Add parallel Print Page Options

27 Huwag mong ipagyabang ang gagawin mo bukas, sapagkat hindi mo alam kung anong mangyayari sa araw na iyon.
Huwag mong purihin ang iyong sarili; pabayaan mong iba ang sa iyo ay pumuri.
Ang buhangin at bato ay mabigat, pero mas mabigat na problema ang idudulot ng taong hangal.
Mapanganib ang taong galit, ngunit ang taong seloso ay higit na mapanganib.
Mas mabuti ang pagsaway na hayagan, kaysa sa pag-ibig na hindi ipinapaalam.
Ang masakit na pagsaway ng isang kaibigan ay may katuturan, ngunit ang halik ng kaaway ay hindi maaasahan.
Kahit pulot ay tinatanggihan ng taong busog, ngunit sa taong gutom kahit pagkaing mapait ay matamis para sa kanya.
Ang taong lumayas sa kanyang bahay ay parang ibong lumayas sa kanyang pugad.
Ang langis at pabango ay gaya ng tapat na payo ng isang kaibigan na nagdudulot ng kaligayahan.
10 Huwag mong pababayaan ang iyong kaibigan o ang kaibigan ng iyong ama. At kung nasa kagipitan ka, hindi ka na hihingi ng tulong sa kapatid mo na nasa malayo. Ang malapit na kapitbahay ay mas mabuti kaysa sa malayong kapatid.
11 Anak, magpakatalino ka upang ako ay maging maligaya, at para may maisagot ako sa nagpapahiya sa akin.
12 Ang taong marunong ay umiiwas sa paparating na panganib, ngunit ang taong hangal ay sumusuong sa panganib, kaya siya ay napapahamak.
13 Tiyakin mong makakuha ng garantiya sa sinumang nangakong managot sa utang ng hindi mo kilala, upang matiyak mong mababayaran ka.
14 Kapag ginambala mo ng pasigaw na pagbati ang iyong kaibigan sa umaga, ituturing niya iyong sumpa sa kanya.
15 Ang asawang bungangera ay parang tumutulong bubungan sa panahon ng tag-ulan.
16 Hindi siya mapatigil, tulad ng hanging hindi mapigilan o kaya ng langis na hindi mahawakan.
17 Kung paanong pinatatalas ng bakal ang kapwa-bakal, ang tao namaʼy matututo sa kanyang kapwa-tao.
18 Kapag inalagaan mo ang puno ng igos, makakakain ka ng bunga nito. Ganoon din kapag amo moʼy iyong pinagmamalasakitan, ikaw naman ay kanyang pararangalan.
19 Kung paanong ang mukha ng tao ay naaaninaw sa tubig, ang pagkatao naman ay makikita sa iyong puso.
20 Ang kapahamakan at kamatayan ay walang kasiyahan, gayon din ang hangarin ng tao.
21 Pilak at ginto sa apoy sinusubok, ang tao naman ay nasusubok sa pamamagitan ng papuring kanyang natatanggap.
22 Tadtarin mo man ng parusa ang taong hangal, ang kahangalan niya ay hindi mo pa rin maiaalis sa kanya.
23 Mga hayop mo ay iyong alagaan at bantayang mabuti ang iyong kawan.
24 Sapagkat ang kayamanan at kapangyarihan ay hindi mamamalagi magpakailanman.
25 Putulin ang mga damo; at habang hinihintay ang muling pagtubo nito, putulin din ang mga damo sa kabundukan, upang may pagkain ang iyong kawan.
26 Mula sa balahibo ng mga tupa ay makakagawa ka ng kasuotan, at maipagbibili mo ang iba mong mga kambing upang may pambili ka ng kabukiran.
27 Mula sa mga kambing, makakakuha ka ng maraming gatas na sapat sa pangangailangan ng iyong pamilya at mga babaeng utusan.

28 Tumatakbo ang masama kahit walang humahabol, ngunit ang matuwid ay matapang tulad ng leon.
Kapag ang isang bansa ay makasalanan, madalas nilang palitan ang kanilang pinuno. Ngunit kung may karunungan at pang-unawa ang kanilang pinuno, matatag ang kalagayan ng kanilang bayan.
Ang taong mahirap na ginigipit ang kapwa mahirap ay tulad ng malakas na ulan na sumisira sa pananim.
Pinupuri ng masama ang mga taong lumalabag sa utos, ngunit ang sumusunod dito, kinakalaban ang masama.
Hindi maintindihan ng masasama ang katarungan, ngunit lubos itong nauunawaan ng mga lumalapit sa Panginoon.
Mas mabuti pa ang mahirap na namumuhay nang matuwid kaysa sa mayaman na namumuhay sa kasalanan.
Ang matalinong anak ay sumusunod sa mga Kautusan, ngunit ang anak na bumabarkada sa mga pasaway,[a] mga magulang ang pinapahiya.
Kung yumaman ka sa pamamagitan ng patubuan, ang iyong kayamanan ay mapupunta sa matulungin sa mga nangangailangan.
Ang taong hindi sumusunod sa Kautusan, kahit panalangin niya ay kasusuklaman ng Dios.
10 Ang taong inililigaw ang matuwid para magkasala ay mabibiktima ng sarili niyang mga pakana. Ngunit ang taong namumuhay nang matuwid ay tatanggap ng maraming kabutihan.
11 Iniisip ng mayayaman na napakarunong na nila, ngunit alam ng taong mahirap na may pang-unawa kung anong klaseng tao talaga sila.
12 Kapag matuwid ang namumuno nagdiriwang ang mga tao, ngunit kapag ang pumalit ay masama, mga taoʼy nagtatago.
13 Hindi ka uunlad kung hindi mo ipapahayag ang iyong mga kasalanan, ngunit kung ipapahayag mo ito at tatalikdan, kahahabagan ka ng Dios.
14 Mapalad ang taong laging may paggalang sa Panginoon, ngunit mapapahamak ang taong matigas ang ulo.
15 Panganib sa mahihirap ang masamang pinuno gaya ng mabangis na leon at osong naghahanap ng mabibiktima.
16 Ang pinunong walang pang-unawa ay lubhang malupit.
    Hahaba naman ang buhay ng pinuno na sa kasakiman ay galit.
17 Ang taong hindi pinatatahimik ng kanyang budhi dahil sa pagpatay sa kanyang kapwa ay tatakas kahit saan hanggang sa siya ay mamatay. Huwag ninyo siyang tulungan.
18 Ang taong namumuhay nang matuwid ay ligtas sa kapahamakan, ngunit ang taong namumuhay sa maling pamamaraan ay bigla na lamang mapapahamak.
19 Ang masipag na magsasaka ay sasagana sa pagkain, ngunit maghihirap ang taong nag-aaksaya ng oras niya.
20 Ang taong tapat ay sasagana sa pagpapala, ngunit ang taong nagmamadaling yumaman ay parurusahan.
21 Hindi mabuti ang may kinikilingan, ngunit may mga gumagawa nito dahil sa kaunting suhol.
22 Nagmamadaling yumaman ang taong sa pera ay gahaman, ngunit ang hindi niya alam patungo pala siya sa kahirapan.
23 Pasasalamatan ka pa ng tao sa huli kapag sinaway mo siya ng tapat kaysa panay ang papuri mo sa kanya kahit hindi nararapat.
24 Ang taong nagnanakaw sa magulang at sasabihing hindi iyon kasalanan ay kasamahan ng mga kriminal.
25 Ang taong sakim ay nagpapasimula ng kaguluhan, ngunit ang taong nagtitiwala sa Panginoon ay magtatamo ng kasaganaan.
26 Hangal ang taong nagtitiwala sa kanyang sariling kakayahan. Ang taong namumuhay na may karunungan ay ligtas sa kapahamakan.
27 Ang taong mapagbigay sa mahihirap ay hindi kukulangin, ngunit ang nagbubulag-bulagan ay makakatanggap ng mga sumpa.
28 Kapag masama ang mga pinuno, mga tao ay nagtatago. Ngunit kapag namatay sila, ang matutuwid ang mamumuno.

29 Ang taong ayaw magbago kahit palaging sinasaway ay bigla na lang mapapahamak at hindi na makakabangon pa.
Kapag matutuwid ang namamahala, nagdiriwang ang madla. Ngunit kapag ang nangunguna ay masama, silaʼy lumuluha.
Ang naghahangad ng karunungan ay nagdudulot ng tuwa sa magulang. Ang nakikisama sa babaeng bayaran ay nagwawaldas ng kayamanan.
Kapag ang layunin ng hari ay katarungan, pinatatatag niya ang kanyang kaharian, ngunit kapag ang layunin niya ay humingi ng suhol, winawasak niya ang kanyang kaharian.
Ang taong nagkukunwaring pumupuri sa kanyang kapwa ay may pinaplanong masama.
Ang taong masama ay mahuhuli sa sarili niyang kasalanan, ngunit ang matuwid ay aawit nang may kagalakan.
Kinikilala ng taong matuwid ang karapatan ng mahihirap, ngunit hindi ito maunawaan ng taong masama.
Ang mga taong nangungutya ay nagpapasimula ng gulo sa mga bayan, ngunit ang matatalino ang nagpapatigil nito.
Kapag inihabla ng marunong ang hangal ay wala ring kahihinatnan, dahil hindi titigil ang hangal sa pagdadaldal at panunuya.
10 Kinamumuhian at gustong patayin ng mamamatay-tao ang mga taong namumuhay nang matuwid at walang kapintasan.
11 Ang taong hangal ay hindi makapagpigil sa kanyang galit, ngunit ang taong marunong ay nakapagpipigil ng kanyang sarili.
12 Kapag ang pinuno ay naniniwala sa kasinungalingan, lahat ng lingkod niyaʼy mabubuyo sa kasamaan.
13 Ang mahirap at ang mapang-api ay parehong binigyan ng Panginoon ng paningin.
14 Kapag ang hari ay makatarungan sa mga mahihirap, paghahari niyaʼy magtatagal.
15 Ang pagpalo sa bata upang siya ay ituwid ay makapagtuturo sa kanya ng karunungan, ngunit kung pababayaan lang siya, makapagbibigay siya ng kahihiyan sa kanyang magulang.
16 Kapag masama ang namumuno, nadadagdagan ang kasamaan. Ngunit sila ay mapapahamak at makikita ito ng mga matuwid.
17 Disiplinahin mo ang iyong anak at bibigyan ka niya ng kapayapaan at kaligayahan.
18 Kapag tinanggihan ng isang bansa ang turo at gabay ng Dios, wala itong kapayapaan. Mapalad ang mga taong sumusunod sa turo ng Dios.
19 May mga utusan na hindi mo maturuan sa pamamagitan lamang ng salita, sapagkat kahit nauunawaan ka nila, hindi sila nakikinig.
20 Mas mabuti pa ang kahihinatnan ng mangmang kaysa sa taong pabigla-biglang magsalita.
21 Kung mula pagkabata ng iyong utusan ay sinusunod mo ang layaw niya, sa huli ay magiging problema mo siya.
22 Ang taong madaling magalit ay nagpapasimula ng gulo, at palaging nagkakasala.
23 Ang kayabangan ng tao ang magbibigay sa kanya ng kahihiyan, ngunit ang pagpapakumbaba ang magbibigay sa kanya ng karangalan.
24 Ang taong nakikipagsabwatan sa magnanakaw ay ipinapahamak ang kanyang sarili. Kahit na pasumpain siya na magsabi ng totoo ay hindi pa rin magsasabi.
25 Mapanganib kung tayo ay matatakutin.[b] Ngunit kung magtitiwala tayo sa Panginoon ay ligtas tayo.
26 Maraming lumalapit sa pinuno upang humingi ng pabor, ngunit tanging ang Panginoon lang ang makapagbibigay ng katarungan.
27 Kinasusuklaman ng mga matuwid ang masasama, at kinasusuklaman din naman ng masasama ang mga matuwid.

Footnotes

  1. 28:7 pasaway: o, palakain.
  2. 29:25 matatakutin: o, natatakot sa tao.