan ang isa. 41 At kung may dalawang babaeng nagtatrabaho sa gilingan, maaaring kukunin ang isa at iiwan ang isa. 42 Kaya maging handa kayong lagi, dahil hindi ninyo alam ang araw o oras ng pagdating ng inyong Panginoon. 43 Tandaan ninyo ito: kung alam ng isang tao kung anong oras sa gabi darating ang magnanakaw, magbabantay siya at hindi niya hahayaang pasukin ng magnanakaw ang kanyang bahay. 44 Kaya maging handa rin kayo, dahil ako na Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.”

Ang Tapat at ang Hindi Tapat na Utusan(D)

45 “Ang tapat at matalinong alipin ang siyang pinamamahala ng kanyang amo sa mga kapwa niya alipin. Siya ang nagbibigay sa kanila ng pagkain nila sa tamang oras. 46 Mapalad ang aliping iyon kapag nadatnan siya ng amo niya na gumagawa ng kanyang tungkulin. 47 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, pamamahalain siya ng kanyang amo sa lahat ng mga ari-arian nito. 48 Ngunit kawawa ang masamang alipin na nag-aakalang matatagalan pa ang pagbabalik ng kanyang amo, 49 kaya habang wala ang kanyang amo ay pagmamalupitan niya ang ibang mga utusan, makikisalo at makikipag-inuman sa mga lasenggo. 50 Darating ang kanyang amo sa araw o oras na hindi niya inaasahan, 51 at parurusahan siya nang matindi. Isasama siya sa mga mapagkunwari, at doon ay iiyak siya at magngangalit ang kanyang ngipin.”[d]

Read full chapter

Footnotes

  1. 24:29 mga bagay: sa literal, mga kapangyarihan.
  2. 24:30 kaluwalhatian: o, kapangyarihang nagniningning.
  3. 24:35 mananatili magpakailanman: Ang ibig sabihin, tiyak na matutupad.
  4. 24:51 magngangalit ang kanyang ngipin: Maaaring dahil sa galit o hinagpis.