Juan 6
Ang Biblia, 2001
Pinakain ni Jesus ang Limang Libo(A)
6 Pagkatapos ng mga bagay na ito, pumunta si Jesus sa kabilang pampang ng dagat ng Galilea, na siya ring Dagat ng Tiberias.
2 Sumusunod sa kanya ang napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga tanda na ginagawa niya sa mga maysakit.
3 Umakyat si Jesus sa bundok at doo'y naupo siya na kasama ng kanyang mga alagad.
4 Malapit na noon ang Paskuwa na pista ng mga Judio.
5 Itinanaw ni Jesus ang kanyang mga mata, at nang makita niya ang napakaraming taong lumalapit sa kanya ay sinabi niya kay Felipe, “Saan tayo makakabili ng tinapay, upang makakain ang mga taong ito?”
6 Ito'y sinabi niya upang siya'y subukin sapagkat nalalaman niya sa kanyang sarili kung ano ang gagawin niya.
7 Sumagot sa kanya si Felipe, “Hindi magkakasiya sa kanila ang dalawang daang denariong[a] tinapay, upang makakain ng kaunti ang bawat isa.”
8 Si Andres, na kapatid ni Simon Pedro, isa sa kanyang mga alagad ay nagsabi sa kanya,
9 “May isang batang lalaki rito na mayroong limang tinapay na sebada at dalawang isda, subalit gaano na ang mga ito sa ganito karaming mga tao?”
10 Sinabi ni Jesus, “Paupuin ninyo ang mga tao.” Madamo sa dakong iyon, kaya't umupo ang mga lalaki na may limang libo ang bilang.
11 Kinuha ni Jesus ang mga tinapay at nang makapagpasalamat ay ipinamahagi niya sa mga nakaupo. Binigyan din sila ng mga isda hanggang gusto nila.
12 Nang sila'y mabusog ay sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tipunin ninyo ang mga pinagputul-putol na lumabis upang walang anumang masayang.”
13 Kaya't kanilang tinipon ang mga ito at nakapuno ng labindalawang kaing ng mga pinagputul-putol na limang tinapay na sebada na lumabis sa mga kumain.
14 Nang makita ng mga tao ang tandang ginawa niya ay kanilang sinabi, “Totoong ito nga ang propeta na darating sa sanlibutan.”
15 Nang mahalata ni Jesus na sila'y lalapit at pipilitin siyang gawing hari, siya'y muling umalis na nag-iisa patungo sa bundok.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(B)
16 Pagsapit ng gabi, lumusong ang kanyang mga alagad sa dagat.
17 Sumakay sila sa isang bangka at pinasimulan nilang tawirin ang dagat hanggang sa Capernaum. Madilim na noon at hindi pa dumarating sa kanila si Jesus.
18 Lumalaki ang mga alon sa dagat dahil sa malakas na hanging humihihip.
19 Nang sila'y makasagwan na ng may lima hanggang anim na kilometro[b] ay kanilang nakita si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng dagat at papalapit sa bangka. Sila'y natakot,
20 subalit sinabi niya sa kanila, “Ako ito; huwag kayong matakot.”
21 Kaya't malugod siyang tinanggap nila sa bangka at kaagad na dumating ang bangka sa lupang kanilang patutunguhan.
Hinanap ng mga Tao si Jesus
22 Kinabukasan ay nakita ng mga taong nakatayo sa kabilang pampang ng dagat na doo'y walang ibang bangka maliban sa isa. Nakita rin nila na hindi sumakay sa bangka si Jesus na kasama ng kanyang mga alagad, kundi ang kanyang mga alagad lamang ang umalis.
23 Gayunman, may mga bangkang dumating mula sa Tiberias malapit sa pook na kanilang kinainan ng tinapay, pagkatapos na makapagpasalamat ang Panginoon.
24 Nang makita ng mga tao na wala roon si Jesus, o ang kanyang mga alagad man, sumakay sila sa mga bangka at dumating sa Capernaum na hinahanap si Jesus.
Si Jesus ang Tinapay ng Buhay
25 Nang siya'y kanilang makita sa kabilang pampang ng dagat, kanilang sinabi sa kanya, “Rabi, kailan ka dumating dito?”
26 Sinagot sila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ako'y inyong hinahanap hindi dahil sa nakakita kayo ng mga tanda, kundi dahil sa kayo'y kumain ng tinapay, at kayo'y nabusog.
27 Huwag kayong magsumikap nang dahil sa pagkaing nasisira, kundi dahil sa pagkaing tumatagal para sa buhay na walang hanggan na ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat sa kanya inilagay ng Diyos Ama ang kanyang tatak.”
28 Sinabi nila sa kanya, “Ano ang kailangan naming gawin upang aming magawa ang mga gawa ng Diyos?”
29 Sumagot si Jesus sa kanila, “Ito ang gawa ng Diyos na inyong sampalatayanan ang kanyang sinugo.”
30 Sinabi naman nila sa kanya, “Ano ngayon ang tanda na iyong ginagawa na aming makikita upang sumampalataya kami sa iyo? Ano ang iyong ginagawa?
31 Ang(C) aming mga ninuno ay kumain ng manna sa ilang, gaya ng nasusulat, ‘Kanyang binigyan sila ng tinapay na galing sa langit upang kanilang makain.’”
32 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit kundi ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit.
33 Sapagkat ang tinapay ng Diyos ay ang bumababang mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sanlibutan.
34 Sinabi nila sa kanila, “Panginoon, lagi mo kaming bigyan ng tinapay na ito.”
35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi kailanman mauuhaw.
36 Subalit sinabi ko sa inyo na nakita ninyo ako subalit hindi kayo sumasampalataya.
37 Ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin; at ang lumalapit sa akin kailanman ay hindi ko itataboy.
38 Sapagkat ako'y bumaba mula sa langit hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.
39 At ito ang kalooban ng nagsugo sa akin na sa lahat ng ibinigay niya sa akin ay huwag kong iwala ang anuman, kundi muli kong bubuhayin sa huling araw.
40 Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawat nakakakita sa Anak at sa kanya'y sumampalataya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw.”
41 Kaya't ang mga Judio ay nagbulung-bulungan tungkol sa kanya sapagkat kanyang sinabi, “Ako ang tinapay na bumabang galing sa langit.”
42 Kanilang sinabi, “Hindi ba ito'y si Jesus, ang anak ni Jose, na kilala natin ang kanyang ama at ina? Paano niya nasasabi, ‘Ako'y bumabang galing sa langit?’”
43 Sumagot si Jesus sa kanila, “Huwag kayong magbulung-bulungan.
44 Walang taong makakalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa akin; at siya'y muli kong bubuhayin sa huling araw.
45 Nasusulat(D) sa mga propeta, ‘At tuturuan silang lahat ng Diyos.’ Ang bawat nakarinig at natuto sa Ama ay lumalapit sa akin.
46 Hindi dahil sa mayroong nakakita sa Ama maliban sa kanya na mula sa Diyos. Siya ang nakakita sa Ama.
47 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sinumang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan.
48 Ako ang tinapay ng buhay.
49 Kumain ng manna sa ilang ang inyong mga ninuno, at sila'y namatay.
50 Ito ang tinapay na bumababang galing sa langit, upang ang sinumang makakain nito ay hindi mamatay.
51 Ako ang tinapay na buháy na bumabang galing sa langit. Kung ang sinuman ay kumain ng tinapay na ito, siya'y mabubuhay magpakailanman, at ang tinapay na aking ibibigay sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”
52 Kaya't ang mga Judio'y nagtalu-talo, na sinasabi, “Paanong maipakakain sa atin ng taong ito ang kanyang laman?”
53 Sinabi nga sa kanila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, malibang inyong kainin ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili.
54 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at siya'y muli kong bubuhayin sa huling araw.
55 Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin.
56 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako'y sa kanya.
57 Kung paanong ang buháy na Ama ay nagsugo sa akin at ako'y nabubuhay dahil sa Ama, gayundin ang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin.
58 Ito ang tinapay na bumabang galing sa langit, hindi gaya ng tinapay na kinain ng inyong mga ninuno at sila'y namatay. Ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”
59 Sinabi niya ang mga bagay na ito sa sinagoga, samantalang siya'y nagtuturo sa Capernaum.
Mga Salita ng Buhay na Walang Hanggan
60 Nang ito ay marinig ng marami sa kanyang mga alagad, sila ay nagsabi, “Mahirap ang pananalitang ito. Sino ang may kayang makinig nito?”
61 Subalit si Jesus, palibhasa'y nalalaman niya na ang kanyang mga alagad ay nagbubulungan tungkol dito, ay nagsalita sa kanila, “Ito ba ay nakakatisod sa inyo?
62 Ano nga kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng Tao sa kinaroroonan niya nang una?
63 Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay, ang laman ay walang anumang pakinabang. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay espiritu at buhay.
64 Subalit may ilan sa inyo na hindi sumasampalataya.” Sapagkat nalalaman na ni Jesus buhat pa nang una kung sinu-sino ang hindi sumasampalataya at kung sino ang magkakanulo sa kanya.
65 Sinabi niya, “Dahil dito'y sinabi ko sa inyo, walang taong makakalapit sa akin, malibang ipagkaloob sa kanya ng Ama.”
66 Dahil dito, marami sa kanyang mga alagad ay tumalikod at hindi na sumama sa kanya.
67 Kaya't sinabi ni Jesus sa labindalawa, “Ibig din ba ninyong umalis?”
68 Sumagot(E) sa kanya si Simon Pedro, “Panginoon, kanino kami pupunta? Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan.
69 Kami'y sumasampalataya at nalalaman namin na ikaw ang Banal ng Diyos.”
70 Sumagot sa kanila si Jesus, “Hindi ba pinili ko kayo, ang labindalawa, at ang isa sa inyo ay diyablo?”
71 Siya nga ay nagsasalita tungkol kay Judas na anak ni Simon Iscariote,[c] sapagkat siya na isa sa labindalawa ang magkakanulo sa kanya.