Add parallel Print Page Options

19 Mas mabuti pa ang mahirap na namumuhay nang matuwid kaysa sa hangal na sinungaling.
Maging masigasig ka man ngunit walang nalalaman, wala rin itong kabuluhan. Kapag ikaw naman ay pabigla-bigla madali kang magkakasala.
Kamangmangan ng tao ang nagpapahamak sa kanyang sarili, at pagkatapos sa Panginoon ibinabaling ang sisi.
Ang mayaman ay maraming kaibigan, ngunit ang mahirap namaʼy iniiwanan ng kaibigan.
Ang saksing sinungaling ay parurusahan, at ang nagsisinungaling ay hindi makakatakas sa kaparusahan.
Marami ang lumalapit sa pinunong mabait, at sa mapagbigay ang lahat ay nakikipagkaibigan.
Ang mahihirap ay iniiwasan ng mga kamag-anak, at lalo na ng mga kaibigan. Kapag sila ay kailangan hindi sila matagpuan.
Ang taong nagsisikap na magkaroon ng karunungan ay nagmamahal sa sarili, at ang nagpapahalaga sa pang-unawa ay uunlad.
Ang hindi tapat na saksi ay parurusahan, at ang sinumang nagsisinungaling ay mapapahamak.
10 Hindi bagay sa taong mangmang ang mamuhay sa karangyaan, at mas lalong hindi bagay sa isang alipin ang mamuno sa mga pinuno.
11 Kung ikaw ay mahinahon, nagpapakita lang na marunong ka. At kung pinapatawad mo ang nagkasala sa iyo, makapagdudulot ito ng karangalan sa iyo.
12 Ang galit ng hari ay parang atungal ng leon, ngunit ang kanyang kabutihan ay tulad ng hamog na bumabasa sa mga halaman.
13 Ang anak na hangal ay nagdudulot ng kapahamakan sa kanyang ama. Ang bungangerang asawa ay nakakainis tulad ng tulo sa bubungan.
14 Bahay at kayamanan sa magulang ay namamana, ngunit ang Panginoon lang ang nagbibigay ng matalinong asawa.
15 Kung ikaw ay tamad at tulog lang nang tulog, magugutom ka.
16 Mabubuhay nang matagal ang taong sumusunod sa utos ng Dios, ngunit ang hindi sumusunod ay mamamatay.
17 Kapag tumutulong ka sa mahirap, para kang nagpapautang sa Panginoon, dahil ang Panginoon ang magbabayad sa iyo.
18 Ituwid mo ang iyong anak habang may panahon pa. Kung hindi mo siya itutuwid, ikaw na rin ang nagpahamak sa kanya.
19 Hayaan mong maparusahan ang taong magagalitin, dahil kapag tinulungan mo siya, uulit-ulitin lang niya ang kanyang ginagawa.
20 Dinggin mo at sundin ang mga payo at pagtutuwid sa iyong pag-uugali, at sa bandang huli ay magiging marunong ka.
21 Marami tayong mga pinaplano, ngunit ang kalooban pa rin ng Panginoon ang masusunod.
22 Ang gusto natin sa isang tao ay matapat.[a] Mas mabuti pang maging mahirap kaysa maging sinungaling.
23 Ang pagkatakot sa Panginoon ay magdudulot ng mahabang buhay, kasapatan, at kaligtasan sa kapahamakan.
24 May mga taong sobrang batugan kahit ang kumain ay kinatatamaran.
25 Ang mapanuya ay dapat parusahan para ang mga katulad niya ay matuto na maging marunong. Ang nakakaunawa ay lalong magiging marunong kapag pinagsasabihan.
26 Kahiya-hiya ang anak na malupit sa kanyang ama at pinapalayas ang kanyang ina.
27 Anak, kung hindi ka makikinig sa mga pangaral para maituwid ang iyong pag-uugali, tinatanggihan mo ang mga turo na nagbibigay ng karunungan.
28 Ang sinungaling na saksi ay pinapawalang-kabuluhan ang katarungan, at ang bibig ng masama ay nalulugod sa pagpapahayag ng kasamaan.
29 Sa mga mapanuya ay may hatol na nakalaan, at hagupit naman ang nakahanda para sa mga hangal.

20 Ang sobrang pag-inom ng alak ay nagbubunga ng panunuya at kaguluhan, kaya ang taong naglalasing ay salat sa karunungan.
Ang poot ng hari ay parang atungal ng leon. Kapag ginalit mo siya, papatayin ka niya.
Ang pag-iwas sa gulo ay tanda ng karangalan; hangal lang ang may gusto ng kaguluhan.
Ang taong tamad mag-araro sa panahon ng pagtatanim ay walang makukuha pagdating ng anihan.
Ang isipan ng tao ay tulad ng malalim na balon, ngunit mauunawaan ito ng taong marunong.
Marami ang nagsasabi na sila ay tapat, ngunit mayroon kaya sa kanila ang mapagkakatiwalaan?
Ang taong matuwid ay walang kapintasan. Mapalad ang mga anak niya kung siya ang kanilang tinutularan.
Kapag ang hari ay humahatol, tinitiyak muna niya kung sino ang gumawa ng masama.
Walang sinumang makapagsasabi na ang puso niya ay malinis, na kailanman ay hindi siya nakagawa ng mali.
10 Ang madadayang timbangan at sukatan ay kasuklam-suklam sa paningin ng Dios.
11 Ang mga ginagawa ng isang kabataan ay nagpapakita ng kanyang tunay na pag-uugali, kung siya ba ay matuwid o hindi.
12 Ang taingang nakakarinig at matang nakakakita ay ang Panginoon ang siyang gumawa.
13 Kung tulog ka nang tulog maghihirap ka, ngunit kung magsisikap ka, ang iyong pagkain ay sasagana.
14 Pinipintasan ng mamimili ang kanyang binibili upang makatawad siya. Pero kung nabili na, hindi na niya ito pinipintasan, sa halip ay ipinagyayabang pa.
15 Marami ang ginto at mamahaling bato, ngunit iilan lamang ang nakapagsasalita nang may karunungan.
16 Kung may taong nangako na babayaran niya sa iyo ang utang ng taong hindi niya kilala, tiyakin mong makakakuha ka sa kanya ng garantiya, para makatiyak ka na babayaran ka niya.
17 Pagkaing nakuha sa pandaraya sa una ay matamis ang lasa, ngunit sa huli ay lasang buhangin na.
18 Humingi ka ng payo sa iyong pagpaplano o bago makipaglaban sa digmaan.
19 Ang taong masalita nagbubunyag ng sikreto, kaya iwasan mo ang ganyang uri ng tao.
20 Mamamatay ang sinumang sumumpa sa kanyang magulang, para siyang ilaw na namatay sa gitna ng kadiliman.
21 Ang mana na kinuha ng maaga sa bandang huliʼy hindi magiging pagpapala.
22 Huwag kang maghiganti. Magtiwala ka sa Panginoon, at tutulungan ka niya.
23 Nasusuklam ang Panginoon sa mga nandadaya sa timbangan. Hindi ito mabuting gawain.
24 Ang Panginoon ang nagkaloob nitong ating buhay, kaya hindi natin alam ang ating magiging kapalaran.
25 Bago mangako sa Dios ay isiping mabuti, baka magsisi ka sa bandang huli.
26 Sa paghatol, tinitiyak ng matalinong hari na malaman kung sino ang gumagawa ng kasamaan at saka niya parurusahan.
27 Ibinigay sa atin ng Panginoon ang ating budhi[b] at isipan upang makita ang ating kaloob-looban.
28 Ang haring mabuti at tapat ay hindi mapapahamak, at magtatagal siya sa kanyang luklukan.
29 Karangalan ng kabataan ang kanilang kalakasan, at karangalan naman ng matatanda ang kanilang katandaan.[c]
30 Kung minsan ang parusa ay nagdudulot ng mabuti para magbago tayo.

21 Ang isipan ng hari ay parang ilog na pinapadaloy ng Panginoon saan man niya naisin.
Inaakala ng tao na tama ang lahat ng kanyang ginagawa, ngunit ang Panginoon lang ang nakakaalam kung ano ang ating motibo.
Ang paggawa ng matuwid at makatarungan ay kalugod-lugod sa Panginoon kaysa sa paghahandog.
Ang mapagmataas na tingin at palalong isipan ay kasalanan. Ganyan ang ugali ng mga taong makasalanan.
Ang gawaing plinanong mabuti at pinagsikapan ay patungo sa kaunlaran, ngunit ang gawaing padalos-dalos ay maghahatid ng karalitaan.
Ang kayamanang nakuha sa pandaraya ay madaling mawala at maaaring humantong sa maagang kamatayan.
Ang karahasan ng masasama ang magpapahamak sa kanila, sapagkat ayaw nilang gawin ang tama.
Hindi matuwid ang gawain ng taong may kasalanan, ngunit matuwid ang gawain ng taong walang kasalanan.
Mas mabuti pang tumirang mag-isa sa bubungan ng bahay[d] kaysa sa loob ng bahay na ang kasama ay asawang palaaway.
10 Ang masasama ay laging gustong gumawa ng masama at sa kanilang kapwa ay wala silang awa.
11 Kapag ang manunuya ay pinarusahan mo, ang mga mangmang ay matututo. Kapag ang marunong naman ang tinuruan mo, lalo pa siyang magiging matalino.
12 Alam ng matuwid na Dios kung ano ang ginagawa ng sambahayan ng masasama, at parurusahan niya sila.
13 Ang hindi pumansin sa daing ng mahirap, kapag siya naman ang dumaing ay walang lilingap.
14 Kapag ang kapwa mo ay may galit sa iyo, mawawala iyon sa palihim na regalo.
15 Kapag katarungan ang umiiral, ang mga matuwid ay natutuwa, ngunit natatakot ang masasama.
16 Ang taong lumilihis sa karunungan ay hahantong sa kamatayan.
17 Ang taong maluho at puro pagdiriwang ay hindi yayaman kundi lalo pang maghihirap.
18 Pinarurusahan ang masasama at makasalanan upang iligtas ang taong matuwid.
19 Mas mabuti pang manirahan sa disyerto kaysa manirahan sa bahay na kasama ang asawang magagalitin at palaaway.
20 Ang taong marunong ay pinaghahandaan ang kanyang kinabukasan, ngunit ang mangmang, winawaldas ang lahat hanggang sa maubusan.
21 Ang taong namumuhay sa katuwiran at kabutihan ay hahaba ang buhay, magtatagumpay at pararangalan.
22 Mapapasuko ng matalinong pinuno ang bayan na maraming sundalo, at kaya niyang gibain ang mga pader na kanilang inaasahang tanggulan.
23 Ang taong nag-iingat sa kanyang mga sinasabi ay nakakaiwas sa gulo.
24 Ang taong palalo at mayabang ay makikilala mo dahil nangungutya siya at sukdulan ang kayabangan.
25 Kung marami kang ninanais ngunit tamad kang magtrabaho, iyon ang sisira sa iyo.
26 Ang taong tamad ay laging naghahangad na makatanggap, ngunit ang taong matuwid ay nagbibigay nang walang alinlangan.
27 Kinasusuklaman ng Panginoon ang handog ng taong masama, lalo na kung ihahandog niya ito ng may layuning masama.
28 Patitigilin sa pagsasalita ang saksing sinungaling, ngunit ang saksing nagsasabi ng katotohanan ay pakikinggan.
29 Ang taong masama ay hindi pinag-iisipan ang kanyang ginagawa, ngunit ang taong matuwid ay pinag-iisipan muna nang mabuti ang kanyang ginagawa.
30 Walang karunungan, pang-unawa o payo ang makakapantay sa Panginoon.
31 Kahit nakahanda na ang mga kabayo para sa labanan, ang Panginoon pa rin ang nagbibigay ng katagumpayan.

Footnotes

  1. 19:22 Ang gusto natin … matapat: o, Ang pagiging sakim ng tao ay nakakahiya.
  2. 20:27 budhi: o, espiritu.
  3. 20:29 katandaan: sa literal, uban.
  4. 21:9 Ang mga bahay noon sa Israel ay may patag na bubong.