Karunungan ni Solomon 11
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang mga Israelita ay Pinangunahan ng Karunungan Habang Nasa Ilang
11 Pinapagtagumpay(A) din ng Karunungan ang mga Israelita noong panahon ng banal na propeta.
2 Nilakbay nila ang mga ilang at nagtayo ng tolda
sa mga dakong hindi pa natitirhan ng tao.
3 Hinarap nila ang kanilang mga kaaway at naitaboy ang mga ito.
4 Nang sila'y mauhaw, tumawag po sila sa iyo, Panginoon,
at binigyan mo sila ng tubig, mula sa isang batong buháy.
5 Ang mga pahirap na ginamit mo bilang parusa sa kanilang mga kaaway
ay pagpapala ring ginamit mo sa panahon ng kanilang pangangailangan.
Ang Parusa sa mga Taga-Egipto
6 Pinalabo mo ang mga bukal ng kanilang ilog na walang patid ang agos.
Bumaho ang tubig at namulang parang dugo.
7 Iyon ang parusa sa utos nilang patayin ang mga sanggol ng iyong bayan.
Ngunit ang bayan mo'y binigyan mo ng masaganang tubig sa panahong hindi nila inaasahan,
8 matapos silang magdanas ng uhaw sa ilang
upang matikman nila ang parusa na ginawa mo sa kanilang mga kaaway.
9 Pinaraan mo sila sa mahigpit na pagsubok; bagaman ang parusang iyon ay may halong habag,
upang malaman nila kung paano mo pinahihirapan ang masasama, kapag nagalit ka at sila'y hatulan.
10 Sila'y sinusubok mo bilang babala ng isang ama sa kanilang mga anak,
ngunit ikaw ang mahigpit na haring humatol sa mga kaaway.
11 Malayo man o malapit sila sa iyong bayan, pare-pareho mo silang pinahihirapan.
12 Sumidhi ang kanilang kalungkutan,
at naghinagpis sila habang inaalaala ang mga nangyari.
13 Nang malaman nila na ang kanilang kaparusahan ay naging kapakinabangan sa iyong bayan,
nabatid nilang ang mga iyon ay mula sa iyo, Panginoon.
14 Kinutya nila at ayaw pakitunguhan, ang lalaking itinapon noong sanggol pa,
ngunit pagkatapos ay hinangaan nila't kinagulatan.
Matinding di hamak ang uhaw na dinanas nila kaysa sa uhaw ng mga matuwid.
15 Dala(B) ng kanilang kahibangan at masamang isipan,
sumamba sila sa mga ahas at hayop na walang isip.
Dahil dito, pinadalhan mo sila ng makapal na hayop na walang isip,
16 upang malaman nila na ang mga bagay na kinakasangkapan nila sa pagkakasala ang siya mo ring ginagamit sa pagpaparusa.
17 Ang makapangyarihan mong kamay
ang lumikha sa daigdig mula sa wala.
Madali kang makakapagpadala ng mababangis na oso at leon upang maparusahan sila.
18 Maaari ka ring lumikha ng mababangis at di kilalang hayop
na bumubuga ng apoy at makapal na usok,
at ang mata'y nilalabasan ng apoy na parang kidlat.
19 Maaari kang lumikha ng ganyang mga hayop, na di na kailangang sumalakay para pumatay.
Makita lamang ang mga ito, mamamatay na sila sa takot.
20 Ngunit hindi na kailangan ang lahat ng iyan.
Maaari mo silang lipulin sa bagsik ng iyong katarungan,
o sa isang banayad na ihip ng iyong kapangyarihan.
Ngunit mas minabuti mong sukatin, bilangin at timbangin ang lahat mong ginagawa.
Makapangyarihan at Mahabagin ang Diyos
21 Maipapakita mo ang iyong kapangyarihan anumang oras,
at walang sinumang makakatutol.
22 Sa iyong paningin, para lamang isang butil ng buhangin na hindi halos makatikwas ng timbangan ang buong daigdig;
para lamang isang patak ng hamog sa umaga sa pisngi ng lupa.
23 Labis-labis ang iyong kapangyarihan para gawin ang anuman, ngunit mahabagin ka sa bawat kinapal.
Pinatawad mo ang aming mga kasalanan, at binibigyan mo kami ng panahong makapagsisi.
24 Mahal mo ang lahat ng bagay,
at wala kang hinahamak sa iyong mga nilalang.
Kung hindi gayon, bakit mo pa sila nilikha?
25 Walang anumang bagay na mananatili kung hindi mo kalooban,
at walang makapagpapatuloy kung hindi mo nilalang.
26 Ipinahintulot mong manatili ang bawat nilikha sapagkat bawat isa ay sa iyo.
Ang lahat ng nabubuhay ay mahal mo, Panginoon.