Add parallel Print Page Options

Iniligtas ni Judith ang Bansang Judio

Ang lahat ng nagaganap ay nakarating sa kaalaman ni Judith, anak na babae ni Merari, at apo ni Ox. Si Ox ang anak ni Jose na nagmula sa lahi nina Uziel, Elkias, Ananias, Gideon, Rafaim, Ahitub, Elias, Hilkias, Eliab, Nathanael, Salumiel, Sarasadai at Israel. Ang asawa ni Judith ay si Manases na mula rin sa kanyang lipi at sambahayan. Namatay ito noong panahon ng anihan ng sebada. Sa tindi ng init ng araw, bigla siyang nagkasakit samantalang pinamamahalaan niya ang pagbibigkis ng inaning sebada. Namatay siya sa Bethulia na kanyang bayan. Siya'y inilibing sa piling ng kanyang mga ninuno sa isang bukiring nasa pagitan ng Dotan at ng Balamon.

Tatlong taon at apat na buwan nang biyuda si Judith. Nang(A) siya'y mabiyuda, pinalagyan niya ng bubong ang itaas ng kanyang bahay at doon siya namalagi at di nag-aalis ng damit-panluksa. Sa loob ng panahong iyon, nag-aayuno siya araw-araw, maliban kung bisperas ng Araw ng Pamamahinga at kung mismong Araw ng Pamamahinga, kung bisperas ng bagong buwan at kung mismong bagong buwan, at kapag may kapistahan at mga araw ng pagdiriwang ang Israel. Napakaganda at kaakit-akit si Judith. Naiwanan siya ni Manases ng mga ginto at pilak, mga aliping lalaki't babae, bakahan at lupain. Siya ang namamahala sa mga naiwang ari-ariang ito ng kanyang asawa. Walang sinumang makapagpaparatang ng masama kay Judith, sapagkat isa siyang babaing may takot sa Diyos at laging nananalangin.

Kinausap ni Judith ang mga Pinuno ng Bayan

Nang mabalitaan nga ni Judith ang matinding pagrereklamo ng mga tao kay Uzias at sa mga pinuno ng bayan dahil sa kakulangan ng tubig, at kung paanong ipinangako ni Uzias na isusuko na sa mga taga-Asiria ang lunsod pagkalipas ng limang araw, 10 tinawag niya ang isang alilang babae na namamahala sa lahat niyang ari-arian. Pinapunta niya ito sa pinuno ng lunsod upang hilingin kina Uzias,[a] Cabris, at Carmis na makipagkita sa kanya.

11 Nang dumating ang mga pinuno, sinabi ni Judith, “Pakinggan ninyo ang sasabihin ko, kayong mga pinuno ng Bethulia. Wala kayong karapatang sabihin sa mga tao at isumpa sa harapan ng Diyos na isusuko ninyo sa kaaway ang lunsod natin kung hindi tutulong ang Panginoon sa loob ng limang araw. 12 Bakit(B) ninyo sinusubok ang Diyos? Itinaas ninyo ang inyong sarili at hindi ang Diyos. 13 Ano't sinusubok ninyo ang Panginoong Makapangyarihan sa lahat? Hindi na ba kayo natuto? 14 Kung(C) ang nasa loob ng isang tao ay di ninyo maunawaan, at di rin ninyo kayang unawain ang pag-iisip ng isang tao, gaano pa kaya ang Lumalang sa tao? Kaya ba ninyong tarukin ang pag-iisip ng Diyos? Hindi, mga kaibigan! Huwag ninyong udyukang magalit ang Panginoon nating Diyos. 15 Pagkat kung ayaw niyang tumulong sa atin sa loob ng limang araw, malaya pa rin niya tayong matutulungan kung kailan niya naisin, o kaya'y maipapasya rin niyang hayaan tayong mapahamak sa kaaway. 16 Hindi ninyo dapat limitahan ang Panginoon nating Diyos; hindi siya maaaring bantaan o pakitunguhang gaya ng isang tao lamang. 17 Kaya, hintayin natin ang kanyang pagliligtas sa atin. Samantala, manalangin tayo sa kanya. Kung kanyang mamarapatin, tutulungan niya tayo.

18 “Wala ni isa man ngayon sa ating lipi o sambahayan, purok o bayan, na sumasamba sa mga diyus-diyosang gawa ng tao bagaman iyon ay ginawa ng ating mga ninuno. 19 Nangyari ito nang nakaraang panahon at siya ngang naging dahilan ng pagkahulog ng ating mga ninuno sa kamay ng kaaway. Sila'y pinatay, sinamsaman ang kanilang lunsod at mga bahay; kahindik-hindik ang pagkawasak nila! 20 Subalit tayo'y walang ibang kinikilala kundi ang Panginoon nating Diyos, at nagtitiwala tayong hindi niya itatakwil ang sinuman sa ating lahi. 21 Sapagkat ang pagkabihag natin ay mangangahulugan ng pagkalipol ng buong Juda at pagkasira ng ating templo. Mananagot tayo sa Diyos kapag iyon ay nilapastangan. 22 Saanman tayo dalhin bilang mga alipin ng mga Hentil, susunod sa atin ang parusa ng Diyos, tulad ng pagkasawi at pagkabihag ng ating mga kababayan, at pagkatiwangwang ng minana nating lupain. 23 Wala tayong mapapala kung susuko't magpapaalipin tayo sa ating mga kaaway; ito'y loloobin ng Panginoon nating Diyos na maging ating kahihiyan.

24 “Kaya nga, mga kaibigan, maging huwaran tayo sa ating mga kababayan, sapagkat nasa mga kamay natin ang kaligtasan nila, pati ng santuwaryo, templo, at altar. 25 Dapat tayong magpasalamat sa Panginoon nating Diyos; sinusubok lamang niya tayo, gaya ng ginawa sa ating mga ninuno. 26 Alalahanin(D) ninyo ang pagsubok na ginawa kay Abraham at kay Isaac, at ang nangyari kay Jacob noong siya'y nasa Mesopotamia at naglilingkod bilang pastol ng kawan ni Laban na kanyang amain. 27 Hindi tayo ipinaiilalim ng Diyos sa mahigpit na kahirapan para subukin ang katapatan tulad ng nangyari sa ating mga ninunong iyon. At hindi rin siya naghihiganti sa atin; manapa'y dinidisiplina niya tayo para ituwid.”

28 At sumagot si Uzias, “Tama ang sinabi mo; totoong lahat ang iyong binanggit, at walang makapagpapabulaan diyan. 29 Hindi lamang ito ang kauna-unahang pagkakataon na pinatunayan mo ang iyong karunungan. Sapul pa sa iyong pagkabata, 30 napatunayan na namin ang matuwid mong paghatol. Subalit nagkakamatay na ang mga tao dahil sa uhaw, kaya't napilitan kaming mangako at sumumpang gayon ang gagawing hakbang. 31 Ikaw ay babaing may takot sa Diyos. Ipanalangin mo kami. Hingin mo sa Panginoon na magpaulan para mapuno ang ating mga balon nang hindi tayo manlupaypay sa kawalan ng tubig.”

32 Sumagot naman si Judith, “Pakinggan ninyo akong mabuti. Ako'y may gagawin at magugunita ito ng lahat ng salinlahi. 33 Magbantay kayo mamayang gabi sa pintuang-pasukan at ako nama'y lalabas na kasama ang aking lingkod. Bago sumapit ang araw na ipinangako ninyo upang isuko sa ating kaaway ang lunsod na ito, ililigtas ng Panginoon ang bansang Israel sa pamamagitan ko. 34 Subalit huwag ninyong sikapin pang malaman ang aking balak. Hindi ko sasabihin sa inyo hanggang hindi natutupad.” 35 Nang magkagayon, sinabi sa kanya ni Uzias at ng ibang pinunong-bayan, “Lumakad kang taglay ang pagpapala namin. Sumaiyo ang Diyos sa paghihiganting gagawin mo sa ating mga kaaway.” 36 At nilisan nila ang tahanan ng babae at nagbalik sa kanilang lugar.

Footnotes

  1. 10 Uzias: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang pangalang ito.