Add parallel Print Page Options

Anak ko, huwag mong kalimutan ang aking kautusan; kundi ingatan ng iyong puso ang aking mga utos:

Sapagka't karamihan ng mga araw, at mga taon ng buhay, at kapayapaan, ay madadagdag sa iyo.

Huwag kang pabayaan ng kaawaan at katotohanan: itali mo sa palibot ng iyong leeg; ikintal mo sa iyong puso:

Sa gayo'y makakasumpong ka ng lingap at mabuting kaunawaan, sa paningin ng Dios at ng tao.

Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan:

Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas.

Huwag kang magpakapantas sa iyong sariling mga mata; matakot ka sa Panginoon, at humiwalay ka sa kasamaan:

Magiging kagalingan sa iyong pusod, at utak sa iyong mga buto.

Parangalin mo ang Panginoon ng iyong tinatangkilik, at ng mga unang bunga ng lahat mong ani:

10 Sa gayo'y mapupuno ang iyong mga kamalig ng sagana, at ang iyong mga alilisan ay aapawan ng bagong alak.

11 Anak ko, huwag mong hamakin ang parusa ng Panginoon; ni mayamot man sa kaniyang saway:

12 Sapagka't sinasaway ng Panginoon ang kaniyang iniibig: gaya ng ama sa anak na kaniyang kinaluluguran.

13 Mapalad ang tao na nakakasumpong ng karunungan, at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan.

14 Sapagka't ang kalakal niya ay maigi kay sa kalakal na pilak, at ang pakinabang niyaon kay sa dalisay na ginto.

15 Mahalaga nga kay sa mga rubi; at wala sa mga bagay na mananasa mo sa maihahalintulad sa kaniya,

16 Karamihan ng mga araw ay nasa kanang kamay niya, sa kaniyang kaliwang kamay ay mga kayamanan at karangalan.

17 Ang kaniyang mga daan ay mga daan ng kaligayahan, at lahat niyang mga landas ay kapayapaan.

18 Siya ay punong kahoy ng buhay sa mga nanghahawak sa kaniya: at mapalad ang bawa't isa na nangamamalagi sa kaniya.

19 Nilikha ng Panginoon ang lupa sa pamamagitan ng karunungan; itinatag niya ang langit sa pamamagitan ng kaunawaan.

20 Sa kaniyang kaalaman ay nabahagi ang mga kalaliman, at ang mga alapaap ay nagsipatak ng hamog.

21 Anak ko, huwag silang mangahiwalay sa iyong mga mata; ingatan mo ang magaling na karunungan at ang kabaitan;

22 Sa gayo'y magiging buhay sila sa iyong kaluluwa, at biyaya sa iyong leeg.

23 Kung magkagayo'y lalakad ka ng iyong lakad na tiwasay, at ang iyong paa ay hindi matitisod.

24 Pagka ikaw ay nahihiga, hindi ka matatakot: Oo, ikaw ay mahihiga at ang iyong tulog ay magiging mahimbing.

25 Huwag kang matakot ng biglang pagkatakot, ni sa pagkabuwal man ng masama, pagka dumarating:

26 Sapagka't ang Panginoon ay magiging iyong pagtitiwala, at iingatan ang iyong paa sa pagkahuli.

27 Huwag mong ikait ang mabuti sa kinauukulan, pagka nasa kapangyarihan ng iyong kamay na ito'y gawin.

28 Huwag mong sabihin sa iyong kapuwa, Yumaon ka, at bumalik uli, at bukas ay magbibigay ako; pagka ikaw ay mayroon.

29 Huwag kang kumatha ng kasamaan laban sa iyong kapuwa, na palibhasa't tumatahang tiwasay sa siping mo.

30 Huwag kang makipagusapin sa kanino man ng walang kadahilanan, kung hindi siya gumawa ng kasamaan sa iyo.

31 Huwag kang managhili sa taong marahas, at huwag kang pumili ng anoman sa kaniyang mga lakad.

32 Sapagka't ang suwail ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang kaniyang payo ay kasama ng matuwid.

33 Ang sumpa ng Panginoon ay nasa bahay ng masama; nguni't pinagpapala niya ang tahanan ng matuwid.

34 Tunay na kaniyang dinuduwahagi ang mga mangduduwahagi, nguni't binibigyan niya ng biyaya ang mababa.

35 Ang pantas ay magmamana ng kaluwalhatian; nguni't kahihiyan ay magiging ganti sa mga mangmang.

'Kawikaan 3 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Payo sa mga Kabataang Lalaki

Anak ko, ang aral ko'y huwag mong kalimutan,
    kundi ang aking mga utos sa iyong puso'y ingatan;
sapagkat kahabaan ng araw at mga taon ng buhay,
    at kapayapaan, ang sa iyo'y kanilang ibibigay.

Huwag mong hayaang iwan ka ng kabaitan at katotohanan;
    itali mo ang mga ito sa palibot ng iyong leeg,
    isulat mo sa iyong puso.
Sa(A) gayo'y makakatagpo ka ng lingap at mabuting pangalan
    sa paningin ng Diyos at ng tao.
Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala,
    at huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa.
Sa lahat ng iyong mga lakad siya'y iyong kilalanin,
    at itutuwid niya ang iyong mga landasin.
Huwag(B) kang magpakapantas sa iyong sariling mga mata;
    matakot ka sa Panginoon, at sa kasamaan ay lumayo ka.
Ito'y magiging kagalingan sa laman mo,
    at kaginhawahan sa iyong mga buto.

Parangalan mo ang Panginoon mula sa iyong kayamanan,
    at ng mga unang bunga ng lahat mong ani;
10 sa gayo'y mapupuno nang sagana ang iyong imbakan,
    at aapawan ng bagong alak ang iyong mga sisidlan.

11 Anak(C) (D) ko, ang disiplina ng Panginoon ay huwag mong hamakin,
    at ang kanyang saway ay huwag mong itakuwil.
12 Sapagkat(E) sinasaway ng Panginoon ang kanyang minamahal,
    gaya ng ama sa anak na kanyang kinalulugdan.

Ang Tunay na Kayamanan

13 Mapalad ang tao na nakakasumpong ng karunungan,
    at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan.
14 Sapagkat ang pakinabang dito kaysa pilak ay mas mainam,
    at ang mapapakinabang dito ay higit kaysa gintong dalisay.
15 Kaysa mga alahas, siya ay mas mahalaga,
    at wala sa mga bagay na ninanasa mo ang maihahambing sa kanya.
16 Ang mahabang buhay ay nasa kanyang kanang kamay;
    sa kanyang kaliwang kamay ay mga yaman at karangalan.
17 Ang kanyang mga daan ay mga daan ng kaligayahan,
    at ang lahat niyang mga landas ay kapayapaan.
18 Siya'y punungkahoy ng buhay sa mga humahawak sa kanya;
    at mapalad ang lahat ng nakakapit sa kanya.

Ang Karunungan ng Diyos sa Paglikha

19 Itinatag ng Panginoon ang daigdig sa pamamagitan ng karunungan;
    itinayo niya ang mga langit sa pamamagitan ng kaunawaan.
20 Sa kanyang kaalaman ang mga kalaliman ay nabiyak,
    at nagpapatak ng hamog ang mga ulap.

Ang Tunay na Katiwasayan

21 Anak ko, huwag mong hayaang mawalay sa iyong mga mata,
    ingatan mo ang magaling na dunong at mabuting pagpapasiya,
22 at sila'y magiging buhay sa iyong kaluluwa,
    at sa iyong leeg ay magiging pampaganda.
23 Kung magkagayo'y tiwasay kang lalakad sa iyong daan,
    at ang iyong paa ay di matitisod kailanman.
24 Kapag ikaw ay nakahiga, hindi ka matatakot;
    kapag ika'y humimlay, magiging mahimbing ang iyong tulog.
25 Huwag kang matakot sa pagkasindak na bigla,
    o sa pagdating ng pagsalakay ng masama,
26 sapagkat ang Panginoon ang magiging iyong pagtitiwala,
    at iingatan mula sa pagkahuli ang iyong mga paa.
27 Huwag mong ipagkait ang mabuti sa kinauukulan,[a]
    kapag ito'y nasa kapangyarihang gawin ng iyong kamay.

28 Huwag mong sabihin sa iyong kapwa, “Humayo ka, at bumalik na lamang,
    at bukas ako magbibigay,” gayong mayroon ka naman.
29 Huwag kang magbalak ng masama laban sa iyong kapwa,
    na naninirahan sa tabi mo nang may pagtitiwala.
30 Huwag kang makipagtalo sa kanino man nang walang dahilan,
    kung hindi naman siya gumawa sa iyo ng kasamaan.
31 Huwag kang mainggit sa taong marahas,
    at huwag mong piliin ang anuman sa kanyang mga landas;
32 sapagkat sa Panginoon ang suwail ay kasuklamsuklam,
    ngunit ang matuwid ay kanyang pinagtitiwalaan.
33 Ang sumpa ng Panginoon ay nasa bahay ng masama;
    ngunit ang tahanan ng matuwid ay kanyang pinagpapala.
34 Sa(F) mga nanunuya siya ay mapanuya,
    ngunit sa mapagkumbaba ay nagbibigay siya ng biyaya.
35 Ang pantas ay magmamana ng kaluwalhatian,
    ngunit kahihiyan ang magiging ganti sa mga hangal.

Footnotes

  1. Mga Kawikaan 3:27 Sa Hebreo ay sa may-ari nito .

Dagdag na Kahalagahan ng Karunungan

Anak, huwag mong kalilimutan ang mga itinuturo ko sa iyo. Ingatan mo sa iyong puso ang mga iniuutos ko, sapagkat ito ang magpapahaba at magpapaunlad ng iyong buhay. Manatili kang mapagmahal at matapat; alalahanin mo itong lagi at itanim sa iyong isipan. Kapag ginawa mo ito, malulugod ang Dios pati na ang mga tao.

Magtiwala ka nang buong puso sa Panginoon at huwag kang manalig sa iyong sariling karunungan. Alalahanin mo ang Panginoon sa lahat ng iyong ginagawa at ituturo niya sa iyo ang tamang landas. Huwag mong isipin na napakarunong mo na. Matakot ka sa Panginoon, at huwag gumawa ng masama. Para iyon sa ikabubuti at ikalalakas ng iyong katawan. Parangalan mo ang Panginoon sa pamamagitan ng paghahandog sa kanya ng mga unang bunga ng iyong ani. 10 Kapag ginawa mo ito, mapupuno ng ani ang iyong mga bodega at aapaw ang inumin sa iyong mga sisidlan.

11 Anak, huwag mong mamasamain kapag itinatama ka ng Panginoon upang ituwid ang iyong pag-uugali. 12 Sapagkat itinutuwid ng Panginoon ang ugali ng kanyang mga minamahal, katulad ng ginagawa ng isang ama sa kanyang anak na kinalulugdan.

13 Mapalad ang taong may karunungan at pang-unawa. 14 Higit pa ito sa pilak at ginto, 15 at sa ano pa mang mga mamahaling bato. Walang anumang bagay ang maaaring ipantay dito. 16 Magpapahaba ito ng iyong buhay, magpapaunlad ng iyong kabuhayan at magbibigay sa iyo ng karangalan. 17 Ang karunungan ay magpapabuti ng iyong kalagayan. 18 Mapalad ang taong may karunungan, dahil magbibigay ito ng mabuti at mahabang buhay.

19-20 Sa pamamagitan ng karunungan, nilikha ng Panginoon ang lupa at ang langit, at bumukas ang mga bukal at mula sa mga ulap ay bumuhos ang ulan.

21 Anak, ingatan mo ang iyong karunungan at kaalaman sa pagpapasya ng tama. Huwag mong hayaang mawala ito sa iyo. 22 Sapagkat ito ang magbibigay sa iyo ng mahaba at magandang buhay. 23 Mabubuhay kang ligtas sa anumang kapahamakan. 24 Makakatulog ka nang mahimbing at walang kinakatakutan. 25 Hindi ka dapat matakot kung biglang dumating ang mga pangyayaring nakakatakot o kung lilipulin na ang masasama, 26 dahil makakaasa ka na babantayan ka ng Panginoon at ilalayo sa kapahamakan.

27 Hanggaʼt makakaya mo, tulungan mo ang mga dapat tulungan. 28 Huwag mo nang ipagpabukas pa, kung kaya mo naman silang tulungan ngayon.

29 Huwag mong pagplanuhan ng masama ang kapitbahay mo na nagtitiwala sa iyo.

30 Huwag kang makipagtalo sa kapwa mo nang walang sapat na dahilan, lalo na kung wala naman siyang ginawang masama sa iyo.

31 Huwag kang mainggit sa taong malupit o gayahin ang kanyang mga ginagawa. 32 Sapagkat nasusuklam ang Panginoon sa mga taong baluktot ang pag-iisip, ngunit nagtitiwala siya sa mga namumuhay nang matuwid.

33 Isinusumpa ng Panginoon ang sambahayan ng masasama, ngunit pinagpapala niya ang sambahayan ng mga matuwid.

34 Hinahamak niya ang mga nanghahamak ng kapwa, ngunit binibiyayaan niya ang mga mapagpakumbaba.

35 Ang mga marunong ay pararangalan, ngunit ang mga hangal ay ilalagay sa kahihiyan.