Karunungan ni Solomon 15
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Bunga ng Pagkilala sa Tunay na Diyos
15 Ngunit ikaw, aming Diyos, ay mabait, tapat at mapagpaumanhin.
Pinamamahalaan mo ang sansinukob nang may pagkahabag.
2 Kung kami man ay nagkakasala, kami'y iyo pa rin,
sapagkat kumikilala pa rin kami sa iyong kapangyarihan.
At yamang alam namin ito, hindi na kami magkakasala.
3 Ang pagkilala sa iyo ay ganap na pagiging-matuwid.
Ang pagkilala sa iyong kapangyarihan ang ugat ng pagiging walang kamatayan.
4 Hindi kami nailigaw ng anumang gawa ng likong kaalaman ng tao,
gaya ng isang walang kabuluhang larawang ginuhit ng pintor,
o ng isang imaheng pinintahan ng iba't ibang kulay.
5 Makita lamang ang mga ito ng mga mangmang ay nagsisiklab na agad ang kanilang pananabik
sa isang imaheng walang buhay at walang hininga.
6 Sinumang gumawa, magnasa, o sumamba sa gayong larawan ay umiibig sa isang bagay na masama,
at natatamo niya ang marapat sa kanya nang umasa siya sa bagay na iyon.
Ang Kahibangan ng Pagsamba sa mga Diyus-diyosang Putik
7 Minamasa ng magpapalayok ang malagkit na putik
at maingat na hinuhugisan upang gawing kasangkapan.
Mula sa iisang uri ng lupa,
gumagawa siya ng iba't ibang kasangkapan na ginagamit ng mga tao.
May ginagamit sa gawaing malinis at marangal,
at may ginagamit naman para sa maruruming bagay.
Tanging ang magpapalayok lamang ang nagpapasya,
kung alin-alin at kung saan-saan ito gagamitin.
8 Ang magpapalayok ay isang tao lamang.
Hindi pa nagtatagal na siya'y nilikha mula sa alabok,
at pagkatapos ay magbabalik uli sa alabok na pinanggalingan, kapag binawi sa kanya ang hiram niyang buhay.
Ngunit inaaksaya niya ang pagod at talino sa paglikha ng isang diyus-diyosang walang kabuluhan
mula sa putik na ginagamit niya sa paggawa ng palayok.
9 Hindi niya pansin na maikli lamang ang buhay sa mundo.
Nakikipagpaligsahan siya sa mga nagpapanday ng ginto, pilak, at tanso.
At ipinagmamalaki niya ang kanyang mga ginagawa, kahit na ang mga ito ay pawang huwad na diyus-diyosan.
10 Ang puso niya'y alabok lamang.
Mahalaga pa ang alabok kaysa kanyang pag-asa,
at ang putik na ginagamit niya'y mahalaga pa kaysa sa kanyang buhay,
11 sapagkat hindi niya nakilala ang Diyos na humugis sa kanya,
at nagbigay sa kanya ng kaluluwang nagpapasigla—
ang Diyos na nagkaloob sa kanya ng espiritung nagbibigay-buhay.
12 Ang buhay ng tao sa balat ng lupa'y isang laro lamang,
o isang pamilihang mapagkukunan ng pakinabang.
Kinakailangang siya'y magkamal ng maraming salapi kahit sa anong paraan—kahit sa masama.
Iyan ang kanyang paniwala.
13 Alam niya—higit sa sinuman—na siya'y nagkakasala sa paggawa ng mga diyus-diyosan
at marurupok na sisidlan mula sa iisang uri ng luwad.
Parusa sa mga Taga-Egipto
14 Ngunit, Panginoon, lalong hangal—
hangal pa kaysa sanggol na walang muwang—
ang mga kaaway na nagmalupit sa iyong bayan.
15 Inaari nilang diyos ang lahat ng mga imahen,
na mayroon ngang mata, ngunit hindi naman makakita.
May ilong ngunit hindi makahinga,
may tainga ngunit hindi makarinig.
May daliri ngunit hindi makadama.
May paa ngunit hindi makalakad.
16 Ang gumawa sa mga ito ay taong hiram lamang ang buhay.
Walang makakagawa ng isang diyus-diyosang maipapantay sa tao.
17 Ang lahat ng tao ay mamamatay balang araw,
ngunit ang hinugisan ng makasalanan niyang kamay sa mula't mula pa ay isa nang patay.
Higit pa siyang mahalaga kaysa larawang kanyang sinasamba, sapagkat siya ay buháy;
ngunit ang sinasamba niya ay hindi buháy at hindi naging buháy kahit kailan.
18 Sumasamba sila sa mga karumal-dumal na hayop,
pati na sa mga hayop na walang isip.
19 Mga hayop na walang angking kagandahan, na kahit bilang hayop ay walang magmahal.
Tila kinaligtaan nang ipakita ng Diyos ang kanyang pagkalugod at igawad ang kanyang pagpapala sa sangnilikha.