Judith 4
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Humandang Magtanggol ang Israel
4 Nabalitaan ng mga Israelitang naninirahan sa Juda ang tungkol kay Holofernes na punong kawal ni Haring Nebucadnezar, kung paanong sinalakay ng kanyang hukbo ang mga bansa, at winasak ang kanilang mga templo matapos samsamin ang lahat ng magustuhan. 2 Gayon na lamang ang takot nila sa kanya, at lubha silang nabahala, baka gayon din ang gawin sa Jerusalem at sa templo ng Panginoon na kanilang Diyos. 3 Kababalik pa lamang nila mula sa pagkabihag. Noon lamang nila itinalaga ang Templo, ang mga kagamitan nito at ang altar, matapos itong lapastanganin ng kaaway. 4 Kaya nga, nagpasabi sila sa buong Samaria, sa Kona, sa Beth-horon, sa Balmain at sa Jerico, gayon din sa Choba at Esora, hanggang sa kapatagan ng Salem. 5 Ang mga tao ay nagtakda ng mga bantay sa taluktok ng mga burol. Naglagay sila ng mga muog sa mga nayon at nag-imbak ng maraming pagkain bilang paghahanda sa digmaan; katatapos pa lamang nilang mag-ani noon.
6 Nang panahong iyon, si Joakim na pinakapunong pari sa Jerusalem ay sumulat sa mga taga-Bethulia at Bethomestaim, sa kapatagan ng Esdraelon, malapit sa Dotan. 7 Mahigpit niyang ipinagbilin na bantayang mabuti ang mga lagusang paakyat sa bundok sapagkat madaling mapapasok ang Judea mula rito. Hindi sila mahihirapang humarap sa mga hukbong sasalakay sapagkat sa kipot ng lagusan ay dalawang tao lamang ang nakakaraan. 8 Tinupad naman ng mga Israelita ang utos ni Joakim, gayon din ang pasya ng mga kinatawan ng buong bansang Israel na nagpulong sa Jerusalem.
Nanalangin sa Diyos ang mga Israelita
9 Bawat lalaki ay nagpakumbaba sa harapan ng Diyos, nag-ayuno at taimtim na nanalangin sa kanya. 10 Nagsuot(A) silang lahat ng damit-panluksa, pati ang kanilang asawa, mga anak, bayarang manggagawa, bawat dayuhang nakikipamayan sa kanila, at ang mga alipin nila, pati ang mga alaga nilang hayop. 11 Lahat ng naninirahan sa Jerusalem—lalaki, babae at bata—ay nagpatirapa sa harap ng templo, may abo sa kanilang ulo, at nakadamit-panluksa. 12 Tinakpan din nila ng telang sako ang altar at nagkakaisa silang sumamo sa Diyos na iligtas ang kanilang mga anak at asawa sa pagkabihag, gayon din ang kanilang mga lunsod. Idinalangin nila na ang templo'y hindi malapastangan ng mga taong di kumikilala sa Panginoon. 13 At(B) dininig ng Panginoon ang kanilang panalangin; sila'y kinaawaan sa gipit nilang katayuan.
Nag-ayuno ng matagal ang buong Juda at Jerusalem at nanatili sa santuwaryo ng Panginoong Makapangyarihan. 14 Si(C) Joakim na pinakapunong pari, ang mga paring humaharap sa Panginoon, at lahat ng naglilingkod sa templo ay nakadamit-panluksa kung nag-aalay ng mga handog na susunugin, mga kusang-loob na handog ng mga tao, at mga handog dahil sa panata. 15 Nilalagyan nila ng abo ang kanilang mga suot na putong sa ulo kung sila'y nananalangin para kalingain ng Panginoon ang buong sambahayan ng Israel.