Add parallel Print Page Options

11 Ang marayang timbangan ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang ganap na timbangan ay kaniyang kaluguran.

Pagka dumarating ang kapalaluan ay dumarating nga ang kahihiyan: nguni't nasa mababa ang karunungan.

Ang pagtatapat ng mga matuwid ay papatnubay sa kanila: nguni't ang mga kasuwailan ng mga taksil ay papatay sa kanila.

Ang mga kayamanan ay walang kabuluhan sa kaarawan ng poot: nguni't ang katuwiran ay nagliligtas sa kamatayan.

Ang katuwiran ng sakdal ay magtuturo ng kaniyang lakad: nguni't mabubuwal ang masama dahil sa kaniyang sariling kasamaan.

Ang katuwiran ng mga matuwid ay magliligtas sa kanila: nguni't silang gumagawang may karayaan ay madadakip sa kanilang sariling kasamaan.

Pagka ang masamang tao ay namamatay, ang kaniyang pag-asa ay mapapasa pagkapahamak; at ang pagasa ng masama ay nawawala.

Ang matuwid ay naliligtas sa kabagabagan, at ang masama ay dumarating na kahalili niya.

Pinapatay ng masama ng kaniyang bibig ang kaniyang kapuwa: nguni't sa kaalaman ay maliligtas ang matuwid.

10 Pagka napapabuti ang mga matuwid ang bayan ay nagagalak: at pagka ang masama ay namamatay, may hiyawan.

11 Nabubunyi ang bayan sa pamamagitan ng pagpapala ng matuwid: nguni't napapahamak sa pamamagitan ng bibig ng masama.

12 Siyang humahamak sa kaniyang kapuwa ay walang karunungan: nguni't ang taong naguunawa ay tumatahimik.

13 Siyang yumayaong mapaghatid dumapit ay naghahayag ng mga lihim: nguni't ang may diwang tapat ay nagtatakip ng bagay.

14 Kung saan walang pantas na pamamahala, ang bayan ay nababagsak: nguni't sa karamihan ng mga tagapayo ay may kagalingan.

15 Siyang nananagot sa di kilala, ay mapapariwara: nguni't siyang nagtatanim sa pananagot ay tiwasay.

16 Ang mapagbiyayang babae ay nagiimpok ng karangalan: at ang marahas na lalake ay pumipigil ng kayamanan.

17 Ang maawaing tao ay gumagawa ng mabuti sa kaniyang sariling kaluluwa: nguni't ang taksil ay bumabagabag sa kaniyang sariling laman.

18 Ang masama ay nakikinabang ng mga marayang sahod: nguni't ang naghahasik ng katuwiran ay nagtatamo ng tiwasay na ganting pala.

19 Siyang matatag sa katuwiran ay magtatamo ng buhay: at siyang humahabol ng kasamaan ay sa kaniyang sariling ikamamatay.

20 Silang suwail sa puso ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang gayong sakdal sa kanilang lakad ay kaniyang kaluguran.

21 Bagaman ang kamay ay makikikamay, ang masamang tao ay walang pagsalang parurusahan: nguni't ang binhi ng matuwid ay maliligtas.

22 Kung paano ang hiyas na ginto sa nguso ng baboy, gayon ang magandang babae na walang bait.

23 Ang nasa ng matuwid ay buti lamang: nguni't ang hintay ng masama ay poot.

24 May nagsasabog, at tumutubo pa, at may humahawak naman ng higit kay sa karampatan, nguni't nauuwi lamang sa pangangailangan.

25 Ang kaluluwang mapagbigay ay tataba: at siyang dumidilig ay madidilig din.

26 Siyang humahawak ng trigo ay susumpain siya ng bayan: nguni't kapurihan ay mapapasaulo niya na nagbibili niyaon.

27 Siyang humahanap na masikap ng mabuti ay humahanap ng lingap: nguni't siyang kumakatha ng sama ay sa kaniya lalagpak.

28 Siyang tumitiwala sa kaniyang mga kayamanan ay mabubuwal: nguni't ang matuwid ay mamumukadkad na parang sariwang dahon.

29 Siyang bumabagabag ng kaniyang sariling sangbahayan ay magmamana ng hangin: at ang mangmang ay magiging alipin ng pantas sa puso.

30 Ang bunga ng matuwid ay punong kahoy ng buhay; at siyang pantas ay humihikayat ng mga kaluluwa.

31 Narito, ang matuwid ay gagantihin sa lupa: gaano pa nga kaya ang masama at makasalanan!

11 Kinasusuklaman ng Panginoon ang nandaraya sa timbangan, ngunit ang nagtitimbang ng tama ay kanyang kinalulugdan.
Ang taong mayabang ay madaling mapahiya, ngunit may karunungan ang taong mapagpakumbaba.
Ang pamumuhay nang may katapatan ang gagabay sa taong matuwid, ngunit ang taong mandaraya ay mapapahamak dahil hindi tama ang kanyang pamumuhay.
Ang kayamanan ay hindi makakatulong sa araw ng paghuhukom, ngunit ang matuwid na pamumuhay ay magliligtas sa iyo sa kamatayan.
Ang matuwid at walang kapintasang pamumuhay ay makapagpapagaan ng buhay, ngunit ang masamang pamumuhay ay maghahatid ng kapahamakan.
Ang pamumuhay ng taong matuwid ang magliligtas sa kanya, ngunit ang hangad ng taong mandaraya ang magpapahamak sa kanya.
Kapag namatay ang taong masama, pag-asa niyaʼy mawawala, at ang kanyang mga inaasahan ay mawawalan ng kabuluhan.
Inililigtas ng Dios sa kahirapan ang matuwid, ngunit ang masama ay kanyang pinapabayaan.
Sinisira ng hindi makadios ang kapwa niya sa pamamagitan ng kanyang mga salita. Ang taong matuwid ay maililigtas ng kanyang kaalaman.
10 Kapag ang matuwid ay pinagpapala, mga taoʼy sumisigaw sa tuwa. At kapag ang masama ay napapahamak ganoon din ang kanilang ginagawa.
11 Umuunlad ang isang bayan sa pagpapala ng mga mamamayang matuwid, subalit nawawasak ito sa pamamagitan ng salita ng masama.
12 Ang taong walang pang-unawa ay kinukutya ang kapwa, ngunit ang taong may pang-unawa ay hindi nangungutya.
13 Ang mga taong madaldal ay nagsisiwalat ng sikreto ng iba, ngunit ang taong mapagkakatiwalaan ay nakakapagtago ng sikreto ng iba.
14 Babagsak ang bansa kung ang namumuno nito ay walang gumagabay, ngunit kung maraming tagapayo tiyak ang tagumpay.
15 Delikado ang mangakong managot sa utang ng iba, kaya iwasan itong gawin upang hindi ka magkaproblema.
16 Ang babaeng maganda ang ugali ay nag-aani ng karangalan, ngunit ang taong marahas ay magaling lang sa pag-angkin ng kayamanan. Ang taong tamad ay maghihirap,[a] ngunit ang taong masipag ay yayaman.
17 Kung mabait ka para iyon sa iyong kabutihan, ngunit kung malupit ka para iyon sa iyong kapahamakan.
18 Ang masamang tao ay hindi tatanggap ng tunay na gantimpala, ngunit ang gumagawa ng matuwid ay tatanggap ng tunay na gantimpala.
19 Ang taong gumagawa ng matuwid ay patuloy na mabubuhay, ngunit ang taong gumagawa ng masama ay mamamatay.
20 Kasuklam-suklam sa Panginoon ang pag-iisip ng masama, ngunit ang buhay na matuwid ay kalugod-lugod sa kanya.
21 Ang taong masama, tiyak na parurusahan, ngunit ang matuwid ay makakaligtas.
22 Ang magandang babaeng hindi marunong magpasya ay parang isang gintong singsing sa nguso ng baboy.
23 Ang ninanais ng matuwid ay pawang kabutihan, ngunit ang ninanais ng masama ay nagdudulot ng kaguluhan.
24 Ang mga taong mapagbigay ay lalong yumayaman, ngunit ang mga taong sakim ay hahantong sa kahirapan.
25 Ang taong mapagbigay ay magtatagumpay sa buhay; ang taong tumutulong ay tiyak na tutulungan.
26 Isinusumpa ang taong nagtatago ng paninda para maitinda ito kapag mataas na ang presyo, ngunit pinupuri ang taong hindi nagtatago ng paninda.
27 Ang taong naghahanap ng kabutihan ay makakatagpo nito, ngunit ang taong naghahanap ng gulo ay makakatagpo rin ng gulo.
28 Mabibigo ang taong nagtitiwala sa kanyang kayamanan, ngunit ang taong matuwid ay lalago na parang sariwang halaman.
29 Ang mga hangal na nagdadala ng gulo sa sariling tahanan ay walang mamanahin sa huli. Magiging alipin lang sila ng mga taong may karunungan.
30 Ang ginagawa ng mga taong matuwid ay makakatulong sa iba upang mapabuti at mapahaba ang kanilang buhay.[b] At madadala niya ang mga tao sa pamamagitan ng kanyang karunungan.
31 Ang mga ginagawa ng mga taong matuwid dito sa mundo ay ginagantihan ng kabutihan, gayon din sa makasalanan at hindi kumikilala sa Dios, ganti sa kanila ay kaparusahan.

Footnotes

  1. 11:16 Ang taong tamad ay maghihirap: Wala ito sa Hebreo, pero makikita sa Septuagint.
  2. 11:30 makakatulong … buhay: sa literal, punongkahoy na nagbibigay ng buhay.
'Kawikaan 11 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.