Add parallel Print Page Options

29 Ang taong ayaw magbago kahit palaging sinasaway ay bigla na lang mapapahamak at hindi na makakabangon pa.
Kapag matutuwid ang namamahala, nagdiriwang ang madla. Ngunit kapag ang nangunguna ay masama, silaʼy lumuluha.
Ang naghahangad ng karunungan ay nagdudulot ng tuwa sa magulang. Ang nakikisama sa babaeng bayaran ay nagwawaldas ng kayamanan.
Kapag ang layunin ng hari ay katarungan, pinatatatag niya ang kanyang kaharian, ngunit kapag ang layunin niya ay humingi ng suhol, winawasak niya ang kanyang kaharian.
Ang taong nagkukunwaring pumupuri sa kanyang kapwa ay may pinaplanong masama.
Ang taong masama ay mahuhuli sa sarili niyang kasalanan, ngunit ang matuwid ay aawit nang may kagalakan.
Kinikilala ng taong matuwid ang karapatan ng mahihirap, ngunit hindi ito maunawaan ng taong masama.
Ang mga taong nangungutya ay nagpapasimula ng gulo sa mga bayan, ngunit ang matatalino ang nagpapatigil nito.
Kapag inihabla ng marunong ang hangal ay wala ring kahihinatnan, dahil hindi titigil ang hangal sa pagdadaldal at panunuya.
10 Kinamumuhian at gustong patayin ng mamamatay-tao ang mga taong namumuhay nang matuwid at walang kapintasan.
11 Ang taong hangal ay hindi makapagpigil sa kanyang galit, ngunit ang taong marunong ay nakapagpipigil ng kanyang sarili.
12 Kapag ang pinuno ay naniniwala sa kasinungalingan, lahat ng lingkod niyaʼy mabubuyo sa kasamaan.
13 Ang mahirap at ang mapang-api ay parehong binigyan ng Panginoon ng paningin.
14 Kapag ang hari ay makatarungan sa mga mahihirap, paghahari niyaʼy magtatagal.
15 Ang pagpalo sa bata upang siya ay ituwid ay makapagtuturo sa kanya ng karunungan, ngunit kung pababayaan lang siya, makapagbibigay siya ng kahihiyan sa kanyang magulang.
16 Kapag masama ang namumuno, nadadagdagan ang kasamaan. Ngunit sila ay mapapahamak at makikita ito ng mga matuwid.
17 Disiplinahin mo ang iyong anak at bibigyan ka niya ng kapayapaan at kaligayahan.
18 Kapag tinanggihan ng isang bansa ang turo at gabay ng Dios, wala itong kapayapaan. Mapalad ang mga taong sumusunod sa turo ng Dios.
19 May mga utusan na hindi mo maturuan sa pamamagitan lamang ng salita, sapagkat kahit nauunawaan ka nila, hindi sila nakikinig.
20 Mas mabuti pa ang kahihinatnan ng mangmang kaysa sa taong pabigla-biglang magsalita.
21 Kung mula pagkabata ng iyong utusan ay sinusunod mo ang layaw niya, sa huli ay magiging problema mo siya.
22 Ang taong madaling magalit ay nagpapasimula ng gulo, at palaging nagkakasala.
23 Ang kayabangan ng tao ang magbibigay sa kanya ng kahihiyan, ngunit ang pagpapakumbaba ang magbibigay sa kanya ng karangalan.
24 Ang taong nakikipagsabwatan sa magnanakaw ay ipinapahamak ang kanyang sarili. Kahit na pasumpain siya na magsabi ng totoo ay hindi pa rin magsasabi.
25 Mapanganib kung tayo ay matatakutin.[a] Ngunit kung magtitiwala tayo sa Panginoon ay ligtas tayo.
26 Maraming lumalapit sa pinuno upang humingi ng pabor, ngunit tanging ang Panginoon lang ang makapagbibigay ng katarungan.
27 Kinasusuklaman ng mga matuwid ang masasama, at kinasusuklaman din naman ng masasama ang mga matuwid.

Footnotes

  1. 29:25 matatakutin: o, natatakot sa tao.

29 Ang madalas na sawayin ngunit ang ulo ay matigas,
    ay biglang mababali, at wala nang lunas.
Kapag ang matutuwid ay namamahala, ang bayan ay nagsasaya,
    ngunit kapag ang masama ay namumuno, ang bayan ay nagbubuntong-hininga.
Ang umiibig sa karunungan ay nagpapasaya sa kanyang ama;
    ngunit ang nakikisama sa upahang babae[a] ay sumisira ng kayamanan niya.
Pinatatatag ng hari ang lupain sa pamamagitan ng katarungan;
    ngunit ginigiba ito ng humihingi ng suhol na sapilitan.
Ang taong kunwari'y pumupuri sa kanyang kapwa,
    ay naglalatag ng lambat sa kanyang mga paa.
Ang masamang tao'y nasisilo sa kanyang pagsalangsang,
    ngunit ang taong matuwid ay umaawit at nagdiriwang.
Alam ng matuwid ang karapatan ng dukha;
    ngunit ang gayong kaalaman ay di nauunawaan ng masama.
Ang mga manlilibak ang sa isang lunsod ay tumutupok,
    ngunit ang matatalinong tao ay nag-aalis ng poot.
Kung ang pantas ay magkaroon ng pakikipagtalo sa isang hangal,
    magagalit lamang o tatawa ang hangal, at hindi magkakaroon ng katahimikan.
10 Ang mga taong uhaw sa dugo ay namumuhi sa walang sala,
    at ang buhay ng matuwid ay hinahabol nila.
11 Inihihinga ng hangal ang kanyang buong galit,
    ngunit ang matalino ay nagpipigil nang tahimik.
12 Kung ang pinuno ay nakikinig sa kasinungalingan,
    magiging masasama ang lahat niyang tauhan.
13 Ang dukha at ang nang-aapi ay nagkakasalubong,
    ang mga mata nilang pareho ay pinagliliwanag ng Panginoon.
14 Kung ang hari ay humahatol sa dukha nang may katarungan,
    ang kanyang trono ay matatatag magpakailanman.
15 Ang pamalo at saway ay nagbibigay ng karunungan,
    ngunit ang batang pinababayaan, sa kanyang ina ay nagbibigay-kahihiyan.
16 Kapag ang masama ay nanunungkulan, dumarami ang pagsalangsang,
    ngunit pagmamasdan ng matuwid ang kanilang pagkabuwal.
17 Supilin mo ang iyong anak, at bibigyan ka niya ng kapahingahan;
    ang iyong puso ay bibigyan niya ng kasiyahan.
18 Kung saan walang pangitain, nagpapabaya ang taong-bayan,
    ngunit mapalad ang sumusunod sa kautusan.
19 Ang alipin ay hindi masasaway ng mga salita lamang,
    sapagkat kahit nauunawaan niya ay hindi niya papakinggan.
20 Nakikita mo ba ang tao na padalus-dalos sa kanyang mga salita?
    May pag-asa pa ang hangal kaysa kanya.
21 Siyang nag-aaruga sa kanyang lingkod mula sa pagkabata,
    sa bandang huli ay magiging kanyang tagapagmana.
22 Ang taong magagalitin ay lumilikha ng away,
    at ang mainitin ang ulo ay sanhi ng maraming pagsuway.
23 Ang kapalaluan ng tao ang sa kanya'y magpapababa,
    ngunit magtatamo ng karangalan ang may mapagpakumbabang diwa.
24 Ang kasamahan ng magnanakaw ay namumuhi sa kanyang buhay;
    naririnig niya ang sumpa, ngunit walang ipinaaalam.
25 Ang takot sa tao ay naglalatag ng bitag,
    ngunit ang nagtitiwala sa Panginoon ay maliligtas.
26 Marami ang humahanap ng lingap ng isang tagapamahala,
    ngunit ang katarungan ay sa Panginoon makukuha.
27 Ang masamang tao ay karumaldumal sa matuwid;
    at ang matuwid sa kanyang lakad ay karumaldumal sa masama.

Footnotes

  1. Mga Kawikaan 29:3 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw .
'Kawikaan 29 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.