Juan 9
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
9 Habang naglalakad si Jesus, nakita niya ang isang lalaking bulag mula pa sa pagkasilang. 2 Tinanong siya ng mga alagad niya, “Rabbi, sino ba ang nagkasala't ang lalaking ito ay ipinanganak na bulag, siya o ang kanyang mga magulang?” 3 Sumagot si Jesus, “Hindi ang lalaking ito, ni ang mga magulang niya ang nagkasala; ipinanganak siyang bulag upang sa pamamagitan niya, ang mga gawa ng Diyos ay maihayag. 4 Kailangan nating gawin ang mga gawa niya na nagsugo sa akin habang maliwanag pa; dumarating ang gabi at wala nang makagagawa nito. 5 (A)Habang ako ay nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan.” 6 Matapos niyang sabihin ito, dumura siya sa lupa at gumawa ng putik sa pamamagitan ng laway. Ipinahid niya iyon sa mata ng lalaki, 7 at sinabihan ito, “Humayo ka at maghilamos sa imbakan ng tubig ng Siloam” (na ang ibig sabihin ay isinugo). Kaya nagpunta siya at naghilamos—at bumalik siyang nakakakita na. 8 Ang mga kapitbahay at ang mga nakakita sa kanya noon na siya’y pulubi pa ay nagsimulang magtanong, “Hindi ba siya ang lalaking dating namamalimos?” 9 May ilang nagsasabing, “Siya nga iyon.” Ang iba naman ay nagsasabing, “Hindi, kamukha lang siya.” Ngunit paulit-ulit niyang sinasabing, “Ako ang taong iyon.” 10 Kung kaya paulit-ulit nila siyang tinatanong, “Kung gayon, ano'ng nangyari at nakakakita ka na?” 11 Sumagot siya, “Ang lalaking tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik, ipinahid niya iyon sa aking mga mata, at sinabihan akong pumunta sa Siloam at maghilamos. Kung kaya't nagpunta ako roon at naghilamos, at ako'y nakakita na.” 12 Sinabi nila sa kanya, “Nasaan siya?” Sinabi niya, “Hindi ko alam.”
13 Dinala nila sa mga Fariseo ang lalaking dating bulag. 14 Araw ng Sabbath noon nang gumawa ng putik si Jesus at pagalingin ang kanyang mga mata, 15 kaya nagsimula ring magtanong ang mga Fariseo sa lalaki kung paano siya muling nakakita. Sinabi niya sa kanila, “Pinahiran niya ng putik ang aking mga mata. Pagkatapos ay naghilamos ako, at ngayo’y nakakakita na ako.” 16 Ilan sa mga Fariseo ay nagsabing, “Ang taong ito ay hindi mula sa Diyos, dahil hindi niya sinusunod ang batas ng Sabbath.” Subalit ang iba naman ay nagsabi rin, “Paanong makagagawa ng mga himalang tulad nito ang isang makasalanang tao?” At sila ay nagkahati-hati. 17 Kaya sinabi uli nila sa bulag, “Ano'ng masasabi mo tungkol sa kanya na nagbigay sa iyo ng paningin?” Sinabi niya, “Siya ay propeta.”
18 Hindi makapaniwala ang mga Judio na siyang dating bulag ay nakakakita na. Kaya tinawag nila ang kanyang mga magulang 19 at tinanong nila ang mga ito, “Ito ba ang inyong anak na sinasabi ninyong ipinanganak na bulag? Paanong nangyari na nakakakita na siya ngayon?” 20 Sumagot ang kanyang mga magulang, “Alam naming siya ang aming anak, at siya ay ipinanganak na bulag. 21 Pero, hindi namin alam kung bakit nakakakita na siya ngayon, at kung sino ang nagpagaling sa kanya. Tanungin ninyo siya. Nasa tamang gulang na siya para magpaliwanag tungkol sa kanyang sarili.” 22 Sinabi ito ng mga magulang niya dahil takot sila sa mga Judio; nagkasundo na kasi ang mga Judio na ang sinumang magsabi na si Jesus ang Cristo ay palalayasin sa sinagoga. 23 Kaya sinabi ng mga magulang niya, “May sapat na gulang na siya; tanungin ninyo siya.” 24 Sa pangalawang pagkakataon, tinawag nilang muli ang lalaking dating bulag, at sinabi sa kanya, “Magbigay-luwalhati ka sa Diyos! Alam naming makasalanan ang taong iyon.” 25 Sumagot siya, “Hindi ko alam kung siya nga ay makasalanan. Isang bagay ang nalalaman ko, na ako ay dating bulag, at ngayon ay nakakakita na.” 26 Sinabi nila sa kanya, “Ano ang ginawa niya sa iyo? Paano niya pinagaling ang iyong mga mata?” 27 Sumagot siya sa kanila, “Sinabi ko na sa inyo, ngunit ayaw ninyong makinig. Bakit gusto ninyong marinig ito ulit? Gusto rin ba ninyong maging mga alagad niya?” 28 Kaya't pinagsabihan nila siya nang masakit, “Ikaw ay alagad niya, ngunit kami ay mga alagad ni Moises. 29 Alam naming nangusap ang Diyos kay Moises, ngunit ang taong iyon, hindi namin alam kung saan siya galing.” 30 Sumagot ang lalaki, “Nakapagtataka naman ito! Hindi ninyo alam kung saan siya galing, pero siya ang nagpagaling ng mga mata ko. 31 Alam nating ang Diyos ay hindi nakikinig sa mga makasalanan, at siya ay nakikinig sa sumasamba sa kanya at gumagawa ng kalooban niya. 32 Simula pa noon, wala pang nabalitaang sinuman na nagpagaling ng mga mata ng isang ipinanganak na bulag. 33 Kung ang taong ito ay hindi galing sa Diyos, wala siyang magagawa.” 34 Sumagot sila sa kanya, “Ipinanganak kang makasalanan at tinuturuan mo kami?” At pinalayas nila ang lalaki.
35 Narinig ni Jesus na itinaboy nila ang lalaki, at nang matagpuan niya ito'y sinabi niya, “Naniniwala ka ba sa Anak ng Tao?” 36 Sumagot ang lalaki, “Sino siya, ginoo? Sabihin mo sa akin upang maniwala ako sa kanya.” 37 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Nakita mo na siya, siya ngayon ang nagsasalita sa iyo.” 38 Sinabi niya, “Panginoon, naniniwala ako.” At sinamba niya si Jesus. 39 Sinabi ni Jesus, “Nagpunta ako rito sa sanlibutan upang humatol; at upang ang mga hindi nakakakita ay makakita, at ang mga nakakakita ay maging bulag.” 40 Narinig ito ng ilan sa mga Fariseong naroon kaya sinabi sa kanya, “Bulag din ba kami?” 41 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kung kayo ay bulag, hindi sana kayo nagkasala. Ngunit ngayong sinasabi ninyong nakakakita kayo, ang kasalanan ay nananatili sa inyo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.